“Pagpapanatiling Maayos ng mga Meetinghouse,” Pagtatayo ng mga Meetinghouse at Iba pang mga Lugar ng Pagsamba (2021)
“Pagpapanatiling Maayos ng mga Meetinghouse,” Pagtatayo ng mga Meetinghouse at Iba pang mga Lugar ng Pagsamba
Pagpapanatiling Maayos ng mga Meetinghouse
Paglilinis ng mga Meetinghouse
Ang mga meetinghouse ng Simbahan ay dapat pangalagaan sa paraang maipapakita ang kanilang sagradong katangian at layunin. Ang mga lokal na lider, miyembro, at ang facilities management group ay nagtutulungan sa pagpapanatiling malinis at maayos ng meetinghouse at ng bakuran nito.
Partisipasyon ng mga Miyembro
Ang mga miyembro, pati na ang facilities management group, ay hinihilingang gampanan ang mga responsibilidad para sa paglilinis at pangangalaga ng mga meetinghouse. Ang pangunahing layunin ng partisipasyon ng mga miyembro ay tulungan at pagpalain ang lahat ng miyembro—kabilang na ang mga kabataan at di-gaanong aktibong miyembro—sa pamamagitan ng pagbibigay sa kanila ng mga pagkakataong maglingkod. Ito ay nagbibigay-diin at nagpapaibayo rin ng paggalang sa mga bahay-sambahan ng Panginoon.
Ang partisipasyon ng mga miyembro ay isinasaayos at ipinapatupad sa ilalim ng pamamahala ng stake presidency. Maaaring tumawag ng mga stake at ward building representative na tutulong sa pakikipag-ugnayan para sa mga responsibilidad na ito. (Tingnan ang impormasyon tungkol sa program organization.)
Ang pangangailangan sa malawakang paglilinis at iba pang gawain ay nababawasan kapag nililinis ng mga indibiduwal ang gusali pagkatapos nila itong gamitin, at kapag sila ay nagiging matalino, maalaga, at magalang sa lahat ng oras.
Ang ward building representative ay maaaring mag-organisa at, kung maaari, pangasiwaan ang lingguhang paglilinis. Lahat ng miyembro ay dapat mabigyan ng pagkakataong tumulong sa paglilinis. Ang mga kabataan ay inaanyayahang makibahagi kasama ng kanilang pamilya, korum, o mga klase.
Ang mga kabataan ay hindi dapat bigyan ng responsibilidad na magkandado ng gusali sa gabi o magpaandar ng mga kagamitang de-kuryente.
Imbakan ng mga Gamit sa Paglilinis
Ang meetinghouse ay maaaring magkaroon ng isang imbakan para sa mga kagamitan at suplay sa paglilinis na magagamit ng mga miyembro. Ang mga stake at ward building representative ay maaaring makipag-ugnayan sa facilities management group para magkaroon ng mga kagamitan at suplay ang imbakang ito.
Mga Dapat Gawin Kapag May Emergency
Ang mga lokal na priesthood leader ay gumagawa ng mga plano kung paano tutugon sa iba’t ibang uri ng emergency na maaaring mangyari sa meetinghouse. Ginagamit nila ang mga planong ito upang sanayin ang mga miyembro at sumasangguni sila rito kapag may mga emergency. Inirerekomendang ipaskil sa angkop na lugar ang mga contact information ng lokal na pulisya, bombero, at emergency medical services.
Pag-iwas sa Sunog
Nababawasan ang posibilidad ng pagkakaroon ng sunog kapag ang lahat ng gumagamit ng meetinghouse ay gumagawa ng naaangkop na pag-iingat. Narito ang ilang mga mungkahi upang makaiwas sa sunog:
-
Ang mga materyal na nasusunog—kabilang na ang mga kahoy, mga produktong gawa sa papel, mga kemikal, at mga basura—ay hindi dapat ilagay sa mga silid, aparador, kabinet, at anumang lugar na mayroong boiler, pugon, mekanikal na kagamitan, at utilities.
-
Iwasang gumamit ng mga space heater.
-
Huwag iwanang walang bantay ang mga kalan o oven kapag nag-iinit ng pagkain o nagpapakulo ng tubig.
Mga Bangketa at Mga Daraanan ng Tao sa Labas
Tulad ng pagpapanatili ng mga lider na walang anumang bagay ang nakaharang sa mga pasilyo at iba pang daraanan ng tao sa loob ng gusali, mahalaga rin na panatilihing walang anumang bagay ang nakaharang sa mga bangketa at daraanan ng tao sa labas ng gusali para masiguro ang ligtas na pagpasok at paglabas ng mga tao.
Mga Susi ng Meetinghouse
Ang facilities management group ang nagbibigay ng mga susi ng meetinghouse sa mga lider ng stake. Ipinamamahagi ng bishopric ang mga susi sa mga lider ng ward ayon sa tagubilin ng stake. Ang bawat bishopric ay gumagawa ng talaan ng mga taong may hawak ng mga susi at maaari nilang ibigay ang talaang ito sa stake building representative. Ibinabalik ng mga miyembro ang lahat ng susi kapag na-release na sila mula sa kaugnay na mga responsibilidad.
Pera
Hindi dapat kailanman mag-iwan ng pera sa meetinghouse nang magdamag o nang walang nagbabantay.
Mga Patakaran sa Seguridad at Pagkandado ng Meetinghouse
Isinasaalang-alang ng mga lider ng stake o agent bishop ang pagkakaroon ng iskedyul para sa oras ng pagsasara ng mga meetinghouse at mga pamamaraan para sa pagkandado ng mga ito. Ang mga pamamaraang ito ay sinusunod gabi-gabi pagkatapos kaagad ng itinakdang oras ng pagsasara.
Maaaring mag-atas ang mga priesthood leader na dalawang tao ang magkakandado sa gusali upang makaiwas sa personal na panganib. Kabilang sa pamamaraan sa pagkandado ang pagtiyak na walang di-awtorisadong tao ang maiiwan sa gusali, pagpatay sa lahat ng ilaw at temporary heater o air conditioner, at pagsasara sa mga pintuan at bintana.
Ang mga miyembrong pinahihintulutang makapasok sa meetinghouse kahit anong oras ay dapat isara at ikandado ang mga pintuan sa labas at ang lahat ng bintana kapag aalis na sila.
Dapat tiyakin ng mga lokal na lider na ang mga computer, copy machine, portable electronic keyboard, at audiovisual equipment ay naitabi sa mga nakakandadong silid o imbakan. Bukod pa riyan, ang mga computer at electronic equipment ay dapat markahan na pag-aari ng Simbahan, at dapat magtabi ng isang listahan ng mga modelo at serial number ng mga ito.