Mga Gawa 8
Nagturo si Felipe sa Isang Lalaking Taga-Etiopia
Si Felipe ay isang masigasig at tapat na misyonero na nagtungo sa ilang sa utos ng Panginoon. Pinapunta ng Espiritu si Felipe sa isang lalaking taga-Etiopia na nagbabasa ng mga banal na kasulatan sa kanyang karwahe. Nang tanungin ni Felipe kung nauunawaan ng lalaki ang binabasa niya, sumagot siya, “Paano nga ba, malibang may tumulong sa akin?” (Mga Gawa 8:31). Dahil nauunawaan at mahal ni Felipe ang mga banal na kasulatan, naturuan niya ang taga-Etiopia tungkol kay Jesucristo sa paraang naghikayat sa kanya na maniwala at magpabinyag. Habang pinag-aaralan mo ang Mga Gawa 8:26–40, pagnilayan kung paano mo magagamit ang mga banal na kasulatan upang tulungan ang iba na maniwala at lumapit kay Jesucristo.
Paggamit ng mga tamang kasangkapan
Ang paggamit ng tamang kasangkapan ay makatutulong sa iyo na bumuo o magkumpuni ng mga bagay sa mas mabilis at madaling paraan. Isipin kung gaano kahirap bumuo o magkumpuni ng mga bagay nang walang mga tamang kasangkapan. Isipin kung para saan ginagamit ang mga sumusunod na kasangkapan.
-
Kailan nagiging kapaki-pakinabang ang mga kasangkapang ito?
-
Paano mo epektibong magagamit ang mga ito?
Sa ganito ring paraan, magagamit ang ilang partikular na kasangkapan at kasanayan upang mapalakas at mapag-ibayo ang ating hangaring sundin ang Tagapagligtas at ipamuhay ang Kanyang ebanghelyo.
-
Ano ang ilang espirituwal na kasangkapan o kasanayan na nakatulong para mapaunlad mo ang iyong kaalaman sa ebanghelyo?
-
Paano mo magagamit ang mga kasangkapang ito upang maanyayahan ang ibang tao na lumapit sa Tagapagligtas?
Isa sa mga kasangkapang ito ang kakayahan nating unawain at gamitin ang mga banal na kasulatan, lalo na kapag nagtuturo at nagpapatotoo ang mga ito tungkol kay Jesucristo. Pag-isipan sandali kung gaano ka kakomportable sa paggamit ng mga banal na kasulatan upang anyayahan ang iba na lumapit kay Jesucristo. Habang pinag-aaralan mo ang lesson na ito, humingi ng patnubay sa pamamagitan ng Espiritu Santo upang malaman kung paano mo mas mahusay na magagamit ang mga banal na kasulatan upang makatulong na ilapit ang iba sa Tagapagligtas.
Si Felipe ay tinawag sa ilang
Nakatala sa Mga Gawa 8 ang ilang karanasan ni Felipe, isa sa pitong kalalakihan na tinawag sa ministeryo sa pamamagitan ng mga Apostol (tingnan sa Mga Gawa 6:3–6). Upang matakasan ang tumitinding pag-uusig sa Jerusalem, naglakbay si Felipe patungong Samaria upang magpatuloy sa pagbabahagi ng ebanghelyo. Sa pamamagitan ng priesthood, siya ay gumawa ng mga himala, nagpagaling ng maraming tao, at “ipinangaral sa kanila ang Cristo” (tingnan sa Mga Gawa 8:5–8). Habang pinag-aaralan mo ang sumusunod na salaysay, alamin ang mga kasangkapang ginamit ni Felipe upang magtagumpay sa hindi inaasahang utos na natanggap niya mula sa Panginoon.
Basahin ang Mga Gawa 8:26–39, at isalarawan sa isipan ang mga pangyayaring inilarawan sa salaysay na ito. Maaari mong markahan ang mga salita at pariralang mahalaga sa iyo. (Tandaan na ang eunuko ay isang pinagkakatiwalaang tagapaglingkod.)
Sa maraming katotohanan sa salaysay na ito, maaaring may natukoy kang alituntunin na tulad ng sumusunod: Kapag nauunawaan natin ang mga banal na kasulatan at nagtuturo tayo tungkol sa Tagapagligtas mula sa mga ito, matutulungan natin ang iba na lumapit sa Kanya.
Paggamit ng mga banal na kasulatan upang magturo tungkol kay Jesucristo
Nang tanungin ng taga-Etiopia kung tungkol sa propetang si Isaias o “sa iba” ang banal na kasulatang binabasa niya, pansinin na ang kaalaman ni Felipe tungkol sa mga banal na kasulatan ay nagbigay-kakayahan sa kanya na agad na magsimula “sa kasulatang ito [at] ipinangaral niya sa kanya ang magandang balita ni Jesus” (Mga Gawa 8:34–35).
Ang scripture passage na binasa ng taga-Etiopia ay matatagpuan sa Isaias 53, isang magandang propesiya tungkol sa ating Tagapagligtas na si Jesucristo. Maaari mong i-cross reference o iugnay ang Mga Gawa 8:32–33 sa Isaias 53:7–8.
Ipagpalagay na nasa katayuan ka ni Felipe at may pagkakataon kang ibahagi ang iyong patotoo tungkol kay Jesucristo sa isang kaibigan. Basahin ang Isaias 53:3–9, at bigyang-pansin ang naiisip at nadarama mo tungkol sa Tagapagligtas habang nagbabasa ka.
Pinalakas sa pamamagitan ng paghahanda
Dahil sa mga pagsisikap ni Felipe, nagbalik-loob at nabinyagan ang taga-Etiopia (tingnan sa Mga Gawa 8:36–38). Tulad ni Felipe, mabibigyang-inspirasyon at mahihikayat natin ang iba na sumunod kay Jesucristo at maging katulad Niya. Itinuro ni Elder Ulisses Soares ng Korum ng Labindalawang Apostol na ang ating personal na paghahanda ay makatutulong sa atin na mahikayat ang iba na mas lumapit sa Diyos:
Kapag masigasig, taos-puso, matibay, at taimtim na hinangad nating matutuhan ang ebanghelyo ni Jesucristo at itinuro ito sa isa’t isa nang may tunay na layunin at sa ilalim ng impluwensya ng Espiritu, ang mga turong ito ay maaaring baguhin ang mga puso at maghikayat ng hangaring mamuhay ayon sa mga katotohanan ng Diyos.
(Ulisses Soares, “Paano Ako Makauunawa?,” Liahona, Mayo 2019, 8)
Opsiyonal: Gusto Mo Bang May Matutuhan Pa?
Mga Gawa 8:27. Ano ang eunuko?
Ang mga eunuko ay mga lalaking kinapon na naglingkod sa maraming sinaunang lipunan sa Near at Middle Eastern. Naglingkod sila bilang mga kawal, binantayan nila ang mga maharlikang harem, at madalas silang manungkulan sa mga pinagkakatiwalaang puwesto sa hukuman. Ang eunukong taga-Etiopia sa Mga Gawa 8:26–39 ang responsable sa kabang-yaman ng hukuman ng Etiopia. (Tingnan sa Bible Dictionary, “ Eunuch. ”)
Ang isang tapat na mag-aaral ay maaaring maging inspiradong guro
Itinuro ni Elder Ulisses Soares ng Korum ng Labindalawang Apostol:
Sa konteksto ng pag-aaral at pagtuturo ng ebanghelyo, tayo kung minsan ay tulad ng mga taga-Etiopia—kailangan natin ang tulong ng isang tapat at inspiradong guro; at kung minsan ay tulad din tayo ni Felipe—kailangan nating turuan at palakasin ang iba sa kanilang pagbabalik-loob.
(Ulisses Soares, “Paano Ako Makauunawa,” Liahona, Mayo 2019, 6)