Seminary
Lesson 136—Doktrina at mga Tipan 126: Tinanggap ng Panginoon ang Paglilingkod ni Brigham Young


“Lesson 136—Doktrina at mga Tipan 126: Tinanggap ng Panginoon ang Paglilingkod ni Brigham Young,” Manwal ng Titser ng Seminary para sa Doktrina at mga Tipan (2025)

“Doktrina at mga Tipan 126,” Manwal ng Titser ng Seminary para sa Doktrina at mga Tipan

Lesson 136: Doktrina at mga Tipan 125–128

Doktrina at mga Tipan 126

Tinanggap ng Panginoon ang Paglilingkod ni Brigham Young

Brigham Young

Noong Hulyo 9, 1841, nagbigay ang Panginoon ng paghahayag kay Brigham Young sa pamamagitan ni Propetang Joseph Smith. Matapos maglingkod ni Brigham sa maraming misyon sa Estados Unidos, Canada, at England, sinabi ng Panginoon na katanggap-tanggap sa Kanya ang kanyang mga paglalakbay bilang missionary. Sinabi niya na panahon na para bigyan ni Brigham ng natatanging kalinga ang kanyang pamilya. Ang lesson na ito ay makatutulong sa mga estudyante na mas mapatindi ang kanilang hangaring masigasig na gumawa para sa Panginoon katulad ng ginawa ni Brigham Young.

Mga Posibleng Aktibidad sa Pag-aaral

Paglilingkod sa Panginoon

Isulat sa pisara ang pariralang Paglilingkod sa Panginoon, at anyayahan ang mga estudyante na gawin ang sumusunod:

Isipin na kunwari ay nag-survey ang isang stake o district leader sa mga tinedyer na miyembro ng Simbahan sa inyong lugar at itinanong ang mga sumusunod. Ano kaya ang ilan sa mga isasagot nila?

  • Sa anong mga paraan mo sinusubukang maglingkod sa Ama sa Langit at kay Jesucristo? Bakit ka naglilingkod sa Kanila?

  • Ano ang humahadlang sa paglilingkod mo sa Panginoon? Bakit kaya may mga pagkakataon na hindi natin palaging gustong maglingkod sa Kanya?

Matapos magbahagi ng mga estudyante, sabihin sa kanila na pag-isipan kung paano nila sasagutin ang mga tanong sa itaas.

Habang pinag-aaralan nila ang tungkol sa halimbawa ni Brigham Young sa lesson na ito, anyayahan ang mga estudyante na hangarin ang Espiritu Santo upang tulungan silang madaig ang anumang balakid sa paglilingkod sa Panginoon nang masigasig.

Ano ang nadama ng Panginoon tungkol kay Brigham Young

Maaari mong ibigay ang sumusunod na impormasyon sa ilang estudyante sa simula ng klase. Anyayahan silang ibuod ang makabuluhan o kawili-wili para sa kanila tungkol kay Brigham Young.

  • Lumaking dukha si Brigham Young, at siya ang pang-siyam sa labing-isang anak.

  • Sa edad na 14, pumanaw ang kanyang ina.

  • Sa edad na 16, bumukod siya at sinimulang buhayin ang kanyang sarili, naging baguhang karpintero, glass worker, at tagapinta.

  • Sa edad na 23, pinakasalan niya si Miriam Works, at kalaunan ay nagkaroon sila ng dalawang anak na babae.

  • Pinag-aralan ni Brigham ang Aklat ni Mormon sa loob ng dalawang taon, at inihambing niya ito sa Biblia, bago siya sumapi sa Simbahan. Kalaunan ay sinabi niya, “Napag-alaman kong ito ay totoo, tulad ng pagkakaalam kong nakakikita ako sa pamamagitan ng aking mga mata, o nakadarama sa pamamagitan ng aking mga daliri” (Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: Brigham Young [1997], 3).

  • Naglingkod si Brigham sa 10 misyon sa Estados Unidos, Canada, at England.

  • Naging miyembro siya ng Korum ng Labindalawang Apostol sa edad na 33.

  • Noong Hulyo 9, 1841, nagbigay ang Panginoon ng paghahayag kay Brigham Young sa pamamagitan ni Propetang Joseph Smith.

Basahin ang Doktrina at mga Tipan 126:1–3, at alamin kung ano ang sinabi ng Panginoon kay Brigham tungkol sa paglilingkod nito.

  • Ano ang nagustuhan o natutuhan ninyo mula sa mga talatang ito?

    Makinig nang mabuti habang nagbabahagi ang mga estudyante. Kung sa tingin mo ay magiging kapaki-pakinabang ito, sundan ito ng tanong na tulad nito: “Anong mga salita ang ginamit sa paghahayag upang tukuyin si Brigham?” “Sa inyong palagay, ano ang mararamdaman ni Brigham sa mga salitang ito?” “Ano ang itinuturo sa inyo ng mga talatang ito tungkol sa Panginoon?”

    Kung hindi matutukoy ng mga estudyante ang isang alituntunin, maaari mong itanong ang, “Paano naaangkop sa atin ang mga tagubilin ng Panginoon kay Brigham Young?” Maaaring gumamit ang mga estudyante ng iba’t ibang salita ngunit dapat silang tumukoy ng isang alituntunin na may pagkakatulad sa sumusunod: Kung gagawa tayo nang masigasig para sa Panginoon, tatanggapin Niya ang ating matwid na handog. Maaari mong imungkahi sa iyong mga estudyante na isulat ang alituntuning ito sa kanilang mga banal na kasulatan.

  • Ano sa palagay ninyo ang alam ng mga tao na tulad ni Brigham Young na naghihikayat sa kanila na masigasig na maglingkod sa Panginoon? Paano tayo matutulungan nito?

Ang halimbawa ni Brigham Young

Icon ng HandoutAng sumusunod na handout ay may tatlong posibleng talakayan upang matulungan ang mga estudyante na matutuhan ang tungkol sa masigasig na paggawa para sa Panginoon mula sa halimbawa ni Brigham Young. Bago magsimula ang klase, anyayahan ang tatlong estudyante na maglingkod sa klase sa pamamagitan ng pangunguna sa isa sa mga sumusunod na talakayan. O hatiin ang klase sa mga grupo na may tigtatatlong miyembro at anyayahan ang bawat miyembro ng grupo na pangunahan ang isa sa mga talakayan. Sabihin sa mga estudyante na maaari nilang iakma ang alinman sa mga tanong para gawing mas makabuluhan o epektibo ang talakayan para sa kanilang mga kaklase.

Ang Halimbawa ni Brigham Young

Talakayan 1

Ang Hamon ng Pagsasalita sa Harap ng Maraming Tao

Magsimula sa pamamagitan ng pagtatanong ng tulad sa mga sumusunod:

  • Ano ang nadarama mo tungkol sa pagsasalita sa harap ng maraming tao? Bakit?

Basahin o ibuod ang sumusunod:

Isa sa pinakamalalaking hamon para kay Brigham Young ay ang pagsasalita sa harap ng maraming tao. Sabi niya, “Halos hindi ko maipahayag nang mabuti ang aking sarili gaya ng sinuman” (sa Journal of Discourses, 5:97). Ginunita niya ang isang pagkakataon kung saan, isang linggo matapos siyang mabinyagan, inasahan niyang mangangaral ang apat na bihasang tagapagsalita na mga miyembro ng Simbahan, ngunit hindi nila ito ginawa. Sabi niya:

Pangulong Brigham Young

Hindi pa ako mahusay sa pagsasalita sa harap ng maraming tao at sa kaalaman tungkol sa mundo; subalit ang Espiritu ng Panginoon ay napasaakin, at nadama ko ang napakatinding kagustuhang magsalita tungkol sa ebanghelyo at kausapin ang mga tao at sabihin sa kanila ang aking nakita, narinig at natutuhan—ang naranasan ko at nagpagalak sa akin; at ang unang mensaheng aking ibinigay ay natapos nang mahigit sa isang oras. Ibinuka ko ang aking bibig at pinuno ito ng Panginoon ng mga salita. (Brigham Young, sa Journal of Discourses, 13:211)

  • Ano ang mahirap sa ginawa ni Brigham Young?

Anyayahan ang mga estudyante na basahin ang Doktrina at mga Tipan 100:5–6 (tingnan din sa Exodo 4:12; Mga Kawikaan 16:1). Pagkatapos ay itanong:

  • Paano nauugnay ang karanasan ni Brigham Young sa mga talatang ito?

  • Ano ang natututuhan ninyo tungkol sa Panginoon na makatutulong sa inyo?

Ibahagi kung ano ang nadarama mo tungkol sa pagtitiwala sa Panginoon at pagiging handang ibahagi ang nalalaman mo.

Talakayan 2

Ang Sakripisyo ni Brigham upang Makapaglingkod

Magsimula sa pamamagitan ng pagtatanong ng tulad ng sumusunod:

  • Ano ang mga dapat isakripisyo upang makapaglingkod sa isang misyon?

Basahin o ibuod ang sumusunod:

Sa mismong taon na bininyagan si Brigham Young, pumanaw ang kanyang asawa. Napakahirap na sakripisyo ang ipaalaga pansamantala sa iba ang kanyang dalawang anak at maglingkod sa mga misyon sa New York at upper Canada, kung saan bininyagan niya ang ilang tao.

Matapos maglingkod sa isang misyon nang humigit-kumulang isang taon, inilarawan ni Brigham ang kanyang pagdating sa Kirtland, Ohio:

Pangulong Brigham Young

Kung may isa man sa mga nakipagtipon sa mga Banal na higit na pulubi kaysa sa akin—iyon ay dahil walang-wala siya. … May dalawa akong anak na inaalagaan. … Isa akong balo. … Walang sapatos sa aking mga paa maliban sa hiniram na mga bota. Wala akong damit panlamig, maliban sa isang amerikanang ginawa sa bahay na ginamit ko na ng tatlo o apat na taon. … Naglakbay ako at nangaral at ibinigay ang bawat dolyar ng aking ari-arian. (Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: Brigham Young [1997], 273)

Anyayahan ang isang estudyante na basahin ang Lucas 18:18–23, at alamin ang pagkakaiba ng tugon ni Brigham Young sa mga paanyaya na maglingkod at ng taong nakisalamuha sa Tagapagligtas sa salaysay na ito.

  • Ano ang nalalaman mo tungkol sa Panginoon na maaaring makatulong sa atin upang maging handang gumawa ng mga sakripisyong tulad ng ginawa ni Brigham Young?

  • Bukod pa sa paglilingkod sa mga misyon, sa ano pang paraan ninanais ng Panginoon na magsakripisyo tayo upang makapaglingkod sa Kanya?

Ibahagi kung ano ang nadarama mo tungkol sa pagiging handang magsakripisyo upang makapaglingkod sa Panginoon.

Talakayan 3

Misyon ni Brigham sa England

Magsimula sa pamamagitan ng pagtatanong ng tulad ng sumusunod:

  • Ano ang ilang dahilan kung bakit kailangan ng isang missionary ang tulong ng Panginoon?

Basahin o ibuod ang sumusunod:

Matapos makapag-asawang muli at maglingkod sa lima pang misyon, si Brigham ay tinawag, kasama ang iba pang Apostol, upang maglingkod sa isang misyon sa England.

Inilarawan ni Brigham ang kanyang misyon:

Pangulong Brigham Young

Dumaong kami … bilang mga dayuhan sa di kilalang lupain at wala ni kusing, ngunit sa pamamagitan ng awa ng Diyos nagkaroon kami ng maraming kaibigan, nakapagtayo ng mga Simbahan sa halos lahat ng kilalang bayan at lungsod sa kaharian ng Britanya, nakapagbinyag ng mga pito hanggang walong libo, nakapaglimbag ng 5,000 Aklat ni Mormon, … at iniwang nakatanim sa puso ng marami ang mga binhi ng walang hanggang katotohanan … : sa lahat ng bagay na ito ay pinasasalamatan ko ang kamay ng Diyos. (Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: Brigham Young [1997], 6–7)

Anyayahan ang mga estudyante na basahin ang mga salita ni Ammon sa Alma 26:12–13. Pagkatapos ay itanong:

  • Paano maikukumpara ang pahayag ni Brigham Young sa pahayag ni Ammon?

  • Sa iyong palagay, bakit mahalaga ang pag-asa sa Panginoon kapag nagsisikap kang maglingkod sa Kanya?

  • Paano mo sinubukang umasa sa Panginoon habang naglilingkod ka sa Kanya?

Ibahagi ang iyong mga naiisip o nadarama tungkol sa pag-asa sa Panginoon habang naglilingkod ka sa Kanya.

Ang natutuhan mo

Pagkatapos ng mga talakayan, maaari mong hikayatin ang mga estudyante na hangarin ang patnubay ng Espiritu Santo at isulat ang natutuhan at nadama nila tungkol sa paglilingkod sa Panginoon. Maaari nilang sagutin ang mga tanong na ito:

  • Ano ang natutuhan mo mula sa halimbawa ni Brigham Young at kung paano siya tinulungan ng Panginoon?

  • Ano ang nagpatindi sa hangarin mong maglingkod sa Panginoon?

Tapusin ang lesson sa pamamagitan ng pag-anyaya sa mga estudyante na ibahagi ang ilan sa mga naisip at nadama nila na isinulat nila. Maaari ka ring magbahagi.