Seminary
Lesson 107—Doktrina at mga Tipan 93:1–22: Palalimin ang Iyong Kaalaman tungkol kay Jesucristo


“Lesson 107—Doktrina at mga Tipan 93:1–22: Palalimin ang Iyong Kaalaman tungkol kay Jesucristo,” Manwal ng Titser ng Seminary para sa Doktrina at mga Tipan (2025)

“Doktrina at mga Tipan 93:1–22,” Manwal ng Titser ng Seminary para sa Doktrina at mga Tipan

Lesson 107: Doktrina at mga Tipan 93

Doktrina at mga Tipan 93:1–22

Palalimin ang Iyong Kaalaman tungkol kay Jesucristo

Larawan ni Jesucristo

Noong Mayo 6, 1833, natanggap ni Propetang Joseph Smith ang paghahayag na nakatala sa Doktrina at mga Tipan 93. Dito, naghayag ang Tagapagligtas ng mahahalagang katotohanan tungkol sa Kanyang sarili upang tulungan tayong mas maunawaan kung sino Siya. Ang lesson na ito ay makatutulong sa mga estudyante na palalimin ang kanilang pag-unawa tungkol sa ilan sa mga tungkulin at katangian ni Jesucristo.

Mga Posibleng Aktibidad sa Pag-aaral

Isang kilalang tao

Maaari mong simulan ang lesson sa pagpapakita ng larawan ng isang kilalang tao na matutukoy ng iyong mga estudyante, at tanungin sila kung alam nila ang pangalan ng taong ito. Sabihin sa mga estudyante na talakayin kung bakit kilala ang taong iyon at kung bakit mahalagang malaman ng iba kung sino siya.

Pagkatapos ay magpakita ng larawan ni Jesucristo at sabihin sa mga estudyante na talakayin ang mga sumusunod na tanong:

  • Sa palagay ninyo, bakit mahalagang malaman kung sino si Jesucristo at kung ano ang nagawa Niya?

  • Ano ang ilang halimbawa ng kung paano nakakaapekto sa ating buhay ang kaalaman natin tungkol kay Jesucristo?

Maaari mong sabihin sa mga estudyante na tahimik na pag-isipan kung paano sila personal na naapektuhan dahil sa nalalaman nila tungkol kay Jesucristo. Sa kanilang pag-aaral, hikayatin sila na maghanap ng mga katotohanan na makatutulong sa kanila na mas maunawaan kung sino si Jesucristo at kung ano ang magagawa Niya para sa kanila.

“Makikita ang aking mukha at malalaman na ako na nga”

Nagbahagi ang Tagapagligtas ng maraming mahahalagang katotohanan tungkol sa Kanyang sarili sa Doktrina at mga Tipan 93. Ipinaliwanag Niya na isa sa Kanyang mga layunin sa paghahayag ng mga katotohanang ito ay tulungan tayong malaman kung sino ang sinasamba natin (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 93:19).

Basahin ang Doktrina at mga Tipan 93:1, at alamin kung paano sinimulan ng Tagapagligtas ang paghahayag na ito.

Upang matulungan ang mga estudyante na matukoy at maalala ang mga paanyaya ng Tagapagligtas sa talatang ito, sabihin sa kanila na lagyan ng numero ang bawat isa sa mga ito sa kanilang mga banal na kasulatan. Maaari ding sabihin sa mga estudyante na ilista ang mga paanyayang ito sa kanilang study journal o isulat ang mga ito sa pisara.

  • Ano ang natutuhan o nadama ninyo tungkol sa mga hangarin ng Tagapagligtas para sa atin sa tulong ng talatang ito?

  • Paano makatutulong sa atin ang bawat isa sa mga gawain sa talatang ito na mas makilala ang Tagapagligtas?

Maaaring may mga tanong ang mga estudyante tungkol sa pangako ng Tagapagligtas na makikita ng mga sumusunod sa Kanyang mga paanyaya sa talata 1 ay makikita ang Kanyang mukha. Maaari mong bigyang-diin na ang pagpapalang ito ay darating sa “sariling panahon [ng Panginoon], at sa kanyang sariling pamamaraan, at alinsunod sa kanyang sariling kalooban” (Doktrina at mga Tipan 88:68).

Mga Katangian ng Tagapagligtas

Habang ipinagpapatuloy ng Tagapagligtas ang Kanyang mga turo sa paghahayag na ito, nagbahagi Siya ng maraming iba’t ibang katangian tungkol sa Kanyang sarili. Ang pag-alam sa mga katangiang ito ay makatutulong sa inyo na maunawaan ang ilan sa mga paraan na matutulungan kayo ng Tagapagligtas sa inyong buhay.

Maaari mong ipakita ang sumusunod na chart at sabihin sa mga estudyante na kopyahin ito sa kanilang study journal. Maaari silang gumawa nang magkaka-partner o sa maliliit na grupo upang pag-aralan ang bawat isa sa mga passage sa chart. Bilang alternatibo, maaari mo ring isulat ang mga talata sa maliliit na piraso ng papel at ilagay ang mga papel sa isang lalagyan. Maaaring pumili ang mga estudyante ng isa o mahigit pang piraso ng papel mula sa lalagyan at pag-aralan ang mga talatang pinili nila.

icon ng training Tulungan ang mga mag-aaral na palalimin ang kanilang pagpapahalaga at pagmamahal kay Jesucristo. Para mas makapagsanay pa rito, tingnan ang training na may pamagat na “Ituro ang tungkol sa mga titulo, tungkuling ginagampanan, at mga katangian ni Jesucristo” na matatagpuan sa Mga Kasanayan para sa Pag-unlad ng Guro: Magtuon kay Jesucristo. Maaari mong praktisin ang kasanayan sa pamamagitan ng paggawa ng mga tanong na naghihikayat ng pagsasaliksik upang matulungan ang mga estudyante na matukoy ang mga tungkulin, titulo, simbolo, at mga katangian ni Jesucristo.

Sabihin sa mga estudyante na habang nag-aaral sila, pag-isipan nila kung paano makatutulong sa kanilang buhay ang natutuhan nila tungkol sa Tagapagligtas.

Mga talatang pag-aaralan

Ano ang natutuhan ko tungkol kay Jesucristo

Mga talatang pag-aaralan

Doktrina at mga Tipan 93:2, 9

Juan 8:12

Mga talatang pag-aaralan

Doktrina at mga Tipan 93:3

Doktrina at mga Tipan 130:22

Mga talatang pag-aaralan

Doktrina at mga Tipan 93:6–7

Eter 3:14

Mga talatang pag-aaralan

Doktrina at mga Tipan 93:8

Alma 38:9

Mga talatang pag-aaralan

Doktrina at mga Tipan 93:10

Moises 1:33

Mga talatang pag-aaralan

Doktrina at mga Tipan 93:11

Mosias 3:5–8

Mga talatang pag-aaralan

Doktrina at mga Tipan 93:12–14

Lucas 2:40, 52

Mga talatang pag-aaralan

Doktrina at mga Tipan 93:16–17

Mateo 28:18–20

Mga talatang pag-aaralan

Doktrina at mga Tipan 93:21

Colosas 1:15, 18

Sabihin sa mga estudyante na ibahagi ang natutuhan nila tungkol kay Jesucristo mula sa mga talatang pinag-aralan nila. Kung ipinakita mo ang chart sa pisara, maaari itong gawin ng iba’t ibang estudyante sa pamamagitan ng pagsusulat ng mga katotohanang natutuhan nila sa tabi ng mga talatang pinag-aralan nila.

Ang ilang katotohanan na maaaring talakayin o ibahagi ng mga estudyante ay si Jesucristo ang Ilaw ng sanlibutan (tingnan sa talata 2, 9); si Jesucristo ang sugo ng kaligtasan (tingnan sa talata 8); si Jesucristo ay nagpatuloy nang biyaya sa biyaya hanggang sa tanggapin Niya ang kaganapan ng Ama (tingnan sa talata 12–14); at si Jesucristo ang panganay sa lahat ng espiritung anak ng Ama sa Langit (tingnan sa talata 21).

Upang matulungan ang mga estudyante na talakayin ang kanilang mga natuklasan at ideya tungkol sa Tagapagligtas, maaari mong itanong ang mga sumusunod:

  • Alin sa mga katotohanang napag-aralan ninyo tungkol kay Jesucristo ang pinakatumimo sa inyo? Bakit?

  • Ano ang idinagdag ng mga cross-reference na napag-aralan ninyo sa inyong pag-unawa tungkol sa mga katotohanang itinuro sa Doktrina at mga Tipan 93?

  • Paano maaaring makaapekto sa inyong kaugnayan sa Tagapagligtas ang mga katotohanang ito na nalaman ninyo tungkol sa Kanya?

Hikayatin ang mga estudyante na hangaring mas lubos na makilala si Jesucristo habang sinisikap nila na ipagpatuloy ang kanilang personal na pag-aaral ng banal na kasulatan. Kung may oras pa, maaari mong gamitin ang pahayag ni Elder David A. Bednar sa “Karagdagang Resources” upang matulungan ang mga estudyante na maunawaan ang mga karagdagang paraan upang mas makilala nila ang Tagapagligtas. Maaaring magandang pagkakataon ito para anyayahan sila na magbahagi ng nadarama nila tungkol sa Tagapagligtas at magpatotoo tungkol sa mga pagpapalang nagmumula sa pagpapalalim ng ating kaalaman tungkol sa Kanya.

Maaari mong tapusin ang klase sa pamamagitan ng pagbabasa ng Juan 17:3 at pag-anyaya sa mga miyembro ng klase na alamin ang pinakamahalagang pagpapala na maaari nating matanggap dahil sa pagiging mas malapit sa Ama sa Langit at kay Jesucristo.