Seminary
Lesson 100—Doktrina at mga Tipan 88:1–13, 41–50: Ang Liwanag ni Cristo


“Lesson 100—Doktrina at mga Tipan 88:1–13, 41–50: Ang Liwanag ni Cristo,” Manwal ng Titser ng Seminary para sa Doktrina at mga Tipan (2025)

“Doktrina at mga Tipan 88:1–13, 41–50,” Manwal ng Titser ng Seminary para sa Doktrina at mga Tipan

Lesson 100: Doktrina at mga Tipan 88

Doktrina at mga Tipan 88:1–13, 41–50

Ang Liwanag ni Cristo

isang larawan ni Cristo, na nakatuon sa liwanag

Habang nasa Kirtland, Ohio, si Joseph Smith at ang ilang mataas na saserdote o high priest ay nanalangin sa Ama sa Langit para sa isang paghahayag hinggil sa pagtatayo ng Sion. Ang paghahayag ay nagturo ng mga katotohanan tungkol sa kapangyarihan at kahalagahan ng Liwanag ni Jesucristo. Layunin ng lesson na ito na tulungan ang mga estudyante na makadama ng mas malalim na pagpapahalaga sa impluwensya ng Liwanag ni Cristo sa kanilang buhay.

Mga Posibleng Aktibidad sa Pag-aaral

Mga bagay na ating nadarama

Maaari mong itanong sa mga estudyante ang sumusunod at ilista ang kanilang mga sagot. Maaari mo ring ipatalakay sa kanila ang tanong sa maliliit na grupo at pagkatapos ay ipasulat sa pisara ang kanilang mga sagot.

  • Ano ang mga halimbawa ng mga bagay na nadarama ninyo ngunit hindi ninyo nakikita?

    Maaaring ilista ng mga estudyante ang mga bagay na tulad ng init, hangin, pagmamahal, pasasalamat, pananampalataya, at iba pa.

  • Bakit maaaring mahalaga na malaman na may mga bagay na nadarama ninyo ngunit hindi nakikita?

Maaari mong anyayahan ang mga estudyante na maghanap ng inspirasyon upang matukoy ang impluwensya ng Diyos sa kanilang buhay.

Mga Gawain ng Liwanag ni Cristo

Nagtipon-tipon si Joseph Smith at siyam na elder ng Simbahan sa itaas ng Tindahan ni Newel K. Whitney sa Kirtland, Ohio. Ninais nila na mas maunawaan pa ang kanilang mga tungkulin sa pagtatayo ng Sion. Inanyayahan ni Joseph ang bawat tao na maghalinhinan sa pananalangin upang malaman ang kalooban ng Panginoon. Matapos manalangin, natanggap ng Propeta ang tinatawag natin ngayon na Doktrina at mga Tipan 88.

Sa pagsisimula ng mga estudyante sa pagbabasa ng sumusunod, tiyakin na nauunawaan nila na ang talata 6 ay tumutukoy kay Jesucristo.

Basahin ang Doktrina at mga Tipan 88:6–13, at alamin kung ano ang maituturo sa inyo ng mga talatang ito tungkol kay Jesucristo at sa Kanyang liwanag.

  • Ano ang natutuhan ninyo mula sa mga talatang ito tungkol sa Liwanag ni Cristo?

    Sa iba’t ibang ideya na maaaring ibahagi ng mga estudyante, tulungan silang matukoy ang katotohanan na ang Liwanag ni Cristo ay nagbibigay ng liwanag at buhay sa lahat ng Kanyang mga nilikha.

    Tulungan ang mga estudyante na makita kung paano makakaapekto sa kanilang buhay sa araw-araw ang pag-unawa sa impluwensya ng Diyos sa pamamagitan ng Liwanag ni Cristo. Ang sumusunod na tanong ay isang paraan upang magawa ito.

  • Ano ang ilang sitwasyon na kinahaharap ng kabataan kung saan makikinabang sila sa pagkilala sa impluwensya ng Diyos? Bakit?

icon ng handoutNilalayon ng sumusunod na aktibidad na tulungan ang mga estudyante na magkaroon ng mas malalim na pagpapahalaga sa Liwanag ni Cristo at kung paano nito maaaring maimpluwensyahan ang kanilang buhay.

Maaari kang gumawa ng apat na istasyon sa paligid ng silid na maaaring puntahan at kumpletuhin ng bawat estudyante. Maaaring ipadala sa mga estudyante ang kanilang journal, isang panulat, at ang kanilang mga banal na kasulatan sa bawat istasyon. Bilang alternatibo, maaari mong hatiin ang mga estudyante sa mga grupo na may tig-aapat na miyembro at mag-assign sa bawat estudyante ng isang bahagi sa handout na kukumpletuhin nila. Pagkatapos ay maaaring ibahagi ng mga estudyante ang natutuhan nila sa kanilang mga kagrupo.

Ang Liwanag ni Cristo

Bigyang-kahulugan ang Liwanag ni Cristo

Basahin ang Doktrina at mga Tipan 88:12–13, at maghanap ng mga paglalarawan sa Liwanag ni Cristo.

Basahin ang sumusunod na kahulugan ng Liwanag ni Cristo:

“[Ang Liwanag ni Cristo ay] banal na lakas, kapangyarihan, o [impluwensya] na nanggagaling sa Diyos sa pamamagitan ni Cristo at nagbibigay ng buhay at ilaw sa lahat ng bagay. Ito ang batas kung saan ang lahat ng bagay ay pinamamahalaan sa langit at sa lupa (D&T 88:6–13). Tinutulungan din nito ang mga tao na maunawaan ang mga katotohanan ng ebanghelyo at tinutulungang ilagay sila sa daan ng ebanghelyo na [humahantong] sa kaligtasan.” (Gabay sa mga Banal na Kasulatan, “Ilaw, Liwanag ni Cristo,” scriptures.ChurchofJesusChrist.org)

  • Paano mo ibubuod ang naunawaan mo tungkol sa kung ano ang Liwanag ni Cristo?

  • Sa iyong palagay, paano ka personal na naiimpluwensyahan ng Liwanag ni Cristo?

Ang Liwanag ni Cristo bilang ating konsensya o budhi

Ang isang manipestasyon ng Liwanag ni Cristo ay ang ating konsensya. Sumulat ng isang kahulugan na mauunawaan ng isang bata sa Primary ayon sa pagkaunawa mo kung ano ang konsensya.

Basahin ang sumusunod na kahulugan at tingnan kung ano ang maaari mong idagdag sa iyong kahulugan:

“Ang [budhi ay] pagkilala sa tama at mali, na nagmumula sa Liwanag ni Cristo sa lahat ng tao (Moro. 7:16). Isinilang tayo na may likas na kakayahang makilala ang tama [sa] mali dahil sa ibinigay na Liwanag ni Cristo sa bawat tao (D&T 84:46). Ang bagay na ito ay tinatawag na budhi. Ang pagkakaroon nito ang siyang lumilikha ng pagiging may pananagutan natin bilang mga nilalang. Tulad ng ibang kakayahan, ang ating budhi ay maaaring manghina dahil sa kasalanan o maling paggamit.” (Gabay sa mga Banal na Kasulatan, “Budhi,” scriptures.ChurchofJesusChrist.org)

Basahin ang Doktrina at mga Tipan 84:45–46 at Moroni 7:16, at hanapin ang mga salita o parirala na naglalarawan kung paano kumikilos ang Liwanag ni Cristo bilang ating konsensya o budhi. Maaari mong i-cross-reference ang dalawang talata.

  • Ano ang isang parirala mula sa mga talatang ito na tumutulong sa iyo na maunawaan kung ano ang konsensya?

  • Sa palagay mo, bakit ka binigyan ng Ama sa Langit at ni Jesucristo ng konsensya?

Paano nakaiimpluwensya ang pakikinig o pagbabalewala sa iyong konsensya sa mga pagpiling ginagawa mo at sa iyong walang hanggang destinasyon?

Ang Liwanag ni Cristo ay nasa lahat

Kunwari ay hiniling sa iyong magbahagi ka ng maikling ideya sa Sunday School tungkol sa kung paano tratuhin at pakitunguhan nang mas mabuti ang lahat ng tao, lalo na ang mga taong iba kaysa sa iyo. Maaari mong gamitin ang sumusunod na resources at anupamang mahahanap mo na makatutulong.

Itinuro ni Pangulong Boyd K. Packer (1924–2015) ng Korum ng Labindalawang Apostol:

Pangulong Boyd K. Packer

Habang mas natututuhan natin ang tungkol sa Liwanag ni Cristo, mas mauunawaan natin ang tungkol sa buhay at lalo nating mamahalin ang buong sangkatauhan. Tayo ay magiging mas mabubuting titser at missionary at magulang, at mas mabubuting kalalakihan at kababaihan at mga bata. Magkakaroon tayo ng mas malalim na paggalang sa ating mga kapatid sa Simbahan at sa mga taong hindi naniniwala. …

Ang Liwanag ni Cristo ay para sa lahat tulad ng mismong sikat ng araw. Saanman naroon ang tao, naroon ang Espiritu ni Cristo. Taglay ito ng bawat nabubuhay na nilalang. …

Kung mauunawaan natin ang realidad ng Liwanag ni Cristo sa lahat ng taong nakikita natin … at sa ating sarili, … magkakaroon tayo ng tapang at inspirasyon nang higit pa sa nalalaman natin dati. At dapat ngang ganito! At magiging ganito! Ang lahat ng ito ay dimensyon ng katotohanan ng ebanghelyo na nauunawaan lamang ng iilan. (Boyd K. Packer, “The Light of Christ,” Ensign, Abr. 2005, 8, 13–14)

Sumulat ng dalawa hanggang tatlong pangungusap tungkol sa kung paano makaiimpluwensya ang pag-unawa sa Liwanag ni Cristo sa pagtingin mo sa iba.

Ang Liwanag ni Cristo sa sansinukob

Naantig ka na ba sa kagandahan o karingalan ng mundong ito at ng sansinukob? Ano ang ipinadarama sa iyo ng mga ito?

Basahin ang Doktrina at mga Tipan 88:7–10, 45–47 at alamin ang natutuhan mo tungkol sa Liwanag ni Cristo, sa mundo, at sa sansinukob.

  • Ano ang matututuhan natin tungkol sa Panginoon mula sa Kanyang mga nilikha?

  • Kapag nakikita natin ang impluwensya ng Diyos sa sansinukob, paano ito makatutulong sa atin na makilala ang Kanyang impluwensya sa ating buhay?

Matapos magkaroon ng oras ang mga estudyante upang kumpletuhin ang mga istasyon, maaari mo silang bigyan ng pagkakataong ibahagi ang natutuhan at nadama nila. Maaaring makatulong ang mga sumusunod na tanong.

  • Ano ang natutuhan ninyo tungkol sa Liwanag ni Cristo na labis na nakaantig sa inyo?

  • Paano ninyo nakita ang impluwensya ng Liwanag ni Cristo sa inyong buhay?

  • Sa inyong palagay, paano makaiimpluwensya ang pagkilala sa Liwanag ni Cristo sa inyong buhay sa inyong kaugnayan sa Ama sa Langit at kay Jesucristo?

Maaari mong ibahagi kung paano ka naimpluwensyahan nang mas maunawaan mo ang Liwanag ni Cristo.