“Lesson 92—Doktrina at mga Tipan 82:8–24: ‘Ako, ang Panginoon, ay Nakatali Kapag Ginawa Ninyo ang Aking Sinabi,’” Manwal ng Titser ng Seminary para sa Doktrina at mga Tipan (2025)
“Doktrina at mga Tipan 82:8–24,” Manwal ng Titser ng Seminary para sa Doktrina at mga Tipan
Lesson 92: Doktrina at mga Tipan 81–83
Doktrina at mga Tipan 82:8–24
“Ako, ang Panginoon, ay Nakatali Kapag Ginawa Ninyo ang Aking Sinabi”
Inanyayahan ng Tagapagligtas ang mga miyembro ng United Firm o Nagkakaisang Samahan na ibigkis ang kanilang sarili sa pamamagitan ng tipan para pamahalaan ang mga gawain ng Kanyang Simbahan. Siya ay nagbigay sa kanila ng mga kautusan at nangakong pagpapalain sila kapag sinunod nila ito. Kapag tayo ay nakikipagtipan na sundin ang mga kautusan ni Jesucristo, nangangako Siyang pagpapalain tayo. Ang lesson na ito ay makatutulong sa mga estudyante na maunawaan kung paano tuparin ang mga tipang ginagawa natin sa Ama sa Langit at kay Jesucristo.
Mga Posibleng Aktibidad sa Pag-aaral
Nakabigkis sa Panginoon
Ang sumusunod na object lesson ay makatutulong sa mga estudyante na pagnilayan ang kanilang ugnayan sa Ama sa Langit at kay Jesucristo. Magpakita ng dalawang magnet sa mga estudyante. Maaaring ipakita ng isang estudyante kung paanong kapag nagkakalapit ang mga magnet, dumidikit o lumalayo ang mga ito sa isa’t isa. Sabihin sa mga estudyante na ipagpalagay na ang isa sa mga magnet ay kumakatawan kay Jesucristo at ang isa pa ay kumakatawan sa kanila.
-
Ano ang matututuhan natin tungkol sa ating ugnayan sa Ama sa Langit at kay Jesucristo mula sa mga magnet na ito?
Sabihin sa mga estudyante na isipin ang kanilang ugnayan sa Ama sa Langit at kay Jesucristo. Habang pinag-aaralan ng mga estudyante ang Doktrina at mga Tipan 82, hikayatin silang maghangad ng personal na paghahayag tungkol sa kung paano nila mapapatibay ang kanilang ugnayan sa Ama sa Langit at kay Jesucristo.
“Ako, ang Panginoon, ay nakatali kapag ginawa ninyo ang aking sinabi”
Sa Doktrina at mga Tipan 82, inulit ng Panginoon ang mga tagubilin na ibinigay sa mas naunang paghahayag (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 78). Ang mga tagubilin ay para sa pagtatatag ng Nagkakaisang Samahan upang mapamahalaan ang mga temporal na gawain ng Simbahan at maitayo ang Sion.
Ang Doktrina at mga Tipan 82:10 ay isang doctrinal mastery passage. Maaari mong sabihin sa mga estudyante na markahan ang mga doctrinal mastery passage sa natatanging paraan para madali nilang mahanap ang mga ito.
Basahin ang Doktrina at mga Tipan 82:8–10, at alamin kung ano ang itinuro ng Panginoon tungkol sa Kanyang mga kautusan.
-
Ano ang dahilan ng Tagapagligtas sa pagbibigay sa atin ng mga kautusan?
-
Ano ang ipinapangako ng Tagapagligtas kung susundin natin ang Kanyang mga kautusan?
Sabihin sa mga estudyante na ipahayag muli ang isang katotohanan mula sa mga talatang ito gamit ang sarili nilang mga salita. Maaari din nila itong isulat sa kanilang journal o sa pisara. Maaaring matukoy ng mga estudyante ang mga katotohanang tulad nito: Kapag sinusunod natin ang mga kautusan ng Panginoon, nangangako Siya na pagpapalain tayo.
Ano ang itinuturo ng mga talatang ito sa inyo tungkol sa katangian ng Ama sa Langit at ni Jesucristo?
Upang matulungan ang mga estudyante na matukoy kung kailan nila nasasaksihan ang katuparan ng katotohanang ito, maaari mong gawin ang isang aktibidad na tulad ng sumusunod:
Hatiin ang klase sa maliliit na grupo. Sabihin sa bawat grupo na maghanap ng mga halimbawa ng pagpapala ng Tagapagligtas sa mga tao dahil sa pagsunod sa Kanyang mga kautusan. Maaaring maglista ang mga estudyante ng mga halimbawa mula sa mga banal na kasulatan, sa sarili nilang buhay, o sa buhay ng mga taong kilala nila. Pagkatapos ng sapat na oras, maaari mong sabihin sa mga grupo na magsalitan sa pagbabahagi ng mga halimbawa. Maaari mong talakayin kung ano ang matututuhan natin mula sa mga halimbawang ito tungkol sa kahandaan ng Tagapagligtas na tuparin ang Kanyang mga pangako.
Ibinigkis ng tipan
Maaari mong tulungan ang mga estudyante na makita kung paano itinuturo ng talata 1 ang tungkol sa ating pakikipagtipan sa Ama sa Langit at kay Jesucristo. Sa pamamagitan ng mga tipan, nangangako tayo sa Ama sa Langit at kay Jesucristo, at nangangako Sila sa atin.
-
Ano sa palagay ninyo ang itinuturo ng talata 10 tungkol sa mga tipang ginagawa natin sa Ama sa Langit at kay Jesucristo?
Basahin ang sumusunod na pahayag ni Pangulong Russell M. Nelson, at alamin ang itinuro niya tungkol sa mga tipan.
Kapag nakipagtipan tayo sa Diyos, nililisan natin ang kawalan ng kaalaman sa mabuti at masama. Hindi tatalikuran ng Diyos ang Kanyang ugnayan sa mga taong nagkaroon ng gayong pagkakabigkis sa Kanya. Sa katunayan, ang lahat ng nakipagtipan sa Diyos ay maaaring makatanggap ng espesyal na uri ng pagmamahal at awa. …
Kapag kayo at ako ay nakipagtipan sa Diyos, nagiging mas malapit ang ating ugnayan sa Kanya kaysa noong bago tayo makipagtipan. Ngayon ay nakabigkis na tayo sa isa’t isa. Dahil sa ating tipan sa Diyos, hindi Siya kailanman mapapagod sa Kanyang mga pagsisikap na tulungan tayo, at hindi kailanman mauubos ang Kanyang maawaing pasensya sa atin. Ang Diyos ay may espesyal na pagmamahal para sa bawat isa sa atin. Malaki ang inaasahan Niya para sa atin. (Russell M. Nelson, “Ang Walang Hanggang Tipan,” Liahona, Okt. 2022, 5, 6).
-
Ano sa palagay ninyo ang mahalagang tandaan mula sa pahayag na ito?
Ang pagtupad sa mga tipan ay nagdudulot ng mga pagpapala
Bilang bahagi ng tagubilin ng Panginoon sa mga lider ng Nagkakaisang Samahan, pinayuhan Niya sina Joseph Smith, Oliver Cowdery, Edward Partridge, at iba pa na “mataling magkakasama ng isang bigkis at tipan” (Doktrina at mga Tipan 82:11) upang mapamahalaan ang mga temporal na gawain ng Simbahan. Bilang mga pinagtipanang anak ng Diyos, nakikipagtipan din tayong gawin ang ilang bagay kapag sinusunod natin si Jesucristo.
Maaari mong hatiin ang klase sa dalawang grupo at anyayahan ang bawat grupo na magtipon ng isa sa mga sumusunod na listahan. Maaaring isulat ng mga estudyante ang kanilang mga listahan sa pisara.
Basahin ang Doktrina at mga Tipan 82:12–19 at ilista ang iniutos ng Panginoon sa mga miyembro ng Nagkakaisang Samahan na gawin bilang pakikipagtipan.
Basahin ang Mosias 18:8–10 at Doktrina at mga Tipan 20:77 at ilista ang mga iniuutos sa atin ng Panginoon na gawin ngayon bilang pakikipagtipan.
-
Ano ang pinakanapansin ninyo mula sa mga listahang ito?
-
Paano nagkakatulad ang mga responsibilidad na ito sa tipan?
-
Sa inyong palagay, paano makatutulong sa atin ang pagtupad sa ating mga tipan na maging katulad ng Tagapagligtas?
Basahin ang Doktrina at mga Tipan 82:24, at alamin ang ipinapangako ng Panginoon sa mga taong tumutupad sa kanilang mga tipan sa Kanya.
Maaari mong ipakita ang magkadikit na magnet. Sabihin sa mga estudyante na ibahagi ang natutuhan nila mula sa lesson na ito tungkol sa ugnayan nila kay Jesucristo. Maaari mo ring ibahagi ang iyong nadarama tungkol sa mga pagpapalang natanggap mo sa paggawa at pagtupad ng mga tipan sa Ama sa Langit at kay Jesucristo.
Isaulo ang doctrinal mastery
Sa lesson na ito, maaari mong tulungan ang mga estudyante na maisaulo ang Doktrina at mga Tipan 82:10 at ang mahalagang parirala ng banal na kasulatan na “Ako, ang Panginoon, ay nakatali kapag ginawa ninyo ang aking sinabi.” Pagkatapos ay maaari mo itong rebyuhin sa mga lesson sa hinaharap. Ang mga ideya para sa mga aktibidad sa pagsasaulo ay nasa mga materyal sa appendix sa ilalim ng “Mga Aktibidad sa Pagrerebyu ng Doctrinal Mastery.”