Seminary
Lesson 102—Doktrina at mga Tipan 88:51–95: “Magsilapit sa Akin at Ako ay Lalapit sa Inyo”


“Lesson 102—Doktrina at mga Tipan 88:51–95: ‘Magsilapit sa Akin at Ako ay Lalapit sa Inyo,’” Manwal ng Titser ng Seminary para sa Doktrina at mga Tipan (2025)

“Doktrina at mga Tipan 88:51–95,” Manwal ng Titser ng Seminary para sa Doktrina at mga Tipan

Lesson 102: Doktrina at mga Tipan 88

Doktrina at mga Tipan 88:51–95

“Magsilapit sa Akin at Ako ay Lalapit sa Inyo”

ang Tagapagligtas na nakaunat ang Kanyang mga bisig

Sa bahaging ito ng Doktrina at mga Tipan 88, inihayag ni Jesucristo kung paano Niya pinamamahalaan ang Kanyang mga nilikha at inaanyayahan tayong lumapit sa Kanya. Ang lesson na ito ay makatutulong sa mga estudyante na matanggap ang mga pagpapala ng paglapit sa Ama sa Langit at kay Jesucristo.

Mga Posibleng Aktibidad sa Pag-aaral

Mga Malapit na Ugnayan

Maaaring simulan ang klase sa pamamagitan ng pagkakaroon ng isang talakayan tungkol sa pagpapatibay ng mga malapit na ugnayan. Maaari mong anyayahan ang bawat estudyante na isulat sa pisara ang pangalan ng isang taong malapit sa kanila. Sabihin sa ilang estudyante na ibahagi kung bakit nila pinili ang taong iyon.

Maaari kang magtanong ng mga follow-up na tanong gaya ng sumusunod:

  • Ano ang nagpapalapit sa ugnayan ng dalawang tao? Ano ang nagpapalayo?

  • Ano ang magagawa ninyo para muli kayong magkalapit ng isang taong napalayo sa inyo?

Sa Doktrina at mga Tipan 88, inilarawan ng Tagapagligtas ang Kanyang kapangyarihan na namamahala sa Kanyang mga nilikha (tingnan sa talata 41–45). Itinuro Niya na kapag nakikita natin ang mga bituin at mga planeta sa kalangitan, ating “nakikita ang Diyos na gumagalaw sa kanyang kamahalan at kapangyarihan” (Doktrina at mga Tipan 88:47). Pagkatapos ay nagbigay si Jesucristo ng talinghaga upang ituro ang tungkol sa ugnayan ng Diyos sa Kanyang mga nilikha. Itinuturo nito na lumikha ang Diyos ng maraming daigdig na tinirahan ng Kanyang mga anak at dinadalaw Niya ang bawat isa sa mga ito. Iniutos ng Panginoon sa Kanyang mga kaibigan na tumawag sa Kanya habang Siya ay malapit sa kanila (tingnan sa talata 51–62).

“Magsilapit sa Akin”

Basahin ang Doktrina at mga Tipan 88:63, at alamin kung ano ang paanyaya ni Jesucristo na gawin natin.

  • Anong mga paanyaya ang nakikita ninyong personal na makabuluhan?

  • Anong mga alituntunin ang matutukoy ninyo mula sa mga paanyayang ito?

    Maaaring makatukoy ang mga estudyante ng iba’t ibang alituntunin—halimbawa, kapag lumalapit ako kay Jesucristo, Siya ay lalapit sa akin. Maaari mong ipaliwanag na kapag lumalapit tayo kay Jesucristo, lumalapit din tayo sa Ama sa Langit.

    Upang matulungan ang mga estudyante na maunawaan ang alituntuning ito, maaari mong talakayin kung paano ito inilarawan sa talinghaga. Maaari ding makatulong ang ilan sa mga sumusunod na tanong:

  • Paano ninyo ilalarawan ang ibig sabihin ng lumapit sa Ama sa Langit at kay Jesucristo?

  • Sa inyong palagay, sa paanong mga paraan Sila lumalapit sa atin?

  • Ano ang ilang dahilan kung bakit nais ng isang tao na mapalapit sa Ama sa Langit at kay Jesucristo?

Bigyan ang mga estudyante ng pagkakataong pagnilayan kung gaano sila kalapit sa Ama sa Langit at kay Jesucristo. Maaari mo silang anyayahang isulat ang “Ama sa Langit at Jesucristo” sa isang pahina sa kanilang study journal. Pagkatapos ay sabihin sa mga estudyante na magdrowing ng isang larawan na kumakatawan sa kanilang sarili. Maaaring pagnilayan ng mga estudyante ang mga pagkakataon na nadama nilang malapit sila sa Diyos at sa Kanyang Anak, at kung ano ang nakatulong sa kanila na madama ito. Maaari ding pagnilayan ng mga estudyante kung gaano sila kalapit sa Ama sa Langit at kay Jesucristo sa kasalukuyan.

Ipaalala sa mga estudyante na kung nadarama natin na malayo tayo sa Panginoon, maaari tayong kumilos para baguhin ang ating sitwasyon. Sabihin sa mga estudyante na pagnilayan ang mga pangangailangan nila at kung paano sila pagpapalain kung mas mapapalapit sila sa Ama sa Langit at kay Jesucristo. Hikayatin ang mga estudyante na maghangad ng personal na paghahayag para malaman kung ano ang magagawa nila para mas mapalapit sa Kanila.

Mga paanyaya at mga pagpapala

Maaaring kumpletuhin ng mga estudyante ang sumusunod na chart sa pisara o sa kanilang study journal. Kung kinakailangan, tulungan ang mga estudyante na maunawaan ang iba’t ibang parirala sa Doktrina at mga Tipan 88:63–69. Halimbawa, maaari mong linawin ang talata 65 sa pamamagitan ng pagpapaliwanag na hindi tayo dapat magkaroon ng maling motibo o maghangad na matugunan ang mga makamundong hangarin kapag nagdarasal tayo. Maaari mong tulungan ang mga estudyante na maunawaan na ang ibig sabihin ng salitang kapaki-pakinabang sa talata 64–65 ay akma o naaangkop.

Basahin ang Doktrina at mga Tipan 88:63–69 at kumpletuhin ang sumusunod na chart:

Mga Paraan para Mapalapit sa Ama sa Langit at kay Jesucristo

Mga Pagpapala mula sa Paglapit sa Ama sa Langit at kay Jesucristo

Ang isang paraan para matulungan ang mga estudyante na mahikayat sa mga talatang ito ay anyayahan ang isang estudyante na humawak ng isang larawan ng Tagapagligtas sa harapan ng klase. Sabihin sa isa pang estudyante na tumayo sa likuran ng silid-aralan.

Habang ibinabahagi ng mga estudyante ang nalaman nila, maaaring lumapit ang estudyante na nasa may likuran ng klase sa estudyanteng may hawak ng larawan ng Tagapagligtas. Ang estudyanteng may hawak ng larawan ng Tagapagligtas ay maaari ding humakbang papalapit.

Maaari mong gamitin ang ilan sa mga pahayag sa “Karagdagang Resources” para matulungan ang mga estudyante na maunawaan ang mga paraan para mapalapit sa Ama sa Langit at kay Jesucristo.

Ang mga sumusunod na tanong ay makatutulong sa iyo na talakayin kung ano ang natuklasan ng mga estudyante sa mga talatang binasa nila:

  • Sa inyong palagay, paano makatutulong sa inyo ang paggawa nito para mapalapit sa Ama sa Langit at kay Jesucristo?

  • Paano maaaring makaimpluwensya ang mga pagpapalang ito sa iyong ugnayan sa Kanila?

Ang aking plano

Maaari mong ipanood ang video na “How I #HearHim: Elder Dale G. Renlund” (3:00). Sabihin sa mga estudyante na alamin kung ano ang itinuro ni Elder Renlund tungkol sa paglapit kay Jesucristo. Talakayin kung ano ang natutuhan ng mga estudyante mula sa kanyang karanasan.

Ang pag-anyaya sa mga estudyante na sagutin ang mga sumusunod na tanong sa kanilang study journal ay makapaghahanda sa kanila na magbahagi sa klase. Maaari ka ring magbahagi ng isang personal na karanasan tungkol sa ginawa mo para mapalapit kay Jesucristo at kung paano mo nadama na lumalapit Siya sa iyo.

  • Paano mo sinisikap na mapalapit sa Ama sa Langit at kay Jesucristo?

  • Paano ka napagpala o ang isang taong kilala mo dahil sa pagsisikap na mapalapit sa Kanila?

Sabihin sa mga estudyante na hangarin ang Espiritu Santo para akayin sila na malaman kung ano ang magagawa nila para mapalapit sa Ama sa Langit at kay Jesucristo. Ipaalala sa mga estudyante na maaaring nakatanggap na sila ng mga pahiwatig sa oras ng lesson.

Maaaring isulat ng mga estudyante kung paano nila sisikaping mapalapit sa Ama sa Langit at kay Jesucristo, kung paano ito makatutulong sa kanila sa mga pagsubok na kinakaharap nila, at sa anumang balakid na maaaring kailangan nilang madaig. Maaaring magsulat ang mga estudyante sa kanilang mga drowing o magsulat ng tala na iuuwi nila.

Hikayatin ang mga estudyante na ibahagi sa Ama sa Langit sa kanilang mga panalangin kung ano ang plano nilang gawin at hingin ang Kanyang tulong.