Seminary
Lesson 78—Doktrina at mga Tipan 64:20–43: “Hinihingi ng Panginoon ang Puso at may Pagkukusang Isipan”


“Lesson 78—Doktrina at mga Tipan 64:20–43: ‘Hinihingi ng Panginoon ang Puso at May Pagkukusang Isipan,’” Manwal ng Titser ng Seminary para sa Doktrina at mga Tipan (2025)

“Doktrina at mga Tipan 64:20–43,” Manwal ng Titser ng Seminary para sa Doktrina at mga Tipan

Lesson 78: Doktrina at mga Tipan 64–66

Doktrina at mga Tipan 64:20–43

“Hinihingi ng Panginoon ang Puso at may Pagkukusang Isipan”

bukid ni Isaac Morley

Nang hangarin ng mga naunang Banal na itatag ang Sion, hiniling ni Jesucristo sa kanila na magsakripisyo at mag-ambag sa iba’t ibang paraan. Sa patuloy nating pagsisikap na sundin si Jesucristo, hinihiling Niya na ibigay natin sa Kanya ang ating puso at may pagkukusang isipan. Ang lesson na ito ay makatutulong sa mga estudyante na makadama ng mas matinding hangaring ibigay sa Panginoon ang kanilang puso at may pagkukusang isipan.

Mga Posibleng Aktibidad sa Pag-aaral

Mga personal na ari-arian

Maaari mong simulan ang klase sa pamamagitan ng pagsasabi sa mga estudyante na mag-isip ng mga personal na ari-arian na itinuturing nilang mahalaga. Maaari kang magbigay ng mga tanong na maaaring magbigay-daan sa pagbabahagi sa klase o sa maliliit na grupo. Halimbawa:

  • Ano ang isang bagay na pag-aari mo na pinagsikapan mong matamo?

  • Ano ang isang bagay na pag-aari mo na mahirap para sa iyo na ibigay sa iba? Bakit magiging mahirap ito?

Ang bukid ni Isaac Morley

Maaari mong ipakita ang larawan sa simula ng lesson na ito at ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang sumusunod na impormasyon.

Nagsikap nang husto sina Isaac at Lucy Morley na magkaroon ng isang masaganang 80-acre na bukid malapit sa Kirtland, Ohio. Bilang bahagi ng kanilang mga paniniwala sa relihiyon, inanyayahan nila ang mga tao na manirahan sa kanilang lupain, nagbahagi ng kanilang mga ari-arian, at ginawang magkakatulad sa lahat ng bagay ang isa’t isa. Nang tumigil ang mga missionary na mga Banal sa mga Huling Araw sa Kirtland, ipinangaral nila ang mensahe ng Pagpapanumbalik sa mga naninirahan sa bukid ni Morley. Kabilang sa mga nagbalik-loob ay sina Isaac at Lucy Morley. Hindi nagtagal matapos silang mabinyagan, malugod na tinanggap ng mga Morley sina Joseph at Emma Smith na manirahan sa kanilang bukid. (Tingnan sa Susan Easton Black, Who’s Who in the Doctrine and Covenants [1997], 198.)

Basahin ang Doktrina at mga Tipan 64:20, at alamin ang mga tagubilin ng Panginoon kay Isaac Morley.

  • Sa iyong palagay, paano ka tutugon kung ikaw ang nasa sitwasyon ni Isaac? Bakit?

  • Paano makatutulong sa iyong pagsunod ang kaalamang nagmula sa Tagapagligtas ang tagubilin?

Ipaliwanag na iniutos noon pa kay Isaac na ipagbili ang kanyang bukid at tumanggi ito. Ngunit nang matanggap niya ang paghahayag na ito, masunuring ipinagbili ni Isaac ang kanyang bukid, ibinigay ang pera sa Simbahan, at inilipat ang kanyang pamilya sa Missouri upang tumulong sa pagtatayo ng Sion. Maaari mo ring ipaliwanag na sinabihan ang ibang kalalakihan sa paghahayag na ito na huwag ipagbili ang kanilang mga ari-arian (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 64:21, 26). Inilaan ng mga kalalakihang ito ang kanilang mga ari-arian sa Panginoon sa pamamagitan ng paggamit sa mga ito upang suportahan ang Simbahan at mga Banal sa Kirtland. Maaaring magandang pagkakataon ito para ipaalala sa mga estudyante ang mga katotohanang natutuhan nila tungkol sa Tagapagligtas at sa batas ng paglalaan sa Doktrina at mga Tipan 42:29–39.

Hinihingi ng Panginoon ang ating puso at may pagkukusang isipan

Ipaliwanag na bagama’t maaaring hindi iniuutos sa atin ng Panginoon na ipagbili ang ating ari-arian, may mga bagay Siyang hinihiling sa atin habang nagsisikap tayong sumunod sa Kanya.

Basahin ang Doktrina at mga Tipan 64:22, 34. Alamin ang mga hinihingi ng Panginoon sa atin.

  • Ano ang nalaman mo?

Tulungan ang mga estudyante na matukoy na hinihingi ng Panginoon na ibigay natin sa Kanya ang ating puso at may pagkukusang isipan.

Mag-isip ng mga paraan para matulungan ang iyong mga estudyante na mas maunawaan ang ibig sabihin ng ibigay sa Panginoon ang ating puso at may pagkukusang isipan. Ang isang paraan ay anyayahan ang mga estudyante na ipagpalagay na hiniling sa kanilang tumulong sa pagsusulat ng isang lesson sa Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin para sa Doktrina at mga Tipan 64. Nang mag-isa o sa maliliit na grupo, maaaring pag-aralan ng mga estudyante ang mga sumusunod na banal na kasulatan o ang mga banal na kasulatang nahanap nila nang mag-isa, pagkatapos ay magsulat ng paliwanag kung ano ang ibig sabihin ng ibigay sa Panginoon ang ating puso at may pagkukusang isipan. Pahintulutan sila na ibahagi at talakayin ang isinulat nila.

Hikayatin ang mga estudyante na maghangad ng personal na paghahayag para malaman kung paano nila personal na maibibigay sa Panginoon ang kanilang puso at may pagkukusang isipan.

Basahin ang mga sumusunod na scripture passage at maghanap ng mga kabatirang makatutulong sa iyo na maunawaan ang ibig sabihin ng ibigay sa Panginoon ang ating puso at may pagkukusang isipan. Maaari kang magsulat ng paliwanag sa iyong study journal.

Mga Turo sa mga Banal na Kasulatan

Mga Halimbawa mula sa Buhay ng Tagapagligtas

  • Paano naging mabuting halimbawa si Jesucristo ng pagbibigay ng Kanyang puso at may pagkukusang isipan sa Ama sa Langit?

  • Sa mga pagsisikap mong sundin si Jesucristo, paano nakagawa ng kaibhan sa iyong buhay ang pagbibigay sa Kanya ng iyong puso at may pagkukusang isipan?

Maaari kang maglaan ng oras para tulungan ang mga estudyante na maunawaan na may pagkakaiba sa pagitan ng paggawa lamang ng iniuutos sa atin ng Panginoon at pagsunod sa Kanya nang may puso at may pagkukusang isipan.

Maaari mong anyayahan ang mga estudyante na ilista sa pisara ang maraming kautusan na iniuutos sa atin ng Panginoon na sundin o mga sakripisyo na maaari Niyang ipagawa sa atin. Sabihin sa mga estudyante na talakayin nang magkakapartner o sa maliliit na grupo kung paano natin maibibigay sa Panginoon ang ating puso at may pagkukusang isipan habang ginagawa natin ang mga bagay na ito. Halimbawa, maaari nilang talakayin kung paano natin maibibigay sa Panginoon ang ating puso at may pagkukusang isipan habang nagsisikap tayong panatilihing banal ang araw ng Sabbath.

Personal na pagninilay

Kung pinili mong isulat sa pisara ang mga kautusan o sakripisyo, sabihin sa mga estudyante na tingnan ang listahan at pagnilayan ang kanilang kahandaang gawin ang mga bagay na ito. Maaari mong tagubilinan ang mga estudyante na magdrowing ng puso at isipan sa kanilang study journal. Maaari mong i-display ang larawan sa ibaba bilang isang template. Sabihin sa kanila na pag-isipan kung gaano kalaking bahagi ng kanilang puso at isipan ang ibinibigay nila sa Tagapagligtas at pagkatapos ay kulayan ang larawan batay sa laki ng ibinibigay nila sa Kanya. Pagkatapos ay maaari mo silang anyayahang pag-isipan at isulat ang kanilang mga sagot sa mga sumusunod na tanong.

isipan at puso
  • Ano ang natutuhan mo ngayon na makadaragdag sa iyong hangaring ibigay sa Panginoon ang iyong puso at may pagkukusang isipan?

  • Sa iyong palagay, paano makatutulong sa iyo ang pagbibigay ng iyong puso at isipan sa Tagapagligtas para maging higit na katulad Niya?

Maaari mong anyayahan ang mga estudyante na ibahagi ang nadama at natutuhan nila. Maaari ka ring magpatotoo o magbahagi ng isang karanasan kung saan nakita mong ibinigay ng isang tao sa Panginoon ang kanyang puso at may pagkukusang isipan.