Seminary
Lesson 101—Doktrina at mga Tipan 88:14–41: Pagsisikap na Sundin ang Batas na Selestiyal


“Lesson 101—Doktrina at mga Tipan 88:14–41: Pagsisikap na Sundin ang Batas na Selestiyal,” Manwal ng Titser ng Seminary para sa Doktrina at mga Tipan (2025)

“Doktrina at mga Tipan 88:14–41,” Manwal ng Titser ng Seminary para sa Doktrina at mga Tipan

Lesson 101: Doktrina at mga Tipan 88

Doktrina at mga Tipan 88:14–41

Pagsisikap na Sundin ang Batas na Selestiyal

dalagitang nasisinagan ng araw sa kanyang mukha

Sa Doktrina at mga Tipan 88, inihayag ng Panginoon ang mga katotohanan tungkol sa Pagkabuhay na Mag-uli at mga kaharian ng kaluwalhatian kabilang ang kaluwalhatiang selestiyal. Maaaring pagkaisahin at pagpalain ng mga katotohanang ito ang mga miyembro ng Simbahan habang matapat nilang sinusunod si Jesucristo. Ang lesson na ito ay makatutulong sa mga estudyante na madagdagan ang kanilang kumpiyansa na matatanggap nila ang kaluwalhatiang selestiyal.

Mga Posibleng Aktibidad sa Pag-aaral

Ang mithiin na kaluwalhatiang selestiyal

Sabihin sa mga estudyante na magdrowing ng hagdan sa kanilang study journal at lagyan ang itaas ng hagdan ng label na “Ang Kahariang Selestiyal.” Sabihin sa mga estudyante na magdrowing kung saan nila nakikita ang kanilang sarili sa hagdan. Hikayatin silang itala ang kanilang mga sagot sa mga sumusunod na tanong:

  • Sa iyong palagay, nakatutulong ba sa iyo ang mga pinipili mo sa kasalukuyan sa pagsulong mo patungo sa kahariang selestiyal? Bakit oo o bakit hindi?

  • Gaano ka kakumpiyansa na makakamtan mo sa huli ang kaluwalhatiang selestiyal sa tulong ni Jesucristo?

Ipaalala sa mga estudyante na dahil si Jesucristo ang ating Tagapagligtas, makakaasa tayo sa Kanya na tutulungan Niya tayong magbago, magsisi, at magbibigay Siya ng lakas habang nagsisikap tayong matamo ang kaluwalhatiang selestiyal.

Ang paghahayag ng Panginoon na nakatala sa Doktrina at mga Tipan 88 ay nagbibigay ng banal na kaliwanagan na tutulong sa atin na maunawaan ang mga walang-hanggang katotohanan. Sa bahagi 88, nalaman natin ang mga detalye tungkol sa plano ng ating Ama sa Langit, ang mga katotohanan tungkol kay Jesucristo, at kung paano tayo makababalik sa Kanilang piling.

Maaari mong ibahagi ang nadarama mo tungkol sa kagandahan at kadakilaan ng plano ng Ama sa Langit. Hikayatin ang mga estudyante habang nag-aaral sila ngayon na humingi ng inspirasyon upang malaman ang mga paraan kung paano sila makakakilos nang may pananampalataya at makatatanggap ng tulong ng Tagapagligtas habang sumusulong sila patungo sa kahariang selestiyal.

Ang ating mortal na katawan

Ipaliwanag na ang isang mahalagang bahagi ng plano ng Diyos ay ang maging katulad Niya tayo, kapwa sa espirituwal at pisikal. Sa pagsilang natin, nagkaroon tayo ng pisikal na katawan. Ang katawang ito ay mamamatay balang-araw at mabubuhay na mag-uli.

Maaari mong isulat sa pisara ang mga sagot ng mga estudyante sa sumusunod na tanong:

  • Ano ang alam na ninyo tungkol sa Pagkabuhay na Mag-uli?

Kung kinakailangan, maaaring gamitin ng mga estudyante ang Mga Paksa ng Ebanghelyo, “Pagkabuhay na Mag-uli,” topics.ChurchofJesusChrist.org para suportahan ang kanilang mga sagot.

Maaaring gawin ng mga estudyante ang sumusunod na aktibidad sa pag-aaral nang may kapartner. Maaari mong i-display ang mga tanong para makita ng mga estudyante, kung saan ang bawat magkapartner ay dapat sumagot ng isa sa mga tanong.

Basahin ang Doktrina at mga Tipan 88:14–17, 27–31. Pag-isipan ang mga sumusunod habang nagbabasa kayo:

  • Ano ang natututuhan mo tungkol sa Pagkabuhay na Mag-uli?

  • Ano ang natututuhan mo tungkol sa tatlong antas ng kaluwalhatian?

Anyayahan ang mga estudyante na ibahagi ang natutuhan nila. Makinig nang mabuti at magbigay ng mga follow-up na tanong upang matulungan silang linawin ang kanilang pagkaunawa kung kinakailangan. Kung may mga karagdagang tanong ang mga estudyante, maaari ninyong talakayin ang mga ito bilang klase.

icon ng trainingPagsusuri sa kaalaman ng mga estudyante: Para sa higit pang pagsasanay rito, tingnan ang training na pinamagatang “Laging maging handang tumugon sa mga espirituwal na pahiwatig tungkol sa mga pangangailangan ng mga mag-aaral” na matatagpuan sa Mga Kasanayan para sa Pag-unlad ng Guro: Magturo sa Pamamagitan ng Espiritu. Maaari mong praktisin ang kasanayang “Magtanong para masuri ang natutuhan bago magpatuloy sa lesson.”

Ang pagsunod sa mga batas ng Diyos ay humahantong sa kaluwalhatian

Maaari mong anyayahan ang mga estudyante na ibahagi kung ano sa palagay nila ang pakiramdam ng pagkakaroon ng katawang selestiyal o kung bakit gusto nilang makatanggap ng katawang selestiyal sa Pagkabuhay na Mag-uli.

Kung ang mga estudyante ay gumawa na nang may kapartner, maaari silang gumawa kasama ang ibang kapartner para sa sumusunod na aktibidad sa pag-aaral.

Basahin ang Doktrina at mga Tipan 88:21–24, 34–36, 38–39, at alamin kung paano tayo maaaring mabuhay na mag-uli nang may katawang selestiyal. Maaari ninyong markahan ang mga salita o parirala na naging kapansin-pansin sa inyo.

  • Ano sa palagay ninyo ang mahalagang maunawaan sa mga talatang ito?

  • Ano ang nagtatakda sa kaluwalhatiang matatanggap natin pagkatapos ng Huling Paghuhukom? Bakit?

Bigyan ng oras ang mga estudyante na talakayin ang natutuhan nila. Maaaring magpahayag ang mga estudyante ng iba’t ibang katotohanan, kabilang na ang isang bagay na tulad ng kung susundin natin ang mga batas na selestiyal, tatanggap tayo ng kaluwalhatiang selestiyal o sa Pagkabuhay na Mag-uli, tatanggap tayo ng kaluwalhatian alinsunod sa batas na sinunod natin. Maaari mong isulat sa pisara ang mga katotohanang ito.

Upang matulungan ang mga estudyante na maunawaan at madama ang kahalagahan ng mga banal na batas, maaari mong ibahagi ang sumusunod na pahayag:

Itinuro ni Elder D. Todd Christofferson ng Korum ng Labindalawang Apostol:

Elder D. Todd Christofferson

Ang batas ng kahariang selestiyal, siyempre pa, ang siyang batas ng ebanghelyo at mga tipan, na kabilang ang ating palagiang pag-alaala sa Tagapagligtas at pangakong pagsunod, sakripisyo, dedikasyon, at katapatan. (D. Todd Christofferson, “Sa Sion ay Magsitungo,” Liahona, Nob. 2008, 38)

  • Ano ang natututuhan ninyo tungkol sa pagmamahal, katarungan, at awa ng Ama sa Langit?

  • Ano ang nadarama ninyo tungkol sa kung paano Siya gumagawa sa bawat isa sa Kanyang mga anak?

Tulong sa paglalakbay

Sabihin sa mga estudyante na pag-isipan kung paano sila tutugon sa isang kaibigan na pinanghihinaan ng loob at nakakaramdam na hindi siya sapat na mabuti para makatanggap ng kaluwalhatiang selestiyal. Maaari mong anyayahan ang mga estudyante na basahin ang mga sumusunod na talata, pagkatapos ay sumulat ng maikling sagot sa alalahanin ng kanilang kaibigan.

Basahin ang 3 Nephi 27:19–20, at alamin kung paano ginawang posible ng Ama sa Langit na matanggap ng Kanyang mga anak ang kaluwalhatiang selestiyal. Maaari mong iugnay ang mga talatang ito sa Doktrina at Mga Tipan 88:21, 34.

Maaari mong anyayahan ang mga estudyante na markahan ang salitang maliban sa 3 Nephi 27:19. Maaari mong itanong sa mga estudyante kung paano ito nakatutulong sa kanila na maunawaan ang mga salita ni Jesus sa mga Nephita.

Upang matulungan ang mga estudyante na matukoy ang pag-asa at pagbabagong matatamo nila sa pamamagitan ni Jesucristo, maaari mong ibahagi ang sumusunod na pahayag:

Itinuro ni Elder D. Todd Christofferson ng Korum ng Labindalawang Apostol:

2:3

Ang Banal na Kaloob na Pagsisisi

Sa pamamagitan lamang ng pagsisisi natin nakakamtan ang biyaya ng pagbabayad-sala ni Jesucristo.

Elder D. Todd Christofferson

Marahil tulad ng pagdarasal natin na kahabagan tayo, dapat tayong manalangin na magkaroon tayo ng oras at pagkakataong magpakabuti at magsikap at madaig ang kasalanan. Tiyak na pagpapalain ng Panginoon ang taong nais humarap sa paghuhukom nang karapat-dapat, na tunay na nagsusumikap sa araw-araw na gawing kalakasan ang kanyang kahinaan. Ang tunay na pagsisisi, ang tunay na pagbabago ay maaaring mangailangan ng paulit-ulit na pagsisikap, ngunit may isang bagay na nagpapadalisay at nagpapabanal sa gayong pagsisikap. Ang pagpapatawad at pagpapagaling ng Diyos ay kusang dumarating sa taong iyon, sapagkat tunay na ang “karangalan ay nagmamahal sa karangalan; liwanag ay kumukunyapit sa liwanag; [at] awa ay may habag sa awa at inaangkin ang kanya” (D&T 88:40).

Sa pamamagitan ng pagsisisi patuloy nating mapaghuhusay ang ating kakayahang ipamuhay ang selestiyal na batas, sapagkat nalalaman natin na “siya na hindi makasusunod sa batas ng isang kahariang selestiyal ay hindi makatitigil sa isang kaluwalhatiang selestiyal” (D&T 88:22). (D. Todd Christofferson, “Ang Banal na Kaloob na Pagsisisi,” Liahona, Nob. 2011, 39)

  • Paano nakakaimpluwensya ang pagkaunawa sa Pagbabayad-sala ng Tagapagligtas sa inyong paniniwala sa pagtatamo ng kaluwalhatiang selestiyal?

  • Mula sa napag-aralan ninyo ngayon, ano ang maaari ninyong sabihin sa isang taong natatakot na hindi niya matatamo ang kaluwalhatiang selestiyal?

Sabihin sa mga estudyante na muling suriin ang hagdang idinrowing nila sa simula ng klase. Hikayatin sila na isulat sa hagdan o sa paligid nito kung ano ang natutuhan nila na makatutulong sa kanila na mas makasulong palapit sa kahariang selestiyal. Maaaring itala ng mga estudyante ang kanilang mga naiisip o nadarama tungkol sa Ama sa Langit at kay Jesus. Maaari din nilang isama kung paano napalakas ang kanilang determinasyon at pag-asa na matamo ang kaluwalhatiang selestiyal o kung paano posibleng makaimpluwensya ang mga katotohanang natutuhan nila sa kanilang mga pagpili ngayon at sa hinaharap.

Kung may oras pa, maaari mong anyayahan ang isa o dalawang estudyante na ibahagi sa klase ang kanilang mga naisip.