“Lesson 151—Doktrina at mga Tipan 137: Ang mga Magmamana ng Kahariang Selestiyal,” Manwal ng Titser ng Seminary para sa Doktrina at mga Tipan (2025)
“Doktrina at mga Tipan 137,” Manwal ng Titser ng Seminary para sa Doktrina at mga Tipan
Lesson 151: Doktrina at mga Tipan 137–138
Doktrina at mga Tipan 137
Ang mga Magmamana ng Kahariang Selestiyal
Noong Enero 1836, habang naroon sa hindi pa tapos na Kirtland Temple, nakakita si Propetang Joseph Smith ng isang pangitain tungkol sa kahariang selestiyal. Sa pangitaing ito, na ngayon ay Doktrina at mga Tipan 137, inihayag ng Tagapagligtas ang mga katotohanan tungkol sa plano ng Ama sa Langit. Ang lesson na ito ay makatutulong sa mga estudyante na madagdagan ang kanilang pagpapahalaga sa plano ng kaligtasan ng Ama sa Langit.
Mga Posibleng Aktibidad sa Pag-aaral
Ang plano ng Ama sa Langit para sa lahat ng Kanyang anak
Noong 1823, ang biglaang pagpanaw ni Alvin, ang panganay na anak, ay nagdulot ng matinding pighati sa pamilya Smith. Hiniling ng pamilya sa isang lokal na pastor na pangasiwaan ang libing ni Alvin. Dahil hindi nabinyagang miyembro ng kongregasyon ng pastor si Alvin, sinabi nito na hindi maliligtas si Alvin. Nagunita ng kapatid ni Joseph na si William Smith, “Ipinagdiinan … [ng pastor] na napunta sa impiyerno [si Alvin], dahil hindi siya miyembro ng simbahan” (sa Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: Joseph Smith [2007], 471–3). Sa buong buhay ni Joseph, lalo pa siyang nakaranas ng pangungulila kasama ng kanyang asawa na si Emma nang ilibing nila ang apat sa kanilang anim na anak na sanggol.
-
Ano kaya ang mga itinanong ni Joseph Smith at ng kanyang pamilya tungkol sa pagkamatay ng kanilang mga mahal sa buhay?
Isang pangitain tungkol sa kahariang selestiyal
Noong Enero 1836, nakipagpulong si Joseph sa iba pang mga lider ng Simbahan sa isang silid ng hindi pa tapos na Kirtland Temple. Doon natanggap ni Joseph ang pangitain tungkol sa kahariang selestiyal sa hinaharap. Sa pangitaing ito, na ngayon ay Doktrina at mga Tipan 137, itinuro kay Joseph ang mga walang-hanggang katotohanan tungkol sa kaligtasan ng mga anak ng Ama sa Langit, kabilang ang mga sanggol at ang kanyang kapatid na si Alvin.
Basahin ang Doktrina at mga Tipan 137:1–10, at alamin ang mga katotohanang itinuro ng Tagapagligtas tungkol sa plano ng kaligayahan ng Ama sa Langit.
-
Ano ang itinuturo ng Tagapagligtas sa mga talatang ito na maaaring nakapagpapanatag kay Joseph Smith at sa kanyang pamilya? Bakit maaaring nakapapanatag ito?
-
Ano kaya ang nadama ng pamilya Smith tungkol sa mga katotohanang itinuro ng Tagapagligtas sa mga talatang ito?
-
Ano ang nadarama ninyo tungkol sa mga katotohanang ito? Paano naaapektuhan ng mga katotohanang ito ang inyong pagpapahalaga sa Ama sa Langit at kay Jesucristo?
Ang lahat ng tatanggap ng ebanghelyo ng Tagapagligtas ay karapat-dapat sa kahariang selestiyal (tingnan sa talata 7–8)
Sitwasyon: Isipin na kunwari ay nakikipag-usap ka sa isang pamilya na nasa sitwasyong katulad ng sa pamilya Smith noong namatay si Alvin.
Resources sa pag-aaral: Basahin ang Doktrina at mga Tipan 137:7–8; 1 Pedro 4:6; Mosias 15:24; at ang sumusunod na pahayag ni Pangulong Russell M. Nelson:
Dahil sa habag, ang dakilang plano ng kaligayahan ng Diyos at ang walang hanggang mga pagpapala nito ay maibibigay sa mga taong hindi nagkaroon ng pagkakataong marinig ang ebanghelyo sa mortalidad. Ang mga ordenansa sa templo ay maaaring gawin para sa kanila. (Russell M. Nelson, “Selestiyal na Kasal,” Liahona, Nob. 2008, 94)
Mga tanong na tatalakayin:
-
Paano kaya matutulungan ng mga banal na kasulatan na ito at ng mga turo ni Pangulong Nelson ang pamilya na maunawaan ang plano ng Ama sa Langit para sa Kanyang mga anak?
-
Sa anong mga paraan naaapektuhan ng katotohanang ito ang inyong nadarama sa Ama sa Langit, kay Jesucristo, at sa plano ng kaligtasan?
Hahatulan alinsunod sa ating mga gawa at naisin ng ating puso (tingnan sa talata 9)
Mga Sitwasyon:
-
Nag-aalala si Lorenzo na maaaring hindi siya kailanman magkakaroon ng pagkakataong makahanap ng makakasama sa kawalang-hanggan at maikasal sa templo.
-
Si Amy lamang ang miyembro ng Simbahan sa kanyang pamilya. Nag-aalala siya na hindi siya maibubuklod sa kanyang mga magulang.
Resources sa pag-aaral: Balikan ang Doktrina at mga Tipan 137:9 at ang pahayag na ito ni Pangulong Russell M. Nelson:
Paano na yaong mga hindi nakapag-asawa sa buhay na ito o hindi maaaring ibuklod sa kanilang mga magulang sa buhay na ito? Alam natin na hahatulan ng Panginoon ang bawat isa sa atin alinsunod sa mga hangarin ng ating puso, gayundin sa ating mga gawa, at ang mga pagpapala ng kadakilaan ay ibibigay sa lahat ng karapat-dapat. (Russell M. Nelson, “Kaligtasan at Kadakilaan,” Liahona, Mayo 2008, 10)
Mga tanong na tatalakayin:
-
Para sa inyo, ano ang ibig sabihin ng hahatulan tayo ng Panginoon alinsunod sa ating mga gawa at naisin o hangarin ng ating puso?
-
Paano kaya makatutulong ang katotohanang itinuro sa talata 9 kay Lorenzo o kay Amy na mas maunawaan ang plano ng Ama sa Langit para sa bawat isa sa Kanyang mga anak?
-
Sa anong mga paraan naaapektuhan ng katotohanang ito ang nadarama ninyo tungkol sa pagmamahal ng Ama sa Langit at sa Kanyang plano ng kaligtasan?
Ang maliliit na bata ay ligtas sa kahariang selestiyal (tingnan sa talata 10)
Sitwasyon: Bilang missionary, nakilala mo ang mga nagdadalamhating magulang ng isang dalawang taong gulang na batang lalaki na nalunod. Nag-aalala ang mga magulang na hindi makakapunta sa langit ang kanilang anak dahil hindi pa siya kailanman nabinyagan.
Resources sa pag-aaral: Basahin ang Moroni 8:8, 11–12; Doktrina at mga Tipan 29:46; 137:10.
Mga tanong na tatalakayin:
-
Anong mga aspeto ng plano ng kaligtasan ng Ama sa Langit ang ibabahagi ninyo sa mga magulang na ito?
-
Ano pang karagdagang kapanatagan ang maaari ninyong ibigay sa mga magulang sa sitwasyon?
-
Paano nakakaapekto ang katotohanang ito sa inyong pagpapahalaga sa Ama sa Langit, kay Jesucristo, at sa plano ng kaligtasan?
Ibahagi ang inyong nadarama
-
Paano maiaangkop ang mga katotohanang natutuhan ninyo ngayon sa inyong mga kasalukuyang kalagayan o alalahanin?
-
Paano nakaapekto ang natutuhan o nadama ninyo sa inyong pagpapahalaga sa Ama sa Langit, kay Jesucristo, at sa plano ng kaligayahan?