“Buhat-buhat Kita,” Liahona, Hulyo 2022.
Mga Tinig ng mga Banal sa mga Huling Araw
Buhat-buhat Kita
Ang nadama kong matinding damdamin ay napakalakas kung kaya’t ako ay napaluhod.
Maraming taon akong nahirapan sa trauma at pagkabalisa dahil sa aksidenteng naranasan namin ng mga magulang ko noong tatlong taong gulang ako. Hindi nakaligtas ang kapatid kong lalaki na hindi pa naisilang.
Sa ika-25 anibersaryo ng aksidente, nagkaroon ako ng flashback. Makalipas ang ilang buwan, nahihirapan pa rin ako nang imungkahi ng isang kaibigan na bumaling ako sa aking Ama sa Langit. Tumawa ako at pagkatapos ay itinanong ko, “Ano ang gagawin Niya para sa akin?”
Nagpatuloy ang aking mga paghihirap. Pagkaraan ng isa o dalawang taon, pagod na ako na nasasaktan ako at nauuwi na ito sa galit. Sinunod ko ang payo ng aking kaibigan at nagsimulang bumaling sa Diyos.
“Kung talagang nariyan Kayo, magsugo po Kayo ng isang tao—kahit sino,” ang dalangin ko. “Kailangan ko po ng isang tao!”
Dumating at lumipas ang araw habang nakatayo ako sa pintuan ko, na naghihintay sa wala.
“Diyos ko, tingnan Ninyo, walang nagmamalasakit!” sabi ko. “Walang dumating!”
Habang tumutulo ang aking mga luha, dahan-dahan akong pumasok sa bahay at isinara ko ang pinto. Umakyat ako sa hagdan na damang talunan ako. Pero nang makarating ako sa itaas ng hagdan, may matinding damdamin akong nadama. Napakalakas nito kung kaya’t napaluhod ako.
Pagkatapos ay pumasok ito sa aking isipan: “ReNae, buhat-buhat kita.”
Ipinadala ng Ama sa Langit ang matinding ideyang iyon sa akin sa magiliw na paraan nang kailangang-kailangan ko ito. Natanto ko na mahal nga Niya ako at kilala nga Niya ako. Mahal na mahal Niya ako kaya binigyan Niya ako ng kalayaang moral. Hindi Niya ako pipilitin o ang sinuman na sumunod sa Kanya, ngunit inaanyayahan Niya tayo at ng Kanyang Anak na lumapit sa Kanila (tingnan sa Mateo 11:28–30).
Simula noong araw na iyon, alam ko na maaari akong umasa sa Kanya. Mas maganda na ang buhay ko ngayon dahil sinisikap kong sundin Siya at pakinggan Siya araw-araw. Bagama’t tinutulutan ako ng Ama sa Langit at ni Jesucristo na makadama ng sakit, binibigyan din Nila ako ng kapayapaan, kapanatagan, lakas, at tapang upang matuto ako sa paggawa ng mahihirap na bagay. Ang nadaramang pasakit ay tumutulong sa akin na maunawaan at masuportahan ang iba pang nahihirapan.
Maaaring hindi natin lubos na malaman kung ano ang pinagdaraanan ng iba, pero maipapakita natin ang pagmamahal sa mga nasa paligid natin. Nagpapasalamat ako na alam ko na mahal ako ng aking Ama sa Langit at nakikinig sa akin kapag nananalangin ako sa Kanya.