Seminary
Santiago 2


Santiago 2

“Ang Pananampalataya … , Kung Ito ay Walang mga Gawa ay Patay”

Mga kabataang gumagawa ng proyektong pangserbisyo sa Australia

Maaari bang magkaroon ng pagkakaiba sa pagitan ng isang taong nagsasabing naniniwala siya kay Jesucristo at ng isang taong sumasampalataya kay Jesucristo? Nagbigay si Santiago ng mahalagang pagkakaiba na ang tunay na pananampalataya kay Jesucristo ay nakikita hindi lang sa iniisip o sinasabi ng isang tao, kundi maging sa ginagawa niya. Ang lesson na ito ay magbibigay-daan para masuri mo kung paano ka mas lubos na mananampalataya kay Jesucristo sa pamamagitan ng mabubuting gawa.

Pagtanggap ng mga pagpapala—tulad ng pagsindi ng apoy

Humihingi ka ba ng pagpapala o sagot sa panalangin mula sa Ama sa Langit? Maaaring makatulong na ihambing ang proseso ng paghingi ng mga pagpapalang ito sa pagsindi ng apoy upang makatanggap ng liwanag at init mula rito.

  • Anong mga hakbang ang gagawin mo para makalikha ng apoy?

  • Gaano kahalaga ang pagsisindi ng posporo?

Basahin ang sumusunod na pahayag ni Elder Dale G. Renlund ng Korum ng Labindalawang Apostol upang malaman kung paano natutulad ang pagtanggap ng mga pagpapala sa pagsindi ng apoy. Maaari mo ring panoorin ang “Mananagana sa Pagpapala,” matatagpuan sa ChurchofJesusChrist.org, mula sa time code na 1:02 hanggang 3:27.

2:3

Mananagana sa Pagpapala

Itinuro ni Elder Renlund na nais ng Ama sa Langit at ni Jesucristo na pagpalain tayo ngunit kailangan nating manampalataya kay Cristo at kumilos para sundin ang mga batas kung saan nakasalalay ang mga pagpapala.

Opisyal na larawan ni Elder Dale G. Renlund ng Korum ng Labindalawang Apostol, Enero 2016.

Ihalintulad natin ang mga pagpapala ng langit sa malaking salansan ng mga kahoy. … [Ito] ay magbibigay ng matinding liwanag at init nang maraming araw. …

Para makapagbigay ng liwanag at init ang salansan ng mga kahoy na panggatong, ang posporo ay kailangang ikiskis at sindihan ang mga patpat. Ang mga patpat ay kaagad na magniningas at susunugin ang mas malalaking piraso ng mga kahoy. …

Ang pagkiskis ng posporo at pagsindi sa mga patpat ay maliliit na gawain na nagpalabas sa kakayahang magbigay ng liwanag at init ng mga kahoy na panggatong. Hangga’t hindi ikinikiskis ang posporo, walang mangyayari, gaano man kalaki ang salansan ng mga kahoy. …

Sa ganito ring paraan, karamihan sa mga pagpapala na nais ibigay sa atin ng Diyos ay nangangailangan ng pagkilos natin—pagkilos na batay sa ating pananampalataya kay Jesucristo. … Ang ipinagagawa sa atin, gayunpaman, ay palaging maliit kung ikukumpara sa mga pagpapala na matatanggap natin sa huli.

(Dale G. Renlund, “Mananagana sa Pagpapala,” Liahona, Mayo 2019, 70)

  • Ano ang mga natutuhan mo mula sa analohiya ni Elder Renlund?

  • Sa iyong palagay, ano ang ibig sabihin ng kumilos “batay sa ating pananampalataya kay Jesucristo”?

Pag-isipan ang mga sumusunod na tanong:

  • Sa paanong mga paraan ka may pananampalataya kay Jesucristo? Ano ang mga ginagawa mo dahil sa pananampalatayang ito?

  • Anong mga sagot at iba pang pagpapala ang natanggap mo mula sa Diyos nang manampalataya ka kay Jesucristo? Mayroon bang mga karagdagang paraan na nadarama mong nais ng Panginoon na gawin mo nang may pananampalataya? Bakit?

Manalangin na gabayan ka ng Ama sa Langit habang naghahanap ka ng mga sagot sa mga tanong na ito sa iyong pag-aaral.

Pananampalataya kay Jesucristo

Gumamit si Santiago ng isa pang analohiya upang ituro sa atin ang kahalagahan ng pagkilos nang may pananampalataya kay Jesucristo.

Basahin ang Santiago 2:14–16, at subukang ilarawan sa iyong isipan ang iisipin mo kung nasaksihan mo ang sitwasyong ito. (Ang salitang “hubad” sa talata 15 ay nangangahulugang hindi maayos na nadaramitan.)

  • Ano ang natutuhan mo mula sa analohiya ni Santiago?

Basahin ang Santiago 2:17–18, 26 (tingnan din sa Santiago 1:22) at alamin ang isang katotohanan na inilarawan ni Santiago sa pamamagitan ng analohiyang ito.

icon ng Doctrinal Mastery (asul). Ang larawan ay isang bukas na aklat. Ang Santiago 2:17–18 ay isang doctrinal mastery passage. Maaari mong markahan ang mga doctrinal mastery passage sa partikular na paraan upang madali mong mahanap ang mga ito.

  • Paano mo ibubuod ang itinuro ni Santiago?

Ang isang paraan ng paglalahad ng katotohanang itinuro ni Santiago ay ang tunay na pananampalataya kay Jesucristo ay nangangailangan ng mabuting gawa.

Pagsusulat sa isang papel gamit ang bolpen o lapis. 1. Sagutin ang mga sumusunod na tanong sa iyong study journal:

  • Sa iyong palagay, bakit nais ni Jesucristo na ipakita natin sa gawa ang ating pananampalataya?

  • Paano tayo mahihikayat ng pag-alaala sa Tagapagligtas na si Jesucristo at sa Kanyang kabutihan na kumilos ayon sa ating mga paniniwala?

Mga halimbawa ng pagkilos nang may pananampalataya

Maaaring makapagbigay-inspirasyon na mag-isip ng mga halimbawa ng mga taong kumikilos ayon sa kanilang pananampalataya kay Jesucristo. Basahin ang Santiago 2:21–25, at tukuyin ang mga halimbawa ng mga tao sa Lumang Tipan na kumilos nang may pananampalataya.

Pagsusulat sa isang papel gamit ang bolpen o lapis. 2. Sagutin ang mga sumusunod na tanong sa iyong study journal:

  • Sino ang naiisip mo, mula sa iyong buhay o sa mga banal na kasulatan, na ipinakita sa gawa ang kanyang pananampalataya kay Jesucristo? Ano ang natutuhan mo mula sa halimbawang ito?

  • Ano ang isang paraan na si Jesucristo ay isang halimbawa ng mabubuting gawa? Paano tayo natutulungan ng ating mabubuting gawa na maging higit na katulad Niya?

Pagtanggap ng mga pagpapala sa pamamagitan ng mga gawa na binigyang-inspirasyon ng pananampalataya

Ibinigay ni Pangulong Russell M. Nelson ang sumusunod na hamon hinggil sa ating pananampalataya at sa ating mga paggawa:

Opisyal na larawan ni Pangulong Russell M. Nelson na kuha noong Enero 2018

Ang gawin nang mahusay ang anumang bagay ay nangangailangan ng pagsisikap. Hindi naiiba diyan ang pagiging tunay na disipulo ni Jesucristo. Ang pagpapalakas ng inyong pananampalataya at tiwala sa Kanya ay nangangailangan ng pagsisikap. …

…Ano ang gagawin ninyo kung kayo ay may mas higit na pananampalataya? Pag-isipan ninyo ito. Magsulat tungkol dito. Pagkatapos ay tumanggap ng higit pang pananampalataya sa pamamagitan ng paggawa ng isang bagay na nangangailangan ng higit na pananampalataya.

Pag-isipan ang mga sumusunod na tanong:

  • Ano ang gagawin mo kung ikaw ay may mas higit na pananampalataya?

  • Ano ang mga hakbang na gagawin mo upang kumilos ayon sa iyong mga impresyon?

Maglaan ng ilang sandali upang magsimulang kumilos ayon sa iyong mga impresyon. Halimbawa, depende sa nadarama mong dapat mong gawin, maaari kang magpadala ng text, manalangin, maglagay ng paalala sa iyong kalendaryo, o magplano kung ano ang susunod mong gagawin.

Opsiyonal: Gusto Mo Bang May Matutuhan Pa?

Sinalungat ba ng mga turo ni Santiago tungkol sa pananampalataya at mga gawa ang mga turo ni Pablo?

Sa konteksto ng Santiago 2:14, ginamit ni Santiago ang mga salitang mga gawa na naiiba sa paggamit dito ni Apostol Pablo. Nang gamitin ni Pablo ang mga salitang mga gawa, pangunahin niyang tinukoy ang mga gawa ng batas ni Moises (tingnan sa Roma 3:27–31 at Galacia 2:15–16). Nang gamitin ni Santiago ang mga salitang mga gawa, ang tinutukoy niya ay ang mga gawa ng katapatan o mga gawa ng kabutihan.

Ang pananampalataya na walang mga gawa ay patay, ngunit paano naman ang mga gawang walang pananampalataya?

Itinuro ni Elder David A. Bednar ng Korum ng Labindalawang Apostol:

Elder David A. Bednar, opisyal na larawan ng Korum ng Labindalawang Apostol. 2020.

Ang tunay na pananampalataya ay nakatuon sa Panginoong Jesucristo at laging nauuwi sa mabuting pagkilos. … Ang pagkilos lamang ay hindi pananampalataya sa Tagapagligtas, kundi ang pagkilos ayon sa mga tamang alituntunin ay isang pangunahing bahagi ng pananampalataya.

(David A. Bednar, “Humingi nang may Pananampalataya,” Liahona, Mayo 2008, 95)