“35. Pangangalaga at Paggamit sa mga Meetinghouse,“ Pangkalahatang Hanbuk: Paglilingkod sa Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw (2024).
“35. Pangangalaga at Paggamit sa mga Meetinghouse,“ Pangkalahatang Hanbuk.
35.
Pangangalaga at Paggamit sa mga Meetinghouse
35.1
Layunin
Ang Simbahan ay nagtatayo ng mga meetinghouse upang ang lahat ng pumapasok dito ay maaaring:
-
Gumawa at magpanibago ng mga tipan sa pamamagitan ng mga sagradong ordenansa (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 20:75; 59:9–12).
-
Magtipun-tipon (tingnan sa 3 Nephi 18:22–23).
-
Magkakasamang sumamba at manalangin (tingnan sa Mosias 18:25; Moroni 6:9).
-
Magturo at magminister sa isa’t isa (tingnan sa Moroni 6:4–5).
-
Makibahagi sa iba pang mga inaprubahang paggamit na inilarawan sa kabanatang ito.
Maaaring magkakaiba ang anyo ng mga meetinghouse depende sa mga lokal na kalagayan at pangangailangan. Ito ay maaaring isang gusaling ipinatayo o binili ng Simbahan, bahay ng miyembro, lokal na paaralan o community center, inuupahang lugar, o isa pang inaprubahang opsiyon.
35.2
Mga Tungkulin at Responsibilidad
35.2.1
Meetinghouse Facilities Department
Ang Meetinghouse Facilities Department sa headquarters ng Simbahan ay nagtatakda ng mga alituntunin at tuntunin sa pagpapatayo at pagpapanatili ng mga lugar ng pagsamba. Ang departamentong ito ay kumikilos sa ilalim ng pamamahala ng Presiding Bishopric.
Ang mga empleyado ng Meetinghouse Facilities ay responsable sa pagpapatayo at pagpapanatili ng mga meetinghouse at iba pang mga gusali ng Simbahan. Ginagawa ito sa ilalim ng pamamahala ng Area Presidency at ng area director for temporal affairs.
35.2.2
Church Facilities Manager
Ang isang facilities manager na empleyado ng Simbahan ay tumutulong sa bawat stake sa pagpapatakbo ng mga meetinghouse. Siya ang nag-aasikaso para sa malalaking pagkukumpuni, malawakang paglilinis, at regular na gawain sa pagpapanatiling maayos ng gusali.
Kung kinakailangan, tinuturuan ng facilities manager ang mga stake at ward building representative kung paano linisin ang gusali at magsagawa ng iba pang mga lokal na gawain. Siya ay nagbibigay ng mga tagubilin, materyales, at kagamitan.
Nakikipagtulungan ang facilities manager sa stake building representative upang pamahalaan ang mga serbisyong ito at ang kabuuang pangangalaga ng mga gusali. Maaari din niyang rebyuhin kasama ng mga bishopric ang mga gastusin sa gusali.
35.2.3
Area Seventy
Ang nakatalagang Area Seventy ay nakikipagtulungang mabuti sa mga stake president sa master planning process (tingnan sa 35.3).
35.2.4
Stake Presidency
Ginagabayan ng stake presidency ang mga bishop tungkol sa paggamit, pangangalaga, at seguridad ng mga meetinghouse. Inaatasan nila ang isang high councilor na maging stake building representative (tingnan sa 35.2.5). Sumasangguni sila sa kanya para marebyu ang kaugnay na mga pangangailangan at proyekto.
Kung kailangan ng mga miyembro ng karagdagang espasyo para sa pagsamba, ang stake presidency ay nagbibigay ng impormasyon sa Area Seventy. Ginagawa ito sa pamamagitan ng master planning process (tingnan sa 35.3).
35.2.5
Stake Building Representative
Tinutulungan ng stake building representative ang stake presidency sa paggamit, pangangalaga, at pagpapanatili ng seguridad ng mga meetinghouse sa pamamagitan ng:
-
Pagtuturo sa mga ward building representative ng kanilang mga tungkulin (tingnan sa 35.2.9).
-
Pamamahagi ng mga susi sa mga lider ng unit.
-
Pakikipag-ugnayan sa facilities manager ng Simbahan tungkol sa pagpapanatiling maayos at mga pangangailangan sa pagpapatakbo ng mga gusali.
35.2.6
Mga Stake at Ward Technology Specialist
Ang mga stake at ward technology specialist ay tumutulong sa paglalagay at pagpapanatiling maayos ng teknolohiya sa mga gusali. Kapag kailangang mag-install ng bagong kagamitan, nakikipag-ugnayan sila sa facilities manager. Para sa karagdagang impormasyon tungkol sa mga calling na ito, tingnan ang 33.10 (tingnan din ang mhtech.ChurchofJesusChrist.org).
35.2.7
Bishopric
Itinuturo ng bishopric (o ng ward building representative) sa mga miyembro kung paano gamitin, pangalagaan, at panatilihin ang seguridad ng gusali. Ipinamamahagi rin ng bishopric ang mga susi ng gusali sa mga lider ng ward.
Tinitiyak nila na ang mga aktibidad sa gusali at sa bakuran nito ay ligtas na naisasagawa (tingnan sa 20.7).
Nakikipag-ugnayan sila sa facilities manager ng Simbahan tungkol sa mga pangangailangan sa pagpapanatiling maayos at pagpapatakbo ng gusali. Maaari din nilang rebyuhin ang kaugnay na mga gastusin sa facilities manager.
35.2.8
Agent Bishop
Kung mahigit sa isang ward ang gumagamit ng isang gusali, inaatasan ng stake presidency ang isang bishop na maging agent bishop na siyang makikipag-ugnayan sa iba pang mga bishop tungkol sa mga takdang-gawain sa gusali. Kabilang sa mga takdang-gawain na ito ang pag-iiskedyul, paglilinis, at pagpapanatili ng seguridad ng gusali. Paminsan-minsang inililipat ng stake presidency ang responsibilidad na ito sa iba pang mga bishop ng ibang mga ward na nagtitipon sa gusali.
35.2.9
Ward Building Representative
Ang bishopric ay nagpapasiya kung tatawag o hindi ng isang ward building representative. Kung magpapasiya silang ibigay ang calling na ito, ang bishopric ay maaaring tumawag ng isang adult na miyembro na lalaki o babae. Kung walang tinawag na isang ward building representative, i-aatas ng bishop ang responsibilidad na ito sa isa sa kanyang mga counselor, sa ward clerk o sa isang assistant ward clerk, o sa executive secretary.
Inoorganisa ng ward building representative ang mga miyembro at boluntaryo sa paglilinis at pagpapanatiling maayos ng gusali. Tinuturuan niya sila kung paano gawin ang bawat gawain gamit ang mga materyales at kagamitang nasa gusali.
Kung kinakailangan, tumatanggap siya ng mga tagubilin mula sa stake building representative sa paggamit ng sound, heating, at air conditioning system, at iba pang mga system sa gusali.
35.2.10
Mga Miyembro
Sa ilalim ng pamamahala ng bishop, hinihikayat ng mga adult at youth leader ang mga miyembro na tumulong sa pag-aalaga at pagpapanatiling maayos ng gusali. Binabago ng bishopric at ng ward building representative ang mga gawain ayon sa mga kasanayan at kakayahan ng mga taong gagawa ng mga ito. Ang regular na pangangalaga ng mga miyembro sa mga kagamitan ng Simbahan ay makatutulong na tumagal ang mga ito.
35.3
Pagtatayo ng mga Meetinghouse
Iba-iba ang laki at uri ng mga meetinghouse batay sa mga lokal na pangangailangan at kalagayan. Ang meetinghouse ay maaaring isang gusaling ipinatayo o binili ng Simbahan, bahay ng miyembro, lokal na paaralan o community center, inuupahang lugar, o iba pang inaprubahang opsiyon.
Ang mga lider ng area at mga lokal na lider ay nagsisikap na lubos na magamit ang mga meetinghouse at maging matalino sa pagrerekomenda ng karagdagang espasyo. Sinusunod nila ang “Mga Alituntunin at Gabay sa Pagpapatatayo ng mga Meetinghouse” (Gabay sa mga Pasilidad ng Meetinghouse).
Ang mga lider ay naghahanda ng mga master plan taun-taon gamit ang Mga Tuntunin para sa Meetinghouse Master Planning upang matiyak na sapat ang espasyo ng meetinghouse. Ginagamit din ng mga lider ang master plan para suriin ang mga pangangailangan sa hinaharap para sa mga karagdagang espasyo o redeployment, na ang ibig sabihin ay pagbebenta o pagpapahintulot na gamitin para ibang mga layunin ang mga meetinghouse at ari-arian.
Para sa karagdagang impormasyon, tingnan ang “Pagtatayo ng mga Meetinghouse at Iba pang mga Lugar ng Pagsamba” (Gabay sa Mga Pasilidad ng Meetinghouse).
35.3.1
Mga Serbisyo sa Groundbreaking at Paglalaan ng mga Gusali
Maaaring magdaos ng mga serbisyo sa groundbreaking bago magsimula ang pagtatayo ng gusali. Kapag natapos na, ang mga bagong gusali o malalaking karagdagang espasyo o gusali ay dapat ilaan sa lalong madaling panahon. Maaari ding ilaan ang mga inuupahang lugar.
Para sa karagdagang impormasyon, tingnan ang “Mga Serbisyo sa Groundbreaking” at “Paglalaan ng mga Gusali” sa “Pagtatayo ng mga Meetinghouse at Iba pang mga Lugar ng Pagsamba” (Gabay sa mga Pasilidad ng Meetinghouse).
35.4
Pagpapanatiling Maayos ng mga Meetinghouse
35.4.1
Paglilinis at Pagpapanatiling Maayos ng mga Meetinghouse
Ang mga lokal na lider at miyembro, kabilang ang mga kabataan, ay may responsibilidad na tumulong na panatilihing malinis at maayos ang bawat gusali. Nakakatulong ito na:
-
Pangalagaan ang kasagraduhan ng gusali bilang isang lugar kung saan maaaring pumaroon ang Espiritu.
-
Maghikayat ng pagpipitagan.
-
Magpakita ng dignidad at paggalang.
-
Mapahaba ang buhay ng gusali.
Ang iskedyul ng paglilinis ay hindi dapat maging pabigat sa mga miyembro. Halimbawa, kung hindi madali ang paglalakbay papunta sa gusali, maaaring maglinis ang mga miyembro bilang bahagi ng mga lingguhang kaganapan kapag sila ay nasa gusali na.
Para sa karagdagang impormasyon, tingnan ang “Pagpapanatiling Maayos ng mga Meetinghouse” (Gabay sa mga Pasilidad ng Meetinghouse).
35.4.2
Paghiling ng mga Pagkukumpuni
Maaaring ireport ng mga miyembro ng ward at stake council ang mga pangangailangan sa pagkukumpuni sa gusali. Magagawa ito sa pamamagitan ng paggamit ng Facility Issue Reporting (FIR) tool. Ang FIR ay tumutulong sa mga lider na magsumite, subaybayan ang progreso ng, at magbigay ng feedback tungkol sa pagkukumpuni at iba pang mga kahilingan. Maaari ding kontakin ng mga miyembro ng council ang facilities manager para sa tulong.
Ang FIR ay makukuha rin bilang app sa Google Play at Apple App Store. Ang mga tagubilin sa paggamit ng FIR ay makukuha sa Help Center sa ChurchofJesusChrist.org.
35.4.3
Pag-inspeksyon ng Meetinghouse
Taun-taon, ang bawat gusali ay iniinspeksyon ng isang facilities manager. Ang layunin nito ay tukuyin ang mga pangmatagalang pangangailangan ng gusali at mga kinakailangang pagkukumpuni. Pagkatapos ay tinatalakay ng facilities manager sa stake building representative o agent bishop ang mga resulta ng inspeksyon at ang mga kinakailangang gawin.
35.4.4
Pagtitipid ng Tubig at Kuryente
Ang Simbahan ay nagsisikap na magtipid ng tubig, kuryente, at iba pang resource. Hinihikayat ng mga lider ang mga miyembro na magtipid ng kuryente at tubig sa gusali. Halimbawa, kapag nilisan ng mga miyembro ng isang silid, dapat nilang patayin ang mga ilaw, tubig, at heating at cooling equipment o ang setting na ginamit sa oras ng miting o aktibidad. Inirereport ng mga miyembro sa kanilang mga lider ang anumang kondisyon kung saan may nasasayang na tubig, kuryente, at iba pa.
Maaari ding suportahan ng mga miyembro ang mga proyektong itinataguyod ng komunidad para sa pagtitipid ng tubig at kuryente. Ang mga pagsisikap na ito ay maaaring makabawas sa mga bayarin.
Maaaring kontakin ng mga lider at miyembro ang facilities manager para sa karagdagang impormasyon tungkol sa paggamit at pagtitipid ng tubig at kuryente.
35.4.5
Kaligtasan at Seguridad
Ang mga lider at miyembro ay dapat:
-
Panatilihing walang sagabal ang mga pasilyo, hagdanan, pintuan, at mga utility room para sa ligtas na pagpasok at paglabas.
-
Huwag gumamit o mag-imbak sa gusali ng mga materyales na mapanganib o madaling magliyab.
-
Magtatag ng mga pamamaraan sa pagsasara ng gusali at sundin ang mga ito.
-
Ingatan ang mga kagamitang pag-aari ng Simbahan para hindi manakaw ang mga ito.
-
Alamin kung paano patayin ang tubig, kuryente, gas o langis, at iba pa.
Kung kinakailangan, ang facilities manager ay makapagbibigay ng isang mapa na nagpapakita ng lokasyon ng mga fire extinguisher, first aid kit, at kung saan papatayin ang tubig, kuryente, gas, at iba pa. Ang karagdagang impormasyon tungkol sa kaligtasan ay makukuha sa “Mga Patakaran sa Seguridad at Pagkandado ng Meetinghouse” sa “Pagpapanatiling Maayos ng mga Meetinghouse” (Gabay sa mga Pasilidad ng Meetinghouse). Tingnan din sa 20.7.
35.5
Mga Patakaran sa Paggamit ng mga Meetinghouse ng Simbahan
Ang mga meetinghouse ng Simbahan ay mga sagradong resource na dapat gamitin upang tulungan ang mga anak ng Diyos na mas mapalapit kay Cristo. Ang malugod na pagtanggap sa mga tao na sumama sa ating mga aktibidad sa mga meetinghouse at paggamit ng ating mga meetinghouse upang pagpalain ang ating mga komunidad ay mga paraan para “paliwanagin nang gayon ang [ating] ilaw sa harap ng mga tao; upang makita nila ang [ating] mabubuting gawa, at luwalhatiin nila ang [ating] Ama na nasa langit.” (Mateo 5:16).
Ang bahaging ito ay naglalaman ng mga pangkalahatang patakaran para sa paggamit ng meetinghouse. Ang mga patakarang ito ay angkop din sa lahat ng ari-arian at pasilidad na pag-aari ng Simbahan na nakapalibot sa meetinghouse. Ang karagdagang impormasyon ay makukuha sa mga source na nakalista sa bahaging ito.
35.5.1
Mga Pangunahing Alituntunin at Kinakailangan sa Paggamit ng mga Meetinghouse ng Simbahan
Ang mga meetinghouse ng Simbahan ay mga pribadong ari-ariang panrelihiyon na inilaan para sa pagsamba, pag-aaral ng ebanghelyo, pakikipagkapatiran, at angkop na mga aktibidad na tumutulong na mailapit ang mga tao kay Cristo. Ang paggamit ng mga meetinghouse ng Simbahan ay isang pribilehiyo.
Lahat ng paggamit ng mga meetinghouse ng Simbahan ay dapat matugunan ang mga sumusunod na pangunahing kinakailangan:
-
Maging ayon sa doktrina, mga patakaran, at gawi ng Simbahan, kabilang na ang kasagraduhan at mga layunin ng mga meetinghouse ng Simbahan.
-
Sumusunod sa batas.
-
Maging ayon sa tax-exempt status ng Simbahan kung saan naaangkop.
-
Gumawa ng angkop na mga hakbang upang maiwasan, mabawasan, at mapamahalaan ang mga panganib sa kaligtasan, kabilang na ang mga tuntunin at patakaran ng Simbahan para sa pangangalaga sa mga bata at kabataan (tingnan sa 12.5.1 at 20.7.1)
-
Sundin ang iba pang mga kondisyon at limitasyon na ibinigay ng stake president o bishop.
35.5.2
Paggamit ng Simbahan sa mga Meetinghouse
Ang mga miting, programa, at aktibidad ng Simbahan ay dapat bigyang-prayoridad sa iba pang mga paggamit ng meetinghouse kung may mga kaganapan na nagkasabay. Kabilang sa paggamit ng Simbahan ang:
-
Mga serbisyo sa pagsamba at iba pang mga miting sa araw ng Sabbath.
-
Mga leadership meeting.
-
Mga miting at aktibidad ng Relief Society.
-
Mga priesthood meeting at aktibidad ng mga mayhawak ng priesthood.
-
Mga miting at aktibidad ng Primary, Aaronic Priesthood, at Young Women.
-
Mga miting at aktibidad ng seminary, institute, young single adult, at single adult.
-
Gawain sa family history.
-
Mga miting at aktibidad ng mga missionary.
-
Mga aktibidad para sa kahandaan sa emergency.
Ang mga ward at stake ay maaari ding mag-alok ng iba pang mga programa ng Simbahan na kapaki-pakinabang sa mga miyembro at sa komunidad. Kabilang dito ang:
Ang stake president ay humihingi ng patnubay mula sa area office upang matiyak na nasusunod ang lokal na batas.
Para sa karagdagang impormasyon, tingnan ang A Leader’s Guide to Sharing Church Resources.
Sa ilang lugar na may mataas na bilang ng mga miyembro ng Simbahan, ang meetinghouse ay maaaring gamitin ng mahigit sa isang stake. Sa gayong mga pagkakataon, nagsasanggunian ang mga stake president tungkol sa paggamit at pag-iiskedyul ng gusali. Maaari nilang kontakin ang Area Seventy para sa patnubay kung kinakailangan.
Ang pag-apruba mula sa director for temporal affairs at Area Presidency ay kailangan bago gamitin ang meetinghouse bilang lugar ng pagtitipon para sa mga young single adult kung saan may karagdagang kagamitan o resources na hinihiling. Para humingi ng pag-apruba, kokontakin ng stake president ang facilities manager.
Lahat ng gumagamit ng meetinghouse ay dapat magpakita ng pagsasaalang-alang sa iba. Lahat ng pagsisikap ay dapat gawin upang matugunan ang mga pangangailangan ng iba. Kabilang sa mga pagsisikap na iyon ang pag-iiskedyul ng paggamit ng mga lugar, pagkontrol sa ingay, at paggamit sa loob lamang ng nakaiskedyul na oras.
Para sa karagdagang impormasyon tungkol sa mga aktibidad ng Simbahan, tingnan ang kabanata 20.
35.5.3
Paggamit ng mga Miyembro sa mga Meetinghouse—Personal at Pamilya
Maaaring hilingin ng mga miyembro na gumamit ng meetinghouse sa loob ng kanilang stake para sa mga personal na aktibidad o aktibidad ng pamilya. Para humingi ng pahintulot, kokontakin nila ang isang miyembro ng bishopric ng isang ward na nagpupulong sa meetinghouse na iyon (o isang taong itinalaga niya). Ang sumusunod na mga kondisyon ay dapat matugunan:
-
Ang paggamit ay dapat sumunod sa mga pangunahing alituntunin at kinakailangan sa 35.5.1.
-
Ang paggamit ay dapat pamahalaan nang personal ng isang responsableng adult na miyembro ng ward na nagpupulong sa meetinghouse.
-
Ang paggamit ay hindi dapat kasabay ng mga nakaiskedyul na mga aktibidad ng Simbahan.
-
Ang mga gagamit ang may buong responsibilidad para sa anumang pinsala sa mga pasilidad o anumang pinsala o pananagutan kaugnay ng gayong paggamit.
-
Kailangang linisin at lubos na ibalik ng mga gagamit ang mga pasilidad sa kondisyon nito bago ito gamitin.
-
Ang mga gagamit ay dapat sumunod sa direksyon at mga kahilingan mula sa mga lokal na lider, kabilang na ang mga kahilingan ng mga lider na subaybayan ang paggamit.
-
Maaaring hilingin ng mga lider ng Simbahan sa sinumang indibiduwal o grupo na itigil ang paggamit ng ari-arian ng Simbahan kung hindi sila sumusunod sa mga tuntunin.
-
Para sa inaprubahang mga aktibidad, ang mga lider ng ward at stake ay dapat gumawa ng mga pagsasaayos para sa access sa meetinghouse. Ang mga susi sa gusali ay dapat ibigay lamang sa itinalagang mga miyembro ng ward o stake.
Tingnan ang 38.3.4 para sa paggamit ng mga meetinghouse para sa mga kasal at reception sa kasal.
Tingnan ang 29.5 para sa paggamit ng mga meetinghouse para sa mga burol at iba pang mga serbisyo para sa mga patay.
35.5.4
Paggamit sa mga Meetinghouse ng Simbahan ng mga Nonprofit Organization o ng Iba pang mga Grupo o Indibiduwal
Maaaring pahintulutan ng pamunuan ng area ang mga nonprofit organization, mga grupo sa komunidad at iba pang mga grupo (tulad ng mga sports team), o mga indibiduwal na hindi inilarawan sa 35.5.3 na gamitin ang mga meetinghouse ng Simbahan para sa mabubuting aktibidad o paglilingkod. Ang mga kondisyon sa 35.5.3 ay dapat sundin.
Para humingi ng pag-apruba mula sa pamunuan ng area para sa gayong paggamit, kokontakin ng stake president ang facilities manager.
Kung inaprubahan ng pamunuan ng area ang paggamit ng isang nonprofit organization, kailangan ng Kasunduan para sa Pansamantalang Paggamit [Temporary Use Agreement]. Ang kasunduang ito ay makukuha mula sa area office. Kailangan din ang certificate of insurance mula sa nonprofit organization maliban kung kinumpirma ng director for temporal affairs na inaprubahan na ng Church Risk Management Division ang eksepsyon.
Ang mga grupo sa komunidad na hindi kwalipikadong nonprofit, gayundin ang mga indibiduwal na hindi inilarawan sa 35.5.3, ay dapat matugunan ang anumang kinakailangan na ipaaalam sa pamamagitan ng facilities manager.
35.5.5
Mga Emergency
Ang mga meetinghouse ng Simbahan ay maaaring gamitin para sa mahalagang paglilingkod sa komunidad sa oras ng emergency. Halimbawa, maaaring pahintulutan ng stake president ang mga meetinghouse sa kanyang stake na gamitin ng mga disaster-relief agencies at iba pa para sa kaugnay na mga pagsisikap (tingnan sa 35.5.4). Sa ganitong mga sitwasyon, nakikipagtulungan siya sa facilities manager at welfare and self-reliance manager, gayundin sa iba pang mga kinatawan ng Simbahan kung kinakailangan (tingnan sa 22.9.1.3).
Kung gagamitin ang mga meetinghouse para sa mga emergency, hinihikayat ang mga lider ng stake na makipag-ugnayan sa mga lider ng komunidad.
35.5.6
Mga Paggamit sa Meetinghouse na Hindi Pinahihintulutan
35.5.6.1
Mga Komersyal na Paggamit
Ang mga ari-arian ng Simbahan ay hindi maaaring gamitin sa mga komersyal na layunin. Halimbawa, hindi ito maaaring gamitin para suportahan ang anumang uri ng negosyo. Hindi rin maaaring gamitin ang mga resource sa loob ng mga meetinghouse, tulad ng mga bulletin board, para suportahan ang isang negosyo (tingnan sa 38.8.5). Ang gayong paggamit ay hindi nakaayon sa mga layunin ng mga ari-arian ng Simbahan. Maaaring salungat din ito sa mga lokal o pambansang batas na nagbibigay ng tax exemption sa mga ari-arian ng Simbahan (tingnan sa 34.8.1).
Ang sumusunod ay halimbawa ng mga komersyal na paggamit na hindi inaaprubahan:
-
Pagsulong o pagtataguyod ng mga negosyo o pamumuhunan
-
Pagbili, pagbenta, o pagsulong ng mga produkto, serbisyo, lathalain, o malikhaing mga gawa
-
Pagdaraos ng mga hindi awtorisadong fundraising activity o aktibidad na may layuning mangalap ng pondo (tingnan sa 20.6.5)
-
Pagdaraos ng mga pagtitipon ng mga koro, tagapagsalita, tagapagturo, grupong pang-edukasyon, o iba pang mga service provider na tumatanggap ng bayad para sa mga seminar, lesson (maliban sa mga pribadong pagtuturo ng piano o organ; tingnan sa 19.7.2), mga klase, o iba pang mga aktibidad
-
Pagpapa-upa ng espasyo para sa mga kasal o kaugnay na mga kaganapan sa kasal
35.5.6.2
Paggamit para sa Homeschooling at Childcare
Lubos na sinusuportahan ng Simbahan ang edukasyon at ang mga pamilya. Gayunman, ang mga meetinghouse ay hindi ginagamit para sa homeschooling o bilang mga childcare facility.
Ang pagsunod sa patakarang ito ay magbibigay ng seguridad at ilalayo ang Simbahan sa pagkakaroon ng pananagutan sa pagbabayad ng buwis.
35.5.6.3
Mga Layuning Pampulitika
Ang Simbahan ay walang kinikilingan sa pulitika. Ang mga ari-arian ng Simbahan ay hindi maaaring gamitin para sa mga layuning pampulitika o adbokasiyang pampulitika. Ang mga ipinagbabawal na aktibidad ay kinabibilangan ng mga miting sa pulitika at paggamit ng mga grupong nangangampanya at nagtataguyod ng mga adbokasiyang pampulitika. Ang mga pahayag na may kaugnayan sa mga layuning pampulitika ay hindi maaaring gawin sa mga ari-arian ng Simbahan, tulad ng sa mga bulletin board.
Gayunman, ang paggamit ng mga ari-arian para sa pagrerehistro ng botante o pagboto ay maaaring pahintulutan bilang eksepsyon (tingnan sa 38.8.30). Ang stake president ay maaaring makakuha ng gayong eksepsyon sa pamamagitan ng facilities manager (tingnan sa 35.5.4).
35.5.6.4
Iba pang mga Paggamit
Ang sumusunod na mga paggamit ng mga meetinghouse ng Simbahan ay karaniwang hindi pinapayagan:
-
Pagpapahintulot sa pagtulog nang magdamag (maliban sa mga emergency; tingnan sa 35.5.5)
-
Pagkakamping
-
Pagpapaarkila o pagpapaupa ng mga gusali at ari-arian ng Simbahan
Ang mga tuntuning ito ay angkop sa mga meetinghouse gayundin sa lahat ng ari-arian at pasilidad na pag-aari ng Simbahan sa paligid ng meetinghouse. Kung nadarama ng stake president na maaaring humingi ng eksepsyon, maaari niya itong hilingin sa facilities manager. Halimbawa, maaaring bigyan ng eksepsyon ang paggamit ng isang meetinghouse para tulungan ang mga miyembro na naglalakbay nang malayo para sa mga temple trip.
35.5.7
Iba pang mga Patakaran at Pamantayan na Angkop sa Lahat ng Paggamit
35.5.7.1
Mga Sacrament Hall
Ang mga sacrament hall ay mga silid kung saan sumasamba at nakikibahagi sa sakramento ang mga miyembro. Ang mga miting at aktibidad na idinaraos sa mga sacrament hall ay dapat na naaayon sa mga layuning ito. Para sa mga tuntunin tungkol sa pagdaraos ng mga kaganapan sa kultura, konsiyerto, at iba pang mga pagtatanghal sa mga sacrament hall, tingnan ang 19.3.5.
35.5.7.2
Mga Baril at Sandata
Ang mga baril at iba pang nakamamatay na sandata ay hindi pinahihintulutan sa mga ari-arian ng Simbahan. Kabilang dito ang mga nakatagong sandata. Hindi ito angkop sa kasalukuyang mga alagad ng batas.
35.5.7.3
Mga Kusina at mga Serving Area
Ang mga kusina at serving area ay maaaring gamitin upang maghain ng pagkain at meryenda at panatilihing mainit o malamig ang pagkain.
Sa ilang lugar, ang paghahanda ng pagkain sa kusina ay pinahihintulutan. Gayunman, sa Estados Unidos, Canada, at iba pang mga bansa, ang mga regulasyon sa pagkain ay kadalasang nangangailangan ng sertipikasyon, komersyal na kagamitan, o inspeksyon ng pamahalaan. Sa mga lugar na ito, ang pagkain ay dapat ihanda sa ibang lugar at dalhin sa meetinghouse. Ang mga demonstrasyon sa paghahanda ng pagkain ay eksepsyon at pinahihintulutan kahit umiiral ang mga regulasyong ito. Ang mga facilities manager ay maaaring magbigay ng patnubay para sa bawat area.
Para sa karagdagang impormasyon, tingnan ang safety.ChurchofJesusChrist.org.
35.5.7.4
Mga Paradahan ng Sasakyan
Ang paggamit ng mga paradahan ng sasakyan ng Simbahan ay dapat sumunod sa mga tuntunin na nakapaloob sa kabanatang ito. Bukod pa rito, ang mga paradahan ng sasakyan ay hindi dapat gamitin bilang paradahan ng mga pribado at pampublikong sasakyan o para sa iba pang katulad na paggamit nang walang pahintulot mula sa director for temporal affairs. Maaaring kontakin ng mga lider ang facilities manager para sa mga kahilingan. Ang personal na sasakyan at iba pang personal na mga kagamitan ay hindi maaaring iparada o itago sa mga ari-arian ng Simbahan.
Para sa karagdagang impormasyon tungkol sa mga paradahan ng sasakyan at mga paradahan ng sasakyan na para sa mga may kapansanan, tingnan ang “Mga Paradahan ng Sasakyan sa mga Meetinghouse” (Gabay sa mga Pasilidad ng Meetinghouse).
35.5.7.5
Pag-iimbak
Ang mga kagamitan sa pagpapanatiling maayos ng meetinghouse ang tanging kagamitan na maaaring iimbak o itago sa mga gusali. Ang mga kalakal o kagamitan na nauukol sa welfare ay maaaring ilagay sa mga meetinghouse sa oras ng emergency (tingnan sa 35.5.5). Maaaring kontakin ng mga lider ang facilities manager para sa mga tanong.
35.5.7.6
Karagdagang Impormasyon
Ang karagdagang impormasyon tungkol sa paggamit ng ari-arian ng Simbahan ay makukuha sa “Iba pang Impormasyon na May Kaugnayan sa mga Pasilidad ng Meetinghouse” (Gabay sa mga Pasilidad ng Meetinghouse). Kabilang sa resource na ito ang impormasyon at mga tagubilin tungkol sa mga likhang-sining, dekorasyon, kagamitan, watawat, bayad, paggamit ng bakanteng ari-arian ng Simbahan, at iba pang mga paksa.
Para sa mga patakaran tungkol sa paggamit ng mga recreational property, tingnan sa “Mga Recreational Camp” (Gabay sa Mga Pasilidad ng Meetinghouse).