Lesson 108—Doktrina at mga Tipan 93:19–53: Pagtanggap ng Liwanag at Katotohanan ng Tagapagligtas
“Lesson 108—Doktrina at mga Tipan 93:19–53: Pagtanggap ng Liwanag at Katotohanan ng Tagapagligtas,” Manwal ng Titser ng Seminary para sa Doktrina at mga Tipan (2025)
“Doktrina at mga Tipan 93:19–53,” Manwal ng Titser ng Seminary para sa Doktrina at mga Tipan
Pagtanggap ng Liwanag at Katotohanan ng Tagapagligtas
Sa paghahayag na nakatala sa Doktrina at mga Tipan 93, inilarawan ng Tagapagligtas kung paano natin matatanggap ang higit pang liwanag at katotohanan na nagmumula sa Kanya. Ang lesson na ito ay makatutulong sa mga estudyante na magplano na matanggap ang higit pang liwanag at katotohanan ng Diyos sa kanilang buhay.
Mga Posibleng Aktibidad sa Pag-aaral
Liwanag kumpara sa kadiliman
Inilarawan ni Elder Timothy J. Dyches ng Pitumpu ang isang karanasan niya at ng kanyang mga anak na lalaki habang nagra-rappel pababa sa isang malalim na kuweba.
Nang walang babala, biglang namatay ang lahat ng ilaw [sa yungib]. Nakabitin sa napakalalim na espasyo, napalibutan kami ng kadiliman na sa sobrang tindi ay hindi na namin makita maging ang aming mga kamay sa lubid sa harap namin. Isang tinig ang agad na tumawag, “Itay, Itay, nariyan po ba kayo?”
“Narito ako, Anak, narito lamang ako,” ang sagot ko.
Ang hindi inaasahang pagkamatay ng ilaw ay nilayon upang ipakita na kung walang kuryente, ang kadiliman sa yungib ay hindi malulupig. Nagtagumpay ito; “nadama” namin ang kadiliman. (Timothy J. Dyches, “Ang Liwanag ay Kumukunyapit sa Liwanag,” Liahona, Mayo 2021, 113)
Ano ang ilang damdamin na iniuugnay ng mga tao sa kadiliman?
Ano ang ilang salita o parirala na naglalarawan sa kung paano nadarama ang liwanag?
Inilarawan ni Elder Dyches kung ano ang pakiramdam niya at ng kanyang mga anak nang muling sumindi ang mga ilaw sa yungib.
Nang muling sumindi ang ilaw, mabilis na naglaho ang kadiliman, dahil ang kadiliman ay palaging naglalaho kahit napakahina lamang ng liwanag. Kami ng mga anak ko ay nagkaroon ng isang alaala ng kadiliman na noon lamang namin naranasan, ng mas malaking pagpapahalaga sa liwanag na hindi namin malilimutan, at ng katiyakan na hindi tayo kailanman mag-iisa sa dilim.
Basahin ang mga talatang nakalista sa chart, at alamin ang mga turo ng Tagapagligtas na naglalarawan sa kung paano natin mapapalakas o mapapahina ang Kanyang liwanag at katotohanan sa ating buhay. Itala ang mga natuklasan ninyo sa bawat column.
Anong mga pagpapala ang makakamtan ng mga naghahangad ng liwanag at katotohanan ng Tagapagligtas?
Paano ninyo ibubuod ang mga nalaman ninyo para sa bawat column sa inyong chart bilang mga pahayag ng katotohanan?
Sa inyong palagay, paano makakaapekto ang pagsunod sa mga kautusan ng Tagapagligtas sa kakayahan ninyong mahiwatigan ang katotohanan?
Paano nakakaapekto sa mga pagpiling ginagawa natin ang pag-unawa sa mga turo ng Tagapagligtas mula sa mga talatang ito?
Pagpapalakas sa liwanag at katotohanan ng Tagapagligtas sa ating buhay
Ano ang ilang partikular na bagay na nakatulong o makatutulong sa inyo na makatanggap ng higit pang liwanag ng Tagapagligtas sa inyong buhay?
Ibinahagi ni Elder Dieter F. Uchtdorf ng Korum ng Labindalawang Apostol ang mga halimbawa ng kung paano natin mararanasan ang liwanag ng Tagapagligtas.
Sa tuwing itinutuon ninyo ang inyong mga puso sa Diyos sa pagdarasal nang may pagpapakumbaba, nararanasan ninyo ang Kanyang liwanag. Sa tuwing hinahangad ninyo ang Kanyang salita at kalooban sa mga banal na kasulatan, lalong tumitindi ang liwanag. Sa tuwing napapansin ninyo ang isang taong nangangailangan at isinasakripisyo ang inyong sariling kaginhawahan upang makatulong nang may pagmamahal, lalong lumiliwanag at nadaragdagan ang liwanag. Sa tuwing tinatanggihan ninyo ang tukso at pinipili ang kadalisayan, tuwing naghahangad o nagpapatawad kayo, tuwing matapang kayong nagpapatotoo tungkol sa katotohanan, itinataboy palayo ng liwanag ang kadiliman at inaakit ang iba na naghahangad din ng liwanag at katotohanan. (Dieter F. Uchtdorf, “Mga Tagadala ng Makalangit na Liwanag,” Liahona, Nob. 2017, 79)
Ipamuhay ang mga turo ng Tagapagligtas
Ano ang nadama mo na kailangang simulang gawin para maanyayahan ang higit pang katotohanan at liwanag ng Tagapagligtas sa iyong buhay? Ano ang isang bagay na naramdaman mong kailangan nang itigil?
Anong mga balakid ang maaari mong maranasan kapag sinimulan o itinigil mo ang mga gawaing ito? Paano mo haharapin ang mga balakid na natukoy mo?