I-assess ang Iyong Pagkatuto 6
Layunin ng lesson na ito na tulungan kang suriin ang mga mithiing itinakda mo at ang pansariling pag-unlad na naranasan mo sa iyong pag-aaral ng Bagong Tipan.
Ibigin mo ang Diyos ng iyong buong puso
Sa iyong study journal, magdrowing ng isang puso. Sa loob o sa paligid ng puso, ilista ang mga bagay na natutuhan o nadama mo tungkol sa Tagapagligtas na nagpaibayo ng iyong pagmamahal sa Kanya. Kung maaari, magtanong sa isang kaibigan o kapamilya kung ano ang gusto niya tungkol sa Tagapagligtas, at idagdag ito sa iyong listahan. Sagutin ang mga sumusunod na tanong sa ilalim ng iyong drowing na puso.
-
Paano ka nahikayat na sikaping lubos pang mahalin ang Ama sa Langit at si Jesucristo dahil sa natutuhan mo tungkol sa Kanilang pagmamahal sa iyo?
-
Paano nakatulong ang pag-unawa mo sa Kanilang pagmamahal sa iyo para mapag-ibayo mo ang iyong pagmamahal sa ibang tao?
Alalahanin na itinuro ng Tagapagligtas na nagpapakita tayo ng pagmamahal sa Kanya sa pamamagitan ng pagsunod sa mga kautusan (tingnan sa Juan 14:15). Si Jesucristo ay nagpakita ng perpektong halimbawa ng pagmamahal sa Ama sa Langit sa pamamagitan ng pagsunod sa lahat ng kautusan (tingnan sa Juan 14:31).
Nang pag-aralan mo ang Juan 14:15, maaaring isinulat mo sa iyong journal ang tungkol sa iyong mga hangarin na sundin ang mga kautusan at ang iyong mga layunin, o ang iyong mga dahilan, sa paggawa nito. Kung gayon, rebyuhin ang isinulat mo.
Ang Pagbabayad-sala ni Jesucristo: Ano kaya ang mangyayari sa buhay mo kung wala Ito?
Isipin kung ano ang natutuhan mo tungkol sa nagbabayad-salang sakripisyo ni Jesucristo mula sa Bagong Tipan. Pag-isipan sandali kung ano ang personal na kahulugan sa iyo ni Jesucristo at ng Kanyang nagbabayad-salang sakripisyo. Isipin kung ano ang mangyayari sa buhay mo kung wala ang mga ito.
Ngayong naglaan ka na ng oras para mag-isip, isulat ang ilan sa mga naisip mo sa pamamagitan ng pagsagot sa mga sumusunod na tanong. Magsama ng mga makabuluhang detalye sa iyong mga sagot, at magsama ng mga talata mula sa banal na kasulatan tungkol sa sakripisyo ni Jesucristo na nakaimpluwensya sa iyo.
Si Pangulong M. Russell Ballard, Gumaganap na Pangulo ng Korum ng Labindalawang Apostol, ay nagturo:
Salamat at magiting na isinagawa ni Jesucristo ang sakripisyong ito sa sinaunang Jerusalem. … Si Jesus ay kusang nagdusa nang sa gayon lahat tayo’y magkaroon ng oportunidad na mahugasan at maging malinis—dahil sa ating pananampalataya sa kanya, pagsisisi sa ating mga kasalanan, pagkabinyag sa wastong awtoridad ng priesthood, sa pagtanggap sa nakadadalisay na kaloob na Espiritu Santo sa pamamagitan ng kumpirmasyon, at pagtanggap sa lahat ng iba pang mahahalagang ordenansa. Kung walang Pagbabayad-sala ng Panginoon, hindi natin matatanggap ang kahit isa sa mga biyayang ito, at hindi tayo magiging karapat-dapat at handang bumalik upang makapiling ang Diyos.
(M. Russell Ballard, “Ang Pagbabayad-sala at ang Kahalagahan ng Isang Kaluluwa,” Liahona, Mayo 2004, 85)
Pagbabahagi ng mabuting balita tungkol kay Jesucristo
Ngayong napagnilayan mo na ang kahalagahan ng nagbabayad-salang sakripisyo ni Jesucristo, basahin ang sumusunod na pahayag ni Pangulong Russell M. Nelson.
Ang ibig sabihin ng katagang ebanghelyo ay “mabuting balita.” Ang mabuting balita ay ang Panginoong Jesucristo at ang Kanyang mensahe ng kaligtasan. Itinulad ni Jesus ang ebanghelyo sa Kanyang misyon at ministeryo sa mortalidad.
(Russell M. Nelson, “Matatandang Misyonero at ang Ebanghelyo,” Liahona, Nob. 2004, 81)