Mga Gawa 8:1–3; 9:1–20
“[Ano ang Nais Ninyong Ipagawa sa Akin?]”
Sa panahon ng “malawakang pag-uusig laban sa iglesya” (Mga Gawa 8:1), pinasok ni Saulo ang bahay-bahay, at dinakip at ibinilanggo niya ang mga naniniwala kay Jesucristo (tingnan sa Mga Gawa 8:3). Habang naglalakbay si Saulo patungong Damasco upang patuloy na ligaligin ang mga Banal, ipinakita ni Jesucristo ang Kanyang sarili kay Saulo (tingnan sa Mga Gawa 9:3–5). Labis na namangha, itinanong ni Saulo sa Panginoon, “[Ano ang nais ninyong ipagawa sa akin?]” (Mga Gawa 9:6). Ang lesson na ito ay naglalayong tulungan kang pagnilayan kung ano ang ginagawa ng Panginoon upang tulungan kang magbago at hangaring malaman kung ano ang nais Niyang ipagawa sa iyo.
Pagbabago ng direksyon
Magpagulong ng holen o bola sa sahig. Pansinin ang bilis at direksyon nito.
-
Ano ang kailangan upang magbago ng direksyon ang holen o bola?
-
Kung ikukumpara ang gumugulong na bagay sa isang tao, ano ang ilang dahilan kung bakit pagbubutihin ng isang tao ang kanyang sarili at iibahin ang direksyon ng kanyang buhay? Ano ang ilang dahilan kung bakit maaaring hindi niya gawin ang mga ito?
Pag-isipan ang direksyon ng sarili mong buhay. Sa anong mga paraan mo nadarama ang pagmamahal at suporta ng Panginoon? Mayroon bang anumang pagbabago sa direksyon ng iyong buhay na maaaring inaanyayahan ka ng Panginoon na gawin? Hangarin ang paghahayag sa mga tanong na ito habang pinag-aaralan mo ang lesson na ito.
“Saulo, Saulo, bakit mo ako inuusig?”
Tinulungan ng Panginoon ang isang lalaking nagngangalang Saulo na baguhin ang kanyang buhay. Noong una, si Saulo ay isang Fariseo na “winawasak … ang iglesya” (Mga Gawa 8:3). Sumang-ayon siya sa pagpatay sa disipulong si Esteban (tingnan sa Mga Gawa 7:58; 8:1; 22:20) at “sa bawat sinagoga ay ibinilanggo at hinampas [niya] ang mga nanampalataya sa [Panginoon]” (Mga Gawa 22:19).
Maaari mo ring panoorin ang video na “The Road to Damascus” (5:21), matatagpuan sa ChurchofJesusChrist.org.
Batay sa isinulat mo sa iyong journal, isipin kung anong mga katotohanan o mga aral ang natutuhan mo mula sa salaysay na ito.
Nais ng Panginoon na magbago tayo
Pag-isipan sandali ang isang taong kakilala mo na nagbago dahil sa impluwensya ni Jesucristo sa kanyang buhay.
-
Sa iyong palagay, paano naimpluwensyahan ni Jesucristo ang taong ito na magbago?
Para makakita ng isang halimbawa ng isang tao na nagbago, panoorin ang video na “His Grace: Change Is Possible through Christ” (3:29), at alamin kung paano tinulungan ng Panginoon ang isang lalaking nagngangalang Kenny na baguhin ang takbo ng kanyang buhay. Mapapanood ang video na ito sa ChurchofJesusChrist.org.
Para kay Saulo, na kilala rin sa kanyang pangalang Latin na Pablo (tingnan sa Mga Gawa 13:9), ang pagsunod sa mga tagubilin ng Panginoon ay lubos na nagpabago sa kanyang buhay. Tumigil si Pablo sa pag-uusig sa mga Kristiyano at sa halip ay naging isang dakilang disipulo ni Jesucristo. Naglakbay si Pablo sa maraming bansa bilang misyonero at sumulat siya ng mga sulat na nakahihikayat at nagtuturo ng kaalaman sa mga Banal. Ang labing-apat sa mga sulat na ito ay kasama sa Bagong Tipan (tingnan sa Gabay sa mga Banal na Kasulatan, “Pablo,” scriptures.ChurchofJesusChrist.org, o Bible Dictionary, “ Paul ”). Ang desisyon ni Pablo na sundin si Jesucristo ay patuloy na nagpala sa napakaraming tao sa panahong ito.
Ipapakita sa iyo ng infographic na ito ang ilan sa mahahalagang pangyayari sa buhay ni Pablo at sa mga paglalakbay niya bilang misyonero. Maaaring makatulong na rebyuhin ito paminsan-minsan habang pinag-aaralan mo ang mga karanasan at isinulat ni Pablo.
Kilala rin tayo ng Panginoon at inaanyayahan Niya tayong gumawa ng mga pagbabago sa ating buhay. Maaaring malalaking pagbabago ang mga ito, ngunit maaari din itong maliliit na pagbabago.
Opsiyonal: Gusto Mo Bang May Matutuhan Pa?
Mga Gawa 9:5. Ano ang ibig sabihin ng “[sumikad sa mga tinik]”?
Ang isang matalas na sibat o patpat ay kadalasang ginagamit para sundutin ang mga hayop upang palakarin sila. Ang mga hayop na sisipa sa halip na lumakad ay maaaring mas lalong masaktan. Sa paggamit ng analohiyang ito, tinulungan ng Panginoon si Saulo na makita na ang paglaban sa Kanya ay magdudulot lamang sa kanya ng sakit.
Anong mga pagbabago ang maaaring ipagawa sa akin ng Panginoon?
Itinuro ni Sister Becky Craven, Pangalawang Tagapayo sa Young Women General Presidency:
Maaaring ito ay pagbabago ng pag-iisip, pagbabago ng gawi, o pagbabago ng direksyon kung saan tayo tutungo. Bilang sukli sa Kanyang hindi matutumbasang kabayaran para sa bawat isa sa atin, hinihiling ng Panginoon sa atin ang pagbabago ng puso. Ang hinihiling Niyang pagbabago mula sa atin ay hindi para sa Kanyang kapakanan, kundi para sa atin.
(Becky Craven, “Panatilihin ang Pagbabago,” Liahona, Nob. 2020, 58)
Ano ang dapat kong maunawaan tungkol sa mga pinipili ko at sa direksyon ng buhay ko?
Itinuro ni Elder Jeffrey R. Holland ng Korum ng Labindalawang Apostol:
Hindi tinitingnan ng Diyos kung ano ang nakaraan ninyo kundi kung saan na kayo ngayon, at sa tulong Niya, kung saan kayo handang pumunta.
(Jeffrey R. Holland, “Ang Pinakamainam ay Mangyayari Pa Lang,” Liahona, Ene. 2010, 27)
Itinuro ni Elder Dieter F. Uchtdorf ng Korum ng Labindalawang Apostol:
Nais ni Satanas na isipin natin na kapag nagkasala tayo ay lampas na tayo sa “hangganang wala nang balikan”—na huli na ang lahat para magbago ng landas. …
Naparito si Cristo para iligtas tayo. Kung namali tayo ng landas, mabibigyan tayo ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo ng katiyakan na … ang ligtas na pagbalik ay posible kung susundin natin … ang plano ng Diyos para sa ating kaligtasan. …
Ang kaloob na Pagbabayad-sala ni Jesucristo ay nagbibigay sa atin sa lahat ng panahon at sa lahat ng lugar ng mga pagpapala ng pagsisisi at kapatawaran. Dahil sa kaloob na ito, tayong lahat ay may pagkakataong makabalik nang ligtas mula sa mapanganib na landas ng kasalanan.
(Dieter F. Uchtdorf, “Hangganan ng Ligtas na Pagbalik,” Liahona, Mayo 2007, 99, 101)