Bishopric
Iba pang Impormasyon na May Kaugnayan sa mga Pasilidad ng Meetinghouse


“Iba pang Impormasyon na May Kaugnayan sa mga Pasilidad ng Meetinghouse,” Pagtatayo ng mga Meetinghouse at Iba pang mga Lugar ng Pagsamba (2021)

“Iba pang Impormasyon na May Kaugnayan sa mga Pasilidad ng Meetinghouse,” Pagtatayo ng mga Meetinghouse at Iba pang mga Lugar ng Pagsamba

Iba pang Impormasyon na May Kaugnayan sa mga Pasilidad ng Meetinghouse

Mga Likhang-Sining

Ang mga meetinghouse ay dapat magpakita ng pagpipitagan kay Jesucristo at magpatotoo sa paniniwala ng mga miyembro sa Kanya. Ang mga likhang-sining na naglalarawan kay Jesucristo ay dapat ilagay sa may pasukan ng meetinghouse para makatulong na maipakita ang pangunahing paniniwalang ito. Ang mga pasukan ay hindi dapat magkaroon ng mga bagay na nakagagambala tulad ng mga display case, bulletin board, mesa, at mga easel. Ang mga likhang-sining na naglalarawan kay Jesucristo, mga tagpo sa banal na kasulatan, at sa kasaysayan ng Simbahan ay angkop na ilagay sa mga pasilyo at silid-aralan.

Ang stake president o iba pang inatasang lokal na lider ay pumipili ng mga likhang-sining mula sa catalog ng mga likhang-sining na inaprubahan ng Simbahan para sa mga meetinghouse. Maaaring ibahagi ng facilities manager ang catalog na ito sa mga lider kapag kailangan ng bagong likhang-sining. Ang likhang-sining mula sa iba pang sources ay karaniwang hindi pinahihintulutan. Ang mga kahilingan para sa mga eksepsyon ay dapat gawin sa pamamagitan ng facilities manager.

Hindi maaaring maglagay ng likhang-sining sa sacrament hall o malapit sa baptismal font. Ang mga estatwa, monumento, bantayog, ipinintang larawan sa pader, at mosaic ay hindi pinapayagang ilagay sa loob o labas ng gusali. Ang patakarang ito ay maaaring hindi angkop sa mga likhang-sining na maraming taon nang nakadispley.

Mga Copy Machine

Ang pagbili ng mga copier ay ginagawa ayon sa mga tuntunin mula sa area office, na batay sa mga pangangailangan ng lokal na unit. Responsibilidad ng facilities management group ang pagbili ng mga copy machine para sa mga stake office at mga meetinghouse materials center.

Kapag kailangan ng maintenance o pagkukumpuni, kokontakin ng mga lokal na lider ang service provider kung mayroong umiiral na service contract. Kung wala naman, kokontakin ng mga lokal na lider ang facilities management group, na siyang mag-iiskedyul at magbabayad para sa gagawin.

Ang mga suplay na tulad ng papel at toner o ink ay binibili ng mga lokal na unit gamit ang kanilang local unit budget allowance.

Mga Dekorasyon

Ang mga dekorasyon para sa mga aktibidad na kaugnay ng mga pista-opisyal, handaan sa kasal, at katulad na mga kaganapan ay maaaring pansamantalang ilagay sa loob at labas ng isang gusali. Ang mga dekorasyon maliban sa mga bulaklak ay hindi maaaring ilagay sa sacrament hall sa oras ng sacrament meeting. Hindi hinihikayat ang paglalagay ng mga dekorasyon sa mga pasukan para mapanatili ang pagpipitagan sa Tagapagligtas.

Ang mga dekorasyon ay dapat simple at hindi magastos. Ang mga ito ay hindi rin dapat takaw-sunog. Dapat laging sundin ang mga lokal na batas at ordinansa na may kinalaman sa kaligtasan at pag-iwas sa sunog.

Kagamitan sa Komunikasyon sa Oras ng Emergency

Ang mga ward at stake ay hindi dapat bumili o tumanggap ng donasyong satellite telephone o amateur radio equipment para gamitin sa oras ng emergency o para ikabit sa meetinghouse. Hinihikayat ang mga lider na alamin kung sino ang mga taong may sarili nang kagamitan para makatulong sa mga pangangailangan sa komunikasyon ng ward at stake.

Mga Kagamitan para sa mga Patriarch

Sa bihirang mga sitwasyon, maaaring walang access ang patriarch sa isang computer (halimbawa, maaaring wala siyang sariling computer o hindi niya magagamit ang computer sa opisina ng clerk sa isang meetinghouse). Kung gayon, maaaring aprubahan ng stake president ang pagbili ng computer at magpapadala ng kahilingan sa pamamagitan ng pagkontak sa facilities manager. Ang mga stake ay nagbibigay ng audio recording equipment para sa mga patriarch gamit ang pondo ng local unit budget allowance (LUBA).

Mga Babayaran

Ang mga miyembro ay hindi dapat pagbayarin o hingan ng deposito sa paggamit ng mga meetinghouse para sa mga handaan sa kasalan, burol, pagtitipon ng pamilya, missionary reunion, aprubadong recital, o mga kautad na aktibidad.

Mga Bandila

Ang pambansang watawat ay maaaring iwagayway sa ari-arian ng Simbahan hangga’t nasusunod ang mga lokal na tuntunin. Ang watawat ay maaaring isabit sa loob ng mga gusali ng Simbahan sa mga espesyal na okasyon. Ang pagkamakabayan ay hindi nangangailangan ng patuloy na pagsasabit ng pambansang watawat sa mga lugar ng sambahan.

Homeschool at Day Care

Bagama’t talagang hinihikayat ng Simbahan ang pagkakaroon ng edukasyon, ang mga meetinghouse ay hindi dapat gamitin bilang mga pasilidad para sa homeschool o day care o para magdaos ng mga aktibidad ng homeschool.

Ang pagsunod sa patakarang ito ay magbibigay ng seguridad at ilalayo ang Simbahan sa pagkakaroon ng pananagutan sa pagbabayad ng buwis.

Satellite at Video Equipment

Ang satellite at video equipment ng Simbahan ay ginagamit lamang para sa mga hindi komersyal na layunin sa Simbahan kapag may pahintulot ng stake presidency o ng bishopric. Ang lahat ng kagamitan ay dapat nakatagong mabuti kapag hindi ginagamit. Hindi ito dapat alisin sa gusali para gamitin sa bahay o sa personal na paggamit.

Paggamit ng mga Shared Property (Mga Lugar na May Iba Ring Gumagamit)

Kailangan ang pahintulot para magamit ang mga shared property ng Simbahan, kabilang na ang pag-access sa mga ari-arian ng Simbahan, gate, easement, boundary issue, at mga kasunduan sa right-of-way.

Mga Karatula

Kung ang stake president ay may mga tanong tungkol sa mga karatula para sa mga gusali ng Simbahan, kokontakin niya ang facilities manager.

Mga Snowblower

Ang mga de-motor na kagamitan na pantanggal ng niyebe na pag-aari ng Simbahan ay ibinibigay sa bawat meetinghouse kung kinakailangan. Maaaring gamitin ng mga miyembro ng Simbahan ang kagamitang ito sa paglilinis ng mga sidewalk o bangketa ng meetinghouse. Dapat ipagawa lamang ito ng mga lider sa mga responsableng miyembro na nasa hustong gulang at atasan silang gamitin ito nang buong pag-iingat.

Bakanteng Lote ng Simbahan

Ang bakanteng ari-arian ng Simbahan ay hindi maaaring gamitin o okupahan nang walang pahintulot mula sa Area President. Sa ilang sitwasyon, maaaring pansamantalang gamitin ng mga lokal na miyembro ang bakanteng lote ng Simbahan para taniman. Kontakin ang lokal na facilities manager kung may mga tanong o para humingi ng pahintulot.