“Isang Magiliw na Awa mula sa Panginoon,” Liahona, Hulyo 2022.
Mga Tinig ng mga Banal sa mga Huling Araw
Isang Magiliw na Awa mula sa Panginoon
Sa loob ng maraming taon, inisip ko kung walang kabuluhan ang gawaing misyonero ko sa French Riviera.
Noong binata pa ako, nagmisyon ako nang 30 buwan sa France, mula 1955 hanggang 1958. Sa huling walong buwan ko sa misyon, tinawag akong maglingkod bilang branch president sa Cannes. Ang Cannes Branch ay maliit, na wala pang 10 aktibong miyembro.
Sinabi sa amin ng aming mission president na balak niyang isara ang branch kung wala kaming mabibinyagan. Himalang hiniling kaagad ng tatlong matatandang babae na mabinyagan. Pagkatapos ng kanilang binyag, lumipat ang isa sa kanila sa Dijon, kung saan walang branch ng Simbahan, at nahirapan ang dalawa na manatiling aktibo sa Simbahan. Gayunpaman, tinulungan kami ng mga bagong miyembrong ito ng Simbahan na panatilihing bukas ang branch.
Para na ninyong nakita na nagulat ako nang bumalik ako sa Cannes noong 1990s kasama ang asawa kong si Kathleen, na makakita ng bagong kapilya ng mga Banal sa mga Huling Araw sa Le Cannet, isang magandang kapitbahayan sa dalisdis kung saan tanaw ang Cannes. Dito nagpupulong ang isang masigla at marami nang miyembro na ward na umaasam na mahati na. Nang marinig ng kongregasyon ang abang kuwento ng aking panahon sa Cannes, nakorner kami ng tatlong lola na sumapi sa Simbahan noong 1960s.
“Kung hindi nanatiling bukas ang Cannes Branch,” sabi nila sa amin, “hindi sana namin nalaman ang tungkol sa Pagpapanumbalik ng Simbahan ni Cristo! Ngayon, lahat kami ay may mga apong lalaki na naglilingkod sa mission field.”
Habang sama-sama kaming nagalak sa masayang resulta ng pagpapanatiling bukas ng branch, isang kilalang ginoo ang sumali sa pag-uusap namin.
“Ako si Brother Paya, at sumapi rin ako sa Simbahan sa Cannes noong 1960s,” sabi niya. “Ako ang dating bishop dito, pangulo ng Nice Stake, at mission president sa Spain.”
Kalaunan, si Brother Paya ay naging pangulo ng Madrid Spain Temple at Area Seventy. Lahat kami ay naiyak sa kagalakan nang marinig ang kanilang mga kuwento.
Napakagiliw na awa ng Panginoon para sa akin na malaman na ang gawaing misyonero namin sa French Riviera ay hindi nasayang, tulad ng inakala ko sa loob ng napakaraming taon. Maingat na pinangangasiwaan ng Panginoon ang ating mga pagsisikap at ginagawang matagumpay ang mga ito, bagama’t hindi natin nakikita ang kahihinatnan nito sa hinaharap na tulad Niya.