2022
Mga Templo: Isang Mahalagang Perlas
Hulyo 2022


“Mga Templo: Isang Mahalagang Perlas,” Liahona, Hulyo 2022.

Welcome sa Isyung Ito

Mga Templo: Isang Mahalagang Perlas

Brigham City Utah Temple

Larawan ng Brigham City Utah Temple

Napakalaking pagpapala ang makita ang mabilis na pagtatayo ng mga templo sa iba’t ibang panig ng mundo (tingnan sa pahina 12). Nagagalak tayo kasama ng mga miyembro ng Simbahan habang inilalaan ang mga bagong templo sa kanilang mga lugar.

Umaasa kami na pahahalagahan ng lahat ng tao ang templo at hindi mahuhulog sa pagkakamaling inilarawan ni Pangulong Boyd K. Packer (1924–2015), Pangulo ng Korum ng Labindalawang Apostol. Sa kanyang talinghaga tungkol sa perlas at sa kahon, isinalaysay niya na isang craftsman ang gumawa ng magandang kahon para maidispley ang isang mahalagang perlas. Gayunman, nang makita ng mga tao ang perlas, ang kahon ang hinangaan nila. (Tingnan sa “The Cloven Tongues of Fire,” Ensign, Mayo 2000, 7; Liahona, Hulyo 2000, 7.)

Mangyari pa, ang mahalagang perlas sa loob ng templo ay kinabibilangan ng mga ordenansa, tipan, at ipinangakong mga pagpapala na matatanggap lamang natin sa templo. Tulad ng itinuturo ni Elder David A. Bednar ng Korum ng Labindalawang Apostol sa isyung ito: “Lahat ng natututuhan at lahat ng ginagawa sa mga templo sa mga huling araw ay nagbibigay-diin sa dakilang plano ng kaligayahan ng Ama sa Langit, sa kabanalan ni Jesucristo, at sa Kanyang papel bilang ating Tagapagligtas. Ang mga tipang natatanggap at ang mga ordenansang isinasagawa sa mga templo ay mahalaga sa pagpapabanal ng ating mga puso at sa kadakilaan sa huli ng mga anak ng Diyos” (pahina 6).

Habang binabasa mo ang artikulo ni Elder Bednar at ang mga patotoo ng mga miyembrong sumusunod dito (pahina 8), inaanyayahan namin kayong alalahanin ang mga tipang ginawa ninyo sa templo. Kung matagal na kayong nakadalo sa templo, inaanyayahan namin kayong magbalik at muling madama ang kagalakan at kapayapaang matatagpuan sa bahay ng Panginoon. Kung hindi pa kayo nakapunta sa templo, inaanyayahan namin kayong ihanda ang inyong sarili na “mapagkalooban ng kapangyarihan mula sa kaitaasan” (Doktrina at mga Tipan 38:32).

Elder Kevin R. Duncan

Ng Pitumpu

Executive Director ng Temple Department