Seminary
2 Corinto 11–12


2 Corinto 11–12

Pagtitiis sa mga Pagsubok nang may Pananampalataya kay Cristo

Isang dalagita ang nakaupo. Isang babae (marahil ang kanyang ina) ang nakahawak sa balikat ng dalagita. Ang dalagita ay malungkot.

Maging ang pinakamatatapat na disipulo ni Jesucristo ay nagtitiis sa paghihirap sa kanilang buhay. Ibinahagi ni Pablo ang ilan sa mga pagdurusang tiniis niya at kung paano siya nakadama ng kagalakan sa mga karanasang iyon sa pamamagitan ng tulong ng Tagapagligtas. Ang lesson na ito ay makatutulong sa iyong umasa sa Panginoon habang nagsisikap kang tapat na tiisin ang mga pagsubok sa sarili mong buhay.

Mga pagsubok sa buhay

Mga tinik sa tangkay ng rosas.
  • Ano sa palagay mo ang silbi ng mga tinik sa tangkay ng rosas?

Sa buhay, marami tayong magagandang karanasan na maihahambing sa isang rosas. Gayunpaman, nahaharap din tayo sa mga pagsubok at hamon na maihahambing sa mga tinik.

  • Ano ang ilang pagsubok at hamon na maaaring maranasan ng mga tao sa buhay?

  • Anong mga saloobin at tanong ang maaaring itanong ng mga tao tungkol sa Diyos habang dumaranas sila ng mga pagsubok? Ano kaya ang maiisip nila tungkol sa kanilang sarili?

Sa pag-aaral mo ngayon, alamin ang mga katotohanang makatutulong sa iyo na matapat na matiis ang mga pagsubok na pinipili ng Diyos nang may pagmamahal at karunungan, na huwag alisin sa iyo. Pagnilayan kung bakit mo kailangan ang tulong ng Diyos habang tinitiis mo ang mga ito.

Mga pagsubok ni Pablo

Basahin ang 2 Corinto 11:24–28, at alamin ang ilan sa mga pagsubok na tiniis ni Pablo sa kanyang ministeryo.

  • Ano pang halimbawa ang maiisip mo mula sa mga banal na kasulatan o sa kasaysayan ng Simbahan na nagpapakita na kahit ang mabubuti ay dumaranas ng mga paghihirap? Paano naging katibayan nito ang buhay ng Tagapagligtas?

  • Sa iyong palagay, bakit hinahayaan ng Ama sa Langit na magtiis nang labis ang matatapat na disipulo ni Jesucristo?

Bagama’t pinagkalooban ng Diyos si Pablo ng magagandang paghahayag, kabilang ang isang pangitain tungkol sa kahariang selestiyal (tingnan sa 2 Corinto 12:1–4), kinailangan pa ring tiisin ni Pablo ang mga pagsubok sa kanyang pananampalataya. Basahin ang 2 Corinto 12:7 upang malaman kung ano ang inihambing ni Pablo sa isa sa mga pagsubok na patuloy niyang nararanasan.

  • Paano magiging magandang paglalarawan sa ilang personal na pagsubok ang “isang tinik sa laman”?

  • Anong paghahambing ang maaari mong gamitin upang ilarawan ang isang partikular na pagsubok na tiniis mo o ng iyong mga mahal sa buhay? Bakit?

Basahin ang 2 Corinto 12:8–10 upang makita ang karanasan ni Pablo habang nagdarasal na maalis ang kanyang “tinik sa laman.” Habang nagbabasa ka, tandaan na ang ibig sabihin ng salitang biyaya ay “dakilang tulong o lakas … [na ibinibigay] sa pamamagitan ng awa at pag-ibig ng Diyos” (Gabay sa mga Banal na Kasulatan, “ Biyaya,” scriptures.ChurchofJesusChrist.org; tingnan din sa Eter 12:27).

Ang isang katotohanan na matututuhan natin mula sa karanasan ni Pablo ay maaaring hindi palaging alisin ng Panginoon ang ating mga pagsubok, ngunit mapalalakas tayo ng Kanyang biyaya kapag tapat nating tinitiis ang mga ito.

  • Paano mo nakikita ang katotohanang ito sa buhay ng Tagapagligtas? (tingnan sa Lucas 22:41–44).

Maghanap at magbasa ng kahit isang salaysay sa banal na kasulatan na nagpapakita kung paano mapagpapala ng Panginoon ang mga nagtitiis ng mga pagsubok nang may pananampalataya sa Kanya. (Ang mga sumusunod ay mga iminumungkahing salaysay na maaari mong piliin.)

Pagsusulat sa isang papel gamit ang bolpen o lapis. 1. Sagutin ang kahit tatlo sa mga sumusunod na tanong sa iyong study journal:

  • Ano ang natutuhan mo tungkol sa Panginoon at sa mga ipinagkakaloob Niya sa mga taong tapat na nagtitiis sa mga pagsubok?

  • Alin sa Kanyang mga pagpapala ang pinakakailangan mo habang tinitiis mo ang iyong mga pagsubok? Bakit?

  • Sino ang personal mong kakilala na matapat na nagtiis sa hamon sa kanyang buhay? Ano ang ginawa niya upang makapagtiis nang tapat? Paano siya tinulungan ng biyaya ng Panginoon?

  • Ano sa palagay mo ang nais ng Tagapagligtas na gawin mo upang matiis nang tapat ang iyong mga pagsubok?

Panoorin ang video na “Mountains to Climb” (5:05), matatagpuan sa ChurchofJesusChrist.org, at alamin ang magagawa natin upang matiis nang tapat ang ating mga pagsubok.

5:12

Mountains to Climb

Finding faith in the Lord Jesus Christ will help us have the power to endure and overcome even the hardest trials in life.

  • Ano ang natutuhan mo tungkol sa pagtitiis sa mga pagsubok nang may pananampalataya kay Jesucristo?

Pagsusulat sa isang papel gamit ang bolpen o lapis. 2. Gawin ang sumusunod sa iyong study journal:

Batay sa natutuhan at nadama mo habang pinag-aaralan mo ang 2 Corinto 12 ngayon, magdagdag o isulat muli ang sumusunod na pahayag upang gawin itong mas tumpak.

“Kung mananalangin tayo nang may sapat na pananampalataya kay Jesucristo, aalisin ng Ama sa Langit ang anumang pagsubok na pinagdaraanan natin.”

Opsiyonal: Gusto Mo Bang May Matutuhan Pa?

Paano naging halimbawa ang Tagapagligtas ng mga katotohanang itinuro sa lesson na ito?

Ibinahagi ni Pangulong Dallin H. Oaks ng Unang Panguluhan ang sumusunod tungkol sa Lucas 22:41–44:

Opisyal na Larawan ni Pangulong Dallin H. Oaks na kuha noong Marso 2018.

Dito natin nakikita ang lubos na pananampalataya at tiwala ng Tagapagligtas sa Ama. “Gayunma’y,” sabi niya, “huwag ang kalooban ko ang mangyari kundi ang sa iyo.” Ang tugon ng Ama ay tanggihan ang pagsamo ng kanyang Bugtong na Anak. Ang Pagbabayad-sala ay kinakailangang isagawa ng korderong iyon na walang anumang kapintasan. Bagama’t hindi napagbigyan ang kahilingan ng Anak, nasagot ang kanyang panalangin. Nakatala sa banal na kasulatan: “At nagpakita sa kanya ang isang anghel na mula sa langit na nagpalakas sa kanya” (JST, Luke 22:43).

(Dallin H. Oaks, “Faith in the Lord Jesus Christ,” Ensign, Mayo 1994, 100)

Ano ang ipinagkakaloob sa atin ng Tagapagligtas sa panahong sinusubok tayo?

Ibinahagi ni Pangulong Dallin H. Oaks ng Unang Panguluhan:

Opisyal na Larawan ni Pangulong Dallin H. Oaks na kuha noong Marso 2018.

Ang nakapagpapagaling na kapangyarihan ng Panginoong Jesucristo—inaalis man nito ang ating mga pasanin o pinalalakas tayo upang matiis ito gaya ni Apostol Pablo—ay para sa lahat ng pagdurusa sa buhay na ito.

(Dallin H. Oaks, “Pinagpapahinga Niya ang Nangabibigatang Lubha,” Liahona, Nob. 2006, 8)

Paano tayo matutulungan ng ating mga paghihirap na pagpalain ang mga nasa paligid natin?

Itinuro ni Sister Reyna I. Aburto, Pangalawang Tagapayo sa Relief Society General Presidency:

Opisyal na Larawan ni Sister Reyna Aburto. Kinunan noong 2017.

Hindi ang inyong mga pasakit ang magtatakda kung ano ang magiging kayo, ngunit maaari kayong dalisayin ng mga ito. Dahil sa “tinik sa laman,” maaari kayong magkaroon ng damdaming mas mahabag sa iba.

(Reyna I. Aburto, “Sa Dilim at Liwanag, Aking Panginoon, Manatili!,” Liahona, Nob. 2019, 59)

Mapapagaling ba ng mga may hawak ng priesthood ang lahat ng may pananampalatayang gumaling?

Ipinaliwanag ni Pangulong Dallin H. Oaks ng Unang Panguluhan:

2:3

He Heals the Heavy Laden

The healing power of the Lord Jesus Christ … is available for every affliction in mortality.

Opisyal na Larawan ni Pangulong Dallin H. Oaks na kuha noong Marso 2018.

Bagama’t mapapagaling ng Tagapagligtas ang lahat ng gusto Niyang pagalingin, hindi ito magagawa ng mga mayhawak ng awtoridad ng Kanyang priesthood. Ang paggamit ng mga tao sa awtoridad na iyon ay limitado ayon sa kalooban Niya na may-ari ng priesthood na iyon. Kaya nga, sinabi sa atin na ang ilang binasbasan ng mga elder ay hindi gumagaling dahil sila ay “itinakda sa kamatayan” [Doktrina at mga Tipan 42:48]. Gayundin, nang naisin ni Apostol Pablo na mapagaling mula sa “tinik sa laman” na nagpahirap sa kanya (2 Corinto 12:7), tumanggi ang Panginoon na pagalingin siya.

(Dallin H. Oaks, “Pinagpapahinga Niya ang Nangabibigatang Lubha,” Liahona, Nob. 2006, 7)