Mga Gawa 6–7
Naglingkod si Esteban katulad ni Cristo
Ang pangangalaga sa mahihirap at iba pang nangangailangan ng tulong ay mahalagang bahagi ng pagiging Kristiyano noon pa man. Noong napapabayaan ang mga balo, pinili ng mga Apostol si Esteban at ang anim pang iba upang magminister sa kanilang mga pangangailangan. Ang nakalulungkot, bagama’t gumawa si Esteban ng kamangha-manghang himala sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Diyos, pinagbabato siya ng mga Judio dahil sa kanyang patotoo tungkol kay Jesucristo. Habang nag-aaral ka, pagnilayan ang mga paraan na mapagpapala mo ang iba sa pamamagitan ng pagsisikap na sundin ang Ama sa Langit at si Jesucristo, maging katulad Nila, at magpatotoo tungkol sa Kanila.
Ang ward council ay isang grupo ng mga miyembro na may ilang partikular na calling (bishop, elders quorum president, Relief Society president, Young Women president, Primary president, at iba pa) na regular na nagmimiting upang tugunan ang iba’t ibang sitwasyon at hamon sa kanilang ward. Ipagpalagay na nangyayari ang sumusunod na sitwasyon sa inyong ward o branch: Isang inang walang asawa na nagngangalang Lydia ang may 16 na taong gulang na anak na lalaki, 7 taong gulang na anak na babae, at 6 na buwang gulang na sanggol. Si Lydia ay ooperahan ngayon linggo at mananatili sa ospital nang limang araw. Paano kaya matutulungan ng iba’t ibang miyembro ng ward council ang pamilyang ito?
-
Sa iyong palagay, bakit mahalaga ang mga ward council, o ang iba pang katulad na organisasyon?
-
Ano kaya ang madarama ng mga taong tinutulungan ng ward council o ng katulad na grupo?
Basahin ang Mga Gawa 6:1, at alamin ang isang problemang kinaharap ng Simbahan noon.
Dahil sa bilang ng mga balong maralita o nangangailangan ng tulong sa Simbahan, iniukol ng Labindalawa ang marami nilang oras sa pagsisikap na tulungan sila kaya hindi na nila mailaan ang kanilang oras sa pangangaral ng ebanghelyo sa paraang ipinagagawa sa kanila ng Tagapagligtas.
Basahin ang Mga Gawa 6:2–8 at tukuyin ang solusyong naisip ng Labindalawa.
Narito ang isang katotohanan na matutukoy natin sa mga talatang ito: Kapag nagkaroon tayo ng mga katangiang tulad ng kay Cristo, mas mapaglilingkuran at mapagpapala natin ang mga nangangailangan.
-
Ano ang ilang karagdagang katangian ni Jesucristo na nakatutulong sa Kanya na magminister sa mga nangangailangan?
Pag-isipan sandali kung gaano kahusay mong nalinang ang mga katangiang ito na tulad ng kay Cristo. May kaugnayan ba ang alinman sa mga katangiang ito sa alinman sa iyong mga personal na mithiin para sa programang Mga Bata at Kabataan? Kung mayroon, isulat sandali sa iyong study journal kung ano na ang nagagawa mo para magkaroon ng katangiang iyon. Kung wala, isiping gumawa ng plano sa iyong study journal kung paano mo sisikaping mataglay ang katangiang iyon na tulad ng kay Cristo upang mas mapaglingkuran at mapagpala mo ang mga nangangailangan.
Ang patotoo at pagkamatay bilang martir ni Esteban
Isinulat ni Elder Bruce R. McConkie (1915–85) ng Korum ng Labindalawang Apostol:
Ang mga dakilang bagay ay hindi madaling makamtan; ang mga pangyayaring yumayanig sa mundo ay humaharap sa pinakamatinding pagtutol.
(Bruce R. McConkie, “Once or Twice in a Thousand Years,” Ensign, Nob. 1975, 18)
Ang pahayag ni Elder McConkie ay naaangkop kay Esteban. Bagama’t siya ay “gumawa ng mga dakilang kababalaghan at mga tanda sa mga tao[,] … tumayo ang ilan mula sa sinagoga … at nakipagtalo [sa kanya]” (Mga Gawa 6:8–9). Dinala si Esteban sa harap ng kapulungan ng mga Judio, at ang mga sinungaling na saksi ay dinala upang tumestigo laban sa kanya.
Habang nakatayo si Esteban sa harap ng mga pinuno ng mga Judio, isinalaysay niya kung paano hindi pinakinggan ng mga Judio sa loob ng maraming henerasyon ang Espiritu Santo at tinanggihan at pinatay ang mga propetang ipinadala ng Diyos sa kanila. Pagkatapos ay nagpatotoo si Esteban na patuloy pa rin ang masasamang pag-uugaling ito hanggang sa panahong iyon, dahil pinaslang ng mga tao maging si Jesucristo, ang Anak ng Diyos (tingnan sa Mga Gawa 7:51–52).
Basahin ang Mga Gawa 7:54–60, at alamin kung ano ang ginawa at itinugon ni Esteban sa kabila ng matinding galit at oposisyong iyon.
-
Ano ang pinakanapansin mo sa salaysay tungkol sa pagkamatay ni Esteban bilang martir?
Tulad ng ipinapakita sa salaysay tungkol sa pagkamatay ni Esteban, ang mabubuting tao at adhikain ay kadalasang nahaharap sa “pinakamatinding pagtutol.”
-
Paano mo ito nakita sa sarili mong buhay?
Tulad ni Esteban, kapag pinipili mong ibahagi ang iyong mga paniniwala at patotoo tungkol sa Tagapagligtas at sa Kanyang ebanghelyo, maaari kang makaranas ng pagtutol o maging ng pag-uusig. Itinuro ni Elder Jeffrey R. Holland ng Korum ng Labindalawang Apostol:
Sinasabi ko sa lahat at lalo na sa mga kabataan ng Simbahan na kung hindi pa [ninyo ito naranasan], balang-araw ay kakailanganin ninyong ipagtanggol ang inyong pananampalataya o tiisin pa ang ilang harapang pang-aabuso dahil lamang sa miyembro kayo ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw. Ang mga sandaling iyon ay mangangailangan kapwa ng tapang at paggalang ninyo.
(Jeffrey R. Holland, “Ang Halaga—at mga Pagpapala—ng Pagkadisipulo,” Liahona, Mayo 2014, 6)
Pag-isipan sandali kung paano mo mapipiling patotohanan at ipagtanggol ang iyong Ama sa Langit at ang Kanyang Pinakamamahal na Anak sa darating na linggong ito.
Opsiyonal: Gusto Mo Bang May Matutuhan Pa?
Mga Gawa 6:1–6. Sino ang tinawag na tumulong sa mga Apostol hinggil sa mga temporal na gawain sa panahong ito?
Tulad ng pagtawag ng Panginoon sa pitong karapat-dapat na kalalakihan para tulungan ang Labindalawa sa paglalaan ng mga temporal na pangangailangan ng Simbahan na nakatala sa aklat ng Mga Gawa, ang Panginoon ay tumawag ng Presiding Bishopric upang tulungan ang Labindalawa sa paglalaan ng mga temporal na pangangailangan ng Simbahan sa panahong ito. Ang Presiding Bishop at ang kanyang dalawang counselor ay naglilingkod sa ilalim ng pamumuno ng Unang Panguluhan para pamahalaan ang mga temporal na gawain ng Simbahan. Ang mga handog-ayuno ay mahalagang bahagi ng programang ito at naglalaan ng pansamatala at pansagip-buhay na tulong para sa mga maralita sa buong mundo. (Para sa karagdagang impormasyon, tingnan ang paksang “Presiding Bishopric” sa newsroom.ChurchofJesusChrist.org.)
Haharapin ko ba ang pang-uusig o ipagtatanggol ang aking pananampalataya?
Panoorin ang video na “Ang Halaga—at mga Pagpapala—ng Pagkadisipulo” (mapapanood sa ChurchofJesusChrist.org) mula sa time code na 1:01 hanggang sa 2:31, o basahin ang pahayag sa ibaba.
Si Elder Jeffrey R. Holland ng Korum ng Labindalawang Apostol ay nagbigay ng halimbawa tungkol sa isang taong inusig habang nagsisikap na magpatotoo tungkol kay Cristo:
Isang sister missionary ang sumulat sa akin kamakailan: “Nakita namin ng kompanyon ko ang isang lalaki sa isang upuan sa liwasang-bayan na nanananghalian. Habang papalapit kami, tumingin siya at nakita niya ang aming missionary name tag. Bakas ang galit sa kanyang mukha, lumundag siya at umakmang sasampalin ako. Nakailag ako kaagad, pero idinura naman niya sa akin ang kinakain niya at pinagsalitaan kami ng masama. Lumakad kami palayo na walang kibo. Sinikap kong punasin ang pagkain sa mukha ko, nang bigla kong maramdaman ang tama ng isang tumpok ng mashed potato sa likod ng ulo ko. Kung minsan mahirap maging missionary dahil noon din ay gusto kong bumalik, pitserahan ang maliit na lalaking iyon, at sabihing, ‘ANO’NG SABI MO?’ Pero hindi ko ginawa iyon.”
Sa tapat na missionary na ito sinasabi ko, anak, sa sarili mong mapagpakumbabang paraan ay pumasok ka sa isang samahan ng kilalang-kilalang kababaihan at kalalakihan na, tulad ng sinabi ng propetang si Jacob sa Aklat ni Mormon, “[isinaalang-alang ang] kamatayan [ni Cristo], at [binata] ang kanyang krus at [tiniis] ang kahihiyan ng sanlibutan” [Jacob 1:8].
(Jeffrey R. Holland, “Ang Halaga—at mga Pagpapala—ng Pagkadisipulo,” Liahona, Mayo 2014, 6)