“Mga Ordenansa sa Templo: Paghahanda para Makabalik sa Piling ng Diyos,” Liahona, Hulyo 2022.
Mga Ordenansa sa Templo: Paghahanda para Makabalik sa Piling ng Diyos
Inaanyayahan ko kayong masigasig na pag-aralan at pahalagahan ang walang hanggang kahalagahan ng mga tipan sa templo, mga ordenansa sa templo, at pagsamba sa templo habang sinisikap ninyong lumapit sa Tagapagligtas.
Ang gawain ng Diyos at Kanyang kaluwalhatian ay “isakatuparan ang kawalang-kamatayan at buhay na walang hanggan ng tao” (Moises 1:39)—upang ihanda tayong mamuhay “sa mas dakila at mas banal na paraan”1 upang makabalik tayo sa Kanyang piling.
Sa Kanyang walang katapusan at walang hanggang awa, ang Panginoon, sa pamamagitan ng Kanyang mga propeta at apostol, ay patuloy na inanyayahan ang Kanyang mga anak na maghanda para sa Kanyang pagparito at maging mga mamamayan ng Sion—na handang magbangon upang salubungin Siya (tingnan sa Alma 12:24; 34:32; Doktrina at mga Tipan 45:45; 65:5; 88:96–97). At palaging mahalaga sa paghahandang iyan ang pag-aaral ng doktrina ni Jesucristo, pagsampalataya sa Kanya, pagsisisi, at pagtanggap ng mga sagradong tipan at ordenansa.
Ang mga halimbawa sa Lumang Tipan ng paanyaya ng Diyos sa Kanyang mga anak na maghandang ipamuhay ang mas mataas na batas at tanggapin ang mga tipan at ordenansa ng kaligtasan ay nagtuturo sa atin ngayon.
Sa Exodo, hinikayat ng Diyos ang Israel na maging “isang pag-aari na higit sa lahat” at pabanalin ang kanilang sarili bilang paghahanda sa pagharap sa Kanya (tingnan sa Exodo 19:4–6, 10–11, 17). Binigyan ni Jehova ang Israel ng “mga tapyas ng bato, at ang batas, at ang kautusan” (Exodo 24:12), at nakipagtipan sila sa Diyos, sinasabing, “Ang lahat ng sinabi ng Panginoon ay aming gagawin” (Exodo 19:8; tingnan din sa 24:3). Nangako ang Panginoon na kung sila ay masunurin sa kanilang mga tipan, mananahan Siya sa kanila (tingnan sa Exodo 29:45–46). Gayunman, nang masaksihan ng Israel ang “kaluwalhatian ng Panginoon” (Exodo 24:16) sa Bundok ng Sinai, sila ay natakot, tumayo sa malayo, at kalaunan ay naghimagsik laban sa Diyos (tingnan sa Exodo 20:18–21; 32:1–6).
Ang pangalawang halimbawa sa Lumang Tipan ay si Haring Solomon na nagtatayo ng isang bahay para sa Panginoon (tingnan sa 1 Mga Hari 6:11–13). Ang kaban ng tipan at iba pang mga sagradong sisidlan ay inilagay sa “dakong kabanal-banalan” (1 Mga Hari 8:6), at “napuno ng kaluwalhatian ng Panginoon … ang bahay ng Panginoon” (1 Mga Hari 8:11). Si Solomon ay nag-alay ng panalangin ng paglalaan at humingi ng temporal at espirituwal na mga pagpapala na ipagkakaloob sa nagsisisi at mapanalanging Israel. Narinig ng Panginoon ang kanilang mga dalangin ng pagsamo at nangako sa Israel ng malalaking pagpapala kung sila ay masunurin. Gayunpaman, tinalikuran ng Israel ang Panginoon at sumamba sa mga diyus-diyusan. (Tingnan sa 1 Mga Hari 9–11.)
Ang iba pang mga propeta sa Lumang Tipan ay masigasig na naghangad na turuan at pabanalin ang Israel upang “kanilang mamasdan ang mukha ng Diyos; subalit kanilang pinatigas ang kanilang mga puso at hindi nakatagal sa kanyang harapan” (Doktrina at mga Tipan 84:23–24).
Paulit-ulit na ang mga anak ni Israel ay hindi naniniwala, natatakot, o ayaw magbago; nais nila ang mas madaling landas; ang kanilang mga puso ay nakalagak sa mga bagay ng mundo; o kusang naghimagsik laban sa Panginoon at sa Kanyang mga propeta. Tuwing tatalikuran ng Israel ang Diyos at tinatalikuran ang kanilang mga tipan at ordenansa, ang galit ng Panginoon ay “nagsiklab laban sa kanila” (Doktrina at mga Tipan 84:24), at hindi nila matatanggap ang kaganapan ng Kanyang kaluwalhatian.
Ang Banal na Layunin ng Pagtitipon
Ang mga pagsisikap ng Panginoon na tipunin ang Kanyang mga tao at pagpalain sila sa pamamagitan ng mga tipan at ordenansa sa templo ay binanggit rin sa Bagong Tipan at Aklat ni Mormon. Nanaghoy ang Tagapagligtas, “Makailang ulit kong ninais na tipunin ang iyong mga anak, na gaya ng pagtitipon ng inahing manok sa kanyang mga sisiw sa ilalim ng kanyang mga pakpak, at ayaw ninyo!” (Mateo 23:37; tingnan din sa 3 Nephi 10:4–6).
Ipinaliwanag ni Propetang Joseph Smith: “Ano ang layunin ng pagtitipon ng … mga tao ng Diyos sa alinmang panahon ng mundo? … Ang pangunahing layunin ay magtayo ng bahay sa Panginoon upang maihayag Niya sa Kanyang mga tao ang mga ordenansa ng Kanyang bahay at ang mga kaluwalhatian ng Kanyang kaharian, at ituro sa mga tao ang daan ng kaligtasan … upang sila ay … tumanggap ng mga paghahayag mula sa langit, at maging ganap sa mga bagay ng kaharian ng Diyos—ngunit ayaw nila.”2
Nais ng Panginoon na tipunin ang Kanyang mga anak sa dispensasyong ito at ihayag ang “mga bagay na pinanatiling nakatago bago pa ang pagkakatatag ng daigdig, … lahat ng bagay na nauukol sa bahay na ito, at ang pagkasaserdote nito” (Doktrina at mga Tipan 124:41–42). Hinihikayat Niya tayong lahat na maghandang bumalik sa Kanyang piling—na ginawang posible sa pamamagitan ng Kanyang nagbabayad-salang sakripisyo: “Masdan, aking kalooban, na lahat sila na tumatawag sa aking pangalan, at sinasamba ako alinsunod sa aking walang hanggang ebanghelyo, ay dapat na sama-samang magtipon, at tumayo sa mga banal na lugar” (Doktrina at mga Tipan 101:22).
Bakit Napakahalaga ng mga Ordenansa sa Templo?
Ang mga templo ang pinakabanal sa lahat ng lugar ng sambahan. Lahat ng natututuhan at lahat ng ginagawa sa mga templo sa mga huling araw ay nagbibigay-diin sa dakilang plano ng kaligayahan ng Ama sa Langit, sa kabanalan ni Jesucristo, at sa Kanyang papel bilang ating Tagapagligtas. Ang mga tipang natatanggap at ang mga ordenansang isinasagawa sa mga templo ay mahalaga sa pagpapabanal ng ating mga puso at sa kadakilaan ng mga anak ng Diyos sa huli.
“At ang nakatataas na pagkasaserdoteng ito ang nangangasiwa ng ebanghelyo at humahawak ng susi ng mga hiwaga ng kaharian, maging ang susi ng kaalaman tungkol sa Diyos.
“Samakatwid, sa mga ordenansa nito, ang kapangyarihan ng kabanalan ay makikita.
“At kung wala ang mga ordenansa nito, at ang kapangyarihan ng pagkasaserdote, ang kapangyarihan ng kabanalan ay hindi makikita ng mga tao sa laman” (Doktrina at mga Tipan 84:19–21).
Ang mga sagradong ordenansa na natanggap nang karapat-dapat at patuloy na naaalaala ay nagbubukas ng mga lagusan sa langit na mapagdadaluyan ng kapangyarihan ng kabanalan sa ating buhay. Sa pagtanggap ng mga ordenansa ng priesthood at paggawa at pagtupad ng mga sagradong tipan, tayo ay kasama sa pamatok at kaisa ng Tagapagligtas (tingnan sa Mateo 11:28–30)3 at mabibiyayaan ng lakas na higit pa sa sarili nating lakas upang madaig ang mga tukso at hamon ng mortalidad habang naghahanda tayong makabalik sa piling ng Diyos.
Ang mga Pagpapala ng mga Tipan at mga Ordenansa sa Templo
Dalawa sa mahahalagang pagpapalang natatanggap mula sa mga tipan at ordenansa sa templo ay ang dagdag na kagalakan at kapangyarihan.
Ang Manunubos ang tunay at tanging pinagmumulan ng tumatagal na kagalakan. Nagmumula ang tunay na kagalakan sa pananampalataya sa Panginoong Jesucristo, karapat-dapat na pagtanggap at matapat na pagtupad sa mga sagradong ordenansa at tipan, at lubusang pagsisikap na magbalik-loob sa Tagapagligtas at sa Kanyang mga layunin.
Itinuro ni Alma sa kanyang anak na ang higit na kabanalan at kagalakan sa ating buhay ay nagiging posible kapag tayo ay nalinis at pinabanal sa pamamagitan ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo. Tanging sa pananampalataya sa ating Manunubos, pagsisisi, at pagtupad ng mga tipan natin matatanggap ang tumatagal na kaligayahan na nais nating maranasan at mamalagi sa atin.4
Pansinin ang ipinangakong kagalakan ni Pangulong Russell M. Nelson: “Inaanyayahan natin ang lahat ng anak ng Diyos sa magkabilang panig ng tabing na lumapit sa kanilang Tagapagligtas, tanggapin ang mga pagpapala ng banal na templo, magkaroon ng walang-hanggang kagalakan, at maging karapat-dapat sa buhay na walang hanggan.”5
Sa ating panahon habang nagngangalit ang kapangyarihan ng kadiliman “at sadyang kaygulo ng lahat,”6 ang kapangyarihang magprotekta ay para sa bawat isa sa atin sa pamamagitan ng mga tipan at ordenansa sa templo (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 38:32; 43:16; 76:39–42; 105:11–12, 33; 138:12–15). Nakita ni Nephi sa pangitain at “namasdan ang kapangyarihan ng Kordero ng Diyos, na ito ay napasa … mga pinagtipanang tao ng Panginoon, … at nasasandatahan sila ng kabutihan at kapangyarihan ng Diyos sa dakilang kaluwalhatian” (1 Nephi 14:14).
Sa panalangin ng paglalaan ng Kirtland Temple, nagsumamo si Propetang Joseph Smith sa Ama “upang ang inyong mga tagapaglingkod ay makahayo mula sa bahay na ito na sakbit ang inyong kapangyarihan” at “na walang pagsasabuwatan ng kasamaan … ang makapaghihimagsik at magwawagi sa inyong tao na kung kanino ang inyong pangalan ay inilagay sa bahay na ito” (Doktrina at mga Tipan 109:22, 26).
Dapat sikapin ng bawat isa sa atin na pag-aralan at mas maunawaan ang kapangyarihang magprotekta ng mga tipan at ordenansa sa bahay ng Panginoon—upang tayo bilang mga disipulo ay “tatayo sa mga banal na lugar, at … hindi matitinag” (Doktrina at mga Tipan 45:32) at “makatagal sa araw na masama” (Mga Taga Efeso 6:13).
Paanyaya at Patotoo
Inaanyayahan ko kayong masigasig na pag-aralan at pahalagahan ang walang hanggang kahalagahan ng mga tipan sa templo, mga ordenansa sa templo, at pagsamba sa templo habang sinisikap ninyong lumapit sa Tagapagligtas at matanggap ang mga pagpapalang naging posible sa pamamagitan ng Kanyang Pagbabayad-sala. At masaya kong pinatototohanan na ang Diyos Ama at ang Kanyang Anak na si Jesucristo, ay buhay at ang Kanilang pinakadakilang hangarin ay makabalik tayo sa Kanilang piling at makibahagi sa Kanilang kaluwalhatian (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 97:16; 101:38).