Mapa 13
Ang mga Paglalakbay ni Apostol Pablo Bilang Misyonero
-
Gaza Nangaral si Felipe ng tungkol kay Cristo at bininyagan ang isang bating na taga-Etiopia sa kanyang pagpunta sa Gaza (Gawa 8:26–39).
-
Jerusalem Tingnan ang mapa 12 para sa mga pangyayari sa Jerusalem.
-
Joppe Nakatanggap si Pedro ng isang pangitain na ibinibigay ng Diyos ang kaloob na pagsisisi sa mga Gentil (Gawa 10; 11:5–18). Ibinangon ni Pedro si Tabita mula sa mga patay (Gawa 9:36–42).
-
Samaria Nagministeryo si Felipe sa Samaria (Gawa 8:5–13), at di naglaon sina Pedro at Juan ay nagturo rito (Gawa 8:14–25). Matapos nilang igawad ang kaloob na Espiritu Santo, si Simon ang manggagaway ay naghangad na bilhin ang kaloob na ito mula sa kanila (Gawa 8:9–24).
-
Cesarea Dito, matapos magministeryo ng isang anghel sa isang senturion na nagngangalang Cornelio, siya ay pinahintulutan ni Pedro na mabinyagan (Gawa 10). Dito isinagawa ni Pablo ang kanyang pagtatanggol sa harapan ni Agripa (Gawa 25–26; tingnan din sa JS—K 1:24–25).
-
Damasco Nagpakita si Jesus kay Saul (Gawa 9:1–7). Matapos ibalik ni Ananias ang paningin ni Saul, si Saul ay bininyagan at nagsimula sa kanyang ministeryo (Gawa 9:10–27).
-
Antioquia (sa Siria) Dito ang mga disipulo ay unang tinawag na mga Cristiano (Gawa 11:26). Si Agabo ay nagpropesiya ng isang taggutom (Gawa 11:27–28). Nagkaroon ng malaking pagtatalo sa Antioquia hinggil sa pagtutuli (Gawa 14:26–28; 15:1–9). Sa Antioquia nagsimula si Pablo sa kanyang pangalawang misyon kasama sina Silas, Bernabe, at Judas Barsabas (Gawa 15:22, 30, 35).
-
Tarso Ang bayang-sinilangan ni Pablo; si Pablo ay isinugo rito ng mga Kapatid upang iligtas ang kanyang buhay (Gawa 9:29–30).
-
Chipre Matapos na pag-usigin, sa pulong ito lumikas ang ilan sa mga Banal (Gawa 11:19). Dumaan si Pablo sa Chipre sa kanyang unang paglalakbay bilang misyonero (Gawa 13:4–5), di nagtagal gayon din sina Bernabe at Marcos (Gawa 15:39).
-
Pafos Dito isinumpa ni Pablo ang isang manggagaway (Gawa 13:6–11).
-
Derbe Nangaral ng ebanghelyo sina Pablo at Bernabe sa lunsod na ito (Gawa 14:6–7, 20–21).
-
Listra Nang pagalingin ni Pablo ang isang lumpo, siya at si Bernabe ay itinuring na mga diyos. Si Pablo ay pinagbabato at inakalang patay na ngunit muling nagkamalay at nagpatuloy sa pangangaral (Gawa 14:6–21). Bayan ni Timoteo (Gawa 16:1–3).
-
Iconio Sa kanilang unang misyon, sina Pablo at Bernabe ay nangaral dito at binalaang pagbabatuhin (Gawa 13:51–14:7).
-
Laodicea at Colosas Ang Laodicea ay isa sa mga sangay ng Simbahan na dinalaw ni Pablo at dito siya tumanggap ng mga sulat (Col. 4:16). Isa rin ito sa pitong lunsod na natatala sa aklat ng Apocalipsis (ang iba pa ay Efeso, Smirna, Pergamo, Tiatira, Sardis at Filadelfia; tingnan sa Apoc. 1:11). Ang Colosas ay mga 18 kilometro sa gawing silangan ng Laodicea. Sumulat si Pablo sa mga Banal na naninirahan dito.
-
Antioquia (sa Pisidia) Sa kanilang unang misyon, itinuro nina Pablo at Bernabe sa mga Judio na nagmula si Cristo sa lahi ni David. Inialay ni Pablo ang ebanghelyo sa Israel, pagkaraan ay sa mga Gentil. Sina Pablo at Bernabe ay pinag-usig at pinalayas (Gawa 13:14–50).
-
Mileto Habang narito sa kanyang pangatlong misyon, binalaan ni Pablo ang mga elder ng Simbahan na “mga ganid na lobo” ang magsisipasok sa kawan (Gawa 20:29–31).
-
Patmos Si Juan ay isang bilanggo sa pulong ito nang matanggap niya ang mga pangitain na ngayon ay napapaloob sa aklat ng Apocalipsis (Apoc. 1:9).
-
Efeso Si Apolos ay nangaral dito nang may kapangyarihan (Gawa 18:24–28). Si Pablo, sa kanyang pangatlong misyon, ay nagturo sa Efeso sa loob ng dalawang taon at nagpabagong-loob ng maraming tao (Gawa 19:10, 18). Dito niya iginawad ang kaloob na Espiritu Santo sa pamamagitan ng pagpapatong ng mga kamay (Gawa 19:1–7) at gumawa ng maraming himala, kabilang na ang pagpapalayas ng masasamang espiritu (Gawa 19:8–21). Dito ang mga sumasamba kay Diana ay lumikha ng malaking kaguluhan laban kay Pablo (Gawa 19:22–41). Bahagi ng aklat ng Apocalipsis ay patungkol sa Simbahan sa Efeso (Apoc. 1:11).
-
Troas Habang narito si Pablo sa kanyang pangalawang paglalakbay bilang misyonero, siya ay nakakita ng isang pangitain hinggil sa isang lalaki na nasa Macedonia na humihingi ng tulong (Gawa 16:9–12). Habang narito sa kanyang pangatlong misyon, ibinangon ni Pablo si Eutico mula sa mga patay (Gawa 20:6–12).
-
Filipos Napagbagong-loob nina Pablo, Silas, at Timoteo ang isang babaing nagngangalang Lidia, nagpalayas ng masasamang espiritu, at sila’y pinagpapalo (Gawa 16:11–23). Nakatanggap sila ng banal na tulong upang makatakas sa bilangguan (Gawa 16:23–26).
-
Atenas Si Pablo, habang nasa kanyang pangalawang misyon sa Atenas, ay nangaral sa Burol ni Marte (Areopago) tungkol sa “diyos na hindi kilala” (Gawa 17:22–34).
-
Corinto Nagtungo si Pablo sa Corinto sa kanyang pangalawang misyon, kung saan nakipanuluyan siya kina Aquila at Priscila. Nangaral siya rito at nagbinyag ng maraming tao (Gawa 18:1–18). Mula sa Corinto, sumulat ng isang liham si Pablo sa mga taga-Roma.
-
Tesalonica Dito nangaral si Pablo samantalang nasa kanyang pangalawang paglalakbay bilang misyonero. Ang pangkat niya ng mga misyonero ay lumisan patungong Berea matapos maging banta ang mga Judio sa kanilang kaligtasan (Gawa 17:1–10).
-
Berea Sina Pablo, Silas, at Timoteo ay nakatagpo ng mararangal na kaluluwang matuturuan samantalang si Pablo ay nasa pangalawang paglalakbay bilang misyonero. Ang mga Judio na taga-Tesalonica ay sinundan at pinag-usig sila (Gawa 17:10–13).
-
Macedonia Nagturo rito si Pablo sa kanyang pangalawa at pangatlong paglalakbay (Gawa 16:9–40; 19:21). Pinuri ni Pablo ang kagandahang-loob ng mga Banal na taga-Macedonia, na nagbigay ng ambag sa kanya at sa mga maralitang Banal na nasa Jerusalem (Rom. 15:26; 2 Cor. 8:1–5; 11:9).
-
Melita Nawasak ang barko ni Pablo sa pulong ito nang paparoon siya sa Roma (Gawa 26:32; 27:1, 41–44). Hindi siya nasaktan ng tuklaw ng ahas at pinagaling ang marami na mga may sakit sa Melita (Gawa 28:1–9).
-
Roma Nangaral dito si Pablo sa loob ng dalawang taon habang nakabilanggo sa sariling bahay (Gawa 28:16–31). Siya rin ay gumawa ng mga liham o sulat, sa mga taga-Efeso, taga-Filipos, at taga-Colosas at kina Timoteo at Filemon samantalang nakabilanggo sa Roma. Isinulat ni Pedro ang kanyang unang liham mula sa “Babilonia,” na marahil ay sa Roma, makaraan ang mga pag-uusig ni Nero sa mga Cristiano noong A.D. 64. Kalahatang pinaniniwalaan na sina Pedro at Pablo ay dito pinatay na mga martir.