Seminary
Mga Gawa 17:1–14


Mga Gawa 17:1–14

Saliksikin ang mga Banal na Kasulatan

Isang dalagita ang nakaupo sa kanyang kuwarto at nagbabasa ng kanyang mga banal na kasulatan

Naisip mo na ba minsan kung bakit napakahalagang pag-aralan ang mga banal na kasulatan? Ang ilan sa mga karanasan ni Pablo at ng kanyang mga kasama sa ikalawang paglalakbay ni Pablo bilang misyonero ay naglalarawan ng kapangyarihang maibibigay sa atin ng salita ng Diyos. Ang lesson na ito ay makatutulong sa iyo na mas hangaring maranasan ang mga pagpapala ng araw-araw na pag-aaral ng mga banal na kasulatan.

Mga natutuhan mula sa iyong pag-aaral ng banal na kasulatan

Pagsusulat sa isang papel gamit ang bolpen o lapis. 1. Sa iyong study journal, sagutin ang mga sumusunod na tanong:

  • Ano ang ilang kaalaman tungkol kay Jesucristo at sa Kanyang ebanghelyo ang natutuhan mo mula sa iyong pag-aaral ng banal na kasulatan kamakailan?

  • Ano ang ilang talata o salaysay na napag-aralan mo kamakailan na naging makabuluhan sa iyo? Bakit?

  • Kung tinanong ka ng isang kaibigan kung bakit sa palagay mo ay mahalagang palaging pag-aralan ang mga banal na kasulatan, ano ang isasagot mo?

Mga halimbawa ng kahalagahan ng mga banal na kasulatan

Ang ilan sa mga karanasan ni Pablo sa kanyang ikalawang paglalakbay bilang misyonero ay naglalarawan ng kahalagahan ng pag-aaral ng mga banal na kasulatan. Isulat ang sumusunod na heading sa iyong study journal: Paano mapagpapala ng pag-aaral ng mga banal na kasulatan ang aking buhay. Sa pag-aaral mo ngayon, maghanap ng mga kaalamang maaari mong ilista sa ilalim ng heading na ito.

Kung mayroon, gamitin ang Mga Mapa at mga Larawan sa Biblia, Mapa 13, “Ang mga Paglalakbay ni Apostol Pablo Bilang Misyonero,” upang hanapin ang Tesalonica at ang iba pang lugar kung saan naglakbay si Pablo sa kanyang ikalawang paglalakbay bilang misyonero.

Basahin ang Mga Gawa 17:1–4 at alamin ang ginawa ni Pablo sa kalipunan ng mga Judio sa Tesalonica.

  • Ano sa palagay mo ang mahalaga sa mga pagsisikap ni Pablo?

  • Ano ang ipinauunawa sa iyo ng salaysay na ito tungkol sa kahalagahan ng mga banal na kasulatan?

Ang mensahe ni Pablo sa mga Judio sa Tesalonica ay nagpapaalala sa atin na ang mga banal na kasulatan ay nagpapatotoo tungkol kay Jesucristo at sa Kanyang banal na misyon (tingnan sa Juan 5:39). Maaari mong idagdag ang katotohanang ito sa listahan sa iyong study journal.

Itinuro ni Elder D. Todd Christofferson ng Korum ng Labindalawang Apostol ang sumusunod tungkol sa layunin ng mga banal na kasulatan. Maaaring gusto mong panoorin ang video na “The Blessings of Scripture” mula sa time code na 10:49–11:21 o basahin ang pahayag sa ibaba.

2:3

The Blessing of Scripture

The central purpose of all scripture is to fill our souls with faith in God the Father and in His Son, Jesus Christ.

Larawan ni Elder D. Todd Christofferson. Kinunan noong Marso 2020.

Sa huli, ang pangunahing layunin ng lahat ng banal na kasulatan ay puspusin ang ating mga kaluluwa ng pananampalataya sa Diyos Ama at sa Kanyang Anak na si Jesucristo—pananampalataya na Sila ay buhay; pananampalataya sa plano ng Ama para sa ating kawalang-kamatayan at buhay na walang hanggan; pananampalataya sa Pagbabayad-sala at Pagkabuhay na Mag-uli ni Jesucristo, na nagsakatuparan sa planong ito ng kaligayahan; pananampalatayang maipamuhay ang ebanghelyo ni Jesucristo; at pananampalatayang makilala “ang iisang Dios na tunay, at siyang [Kanyang] sinugo, sa makatuwid baga’y si Jesucristo (Juan 17:3).”

(D. Todd Christofferson, “Ang Biyaya ng Banal na Kasulatan,” Liahona, Mayo 2010, 34.)

  • Alin sa mga pagpapalang binanggit ni Elder Christofferson ang naranasan mo sa iyong pag-aaral ng banal na kasulatan?

  • Ano ang ilang talata sa banal na kasulatan na nagpalakas ng iyong pananampalataya sa Ama sa Langit at kay Jesucristo? Paano nakatulong sa iyo ang mga katotohanang itinuro sa mga talatang ito na mapalakas ang iyong pananampalataya?

Bagama’t maraming kababaihan at kalalakihan sa Tesalonica ang naniwala at nagbalik-loob sa pamamagitan ng mga turo ni Pablo, nagtipon ng maraming tao ang iba sa pagtatangkang dakpin sina Pablo at Silas (tingnan sa Mga Gawa 17:4–5). Nakatakas sina Pablo at Silas sa mga tao at nagtungo sila sa kalapit na lungsod ng Berea, kung saan patuloy silang nangaral.

Basahin ang Mga Gawa 17:10–12, at alamin kung paano tinanggap sina Pablo at Silas ng mga tao sa Berea. Maaari mong markahan ang mga salita at mga parirala na sa palagay mo ay mahalaga.

  • Paano nakatulong sa mga taong ito ang pag-aaral ng mga banal na kasulatan araw-araw?

Ang isang katotohanan na matutukoy mula sa salaysay na ito ay ito: ang regular na pag-aaral ng mga banal na kasulatan ay makapaghahanda sa atin na matukoy ang katotohanan at maniwala rito. Maaari mong idagdag ang katotohanang ito sa listahan sa iyong study journal.

Isipin kung paano makatutulong sa iyo ang regular na pag-aaral ng mga banal na kasulatan sa mga sumusunod na sitwasyon:

  • Ipinaliliwanag ng isa sa iyong mga titser sa paaralan ang isang konseptong sumasalungat sa iyong mga paniniwala.

  • Hinihikayat ka ng ilan sa mga kaibigan mo na makilahok sa mga gawaing sumasalungat sa iyong mga pamantayan at sinasabi nilang, “Hindi naman masama kung minsan lang.”

  • Sa pangkalahatang kumperensya, nagtuturo ang isang Apostol ng isang bagay na sumasalungat sa mga kasalukuyang kalakaran sa mundo.

Iba pang pagpapala ng pag-aaral ng banal na kasulatan

Ang mga katotohanang natukoy mo mula sa Mga Gawa 17 ay naglalarawan ng ilan lamang sa mga pagpapalang matatanggap natin sa pamamagitan ng pag-aaral ng mga banal na kasulatan.

Maglaan ng ilang minuto upang pag-aralan ang ilan o lahat ng sumusunod na scripture passage, at alamin ang iba pang pagpapalang matatanggap natin mula sa Diyos sa pamamagitan ng pag-aaral ng Kanyang mga salita at ng mga salita ng Kanyang mga propeta, na matatagpuan sa mga banal na kasulatan. Idagdag ang iyong mga nalaman sa listahan sa iyong study journal.

Pagsusulat sa isang papel gamit ang bolpen o lapis. 2. Sa iyong study journal, sagutin ang mga sumusunod na tanong:

  • Ano ang pinakamahalaga para sa iyo mula sa listahang ginawa mo?

  • Alin sa mga pagpapala mula sa iyong listahan ang pinakagusto mong maranasan ngayon? Bakit?

  • Ano ang maaari mong gawin upang maging mas mahalaga at sagradong karanasan ang iyong pag-aaral ng mga banal na kasulatan?

  • Anong mga pagpapala ang naranasan mo sa pamamagitan ng regular na pag-aaral ng mga salita ng Diyos sa mga banal na kasulatan?

Gumawa ng plano

Bilang bahagi ng iyong pakikibahagi sa seminary, inanyayahan kang gumawa ng isang mithiin na may kaugnayan sa iyong araw-araw na pag-aaral ng banal na kasulatan. Suriin sandali ang iyong pag-unlad kaugnay ng mithiing ito at gumawa ng anumang kinakailangang pagbabago upang tulungan kang maging mas matagumpay habang nagpapatuloy ka.

Pagsusulat sa isang papel gamit ang bolpen o lapis. 3. Para matulungan kang suriin ang iyong pag-unlad, sagutin ang mga sumusunod na tanong sa iyong study journal:

  • Anong mithiin sa pag-aaral ng banal na kasulatan ang ginawa mo para sa iyong sarili?

  • Paano nakatutulong sa iyo ang mithiing ito para magkaroon ka ng mas makabuluhang karanasan sa personal na pag-aaral ng banal na kasulatan?

  • Anong mga pagbabago ang kailangan mong gawin?

Opsiyonal: Gusto Mo Bang May Matutuhan Pa?

Anong iba pang mga pagpapala ang matatamo sa araw-araw na pag-aaral ng banal na kasulatan?

Sa kanyang pagsasalita tungkol sa pagbabasa ng Aklat ni Mormon araw-araw, ipinangako ni Pangulong Russell M. Nelson ang sumusunod:

Opisyal na larawan ni Pangulong Russell M. Nelson na kuha noong Enero 2018

Mahal kong mga kapatid, ipinangangako ko na sa mapanalanging pag-aaral ng Aklat ni Mormon araw-araw, makagagawa kayo ng mas maiinam na desisyon—sa araw-araw. Ipinangangako ko na habang pinagninilayan ninyo ang inyong pinag-aaralan, ang mga durungawan ng langit ay mabubuksan, at tatanggap kayo ng mga sagot sa inyong sariling mga tanong at patnubay sa inyong buhay. Ipinangangako ko na sa araw-araw ninyong dibdibang pag-aaral ng Aklat ni Mormon, mapoprotektahan kayo laban sa mga kasamaan ngayon, pati na sa laganap na salot ng pornograpiya at ng iba pang nakamamanhid na mga adiksyon.

(Russell M. Nelson, “Ang Aklat ni Mormon: Ano Kaya ang Buhay Ninyo Kung Wala Ito?,” Liahona, Nob. 2017, 62–63)

Ikinumpara ni Pangulong Dallin H. Oaks ang mga banal na kasulatan sa Urim at Tummim na magagamit natin upang makatanggap ng paghahayag mula sa Panginoon:

Opisyal na Larawan ni Pangulong Dallin H. Oaks na kuha noong Marso 2018.

Hindi natin inilalahad nang labis ang paksa kapag sinasabi natin na ang mga banal na kasulatan ay maaaring maging Urim at Tummim upang tulungan ang bawat isa sa atin na tumanggap ng personal na paghahayag.

Dahil naniniwala tayo na makatutulong sa atin ang pagbabasa ng banal na kasulatan upang makatanggap tayo ng paghahayag, hinihikayat tayong paulit-ulit na basahin ang mga banal na kasulatan. Sa pamamagitan nito, mahahayag sa atin ang nais ng Ama sa Langit na malaman at magawa natin sa ating mga personal na buhay ngayon. Iyan ang isang dahilan kung bakit naniniwala ang Mga Banal sa mga Huling Araw sa araw-araw na pag-aaral ng banal na kasulatan.

(Dallin H. Oaks, “Scripture Reading and Revelation,” Ensign, Ene. 1995, 8)