Seminary
Lesson 163—Ang Buhay na Cristo, Bahagi 2: “Iniaalay Namin ang Aming Patotoo tungkol sa Katotohanan ng Kanyang Hindi Mapapantayang Buhay”


“Lesson 163—Ang Buhay na Cristo, Bahagi 2: ‘Iniaalay Namin ang Aming Patotoo tungkol sa Katotohanan ng Kanyang Hindi Mapapantayang Buhay,’” Manwal ng Titser ng Seminary para sa Doktrina at mga Tipan (2025)

“Ang Buhay na Cristo, Bahagi 2,” Manwal ng Titser ng Seminary para sa Doktrina at mga Tipan

Lesson 163: Ang Buhay na Cristo

Ang Buhay na Cristo, Bahagi 2

“Iniaalay Namin ang Aming Patotoo tungkol sa Katotohanan ng Kanyang Hindi Mapapantayang Buhay”

kabataang may hawak na larawan ni Jesus

Tulad ng pagpapatotoo ng Unang Panguluhan at ng Korum ng Labindalawang Apostol tungkol sa buhay na Cristo, maaari din nating ipahayag na si Jesucristo ay buhay! Ang lesson na ito ay makatutulong sa mga estudyante na ibahagi sa iba ang kanilang mga iniisip at nadarama tungkol kay Jesucristo.

Mga Posibleng Aktibidad sa Pag-aaral

Mga dahilan ng pagbabahagi

Upang matulungan ang mga estudyante na maghandang matuto, maaari kang magdala ng isang bagay na gusto mo at nais mong ibahagi sa iyong klase. Ito ay maaaring larawan, karanasan, o paboritong pagkain. Anyayahan ang mga estudyante na mag-isip ng mga bagay na ibinahagi o gusto nilang ibahagi sa iba kamakailan.

  • Ano ang gusto ninyong ibahagi?

  • Bakit gusto ninyong ibahagi ito?

    Ilista sa pisara ang mga dahilan kung bakit gustong magbahagi ang mga estudyante ng isang bagay.

  • Aling mga dahilan sa listahan ang maaaring maiangkop sa pagbabahagi sa iba ng karanasan o patotoo tungkol kay Jesucristo?

  • Anong mga partikular na dahilan ang maidaragdag ninyo sa inyong listahan para sa pagpapatotoo tungkol kay Jesucristo?

Anyayahan ang mga estudyante na isipin ang nadarama nila tungkol sa pagbabahagi pa sa iba tungkol kay Jesucristo at kung bakit ganoon ang nadarama nila.

Paghahanda na patotohanan ang tungkol kay Jesucristo

Ipabasa sa isang estudyante ang sumusunod na pahayag.

Itinuro ni Elder Neil L. Andersen ng Korum ng Labindalawang Apostol:

Elder Neil L. Andersen

Marami sa mundo ang walang gaanong alam tungkol kay Jesucristo, at sa ilang lugar sa mundo kung saan naipahayag ang Kanyang pangalan sa loob ng maraming siglo, nababawasan ang pananampalataya kay Jesucristo. … Sa buong mundo … ibinadya sa isa pang pag-aaral na sa darating na mga dekada, mahigit doble ang aalis sa Kristiyanismo kaysa mga tatanggap dito. …

… Kung hindi Siya madalas na babanggitin ng mundo, sino pa ang babanggit sa Kanya nang mas madalas? Tayo! (Neil L. Andersen, “Nangungusap Tayo tungkol kay Cristo,” Liahona, Nob. 2020, 88–89)

  • Ano ang mga naisip o nadama ninyo tungkol sa pahayag na ito ni Elder Andersen?

Ang Unang Panguluhan at ang Korum ng Labindalawang Apostol ay mga halimbawa ng pagbabahagi ng tungkol kay Jesucristo. Ang isang halimbawa nito ay ang pagpapahayag na “Ang Buhay na Cristo.” Mag-ukol ng ilang minuto para suriin ang dokumentong ito, at pagnilayan ang mga pakinabang na maaari nating maranasan dahil ibinahagi nila ang kanilang patotoo tungkol kay Jesucristo.

Anyayahan ang mga estudyante na ibahagi ang anumang pakinabang na naiisip nila.

Maaaring malaki ang pagkakaiba-iba ng mga naiisip at nadarama ng mga estudyante tungkol sa madalas na pagbanggit sa Tagapagligtas. Ang pagtukoy sa isang alituntunin mula sa mga banal na kasulatan ay makatutulong sa kanila na maunawaan kung gaano kahalaga na gawin ito. Maaari mong gamitin ang sumusunod na banal na kasulatan.

Basahin ang 2 Nephi 25:26, at maghanap ng karagdagang dahilan para magpatotoo tungkol kay Jesucristo.

  • Anong mga katotohanan ang matututuhan natin mula sa dahilan ni Nephi?

    Ang isa sa mga katotohanang maaaring matukoy ng mga estudyante ay habang nangungusap tayo tungkol kay Jesucristo at nagagalak tayo kay Jesucristo, malalaman ng iba na maliligtas Niya sila mula sa kanilang mga kasalanan.

  • Paano makakaimpluwensya sa hangarin ninyong magpatotoo o magbahagi ng inyong mga iniisip at nadarama tungkol sa Kanya ang kaalaman ninyo tungkol sa magagawa ni Jesucristo para sa iba?

Alalahanin ang mga katotohanang nalaman mo tungkol sa Tagapagligtas sa “Ang Buhay na Cristo” sa nakaraang lesson. Maaari ninyong piliin ang katotohanan na pinagtuunan ninyo sa lesson na iyon o pumili ng ibang katotohanan na gusto ninyong ibahagi sa iba.

Ito ay mga halimbawa ng maraming katotohanang maaaring natukoy ng mga estudyante:

  • Sa ilalim ng patnubay ng Ama sa Langit, nilikha ni Jesucristo ang mundo.

  • Inialay ni Jesucristo ang Kanyang buhay para magbayad-sala sa mga kasalanan ng buong sangkatauhan.

  • Si Jesucristo ay nabuhay na mag-uli at nabubuhay ngayon.

  • Si Jesucristo ang liwanag, ang buhay, at pag-asa ng mundo.

  • Si Jesucristo ang daan na naghahatid sa kaligayahan sa buhay na ito at buhay na walang hanggan sa daigdig na darating.

Maaaring ilaan ang natitirang oras sa klase sa mga sumusunod na aktibidad na makakatulong na ihanda ang mga estudyante na magbahagi. Pumili ng isang aktibidad na sa palagay mo ay makatutulong sa iyong mga estudyante, o ibigay ang bawat aktibidad bilang mga opsiyon na pipiliin ng mga estudyante. Upang matulungan ang mga estudyante na piliin ang pinakaangkop na aktibidad, maaari nilang isipin kung kanino nila gustong ibahagi ang kanilang patotoo.

Aktibidad A: Magsaulo

Ang isang paraan para maghandang magbahagi tungkol kay Jesucristo ay magsaulo ng isang bahagi ng “Ang Buhay na Cristo.”

Maglaan ng ilang minuto para isaulo ang isang bahaging nagtuturo ng katotohanang pinili mo. Maaari ninyo itong isulat, ulitin nang ilang beses, o i-record ang iyong sarili na binabasa ito at pakinggan ito nang ilang beses. (Maaari mo ring isaulo ang mga sipi ng banal na kasulatan na natagpuan mo sa naunang lesson na nagpapatotoo sa katotohanang iyon.)

Upang makatulong na mahikayat ang mga estudyante na magsaulo ng bahagi ng “Ang Buhay na Cristo,” maaari mong ipanood ang “Memorize the Living Christ: Goal Setting Ideas” (2:05).

2:7

Pagkatapos ay isulat kung kailan at paano mo maibabahagi sa iba ang isinaulo mo. Isama kung bakit makabuluhan sa iyo ang mga pariralang pinili mo at kung paano mo inaasahan na makatutulong ang mga ito sa iba na bumaling kay Jesucristo.

Aktibidad B: Gumawa ng poster, meme, o digital image

Ang isang paraan para matulungan kang ibahagi ang iyong mga naiisip at nadarama tungkol kay Jesucristo ay gumawa ng poster, meme, o digital image.

Maaaring pumili ng iba’t ibang larawan na ipinapakita ang kahulugan ng katotohanang pinili mo. Halimbawa, maaari mong piliing ibahagi ang katotohanan at kahalagahan ng binyag ni Jesucristo. Ito ay ipinapakita sa mga sumusunod na parirala mula sa “Ang Buhay na Cristo”: “Bagaman siya ay walang kasalanan, bininyagan siya upang gawin ang buong katuwiran.” Maaari mong isama ang linyang ito sa iyong proyekto, pati na rin ang paboritong larawan na ipinapakita ang binyag ng Tagapagligtas. Maaari ka ring magsama ng mga linya mula sa banal na kasulatan na nagpapalalim sa iyong pag-unawa.

Pagkatapos ay idagdag ang iyong paliwanag kung bakit mahalaga sa iyo ang kaalamang ito.

Kung gusto ng mga estudyante na gawin ito sa kanilang telepono, maaaring turuan ng mga estudyanteng nakakaalam kung paano gamitin ang media library ng Simbahan ang kanilang kaklase kung paano maghanap ng mga larawan. Kung gustong gawin ng mga estudyante ang kanilang mga proyekto sa papel, maaari kang magdala ng mga magasin ng Simbahan at hayaan ang mga estudyante na gumupit ng mga larawan o salita.

Aktibidad C: Maghanda ng mensahe

Ang isang paraan para sabihin sa iba ang tungkol kay Jesucristo ay magbigay ng mensahe.

Isipin na kunwari ay pumayag kang magsalita sa araw ng Linggo sa iyong ward o branch. Maaari mong ibahagi ang natututuhan mo tungkol kay Jesucristo at kung bakit ito mahalaga sa iyo. Magsulat ng kahit ilang talata na magagamit mo sa iyong mensahe. Tiyaking isama ang mga pahayag mula sa “Ang Buhay na Cristo,” mga scripture passage, at kung bakit makabuluhan ang mga ito sa iyo.

Oras para magbahagi

Bigyan ng oras ang mga estudyante upang ibahagi ang inihanda nila. Hikayatin ang iba’t ibang estudyante na makibahagi. Maaaring huminto paminsan-minsan para itanong sa mga estudyante kung ano ang nagustuhan nila o kung ano sa palagay nila ang makabuluhan sa ibinabahagi ng kanilang mga kaklase. Bigyang-diin na ang mga kaalamang ito ay mga pagpapala ng pagbanggit at pagpapatotoo tungkol sa Tagapagligtas.

Hikayatin ang mga estudyante na maghanap ng mga paraan para maibahagi ang mga bagay na ito sa labas ng klase. Kung naaangkop, maaari mong ibahagi ang mga pagpapalang natanggap mo sa pagbanggit ng tungkol kay Jesucristo sa iba. O maaari mong ibahagi ang pinatotohanan sa iyo ng iba. Maaaring tapusin ang klase sa pamamagitan ng pagtatanong sa mga estudyante ng sumusunod:

  • Paano mapabubuti ang inyong ugnayan kay Jesucristo habang ibinahagi ninyo sa iba ang inyong mga iniisip at nadarama tungkol sa Kanya?