Lesson 103—Doktrina at mga Tipan 88:117–141: Maghangad na Matuto sa Pamamagitan ng Pag-aaral at Pananampalataya
“Lesson 103—Doktrina at mga Tipan 88:117–141: Maghangad na Matuto sa pamamagitan ng Pag-aaral at Pananampalataya,” Manwal ng Titser ng Seminary para sa Doktrina at mga Tipan (2025)
“Doktrina at mga Tipan 88:117–141,” Manwal ng Titser ng Seminary para sa Doktrina at mga Tipan
Maghangad na Matuto sa pamamagitan ng Pag-aaral at Pananampalataya
Sa bahaging ito ng Doktrina at mga Tipan 88, inihayag ng Panginoon ang mga alituntunin ng pagkatuto at iniutos Niya kay Joseph Smith at sa iba pa na itatag ang Paaralan ng mga Propeta. Ang mga makikibahagi sa paaralan ay dapat maghangad ng karunungan “sa mga pinakamabubuting aklat” at sama-samang matuto “sa pamamagitan ng pag-aaral at gayon din sa pamamagitan ng pananampalataya” (Doktrina at mga Tipan 88:118). Ang lesson na ito ay makatutulong sa mga estudyante na matuto sa pamamagitan ng pananampalataya kay Jesucristo sa iba’t ibang sitwasyon.
Mga Posibleng Aktibidad sa Pag-aaral
Nais ng Ama sa Langit na matuto ako
Bakit maaaring mahalagang magtamo ng sekular at espirituwal na kaalaman sa buong buhay natin?
Paano maaaring naiiba ang pag-aaral ng mga asignatura sa paaralan tulad ng matematika o agham sa pag-aaral ng ebanghelyo ni Jesucristo? Ano ang maaaring pagkakatulad ng mga ito?
Noong Enero 1833, sinunod ni Joseph Smith at ng iba pang maytaglay ng priesthood na nakatira sa Kirtland, Ohio, ang mga tagubilin ng Panginoon na magtatag ng isang paaralan na tinatawag na Paaralan ng mga Propeta. Noong taglamig ng 1833, ang mga miyembro ng paaralan ay nagpulong sa itaas na silid ng Tindahan ni Newel K. Whitney. Kalaunan, nagpulong sila sa tanggapan ng palimbagan ng Simbahan at sa Kirtland Temple. Basahin ang Doktrina at mga Tipan 88:77–80, at alamin kung ano ang iniutos ng Panginoon na pag-aralan ng mga maytaglay ng priesthood na ito.
Ano ang natuklasan ninyo?
Ayon sa talata 80, bakit inutusan ng Panginoon ang mga lalaking ito na pag-aralan ang iba’t ibang paksa?
Sa paanong paraan makatutulong sa atin ang pag-aaral ng mga bagay na ito para makapaghanda sa paglilingkod sa Panginoon?
Maghangad na matuto sa pamamagitan ng pag-aaral at pananampalataya
Basahin ang Doktrina at mga Tipan 88:118, at alamin kung paano tayo inaanyayahan ng Panginoon na maghangad na matuto.
Ano ang itinuturo ng talatang ito tungkol sa pagkatuto?
Ano ang matututuhan natin tungkol sa kung paano mapapalakas ang ating pananampalataya kay Jesucristo?
Bukod pa sa masigasig na matuto sa pamamagitan ng ating pag-aaral, ano sa palagay ninyo ang ibig sabihin ng matuto sa pamamagitan ng pananampalataya?
16:24
Ipinaliwanag ni Pangulong Russell M. Nelson:
Tinuruan tayo ng Panginoon kung paano palakasin ang ating pananampalataya sa pamamagitan ng paghahangad na “matuto, maging sa pamamagitan ng pag-aaral at gayon din sa pamamagitan ng pananampalataya” [Doktrina at mga Tipan 88:118; idinagdag ang pagbibigay-diin]. Pinalalakas natin ang ating pananampalataya kay Jesucristo kapag sinisikap nating sundin ang Kanyang mga kautusan at “lagi siyang [inaalala]” [Moroni 4:3]. Bukod pa rito, lumalakas din ang ating pananampalataya sa tuwing ginagamit natin ito. Ito ang ibig sabihin ng pagkatuto sa pamamagitan ng pananampalataya.
Halimbawa, kapag nanampalataya tayo at sumunod sa mga batas ng Diyos—maliitin man tayo ng maraming tao—o sa bawat pagkakataon na tinatanggihan natin ang mga kasiyahan o ideolohiya na tahasang lumalabag sa ating mga tipan, ginagamit natin ang ating pananampalataya, at lalo itong lumalakas. (Russell M. Nelson, “Yakapin ang Bukas nang may Pananampalataya,” Liahona, Nob. 2020, 75)
Ano ang natutuhan ninyo mula sa pahayag ni Pangulong Nelson?
Sa inyong palagay, paano magagamit ang pagkatuto sa pamamagitan ng pananampalataya sa iba’t ibang pagkakataong matuto (tulad ng tahanan, paaralan, seminary, at simbahan)?
“Isaayos ang inyong sarili”
Basahin ang Doktrina at mga Tipan 88:119–126, at hanapin ang payo ng Panginoon na makadaragdag sa kakayahan nating matuto sa pamamagitan ng pag-aaral at pananampalataya.
Alin sa mga pag-uugali o gawing ito ang nakaapekto sa kakayahan ninyong matuto?
Alin sa mga pag-uugali o gawing ito ang hinihikayat ng Espiritu na subukan ninyo?
Personal na pagsasabuhay
Pumili ng isang aspeto sa iyong buhay kung saan mapagbubuti mo pa ang iyong mga pagsisikap na matuto sa pamamagitan ng pananampalataya (tulad ng tahanan, paaralan, seminary, at simbahan).
Sa iyong palagay, paano makatutulong sa iyo ang pagkatuto sa pamamagitan ng pananampalataya sa aspetong ito?
Ano ang sisikapin mong gawin para matuto sa pamamagitan ng pananampalataya kay Jesucristo?