2 Corinto 13
“Siyasatin Ninyo ang Inyong mga Sarili Kung Kayo’y nasa Pananampalataya”
Ang mga lider sa kaharian ng Diyos ay kadalasang pinupuntirya ng mga pambabatikos. Noong panahon ng Bagong Tipan, binatikos si Pablo ng ilan sa mga miyembro ng Simbahan sa Corinto. Tumugon siya sa pamamagitan ng pag-anyaya sa kanila na suriin ang sarili nilang ugnayan kay Cristo. Ang lesson na ito ay makatutulong sa iyo na madaig ang tuksong batikusin ang iba, kabilang ang mga lider ng Simbahan, sa pamamagitan ng pagsusuri sa iyong katapatan sa Panginoon.
Matatapat na tanong o pambabatikos?
-
Ano ang ilang halimbawa kung paano maaaring batikusin ng mga tao ngayon ang mga lider ng Simbahan?
-
Ano ang pagkakaiba ng pagkakaroon ng matatapat na tanong o alalahanin tungkol sa isang bagay na itinuro o sinabi ng isang lider ng Simbahan at ng pambabatikos sa taong iyon?
Karaniwan, ang ibig sabihin ng batikusin ang isang tao ay husgahan sila sa hindi mabuting paraan na pinupuna ang kanilang mga pagkakamali. Sa mga banal na kasulatan, ang pagbatikos ay maaaring ituring na paninirang-puri o pagbulung-bulong laban sa isang tao.
Posibleng tukuyin ang mga kamalian o kahinaan ng iba nang hindi nambabatikos. Nambabatikos tayo kapag nagsasalita o nagsusulat tayo tungkol sa iba sa mapanghusga o hindi mabuting paraan.
-
Bakit mahalagang mapaglabanan ang tuksong batikusin ang iba, kabilang ang mga lider ng Simbahan?
Sa pag-aaral mo ng 2 Corinto 13, alamin kung paano natin maiiwasang mambatikos, lalo na sa mga tinawag ng Panginoon na mamuno sa Kanyang Simbahan.
Pambabatikos, paninirang-puri, at pagbulung-bulong
Tila ang ilan sa mga Banal sa Corinto ay hayagang bumabatikos kay Pablo (tingnan sa 2 Corinto 10:10; 12:10–15). Sa 2 Corinto 13:1–2, sinabihan sila ni Pablo na magsisi at nagbabala siya sa kanila.
Basahin ang 2 Corinto 13:3, at alamin kung ano ang hinihinging patunay ng ilang miyembro ng Simbahan sa Corinto mula kay Pablo. Ang hinihingi ng mga taong ito na makakita ng katibayan na talagang nagsasalita si Pablo para kay Cristo ay maaaring maging karagdagang katibayan na hayagang binabatikos siya ng mga tao. Basahin ang sumusunod na pahayag ni Pangulong Henry B. Eyring ng Unang Panguluhan, at alamin kung paano makakaapekto sa atin ang pagbatikos sa ating mga lider.
Ibinigay ni Pangulong George Q. Cannon ang isang babala na ipapasa ko sa inyo bilang akin. Naniniwala ako na katotohanan ang sinabi niya: “… Walang tao … ang makapagsasalita ng masama tungkol sa pinili ng Panginoon at maghahanap ng kamalian sa awtoridad ng Diyos sa mundo nang hindi nakatatanggap ng Kanyang galit. Inilalayo ng Espiritu Santo ang kanyang sarili mula sa ganitong tao, at masasadlak siya sa kadiliman. Dahil dito, nakikita ba ninyo kung gaano kahalaga na mag-ingat tayo?”
(Henry B. Eyring, “Ang Kapangyarihan ng Pananampalataya sa Pagsang-ayon,” Liahona, Mayo 2019, 59)
Basahin ang 1 Nephi 2:12–13, 16, 19–21. Ihambing ang pagbulung-bulong nina Laman at Lemuel laban kay Lehi at sa Panginoon sa katapatang ipinakita ni Nephi.
Pag-iwas sa pambabatikos
Basahin ang 2 Corinto 13:5–6, at alamin ang ipinayo ni Pablo sa mga Banal sa Corinto na nagduda kung nagsalita ang Panginoon sa pamamagitan niya. Maaaring makatulong na malaman na ang isang nabigo ay isang taong hindi karapat-dapat o hindi nalampasan ang pagsubok.
Batay sa itinuro ni Pablo, tapusin ang sumusunod na pahayag: Sa halip na batikusin ang mga lider ng Simbahan, dapat nating …
Mula sa 2 Corinto 13:5, maaaring may natukoy kang alituntuning tulad nito:
Sa halip na batikusin ang mga lider ng Simbahan, dapat nating suriin ang ating katapatan sa Panginoon.
Ipinahayag ni Pangulong Eyring ang sumusunod tungkol sa ating pag-uugali sa mga taong tinawag ng Panginoon na maglingkod. Alamin kung paano pinagtitibay ng kanyang mga salita ang itinuro ni Pablo sa 2 Corinto 13:3, 5:
Kailangan ang pananampalataya upang maniwala na kilala nang lubos [ni Jesucristo] ang mga taong tinatawag Niya, kapwa ang kanilang kakayahan at kanilang potensyal, at hindi nagkakamali sa Kanyang mga pagtawag.
Maaaring dahil diyan ay mapangiti o mapailing ang ilan sa inyo sa kongregasyong ito—kapwa sa mga nag-iisip na maaaring may pagkakamali sa pagtawag sa kanila na maglingkod, at sa mga may naiisip na kakilala nila na tila hindi akmang manungkulan sa kaharian ng Panginoon. Ang payo ko sa parehong grupong ito ay ipagpaliban ang ganitong mga panghuhusga upang mas makita ninyo kung ano ang nakikita ng Panginoon. Sa halip ang kailangan ninyong isipin ay may kakayahan kayo na tumanggap ng paghahayag at kumilos ayon dito nang walang takot.
(Henry B. Eyring, “Pinamumunuan ng Panginoon ang Kanyang Simbahan,” Liahona, Nob. 2017, 82)
Suriin ang iyong sarili
Kapag iinterbyuhin tayo para sa temple recommend, itatanong sa atin kung sinasang-ayunan natin ang mga lider ng Simbahan. Nagmungkahi si Pangulong Eyring ng ilang tanong na makatutulong sa ating maghandang sagutin ito. Hangarin ang inspirasyon ng Espiritu Santo habang pinag-iisipan mo ang mga tanong na ito.
Maaaring itinanong na sa inyo, o itatanong sa inyo, kung sinasang-ayunan ninyo ang inyong bishop, stake president, ang mga General Authority, at ang mga Pangkalahatang Opisyal ng Simbahan. …
… Makapaghahanda kayo sa pamamagitan ng pagtatanong sa inyong sarili ng mga tanong na katulad ng sumusunod:
Naisip o naikuwento ko na ba ang tungkol sa kahinaan ng mga taong ipinangako kong sasang-ayunan?
Naghanap na ba ako ng ebidensyang pinapatnubayan sila ng Panginoon?
Matiyaga at tapat ko bang sinusunod ang kanilang pamumuno?
Nasabi ko na ba ang tungkol sa ebidensyang nakita ko na mga tagapaglingkod sila ng Diyos?
Regular ko ba silang ipinagdarasal gamit ang kanilang pangalan at nang may pagmamahal?
Ang mga tanong na ito, para sa karamihan sa atin, ay magdudulot ng kaunting pagkabalisa at ng pangangailangang magsisi.
(Henry B. Eyring, “Ang Kapangyarihan ng Pananampalataya sa Pagsang-ayon,” Liahona, Mayo 2019, 59)
Kung ang mga tanong na ito ay “magdudulot ng kaunting pagkabalisa,” ipanalangin at isulat kung ano ang magagawa mo upang magsisi at magbago.
Opsiyonal: Gusto Mo Bang May Matutuhan Pa?
Ano ang panganib ng pambabatikos sa mga tinatawag ng Panginoon?
Itinuro ni Propetang Joseph Smith (1805–44):
[Kung ang isang tao ay] tatayo upang hatulan ang iba, na hinahanapan ng mali ang Simbahan, na nagsasabing naliligaw sila ng landas, samantalang siya mismo ay nagmamagaling, sinisiguro ko sa inyo, na ang taong iyon ay patungo sa apostasiya; at kung hindi siya magsisisi, ay mag-aapostasiya nga siya, dahil ang Diyos ay buhay.
(Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: Joseph Smith [2007], 372)
Ayos lang bang magkaroon ng mga tanong?
Itinuro ni Pangulong Dieter F. Uchtdorf, na noon ay kabilang sa Unang Panguluhan:
Ayos lang bang magtanong tungkol sa Simbahan o sa doktrina nito? Mahal kong mga kaibigan, tayo ay mga taong mahilig magtanong dahil alam natin na ang pagtatanong ay humahantong sa katotohanan. …
… Maaaring nahihiya ang ilan o nadarama nila na hindi sila karapat-dapat dahil mayroon silang seryosong mga tanong tungkol sa ebanghelyo, ngunit hindi dapat ganito ang madama nila. Ang pagtatanong ay hindi tanda ng kahinaan; simula ito ng pag-unlad. …
Huwag matakot; magtanong. Mag-usisa, pero huwag magduda! Laging higpitan ang kapit sa pananampalataya at liwanag na natanggap na ninyo. Dahil hindi perpekto ang pag-unawa natin sa buhay na ito. Hindi lahat ng bagay ay may kabuluhan ngayon.
(Dieter F. Uchtdorf, “The Reflection in the Water” [Church Educational System devotional para sa mga young adults, Nob. 1, 2009], broadcasts.ChurchofJesusChrist.org)
Palagi bang tama ang mga propeta?
Sinabi ni Sheri Dew, dating tagapayo sa Relief Society General Presidency:
May mga taong nababahala sa tanong na: Hindi ba nagkakamali ang mga propeta, tagakita, at tagapaghayag? Maling tanong iyan. Ang mas mabuting tanong ay, Sino talaga ang mga propeta? Sila ang mga inordenang humawak ng mga susi ng priesthood na awtorisadong magkaloob ng kapangyarihan ng Panginoon sa buong mundo. Maaaring hindi sila perpekto. Ngunit sila ang mga pinakaperpektong inspiradong lider sa mundo, at ang tanging layunin nila ay lubos na dalisay—ang tulungan tayong matagpuan ang daan pabalik sa pamamagitan ng pagtuturo sa atin kay Jesucristo.
(Sheri Dew, “Prophets” [BYU–Pathway Worldwide devotional, Hulyo 13, 2021], 2, byupathway.org/speeches)