Doctrinal Mastery: Santiago 2:17–18
“Ang Pananampalataya … , Kung Ito ay Walang mga Gawa ay Patay”
Sa nakaraang lesson, natutuhan mo na nagpapakita tayo ng pananampalataya kay Jesucristo sa pamamagitan ng ating mabubuting gawa. Ang lesson na ito ay makatutulong sa iyo na maisaulo ang doctrinal mastery reference at ang mahalagang parirala ng banal na kasulatan para sa Santiago 2:17–18, maipaliwanag ang doktrina, at maipamuhay ang mga alituntunin ng pagtatamo ng espirituwal na kaalaman sa mga sitwasyon sa totoong buhay.
Isaulo at ipaliwanag
Isulat ang Santiago 2:17–18, Ang pananampalataya … , kung ito ay walang mga gawa ay patay sa isang piraso ng papel na may ilang puwang sa pagitan ng bawat salita. Sabihin nang malakas ang reperensyang banal na kasulatan at ang mahalagang parirala ng banal na kasulatan. Pagkatapos ay gupitin ang bawat salita at numero nang magkakahiwalay, paghaluin ang mga ito, at muling ayusin ayon sa pagkakasunud-sunod ng mga ito. Sabihin muli ang banal na kasulatan at reperensya. Ulitin ang proseso hanggang sa masabi mo ang reperensyang banal na kasulatan at ang mahalagang parirala ng banal na kasulatan nang walang kopya at walang tulong ng alinman sa mga piraso ng papel.
Habang binabasa mo ang Santiago 2:17–18, alalahanin mula sa nakaraang lesson ang alituntunin na ang tunay na pananampalataya kay Jesucristo ay nangangailangan ng mabubuting gawa.
-
Paano mo maipapaliwanag ang katotohanang ito sa paraang makahihikayat sa isang tao na kumilos ayon sa kanyang pananampalataya?
Pagsasanay ng pagsasabuhay
Maaaring mahirap kumilos nang ayon sa ating mga paniniwala. Ipinahayag ni Elder David A. Bednar ng Korum ng Labindalawang Apostol, “Ang alam natin ay hindi laging nakikita sa ating ginagawa” (“Mas Masigasig at Mapagmalasakit sa Tahanan,” Liahona, Nob. 2009, 17). Habang binabasa mo ang mga sumusunod na sitwasyon, isipin ang mga dahilan kung bakit hindi natin palaging ginagawa ang ayon sa mga alituntunin ng ebanghelyo na alam natin.
-
Gusto ng isang dalagita na basahin ang kanyang mga banal na kasulatan araw-araw. Kung minsan ay nawawalan siya ng gana kapag hindi niya nauunawaan o nahahanap ang kahulugan ng binabasa niya.
-
Isang dalagita ang tapat na nagbayad ng ikapu noong bata pa siya. Ngayong mas matanda na siya at may regular na trabaho, ang halaga ng ikapung inaasahan sa kanya ay higit pa sa ibinigay niya noon at mas mahirap itong bayaran.
-
Natutuhan ng isang binatilyo ang tungkol kay Jesucristo at sa Kanyang Pagbabayad-sala sa loob ng maraming taon. Naniniwala siya na nagdusa si Jesus para sa mga kasalanan ng sangkatauhan at mapapatawad ang kanyang mga kasalanan. Nagkaroon siya ng makabuluhang karanasan sa pagsisisi noon. Gayunpaman, nasumpungan niya ang kanyang sarili na mahabang panahon na rin na hindi niya iniisip ang tungkol sa pagsisisi.
Kung gusto mo ng tulong para magamit ang mga alituntuning ito sa sitwasyong pinili mo, maaari mong sagutin ang ilan o lahat ng sumusunod na tanong.
Alituntunin 1: Kumilos nang may pananampalataya
-
Noon, anong alituntunin ng ebanghelyo ang nagawa mo nang may pananampalataya?
-
Ano ang natutuhan mo tungkol kay Jesucristo mula sa karanasang iyon na maaaring makatulong sa iyo sa sitwasyong ito?
Alituntunin 2: Suriin ang mga konsepto at tanong nang may walang-hanggang pananaw
-
Sa iyong palagay, paano nakikita ng Ama sa Langit ang sitwasyong ito? Sa paanong mga paraan Siya makatutulong?
-
Paano humahantong ang pagkilos ayon sa alituntuning ito sa mga pagpapala ngayon at sa kawalang-hanggan?
Alituntunin 3: Hangaring mas makaunawa sa pamamagitan ng sources na itinalaga ng Diyos
-
Paano makatutulong ang Santiago 2:17–18 sa sitwasyong ito? Ano ang iba pang banal na kasulatan o mga mensahe sa pangkalahatang kumperensya na makatutulong sa iyo na mas maunawaan at mahikayat kang ipamuhay ang alituntuning ito? (Halimbawa, tingnan sa Alma 32:27–28.)
-
Madalas ay makatutulong na talakayin ang mga bagay na ito sa isang mapagkakatiwalaang kaibigan, kapamilya, o lider ng Simbahan. Kanino nais ng Panginoon na talakayin mo ang sitwasyong ito?
Isipin sandali ang natutuhan mo sa lesson na ito. Kung natukoy mo ang isang katotohanan ng ebanghelyo na personal kang nahihirapang gawin, tapat na suriin kung plano mong gawin ito ngayon. Kung hindi mo planong gawin ito ngayon, isipin ang mga hadlang na nasa iyong daan at kung paano ka matutulungan ng Panginoon.