2022
Sa Patnubay sa Panginoon
Hulyo 2022


“Sa Patnubay ng Panginoon,” Liahona, Hulyo 2022.

Mga Tinig ng mga Banal sa mga Huling Araw

Sa Patnubay sa Panginoon

Sa gitna ng paghihirap, nalaman ko na magagawa ko ang mahihirap na bagay.

nars na tumutulong sa pasyente

Paglalarawan ni Stephanie Hock

Bilang nurse anesthetist sa US Navy Reserve sa panahon ng pandemyang COVID-19, ako ay pinakilos at nadestino sa emergency field hospital sa Jacob K. Javits Convention Center sa New York City, at naging frontline worker sa kasagsagan ng paglaganap ng COVID-19 sa lunsod.

Nang simulan ko ang aking mga tungkulin, napuno ako ng mga pag-aalala. Nag-alala ako lalo na sa pangangalaga sa mga pasyente at sa paglaban sa nakapagpapahinang virus na ito.

Para akong si Nephi, na “pinatnubayan ng Espiritu, nang sa simula ay hindi pa nalalaman ang mga bagay na nararapat kong gawin” (1 Nephi 4:6). Ang ideyang ito ay nakatulong sa akin na magtiwala sa Ama sa Langit at madalas na manalangin na marinig ko ang Kanyang tinig, sundin ang Kanyang mga tagubilin, at ibigay ang lahat ng makakaya ko sa aking mga pasyente.

Sa unang gabi ko sa pangangalaga sa kanila, ipinasok sa ospital ang isang pasyente na nasa kritikal na kalagayan. Nang simulan namin ng mga kasamahan ko na suriin ang kanyang katayuan, agad kong natuklasan na Espanyol lang ang alam niyang wika. Ako lang ang nagsasalita ng Espanyol doon, dahil natutuhan ko ito sa aking misyon sa Venezuela.

Nang simulan kong kausapin ang pasyente, itinanong niya kung magiging OK ang lahat. Tiniyak ko sa kanya na pinangangalagaan siyang mabuti doon. Nadama ko ang tiwala at kapanatagan sa kanyang mga mata. Sa buong magdamag, binisita ko siya nang madalas, gumagawa ng assessment at nagbibigay ng mga update. Sa loob ng ilang araw, malaki ang ibinuti ng kanyang kalagayan at pinalabas na siya.

Sa aking tungkulin, marami akong nakilalang mga pasyente na Espanyol lang ang alam na wika. Ang kakayahan kong makipag-usap sa kanila ay nagbigay sa kanila ng kapanatagan at katiyakan sa kanilang paggaling. 

Habang pinagninilayan ko ang karanasang ito ng paghingi ng patnubay ng langit para maalagaan kong mabuti ang mga pasyente, naalala ko ang payo ni Elder Brook P. Hales ng Pitumpu. Sinabi niya na ang Ama sa Langit ay nasa “mga detalye ng ating buhay” at “may karapatan tayo sa palagiang pagdaloy ng banal na patnubay sa pamamagitan ng impluwensya at inspirasyon ng Espiritu Santo.”1

Lubos kong nalaman na ang kakayahan kong magsalita ng Espanyol ay kasing-halaga ng kaalaman ko sa medisina. Habang inaalagaan ko ang ibang tao, nagkaroon din ako ng malinaw na pananaw na sa gitna ng paghihirap, at sa patnubay ng Panginoon, magagawa ko ang mahihirap na bagay.