Seminary
Doctrinal Mastery—Juan 17:3


Doctrinal Mastery—Juan 17:3

Makilala ang Ama sa Langit at si Jesucristo

dalagitang nagbabasa ng mga banal na kasulatan

Sa nakaraang lesson na “Juan 17,” nalaman mo na maaari tayong sumulong sa buhay na walang hanggan kung makikilala natin ang Ama sa Langit at si Jesucristo. Ang lesson na ito ay makatutulong sa iyo na maisaulo ang doctrinal mastery reference at ang mahalagang parirala ng banal na kasulatan para sa Juan 17:3, maipaliwanag ang doktrina, at magamit ang mga alituntunin ng pagtatamo ng espirituwal na kaalaman sa isang sitwasyon sa tunay na buhay.

Isaulo at ipaliwanag

Bigkasin nang malakas nang ilang beses ang doctrinal mastery reference na Juan 17:3 at ang mahalagang parirala nito: “At ito ang buhay na walang hanggan, na ikaw ay makilala nila na iisang Diyos na tunay, at si [Jesucristo].” Sa isang hiwalay na papel, isulat ang reperensyang Juan 17:3 at ang mga unang titik ng bawat salita sa talata: A i a b n w h n i a m n n i D n t a si J. Gamit lamang ang mga unang titik ng talata, subukang bigkasin ang reperensya at mahahalagang parirala ng banal na kasulatan. Kapag mas kaya mo na, subukang bigkasin ang reperensya at parirala nang walang kopya.

icon ng pagsusulat sa journal 1. Gawin ang sumusunod sa iyong study journal:

Upang matulungan ka na mas maunawaan ang kahulugan ng banal na kasulatang ito, ipaliwanag ang mga katotohanang itinuro sa Juan 17:3 sa sarili mong mga salita. Isama ang sumusunod:

  1. Ang kahulugan ng pariralang “buhay na walang hanggan.”

  2. Ang ilang paraan upang “makilala” natin ang Ama sa Langit at si Jesucristo.

Pagsasabuhay

Rebyuhin ang talata 5–12 ng bahaging “Pagtatamo ng Espirituwal na Kaalaman” ng Doctrinal Mastery Core Document (2022). Isipin kung paano mo maipapaliwanag ang bawat isa sa mga alituntuning ito sa isang taong hindi pa narinig ang tungkol sa mga ito noon.

Basahin ang sumusunod na sitwasyon:

Pagkatapos ng pulong ng pag-aayuno at pagpapatotoo, napansin mo na parang malungkot ang kaibigan mong si Julia. Habang naglalakad ka pauwi kasama niya, sinabi niya na sa pagpupulong ngayon napagtanto niya na hindi niya pala kilala ang Ama sa Langit at si Jesucristo. Sinabi niya na nakadama siya ng kalungkutan at pag-asam na magkaroon ng ugnayan sa Kanila na nahiwatigan niya sa ilan sa mga taong nagbahagi ng kanilang mga patotoo. Nagpasya kang pag-isipan at ipanalanging mabuti sa susunod na ilang araw kung paano tutulungan si Julia.

Gamitin ang mga alituntunin ng pagtatamo ng espirituwal na kaalaman at ang mga sumusunod na tanong at aktibidad upang matulungan kang pag-isipan kung ano ang maaari mong sabihin at gawin upang matulungan si Julia. Maaari mong isulat ang natutuhan mo at ang anumang impresyong matatanggap mo habang naghahanda ka.

Suriin ang mga konsepto at tanong nang may walang-hanggang pananaw

  • Sa iyong palagay, bakit nais ng Ama sa Langit na makilala natin Siya at ang Kanyang Anak na si Jesucristo?

  • Bakit gusto mong makilala Sila nang husto sa abot ng iyong makakaya sa buhay na ito?

Hangarin na mas makaunawa sa pamamagitan ng mga itinalagang sources na ibinigay ng Diyos

  • Paano makatutulong kay Julia ang pag-aaral ng panalangin ng Tagapagligtas sa Juan 17:3 sa kanyang mga hangarin?

Gumawa ng listahan ng ilang mabubuting source na maaaring makatulong kay Julia na makilala ang Ama sa Langit at si Jesucristo.

  • Paano magagamit ni Julia ang makukuhang resources upang mas makilala niya ang Ama sa Langit at si Jesucristo? (Halimbawa, anong mahahalagang salita ang maaari niyang hanapin sa Gabay sa mga Banal na Kasulatan sa ChurchofJesusChrist.org, o sa Gospel Library app?)

Maglaan ng ilang minuto para pag-aralan ang mga sources na itinalaga ng Diyos upang malaman pa ang tungkol sa Ama sa Langit at kay Jesucristo at kung paano Sila mas makikilala.

Kumilos nang may pananampalataya

  • Paano naging pagkilos nang may pananampalataya ang pagsisikap na makilala ang Ama sa Langit at si Jesucristo?

  • Ano ang nagawa mo o ng isang taong kilala mo upang mas makilala ang Ama sa Langit at si Jesucristo na maaari mong imungkahi kay Julia?

  • Anong mga parirala ang nakita mo sa talata 5–7 ng bahaging “Pagtatamo ng Espirituwal na Kaalaman” ng Doctrinal Mastery Core Document (2022) na makatutulong sa isang taong gumagawa ng tama ngunit hindi pa rin niya nadaramang malapit siya sa Diyos gaya ng nais niya?

icon ng pagsusulat sa journal2. Isulat sa iyong study journal kung ano ang maaari mong ibahagi upang matulungan ang kaibigan mong si Julia.

Opsiyonal: Gusto Mo Bang May Matutuhan Pa?

Ano ang buhay na walang hanggan?

Ang buhay na walang hanggan ay ang pariralang ginamit sa mga banal na kasulatan upang ilarawan ang uri ng pamumuhay ng ating Amang Walang Hanggan. … Ang buhay na walang hanggan, o kadakilaan, ay ang mamuhay sa piling ng Diyos at magpatuloy bilang pamilya (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 131:1–4).

(Mga Paksa ng Ebanghelyo, “Buhay na Walang Hanggan,” topics.ChurchofJesusChrist.org)

Paano natin makikilala ang Ama at ang Anak para sa ating sarili?

Sinagot ni Elder Robert D. Hales (1932–2017) ng Korum ng Labindalawang Apostol ang tanong na ito.

Opisyal na retrato ni Elder Robert D. Hales ng Korum ng Labindalawang Apostol, 2003

Sa pamamagitan ng personal na paghahayag. Ang personal na paghahayag ang paraan kung paano tayo tinutulungan ng Ama sa Langit na makilala Siya at ang Kanyang Anak, matutuhan at ipamuhay ang ebanghelyo, magtiis hanggang wakas sa kabutihan, at maging marapat para sa buhay na walang hanggan—upang makabalik sa Kanilang piling.

(Robert D. Hales, “Personal na Paghahayag: Ang mga Turo at Halimbawa ng mga Propeta,” Liahona, Nob. 2007, 87)

Ano ang dapat kong gawin kung hindi ako sigurado kung naniniwala ako sa Diyos?

Sinabi ni Elder Robert D. Hales (1932–2017) ng Korum ng Labindalawang Apostol:

Opisyal na retrato ni Elder Robert D. Hales ng Korum ng Labindalawang Apostol, 2003

Kung hindi ninyo maalalang maniwala sa Diyos, o kung hindi na kayo naniniwala, o naniniwala ngunit hindi tunay na nananalig, inaanyayahan ko kayo na hangaring magkaroon ng patotoo sa Diyos ngayon. …

… Dahil sa inyong sariling patotoo sa Diyos, mapagpapala ninyo ang inyong pamilya, inyong angkan, inyong mga kaibigan—lahat ng inyong minamahal. Ang inyong sariling kaalaman tungkol sa Diyos ay hindi lamang ang pinakadakilang handog na inyong maibibigay; magdudulot pa ito ng pinakamalaking kagalakan na inyong makakamtan magpakailanman.

… Nangangako ako na kung kayo ng inyong mga mahal sa buhay ay hahangarin Siya nang buong pagpapakumbaba, katapatan, at pagsusumikap, malalaman din ninyo ito nang may katiyakan. Darating ang patotoo sa inyo.