Seminary
Lesson 109—I-assess ang Iyong Pagkatuto 7: Doktrina at mga Tipan 84–93


“Lesson 109—I-assess ang Iyong Pagkatuto 7: Doktrina at mga Tipan 84–93,” Manwal ng Titser ng Seminary para sa Doktrina at mga Tipan (2025)

“I-assess ang Iyong Pagkatuto 7,” Manwal ng Titser ng Seminary para sa Doktrina at mga Tipan

Lesson 109: Doktrina at mga Tipan 93

I-assess ang Iyong Pagkatuto 7

Doktrina at mga Tipan 84–93

tinedyer na nakikibahagi sa seminary

Ang pagninilay at pag-assess sa ating espirituwal na pagkatuto ay makatutulong sa atin na mas mapalapit kay Jesucristo. Ang lesson na ito ay makatutulong sa mga estudyante na alalahanin at suriin ang espirituwal na pag-unlad na naranasan nila sa pamamagitan ng kanilang pag-aaral ng Doktrina at mga Tipan.

Mga Posibleng Aktibidad sa Pag-aaral

Pag-unlad

Maaari mong isulat sa pisara ang salitang pag-unlad.

Maaari ka ring magpakita ng larawan ng isang progress bar, tulad ng sumusunod:

progress bar
  • Ano ang ilang halimbawa ng mga bagay na sinusubaybayan natin ang pag-unlad?

    Maaaring kabilang sa ilang halimbawa ang ating pag-aaral, ang mga mithiing itinakda natin para sa ating sarili, mga lugar na pupuntahan natin, o mga bagay na maaaring binili o na-download natin mula sa internet.

  • Bakit nakatutulong na alam natin ang pag-unlad o progreso ng mga bagay na ito?

Sa lesson na ito, susuriin ninyo ang ilan sa mga espirituwal na pag-unlad na ginagawa ninyo sa pamamagitan ng inyong pag-aaral ng Doktrina at mga Tipan. Mabibigyan kayo nito ng pagkakataong ipagdiwang ang inyong mga tagumpay at gawin ang anumang kinakailangang pagbabago.

  • Ano ang ilang paraan na espirituwal kayong umunlad habang pinag-aaralan ninyo ang Doktrina at mga Tipan?

Maaaring nabigyang-diin mo ang ibang mga katotohanan habang itinuturo ang mga lesson sa Doktrina at mga Tipan 84–93 kumpara sa mga na-assess sa mga sumusunod na aktibidad. Kung kinakailangan, iakma ang mga sumusunod na aktibidad para matulungan ang mga estudyante na ma-assess ang kanilang sarili sa mga katotohanan na mas binigyang-diin sa klase.

Ipaliwanag ang mga tungkulin, titulo, at katangian ni Jesucristo

Maaari kang magpakita ng larawan ni Jesucristo bago ibahagi ang sumusunod.

Isa sa mga paanyaya ng Tagapagligtas sa Doktrina at mga Tipan ay “matuto sa [Kanya], at makinig sa [Kanyang] mga salita” (Doktrina at mga Tipan 19:23).

  • Ano ang natutuhan ninyo tungkol kay Jesucristo sa inyong pag-aaral kamakailan ng Doktrina at mga Tipan?

    Ang bahaging ito ng lesson ay naglalayong tulungan ang mga estudyante na ipaliwanag ang ilang partikular na tungkulin, titulo, o katangian ni Jesucristo. Maaari kang magpakita ng isa o mahigit pa sa mga sumusunod na opsiyon at bigyan ng oras ang mga estudyante para gawin ang isa. Maaaring gawin ng mga estudyante ang mga aktibidad na ito nang mag-isa o nang magkaka-partner.

    Maaaring makatulong na magpakita ng ilang scripture reference na napag-aralan kamakailan ng mga estudyante na naglalarawan sa mga tungkulin o titulo ni Jesucristo. Maaaring rebyuhin ng mga estudyante ang mga ito bilang bahagi ng aktibidad. Maaaring kabilang sa mga halimbawa ang Doktrina at mga Tipan 76:1–7, 22–24; 88:1–13, 41; 93:1–10.

  • Gumawa ng isang listahan ng ilan sa mga pangalan o titulo ni Jesucristo na napag-aralan mo kamakailan. Pagkatapos ay pumili ng isa o mahigit pa sa mga ito at sagutin ang mga sumusunod na tanong: (1) Ano ang itinuturo sa iyo ng pangalan o titulo na ito tungkol kay Jesucristo? (2) Ano ang ipinauunawa sa iyo ng pangalan o titulo na ito tungkol sa kung paano ka Niya matutulungan?

  • Gumawa ng visual na representasyon ng ilan sa mga paborito mong tungkulin o titulo ni Jesucristo. Ito ay maaaring word cloud o drowing na kumakatawan sa isa o mahigit pa sa mga tungkulin o titulo na pinili mo. Magsama ng mga naaangkop na scripture reference bilang bahagi ng iyong ginawa.

  • Sumulat ng isang tula o mga titik ng isang awitin na naglalaman ng ilan sa mga paborito mong tungkulin o titulo ni Jesucristo.

  • Ipagpalagay na nagkaroon ka ng pagkakataong ituro sa isang tao kung sino si Jesucristo at kung ano ang magagawa Niya para sa atin. Sumulat ng isang talata na naglalarawan at kinapapalooban ng kahit tatlong tungkulin o titulo ni Cristo.

Matapos magkaroon ang mga estudyante ng sapat na oras para tapusin ang napili nilang aktibidad, bigyan sila ng pagkakataong ibahagi ang ginawa nila. Kung mag-isa nila itong ginawa, maaari silang magbahagi sa isang kapartner o sa isang maliit na grupo. Kung nakipagtulungan sila sa iba pang estudyante, maaari silang magbahagi sa ibang grupo. Maaari mo ring anyayahan ang ilang handang estudyante na ibahagi sa buong klase ang kanilang ginawa.

Makadama ng mas matinding hangarin na mas mapalapit kay Jesucristo

Ang sumusunod na aktibidad sa assessment ay nauugnay sa paanyaya ng Tagapagligtas sa Doktrina at mga Tipan 88:63 na lumapit sa Kanya. Kung naaangkop, maaari mong ipaalala sa mga estudyante ang ilan sa mga aktibidad sa pag-aaral mula sa lesson na “Doktrina at mga Tipan 88:51–95” para matulungan sila na maalala ang kanilang natutuhan at nadama.

Halimbawa, kung gumamit ka ng mga magnet bilang object lesson, maaari mong ipakita ang dalawang magnet at anyayahan ang mga estudyante na ibahagi ang naaalala nila tungkol sa lesson na iyon. Kung nagdrowing ang mga estudyante sa kanilang study journal na kumakatawan sa kung gaano sila kalapit sa Ama sa Langit at kay Jesucristo noong panahong iyon, maaari mo silang anyayahang hanapin ang mga drowing na iyon para matulungan silang ihambing ang nadarama nila ngayon sa nadama nila noong panahong iyon.

Maaaring naaalala mo na napag-aralan mo ang isang mahalagang paanyaya mula sa Tagapagligtas sa Doktrina at mga Tipan 88:63. Basahin ang talatang ito para balikan ang paanyaya ng Tagapagligtas.

Bigyan ang mga estudyante ng pagkakataong suriin ang kanilang mga hangarin na mas mapalapit kay Jesucristo sa pamamagitan ng pagsagot sa mga sumusunod na tanong sa kanilang study journal.

  • Paano maihahambing ang hangarin mong mas mapalapit kay Jesucristo ngayon sa hangarin mo noong nakaraang ilang linggo o buwan (mas mahina, halos pareho, o mas matindi)?

  • Ano ang natutuhan o naranasan mo na nakaimpluwensya sa iyong mga hangarin?

  • Ano ang mga ginawa mo para mas mapalapit kay Cristo? Anong mga hakbang ang gusto mong gawin para mas mapalapit sa Kanya?

Kapag nagkaroon na ang mga estudyante ng sapat na oras para maisulat ang kanilang mga sagot, anyayahan ang ilang boluntaryo na ibahagi sa klase ang mga sagot nila.

Mga paanyayang isasabuhay

Bilang bahagi ng iyong pag-aaral sa seminary, maaaring inanyayahan kang isabuhay ang ilang paanyaya mula sa mga banal na kasulatan.

Alalahanin sandali ang ilan sa mga mithiing itinakda mo para sa iyong sarili o ang mga espirituwal na impresyong natanggap mo habang nag-aaral ka. Magagawa mo ito sa pamamagitan ng pagtingin sa iyong study journal o paghahanap ng mga banal na kasulatan na minarkahan mo kamakailan.

Kung maaari, ibahagi ang ilan sa mga partikular na paanyaya na ibinigay mo sa mga estudyante sa nakaraang mga lesson. Halimbawa, maaari mong anyayahan ang mga estudyante na magtakda ng mga mithiin na tulad ng mga sumusunod:

Matapos magkaroon ang mga estudyante ng sapat na oras para rebyuhin ang mithiing itinakda nila para sa kanilang sarili, bigyan sila ng oras para suriin ang kanilang pag-unlad sa pamamagitan ng pagtatanong sa kanila ng mga sumusunod:

  • Anong mga pagsisikap ang ginawa ninyo para maisabuhay ang mga turong ito ni Jesucristo?

  • Ano ang kaibhang nagawa ng mga pagsisikap na ito sa inyong buhay at sa inyong ugnayan sa Diyos?

  • Ano sa palagay ninyo ang mga susunod na hakbang na dapat ninyong gawin sa mga aspetong ito?