1 Tesalonica 1–3
Pagsunod kay Jesucristo sa pamamagitan ng Ministering o Paglilingkod nang May Pagmamahal
Kailan naipaalala sa iyo si Jesucristo dahil sa paglilingkod ng isang tao? Si Pablo at ang kanyang mga kasama ay naglingkod sa mga paraang katulad ng kay Cristo sa mga Banal sa Tesalonica, na nagbigay-inspirasyon sa kanila na patuloy na ipamuhay ang ebanghelyo sa kabila ng pag-uusig. Ang lesson na ito ay makatutulong sa iyo na pagpalain at impluwensyahan ang iba habang nagsisikap kang gawin ang ministering o maglingkod tulad ng ginawa ng ating Tagapagligtas na si Jesucristo.
Halimbawa ni Jesucristo
Tingnan ang mga larawang ito ni Jesucristo o isipin ang iba pang salaysay sa banal na kasulatan tungkol sa Kanyang pakikipag-ugnayan sa iba. Sa iyong study journal, ilista ang mga salita at parirala na naglalarawan ng ginagawa ng Tagapagligtas para sa mga indibiduwal na nakakaugnayan Niya.
-
Kung isa ka sa mga indibiduwal na kasama ng Tagapagligtas, ano kaya ang madarama mo dahil sa mga ginagawa ng Tagapagligtas? Bakit?
-
Kung titingnan mo ang listahang ginawa mo, aling mga salita o parirala ang gusto mong gamitin kapag naglilingkod sa iba? (Maaari mong markahan o i-highlight ang mga salitang pinakamahalaga sa iyo.)
Sa Simbahan, madalas nating tukuyin ang mga gawaing tulad nito bilang ministering.
Itinuro ni Brother David L. Beck, dating Young Men General President:
Ang ibig sabihin ng maglingkod ay magmahal at magmalasakit sa iba. Ibig sabihin ay tugunan ang kanilang pisikal at espirituwal na mga pangangailangan. Sa madaling salita, ibig sabihin ay gawin ang gagawin ng Tagapagligtas kung Siya ay narito.
(David L. Beck, “Ang Inyong Sagradong Tungkuling Maglingkod,” Liahona, Mayo 2013, 56)
-
Ano ang mahalaga para sa iyo sa pahayag ni Brother Beck?
-
Kung isasaalang-alang ang pahayag ni Brother Beck at ang mga salitang minarkahan mo sa iyong listahan, gaano kahusay mong ginagawa ang pagmiministering sa iba?
Maaaring may mga tanong o alalahanin ka tungkol sa pagmiministering sa iba. Maaari mong isulat ang mga ito sa iyong study journal at hanapin ang mga sagot habang pinag-aaralan mo ang 1 Tesalonica 1–3 ngayon. Maaari mo ring anyayahan ang Espiritu na tulungan kang maghanap ng mga paraan na mapagpapala at maiimpluwensyahan mo ang iba habang nagsisikap kang maglingkod tulad ng ginawa ng ating Tagapagligtas na si Jesucristo. Isulat ang iyong mga naisip at impresyon upang mapanalangin mong masunod ang mga ito.
Naglingkod si Pablo sa mga taga Tesalonica
Sa kanyang pangalawang paglalakbay bilang misyonero, nagtagumpay si Apostol Pablo at ang kanyang mga kasama sa pangangaral sa mga tao sa Tesalonica, ngunit ipinagtabuyan sila ng mga pinunong Judio sa lungsod (tingnan sa Mga Gawa 17:1–9). Kalaunan ay nalaman ni Pablo na ang mga Banal sa Tesalonica ay nanatiling tapat at nagbabahagi ng mensahe ng ebanghelyo, kahit na nakaranas sila ng pag-uusig dahil sa paggawa nito (tingnan sa 1 Tesalonica 1:6–8). Lakip ang pasasalamat para sa kanilang pananampalataya at pag-asa kay Jesucristo, isinulat ni Pablo ang kanyang unang liham sa mga taga Tesalonica (tingnan sa 1 Tesalonica 1:2–3).
Basahing mabuti ang 1 Tesalonica 2:7–14; 3:9–13. Maaari mong markahan ang mga salita at parirala na nakita mo na nagpapaalala sa iyo ng pagmamahal at pagmamalasakit na ibibigay ng Tagapagligtas. Maaari mong idagdag ang mga naisip mo sa iyong listahan.
Mga pagpapala ng ministering
Ang isang katotohanan na matututuhan natin tungkol sa ministering o paglilingkod mula sa mga talatang ito ay kapag naglilingkod tayo sa iba nang may pagmamahal, matutulungan natin sila na maging mas mabubuting tagasunod ni Jesucristo (tingnan sa 1 Tesalonica 2:10–14).
Maglingkod nang may pananampalataya at pagmamahal
Kung minsan ang mga tungkulin sa Simbahan ay magbibigay sa iyo ng mga pormal na oportunidad na makapaglingkod. Mas madalas, magkakaroon ka ng mga pagkakataong maglingkod sa mga pakikipag-ugnayan mo sa araw-araw sa mga kapamilya, kaibigan, at iba pa.
Nagbahagi si President Jean B. Bingham, Relief Society General President, ng ilang ideya kung paano maglingkod tulad ng ginawa ni Jesucristo. Panoorin ang video na “Paglilingkod na Tulad ng Ginagawa ng Tagapagligtas” mula sa time code na 0:45 hanggang 1:54, o basahin ang mga salita ni Pangulong Bingham. Maaari mong idagdag ang ilan sa kanyang mga mungkahi sa iyong listahan ng ministering.
Kung minsan iniisip natin na kailangang dakila at magiting ang bagay na ating gagawin upang “matanggap” ito na paglilingkod sa ating kapwa. Gayunman, ang mga simpleng paglilingkod ay maaaring magkaroon ng malaking epekto sa iba—pati na rin sa ating sarili. Ano ang ginawa ng Tagapagligtas? Sa pamamagitan ng dakilang kaloob ng Pagbabayad-sala at Pagkabuhay na Mag-uli … “walang sinuman ang nakapagbigay ng gayong makahulugang impluwensiya sa lahat ng nabuhay na at sa lahat ng mabubuhay pa sa mundo” [“Ang Buhay na Cristo,” ChurchofJesusChrist.org]. Pero Siya rin ay ngumiti, nakipag-usap, naglakad kasama, nakinig, nag-ukol ng oras, naghikayat, nagturo, nagpakain at nagpatawad. Naglingkod Siya sa pamilya at mga kaibigan, kapitbahay at mga dayuhan, at inanyayahan ang mga kakilala Niya at mga mahal sa buhay upang tamasahin ang saganang mga pagpapala ng Kanyang ebanghelyo. Ang mga “simpleng” paglilingkod at pagmamahal na iyon ay huwaran para sa ating ministering ngayon.
(Jean B. Bingham, “Paglilingkod na Tulad ng Ginagawa ng Tagapagligtas,” Liahona, Mayo 2018, 104)
-
Ano ang itinuturo sa iyo ng mga salita ni Sister Bingham tungkol sa paglilingkod na tulad ng ginawa ni Jesucristo?
-
Bakit kaya mahalagang tandaan na maisasakatuparan ang ministering sa pamamagitan ng mga simpleng paglilingkod?
Rebyuhin ang iyong listahan tungkol sa ibig sabihin ng magminister o maglingkod, at magdagdag ng anumang karagdagang ideya mula sa natutuhan mo ngayon. Tukuyin ang dalawa o tatlong salita na makatutulong sa iyo na maging higit na katulad ni Jesucristo habang naglilingkod ka.
Mapanalanging hingin ang tulong ng Ama sa Langit upang malaman kung sino ang nais Niyang paglingkuran mo ngayon at kung paano mo ito magagawa. Maaaring nakatanggap ka na ng mga pahiwatig mula sa Espiritu na maisasagawa mo na ngayon.
Kung walang maisip na pangalan ng isang partikular na tao, maaari kang manalangin sa Ama sa Langit na tulungan ka na matukoy ang isang pagkakataong maglingkod at gawin ito. Magtiwala na gagabayan ka Niya habang nagsisikap kang maglingkod tulad ng ginawa ng Tagapagligtas.
Opsiyonal: Gusto Mo Bang May Matutuhan Pa?
Paano kung hindi ako sigurado kung paano maglingkod sa iba?
Binigyang-diin ni Elder Neil L. Andersen ng Korum ng Labindalawang Apostol:
Ang isang taong may mabuting puso ay tutulong sa isang tao na mag-ayos ng gulong, sasamahan ang isang roommate sa pagpunta sa doktor, kakain ng tanghalian kasama ang isang taong nalulungkot, o ngingiti at mangungumusta upang mapasaya ang araw ng iba.
Ngunit ang sumusunod sa unang utos [na mahalin ang Diyos nang buong puso] ay natural na magdaragdag sa mahahalagang gawain na ito ng paglilingkod, na naghihikayat sa tao na patuloy na sumunod sa mga kautusan at nagbibigay ng mabuting payo sa isang pinanghihinaan ng pananampalataya o sa isang nangangailangan ng tulong upang makabalik muli sa matwid na pamumuhay.
(Neil L. Andersen, “A Holier Approach to Ministering” [Brigham Young University devotional, Abr. 10, 2018], 3, speeches.byu.edu)
Ipinahayag ni Bishop W. Christopher Waddell ng Presiding Bishopric:
Iniisip siguro natin kung paano tayo higit na makapaglilingkod, ngunit alam ng Panginoon, at sa pamamagitan ng Kanyang Espiritu ay papatnubayan tayo sa ating mga pagsisikap … sa pagsusumikap nating maging mga kasangkapan sa mga kamay ng Panginoon upang pagpalain ang Kanyang mga anak. Kapag humihingi tayo ng patnubay ng Espiritu at nagtitiwala sa Panginoon, ilulugar tayo sa mga sitwasyon at kalagayan kung saan maaari tayong kumilos at magpala—sa madaling salita, magministeryo.
(W. Christopher Waddell. “Tulad ng Ginawa Niya,” Liahona, Mayo 2019, 21)
Ipinaalala sa atin ni Brother David L. Beck, dating Young Men General President:
Ang paglilingkod ay hindi lamang isang bagay na ginagawa natin—inilalarawan nito kung sino tayo.
Maglingkod araw-araw. Nasa buong paligid ninyo ang mga pagkakataon. Hanapin ang mga ito. Magpatulong sa Panginoon na makita ang mga ito. Malalaman ninyo na karamihan ay maliliit at tapat na mga gawain ang tumutulong sa iba na maging mga tagasunod ni Jesucristo.
(David L. Beck, “Ang Inyong Sagradong Tungkuling Maglingkod,” Liahona, Mayo 2013, 57)
Para sa mas marami pang ideya o halimbawa tungkol sa ministering, tingnan ang dalawang artikulong ito mula sa mga magasin ng Simbahan:
-
“Ang Layunin na Magbabago sa Ating Ministering,” Liahona, Ene. 2019, 8–11
-
Eric B. Murdock, “Paglilingkod na Tulad ng Ginagawa ng Tagapagligtas,” Liahona, Dis. 2018, 32–35
Maaari mo ring tingnan ang page na “Ito ang Ministering” sa ChurchofJesusChrist.org.