Noong Agosto 1840, unang itinuro ni Joseph Smith ang doktrina ng pagbibinyag para sa mga patay. Nagalak ang mga miyembro ng Simbahan sa pagkakataon na magsagawa ng mga nakapagliligtas na ordenansa para sa kanilang mga yumaong kamag-anak. Sumulat si Joseph Smith ng mga liham sa mga Banal upang ituro sa kanila ang tungkol sa ordenansa ng pagbibinyag para sa mga patay. Ang lesson na ito ay makatutulong sa mga estudyante na madama ang pagmamahal ng Ama sa Langit para sa kanila, na ipinakita sa pamamagitan ng mga ordenansa sa templo.
Mga Posibleng Aktibidad sa Pag-aaral
Isang sitwasyon
Sa isang talakayan kasama ang mga missionary, nalaman ni Anna ang tungkol sa pangangailangang tularan ang halimbawa ng Tagapagligtas at magpabinyag (tingnan sa Mateo 3:13–17; Juan 3:5; 2 Nephi 31:4–11). Taos-puso niyang hinangad na magpabinyag, ngunit nag-alala rin siya tungkol sa kanyang yumaong kapatid na babae. Tinanong ni Anna ang mga missionary, “Paano naman ang kapatid kong babae na namatay bago pa siya mabinyagan?”
Habang pinag-iisipan ninyo ang mga elemento ng doktrina ng Tagapagligtas, ano ang mga nadarama ninyo na ibabahagi ninyo?
Ang plano ng Ama sa Langit
Unti-unting inihayag ng Panginoon kay Joseph Smith ang doktrina ng pagbibinyag para sa mga patay. Noong Agosto 1840, nangaral si Joseph Smith sa burol ni Seymour Brunson. Sa sermon, tumingin siya kay Jane Neyman, isang balo na ang anak ay namatay bago ito nabinyagan. Binanggit ni Joseph ang 1 Corinto 15:29 at itinuro niya na ang plano ng Diyos ay nagtulot sa isang buhay na tao na mabinyagan para sa isang taong yumao na. Kalaunan, bininyagan si Jane para sa kanyang anak na si Cyrus. Ito ang unang pagbibinyag para sa mga patay na isinagawa sa dispensasyong ito (tingnan sa Mga Banal: Ang Kuwento ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw, Tomo 1, Ang Pamantayan ng Katotohanan, 1815–1846 [2018], 480–81).
Kalaunan ay inihayag ng Panginoon na ang pagbibinyag para sa mga patay ay isasagawa sa templo (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 124:29–32). Noong Nobyembre 1841, nagsimulang magpabinyag ang mga Banal para sa kanilang mga ninuno sa hindi pa tapos na Nauvoo Temple. Noong Setyembre 1842, tinagubilinan ni Joseph Smith ang mga Banal na mag-ingat ng talaan ng mga ordenansang iyon at ng iba pang mahahalagang detalye. Ang mga tagubiling iyon ay nasa Doktrina at mga Tipan 127 at 128 (tingnan sa Mga Banal, 1:543–44) na ngayon. Ipinaliwanag ni Joseph Smith na ang isang tagapagtala ay dapat maging saksi ng ordenansa at mag-ingat ng mga tumpak na talaan na itatala sa pangkalahatang aklat ng simbahan. Itinuro din niya na dapat maging mga saksi ng ordenansa ang iba (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 128:2–4). Pagkatapos ay ipinaliwanag niya kung bakit kailangang napakapartikular ng pagkakaayos ng mga bagay na ito.
Basahin ang Doktrina at mga Tipan 128:5, at alamin ang natutuhan ninyo tungkol sa mga pagbibinyag para sa mga patay sa plano ng Ama sa Langit.
Ano ang itinuturo nito sa inyo tungkol sa Ama sa Langit at sa Kanyang plano?
Ano ang itinuturo sa inyo ng katotohanang ito tungkol sa mga katangian, pagkatao, o layunin ng Ama sa Langit?
Paano makaaapekto ang katotohanang ito sa inyo at sa inyong pamilya?
Pinatotohanan ni Elder D. Todd Christofferson ng Korum ng Labindalawang Apostol si Jesucristo at ang pagtubos sa mga patay.
Ang tungkulin natin ay kasinglawak at kasinglalim ng pagmamahal ng Diyos upang masakop ang lahat ng Kanyang mga anak sa bawat panahon at pook. Ang mga ginagawa natin para sa kapakanan ng mga yumao ay nagpapatotoo na si Jesucristo ang banal na Manunubos ng buong sangkatauhan. Ang Kanyang biyaya at mga pangako ay sumasaklaw maging sa mga tao na hindi Siya nahanap sa buhay na ito. Dahil sa Kanya, tunay ngang makalalaya ang mga bihag. (D. Todd Christofferson, “The Redemption of the Dead and the Testimony of Jesus,” Ensign, Nob. 2000, 11)
Nakatala sa lupa at sa langit
Matapos mabinyagan, dumalo si Anna sa templo at bininyagan siya para sa kanyang yumaong kapatid na babae. Napaisip siya kung paano niya malalaman na may bisa ang ordenansa sa langit.
Anong mga salita o parirala ang maaari ninyong ibahagi kay Anna?
Sa inyong palagay, bakit mahalaga sa plano ng Ama sa Langit ang pag-iingat ng talaan ng mga ordenansa?
Paano nakaiimpluwensya sa iyong karanasan sa templo ang pag-unawa sa mga talatang ito?
“Magsaya sa inyong mga puso, at labis na magalak”
Sa kanyang liham, madamdaming ipinahayag ni Joseph Smith ang kanyang mga pananaw tungkol sa maluwalhating doktrina ng pagtubos para sa mga patay. Basahin ang Doktrina at mga Tipan 128:22–23, at alamin ang mga damdaming ipinahayag tungkol sa plano ng Ama sa Langit.
Anong mga salita o parirala mula sa mga talatang ito ang nagsasaad ng mga nadarama ninyo tungkol sa plano ng Ama sa Langit para sa kaligtasan ng Kanyang mga anak?
Kailan ninyo naranasan ang alinman sa mga damdaming ito habang nakikibahagi kayo sa gawain sa templo at family history?
Ano sa palagay ninyo ang ibig sabihin ng “ang mga bilanggo ay makalalaya”? (talata 22). Bakit maaaring maging dahilan ito upang labis na magalak?