Mga Gawa 19:1–7
Pagtanggap ng Kaloob na Espiritu Santo
Ang isa sa mga pinakadakilang kaloob na ibinibigay ng Ama sa Langit sa mga disipulo ng tipan ni Jesucristo ay ang kaloob na Espiritu Santo. Samakatwid, nagulat si Pablo nang makilala niya ang mga disipulo sa Efeso na nagsabing sila ay nabinyagan ngunit hindi pa nila kailanman narinig ang tungkol sa Espiritu Santo. Sa katunayan, nabinyagan sila ngunit hindi sa pangalan ni Jesucristo. Pagkatapos nilang mabinyagan sa “pangalan ng Panginoong Jesus,” ipinatong ni Pablo ang kanyang mga kamay sa kanila at ibinigay niya sa kanila ang kaloob na Espiritu Santo (Mga Gawa 19:5). Ang lesson na ito ay makatutulong sa iyo na matanggap ang mga pagpapala na nais ibigay sa iyo ng Ama sa Langit at ni Jesucristo sa pamamagitan ng kaloob na Espiritu Santo.
Ang payo ni Joseph Smith sa Simbahan
Pagkatapos ng kamatayan ni Joseph Smith bilang isang martir, maraming tanong at alalahanin si Brigham Young bilang susunod na propeta ng Simbahan. Sa isang pagkakataon, nagpakita si Joseph Smith kay Brigham Young sa isang panaginip at ibinigay niya sa kanya ang sumusunod na payo: “Sabihin sa mga tao na tiyaking ” (Mga Banal: Ang Kuwento ng Simbahan ni Jesucristo sa mga Huling Araw, tomo 2, Walang Kamay na Di Pinaging Banal, 1846–1893 [2020], 61).
-
Ano sa palagay mo ang payong ibinigay ni Joseph Smith upang matulungan ang mga miyembro ng Simbahan?
Ipinayo ni Joseph Smith kay Brigham Young na “sabihin sa mga tao na tiyaking nasa kanila ang Espiritu ng Panginoon at sundin ito, at sila ay aakayin nito sa tama” (Mga Banal, 2:61).
-
Sa lahat ng payo na maaaring ibinigay ni Joseph kay Brigham Young, sa iyong palagay, bakit niya binigyang-diin na hangaring mapatnubayan ng Espiritu Santo?
Itala sa iyong journal ang mga dahilan kung bakit sa palagay mo ay kailangan pa rin sa ating panahon at sa iyong buhay ang mensahe ni Joseph Smith sa Simbahan. Habang pinag-aaralan mo ang lesson na ito, pag-isipan kung paano mapagpapala ng Ama sa Langit at ni Jesucristo ang iyong buhay sa pamamagitan ng kaloob na Espiritu Santo.
Ang kaloob na Espiritu Santo
Nang simulan ni Pablo ang kanyang ikatlong paglalakbay bilang misyonero, naglakbay siya sa buong Galacia at Frigia. Pagkatapos ay naglakbay siya patungong Efeso (tingnan sa Mga Mapa at mga Larawan sa Biblia, Mapa blg. 13, “Ang mga Paglalakbay ni Apostol Pablo Bilang Misyonero”). Doon ay nakilala at tinuruan niya ang mga disipulong hindi pa kailanman narinig ang tungkol sa Espiritu Santo. Ang mga taong ito ay nabinyagan dati ng isang taong walang taglay na wastong awtoridad (tingnan sa Joseph Smith, “Baptism,” Times and Seasons, Set. 1, 1842, 904, josephsmithpapers.org).
Basahin ang Mga Gawa 19:1–7, at alamin kung paano tinulungan ni Pablo ang mga disipulong ito.
-
Sa iyong palagay, bakit itinuon ni Pablo ang kanyang pagtuturo tungkol kay Jesucristo bago muling binyagan ang mga disipulo?
-
Paano mo mailalarawan sa mga taong ito ang kahalagahan ng pagtanggap ng kaloob na Espiritu Santo pagkatapos ng binyag?
-
Anong mga katotohanan mula sa salaysay na ito ang maibabahagi mo sa isang taong dati nang nabinyagan sa ibang relihiyon?
Ang isa sa mga katotohanang matututuhan natin mula sa salaysay na ito ay upang makumpleto ang binyag, dapat ay may kalakip itong pagkumpirma at pagtanggap ng Espiritu Santo.
Maglaan ng ilang minuto upang pagnilayan kung bakit sa palagay mo ay nais ng Ama sa Langit at ni Jesucristo na mapatnubayan ka ng Espiritu Santo. Pag-isipan ito habang binabasa mo ang mga sumusunod na banal na kasulatan:
Upang matulungan kang mailarawan sa isipan at maunawaan na kailangan mong ihanda ang iyong sarili na tumanggap ng patnubay mula sa Espiritu Santo, gawin o isipin ang sumusunod na aktibidad.
Maglagay ng tatlong basong walang laman sa isang palanggana o tray na kayang malagyan ng tubig. Takpan ang buong bunganga ng isang baso gamit ang papel o takip. Maglagay ng isang bagay (tulad ng bato) sa isa pang baso na halos sakop na ang espasyo ng loob ng baso. Pagkatapos ay subukang punuin ng tubig ang bawat isa sa tatlong baso.
-
Kung ang mga baso ay kumakatawan sa atin at ang tubig ay kumakatawan sa Espiritu Santo, ano naman ang kinakatawan ng papel (o takip) at ng bato (o iba pang bagay) sa buhay ng isang tao?
Basahin ang dalawang pahayag na ito ni Elder David A. Bednar ng Korum ng Labindalawang Apostol tungkol sa Espiritu Santo:
Hindi nagkakaroon ng impluwensya ang Espiritu Santo sa ating buhay dahil lamang sa mga kamay na ipinatong sa ating ulunan at sa apat na mahalagang salitang iyon [“tanggapin ang Espiritu Santo”] na sinambit.
(David A. Bednar, “Tanggapin ang Espiritu Santo,” Liahona, Nob. 2010, 95.)
Kung may iniisip, nakikita, naririnig, o ginagawa tayong naglalayo sa atin sa Espiritu Santo, dapat tayong tumigil sa pag-iisip, pagtingin, pakikinig, o paggawa sa bagay na iyon. Kung ang layon ng isang bagay ay makalibang, halimbawa, [ngunit] naglalayo sa atin sa Espiritu Santo, walang dudang hindi para sa atin ang libangang iyon. Dahil hindi nananatili ang Espiritu sa bagay na malaswa, lapastangan, o mahalay, malinaw na hindi para sa atin ang mga bagay na yaon.
(David A. Bednar, “Nang sa Tuwina ay Mapasaatin ang Kanyang Espiritu,” Liahona, Mayo 2006, 30)
Gumawa ng plano na tanggapin ang impluwensya ng Espiritu Santo nang mas lubusan at mas madalas sa iyong buhay. Hilingin sa Ama sa Langit na tulungan ka sa iyong plano at pagpalain ka na makilala ang Kanyang impluwensya sa pamamagitan ng Espiritu Santo habang isinasakatuparan mo ito.
Opsiyonal: Gusto Mo Bang May Matutuhan Pa?
Bakit mahalagang matanggap ko ang impluwensya ng Espiritu Santo sa buhay ko?
Ibinigay ni Pangulong Russell M. Nelson ang sumusunod na paanyaya sa bawat isa sa atin.
Sa darating na mga araw, hindi magiging posible na espirituwal na makaligtas kung walang patnubay, tagubilin, at nakapagpapanatag na impluwensya ng Espiritu Santo.
Mga mahal kong mga kapatid, nakikiusap ako sa inyo na dagdagan ang inyong espirituwal na kakayahan na tumanggap ng paghahayag. Tulutan ninyo ang [araw] na ito … na magdulot ng pagbabago sa inyong buhay. Magpasiyang gawin ang espirituwal na bagay na kailangan upang matamasa ang kaloob na Espiritu Santo at marinig ang tinig ng Espiritu nang mas madalas at mas malinaw.
(Russell M. Nelson, “Paghahayag para sa Simbahan, Paghahayag para sa Ating Buhay,” Liahona, Mayo 2018, 96)
Sa video na “Enemy Territory” (3:38), Ibinahagi ni Pangulong Boyd K. Packer (1924–2015) ng Korum ng Labindalawang Apostol ang kanyang karanasan mula sa kanyang kabataan na naglalarawan pa ng kahalagahan ng pakikinig sa Espiritu. Mapapanood ang video na ito sa ChurchofJesusChrist.org.
Paano ako mas magkakaroon ng patuloy na patnubay ng Espiritu Santo?
Sinabi ni Pangulong Henry B. Eyring ng Unang Panguluhan:
Sa maraming kadahilanan, kailangan natin palagi ang patnubay ng Espiritu Santo. Hinahangad natin ito, ngunit alam natin mula sa karanasan na hindi madaling mapanatili ito. Bawat isa sa atin ay nakakaisip, nakakapagsalita, at nakakagawa ng mga bagay sa ating buhay araw-araw na nagpapalayo sa Espiritu. Itinuro sa atin ng Panginoon na ang Espiritu Santo ay makakasama natin sa tuwina kapag ang ating puso ay puspos ng pag-ibig sa kapwa-tao at puspos ng kabanalan ang ating mga iniisip nang walang humpay [tingnan sa Doktrina at mga Tipan 121:45]. …
… Ang pinakamahalagang inspirasyon ay ang malaman ninyo kung ano ang gustong ipagawa ng Diyos sa inyo. Kung iyon ay magbayad ng ikapu, o bumisita sa isang nagdadalamhating kaibigan, dapat ninyong gawin iyon. Anuman iyon, gawin iyon. Kapag ipinakita ninyo ang inyong kahandaang sumunod, mas maraming impresyong ibibigay sa inyo ang Espiritu tungkol sa nais ipagawa sa inyo ng Diyos.
Kapag sumunod kayo, lalong dadalas ang mga paramdam ng Espiritu, na palapit nang palapit sa patuloy na patnubay Niya.
(Henry B. Eyring, “Ang Espiritu Santo Bilang Inyong Patnubay,” Liahona, Nob. 2015, 105)
Sa kanyang mensaheng “Tanggapin ang Espiritu Santo” (Liahona, Nob. 2010, 95–97), ibinahagi rin ni Elder David A. Bednar ng Korum ng Labindalawang Apostol ang kanyang mga ideya kung paano natin maaanyayahan ang patnubay ng Espiritu Santo.