Seminary
Lesson 93—I-assess ang Iyong Pagkatuto 6: Doktrina at mga Tipan 76–83


“Lesson 93—I-assess ang Iyong Pagkatuto 6: Doktrina at mga Tipan 76–83,” Manwal ng Titser ng Seminary para sa Doktrina at mga Tipan (2025)

“I-assess ang Iyong Pagkatuto 6,” Manwal ng Titser ng Seminary para sa Doktrina at mga Tipan

Lesson 93: Doktrina at mga Tipan 81–83

I-assess ang Iyong Pagkatuto 6

Doktrina at mga Tipan 76–83

kabataang nagha-hiking

Ang pag-uukol ng oras upang makita ang paglago at espirituwal na pag-unlad ay makapagpapatibay sa ating ugnayan sa Ama sa Langit at kay Jesucristo at makahihikayat sa atin na manatili sa landas ng tipan. Ang lesson na ito ay makatutulong sa mga estudyante na suriin ang kanilang espirituwal na paglago mula sa kanilang napag-aralan na sa Doktrina at mga Tipan.

Mga Posibleng Aktibidad sa Pag-aaral

Ang lesson na ito ay naglalayong tulungan ang mga estudyante na i-assess ang kanilang kakayahang ipaliwanag ang mga turo sa Doktrina at mga Tipan, suriin ang mga mithiing itinakda nila, at sukatin kung paano nagbabago ang kanilang mga pag-uugali, hangarin, at kakayahang ipamuhay ang ebanghelyo. Ang pag-aaral ng iyong klase ng Doktrina at mga Tipan 76–83 ay maaaring nakatuon sa mga katotohanang naiiba sa mga binigyang-diin sa lesson. Kung gayon, maaari mong iakma ang mga aktibidad para maisama ang mga katotohanang mas pamilyar sa iyong mga estudyante.

Pagpapahalaga sa paglago at pag-unlad

taong nagha-hiking
taong nagbibisikleta
taong tumatakbo

Kung maaari, simulan ang klase sa pagpapakita ng mga larawan ng mga taong nagha-hiking, nagbibisikleta, at tumatakbo. Sabihin sa mga estudyante na itaas ang kanilang kamay kung nagawa na nila ang isa o mahigit pa sa mga aktibidad na ito. Pagkatapos, sabihin sa mga estudyante na panatilihing nakataas ang kanilang kamay kung nakasali na sila sa isang nakapahaba o nakapahirap na pagtakbo, pag-hike, o pagbibisikleta. Anyayahan ang ilang estudyanteng nakataas ang mga kamay na ilarawan ang kanilang karanasan. Maaari mong talakayin ang ilang tanong tulad ng sumusunod:

  • Ano ang magagawa ninyo para masiyahan sa paglalakbay?

  • Paano natin maikukumpara ang ganoong uri ng paglalakbay sa proseso ng pagiging higit na katulad ni Jesucristo?

  • Ano ang mga paraan na mas masisiyahan tayo sa proseso ng espirituwal na paglago at mapahahalagahan ito?

    Anyayahan ang mga estudyante na isipin ang natutuhan nila sa Doktrina at mga Tipan, kung paano nila ito isinabuhay, at ang kanilang mga espirituwal na paglalakbay. Maaari nilang pagnilayan kung paano nakatulong ang Tagapagligtas sa anumang progreso nila.

  • Paano ninyo nalalaman na mas umuunlad at lumalago kayo palapit sa Panginoon?

  • Paano kayo tinutulungan ng Panginoon?

Ang mga sumusunod na aktibidad ay ginawa upang tulungan ang mga estudyante na matukoy, mapahalagahan, at masuri ang mas partikular na pag-unlad at paglago.

Pagpapaliwanag ng tatlong antas ng kaluwalhatian

Maaari mong gamitin ang isang sitwasyong tulad ng sumusunod upang tulungan ang mga estudyante na alalahanin at i-assess ang kanilang naunawaan tungkol sa tatlong antas ng kaluwalhatian sa plano ng Ama sa Langit. Kung kinakailangan, maaaring baguhin ng mga estudyante ang mga detalye sa sitwasyon upang matiyak na totoo ito sa kanila.

Kunwari ay may malapit kang kaibigan na nagngangalang Olivia na hindi miyembro ng Simbahan ngunit matibay ang paniniwala kay Jesucristo. Isang araw, lumapit siya sa iyo at nagtanong: “Ano ang pinaniniwalaan ng mga miyembro ng Simbahan ninyo tungkol sa kabilang-buhay? Itinuro sa akin na mapupunta ang lahat sa langit o impyerno, ngunit narinig kong naniniwala ang mga miyembro ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw sa maraming langit. Ano ang ibig sabihin niyon?”

Maglaan ng ilang minuto sa pagsusulat ng sagot kay Olivia na nagpapaliwanag ng inyong pag-unawa at kaalaman sa tatlong antas ng kaluwalhatian. Kung gusto ninyo, maaari kayong magsama ng mga drowing upang tulungan si Olivia na mailarawan sa isipan ang ipinapaliwanag ninyo.

Matapos makumpleto ng mga estudyante ang kanilang mga paliwanag, maaari mong anyayahan ang ilan na ibahagi ang isinulat nila o isadula ang sitwasyon sa harap ng klase.

Kung hindi ito babanggitin ng mga estudyante, itanong sa kanila kung paano ipinapakita ng tatlong antas ng kaluwalhatian ang pagmamahal at awa ng Ama sa Langit at ni Jesucristro (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 76:40–43). Linawin na ang pagmamana ng isang kaharian ng kaluwalhatian, kabilang na ang kaluwalhatiang selestiyal, ay posible lamang sa pamamagitan ni Jesucristo (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 76:69–70).

Tanungin ang mga estudyante kung ano ang natutuhan nila mula sa karanasang ito. Kung may mga tanong ang mga estudyante tungkol sa tatlong antas ng kaluwalhatian, tanungin ang klase kung makakakita sila ng mga talata sa Doktrina at mga Tipan 76 na makatutulong na sagutin ang kanilang mga tanong. Maaari mo ring rebyuhin ang ilan sa mga materyal mula sa mga nakaraang lesson.

Pagpipitagan sa Ama sa Langit at kay Jesucristo

Maaari mong anyayahan ang mga estudyante na gumawa ng listahan ng anumang bagay na natutuhan nila kamakailan sa Doktrina at mga Tipan na nagpaibayo ng kanilang pagmamahal, pagpapahalaga, at pagpipitagan sa Ama sa Langit at kay Jesucristo. Maaari ding isama ng mga estudyante ang mga karanasan sa tahanan, mga tagpo sa Simbahan, o sa ibang lugar na nagpatibay sa kanilang ugnayan sa Ama sa Langit at kay Jesucristo.

Maaaring makatulong na anyayahan ang mga estudyante na rebyuhin ang Doktrina at mga Tipan 63:58–64; 76:19–24 at anumang talang maaaring naisulat nila habang pinag-aaralan ang mga talatang ito dati.

Maaari mong ipakita ang sumusunod na tanong at anyayahan ang mga estudyante na sumagot upang matulungan silang i-assess ang kanilang kasalukuyang pagsisikap, hangarin, at pag-unlad:

  • Ano ang natutuhan ninyo tungkol sa Ama sa Langit at kay Jesucristo na nagpapaibayo sa inyong pagmamahal, pagpapahalaga, at pagpipitagan sa Kanila?

Hikayatin ang ilang estudyante na magbahagi. Maaari mo ring ibahagi ang mga naiisip mo.

Pag-aaral at pagninilay sa mga banal na kasulatan

Sina Joseph Smith at Sidney Rigdon habang nag-aaral ng mga banal na kasulatan

Maaari mong ipakita ang larawan sa itaas at itanong ang mga sumusunod:

  • Ano ang ginagawa nina Joseph Smith at Sidney Rigdon bago nila natanggap ang pangitain tungkol sa tatlong antas ng kaluwalhatian?

  • Ano ang natutuhan ninyo mula sa kanilang karanasan?

Kung hindi natatandaan ng mga estudyante, anyayahan silang basahin muli ang Doktrina at mga Tipan 76:15–19. Tiyaking nauunawaan nila na bago nabuksan ang mga pangitain kina Joseph at Sidney, pinag-aaralan at pinagninilayan ng dalawang lalaki ang mga banal na kasulatan. Isa sa mga katotohanang maaaring natutuhan ng mga estudyante ay ito: Habang mapanalangin nating pinag-aaralan at pinagninilayan ang mga banal na kasulatan, inihahanda natin ang ating sarili na tumanggap ng pang-unawa mula sa Panginoon sa pamamagitan ng Espiritu Santo.

Bigyan ng oras ang mga estudyante na pagnilayan ang pagiging epektibo ng kanilang pag-aaral ng mga banal na kasulatan. Maaari nilang pagnilayan kung gaano nila mapanalanging pinag-aaralan at pinagninilayan ang mga banal na kasulatan. Kung makatutulong ito, maaari mong ipakita ang sumusunod na larawan at anyayahan ang mga estudyante na ibahagi kung paano sila matutulungan ng bawat item sa kanilang pag-aaral ng mga banal na kasulatan. Maaaring ibahagi ng mga estudyante kung ano ang ginagawa nila na sa palagay nila ay nakatutulong sa kanila.

circle ng pagninilay

Maaari ding makinabang ang mga estudyante sa pakikipagtalakayan sa iba pang miyembro ng klase tungkol sa mga hamon at posibleng solusyon. Maaari mong hatiin ang mga estudyante sa maliliit na grupo at anyayahan silang talakayin ang mga hamong kinakaharap nila habang pinagsisikapan nilang pag-aralan at pagnilayan ang mga banal na kasulatan. Hikayatin ang bawat grupo na pumili ng isang hamon at mag-isip ng ilang simpleng hakbang na magagawa nila upang madaig ang hamong iyon at madagdagan ang epekto ng kanilang pag-aaral ng mga banal na kasulatan. Anyayahan ang bawat grupo na magbahagi sa klase.

Sa pagtatapos ng klase, anyayahan ang ilang estudyante na magpatotoo kung paano pinagpapala ng pagninilay at pag-aaral ng mga banal na kasulatan ang kanilang buhay at paano sila tinutulungang mas mapalapit kay Jesucristo.