“Pagiging Mas Malapit kay Jesucristo,” Liahona, Hulyo 2022.
Para sa mga Magulang
Pagiging Mas Malapit kay Jesucristo
Minamahal na mga Magulang,
Ibinigay sa atin ng Panginoon ang Kanyang ebanghelyo, ang priesthood, mga templo, at marami pang ibang mga resource para tulungan tayong matuto tungkol sa Kanya at maghandang magbalik sa Kanya. Ang isyung ito ng magasin ay nagbabahagi ng mga paraan na lahat tayo ay maaaring mas mapalapit kay Cristo sa kabila ng mga hamon na nakapaligid sa atin.
Mga Talakayan tungkol sa Ebanghelyo
Ang Templo: Ang Pinakabanal na Lugar ng Pagsamba
Sa pahina 4, maaari mong gamitin ang mga turo mula kay Elder David A. Bednar para ituro sa iyong pamilya ang kahalagahan ng mga ordenansa sa templo. Kasunod ng artikulong iyon ang koleksyon ng mga patotoo mula sa mga miyembro sa buong mundo tungkol sa mga bagong templo sa kanilang lugar. Ipakita sa iyong pamilya ang chart sa pahina 12 para makita ang paglago sa bilang ng mga templo na ibinalita kamakailan. Paano mas inilalapit ng mga ordenansa sa templo ang mga indibiduwal at pamilya sa Ama sa Langit at kay Jesucristo?
Ano ang mga Banal na Kasulatan?
Maaari mong gamitin ang artikulo sa Mga Pangunahing Aral ng Ebanghelyo sa pahina 22 para ituro kung ano ang mga banal na kasulatan at bakit mahalagang pag-aralan ang mga ito at ang mga turo ng mga makabagong propeta.
Gagabayan Tayo ng Panginoon
Sa pahina 40, tinalakay ni Elder Ciro Schmeil ang mga halimbawa ng mga taong naging kasangkapan sa mga kamay ng Panginoon. Basahin ang ilang sipi mula sa artikulo at talakayin sa mga miyembro ng pamilya kung paano sila magiging bukas sa mga pahiwatig ng Espiritu at magiging mga kasangkapan sa mga kamay ng Panginoon.
Katuwaan ng Pamilya sa Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin
Para sa Pagkakataong Ganito
Matapang si Esther sa paglapit sa hari at pagliligtas sa kanyang mga tao.
-
Umupo nang pabilog at hilingin sa isang kapamilya na magbanggit ng isang bayani sa banal na kasulatan na matapang, na naglalahad ng isang paraan kung saan nagpakita ang tao ng tapang (halimbawa: Esther, tapang na magsalita).
-
Ang susunod na tao sa bilog ay magbabanggit ng pangalan ng unang bayani at pagkatapos ay pipili ng iba pang tao sa mga banal na kasulatan na sa palagay nila ay matapang at ipapaliwanag kung bakit.
-
Magpatuloy sa paligid ng bilog, na binabanggit ang pangalan ng bawat tauhan sa banal na kasulatan na napili at nagdaragdag ng bago. Patuloy na maglaro hanggang sa magkaroon ng pagkakataon ang lahat ng miyembro ng pamilya.
Talakayan: Paano tayo magiging matapang sa ating panahon at sa ating mga partikular na kalagayan? Paano natin mapagpapala ang buhay ng iba kapag kumikilos tayo nang buong tapang at ginagawa ang tama?Â
Mga Bilang na Hindi Mababago
Basahin ang kuwento ni Eliseo at ng batang tagapagsilbi sa 2 Mga Hari 6:8–23.
-
Kumuha ng manipis na patpat na madaling mabali.
-
Sabihin sa isang tao na baliin ito.
-
Pagsamahin ang 10 o mas marami pang patpat. Sabihin sa tao ring iyon na baliin ang grupo ng mga patpat nang hindi inihihiwalay ang kahit isa dito.
-
Bakit mas mahirap ang hamon sa ikalawang pagkakataon?
-
Basahin ang 2 Mga Hari 6:16-17: “Huwag kang matakot: sapagkat ang mga kasama natin ay higit kaysa mga kasama nila. At si Eliseo ay nanalangin, at nagsabi, Idinadalangin ko sa iyo Panginoon, na buksan mo ang kaniyang mga mata upang siya’y makakita. At binuksan ng Panginoon ang mga mata ng binata; at siya’y nakakita. Ang bundok ay puno ng mga kabayo at ng mga karwahe ng apoy sa palibot ni Eliseo.”
-
Sino ang nakita ni Eliseo at ng binatang lingkod na nagpoprotekta sa kanila?
-
Basahin ang sumusunod: “Tulad ng lingkod na iyon ni Eliseo, mas marami ang sumasainyo kaysa nakikita ninyong sumasalungat sa inyo. Ang ilan na kasama ninyo ay hindi makikita ng inyong mortal na mga mata” (Henry B. Eyring, “O Kayong Humahayo,” Liahona, Nob. 2008, 58).
Talakayan: Basahin ang Doktrina at mga Tipan 84:88. Kung minsan kapag nadarama nating nag-iisa tayo, paano tayo magtitiwala na hindi tayo nag-iisa? Paano tayo pinoprotektahan at tinutulungan ng Panginoon ngayon? (Para sa mga ideya, tingnan sa Ronald A. Rasband, “Huwag Kayong Mabagabag,” Liahona, Nob. 2018, 18–21.)