Juan 17
Ang Dakilang Panalangin ng Pamamagitan ng Tagapagligtas
Kilalanin ang Ama sa Langit at si Jesucristo nang personal
Mag-isip ng isang mahalagang tao sa kasaysayan ng iyong bansa.
-
Ano ang ilang bagay na alam mo tungkol sa taong iyon?
-
Paano mo ilalarawan ang mga pagkakaiba ng iyong nalalaman tungkol sa kilalang tao sa kasaysayan at kung gaano mo kakilala ang isang malapit na kapamilya?
Maglaan ng oras ngayon na isulat sa iyong study journal ang nadarama mo tungkol sa iyong nalalaman tungkol sa Ama sa Langit at kay Jesucristo. Batay lang ba ito sa mga impormasyong alam mo tungkol sa Kanila, o ito ba ay nagiging higit na personal kaysa roon? Sa iyong palagay, paano mapagpapala ang iyong buhay dahil nakikilala mo Sila nang mas personal?
Nanalangin si Jesus para sa Kanyang mga disipulo
Noong gabi bago ang Kanyang pagdurusa sa Getsemani, pagkakanulo, at Pagpapako sa Krus, nag-alay ang Tagapagligtas ng isang sagradong panalangin na kilala bilang dakilang Panalangin ng Pamamagitan. Nanalangin Siya sa Ama sa Langit upang magsumamo para sa Kanyang mga disipulo, kabilang na ang Kanyang mga tagasunod na nabubuhay sa ating panahon (tingnan sa Juan 17:20). Subukang isipin kung ano ang pakiramdam ng mga Apostol nang marinig nila na ipinagdarasal sila ni Jesus sa sagradong gabing iyon.
-
Ano ang matututuhan natin tungkol sa Tagapagligtas mula sa Kanyang halimbawa ng pagdarasal para sa Kanyang mga disipulo at sa lahat ng sumusunod sa Kanya bago ang Kanyang pagdurusa at pagkadakip sa Getsemani?
Basahin ang Juan 17:1–3, at alamin ang mga pagpapalang ipinagdasal ni Jesucristo na matanggap ng Kanyang mga disipulo.
-
Ano ang ninanais ni Jesucristo para sa Kanyang mga disipulo?
Ang pariralang “buhay na walang hanggan” (talata 2–3) ay kadalasang hindi nauunawaan at ipinapakahulugan lang na mabubuhay magpakailanman. Ipinagdarasal ng Tagapagligtas na makatatanggap tayo ng higit pa riyan. Ang “buhay na walang hanggan” ay “ang uri ng buhay ng ating Amang Walang Hanggan. … Ang buhay na walang hanggan, o kadakilaan, ay ang mamuhay sa piling ng Diyos at magpatuloy bilang pamilya (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 131:1–4)” (Mga Paksa ng Ebanghelyo, “Buhay na Walang Hanggan,” topics.ChurchofJesusChrist.org). Maaari mong isulat ang kahulugang ito sa iyong mga banal na kasulatan sa tabi ng talata 3.
-
Ayon sa talata 3, ano ang isa sa mga bagay na kailangan nating gawin upang matanggap ang buhay na walang hanggan?
Ang isang katotohanan na matututuhan natin mula sa panalangin ng Tagapagligtas ay upang matanggap ang buhay na walang hanggan, dapat nating makilala ang Ama sa Langit at si Jesucristo.
-
Sa iyong palagay, bakit kailangan nating tunay na makilala ang Ama sa Langit at si Jesucristo upang matanggap ang buhay na walang hanggan?
Ipinaliwanag ni Elder Michael John U. Teh ng Pitumpu ang kahalagahan ng makilala ang Tagapagligtas:
Kailangan nating maunawaan na ang makilala ang Tagapagligtas ang pinakamahalagang hangarin sa ating buhay. Dapat itong mauna kaysa sa anupamang bagay.
(Michael John U. Teh, “Ang Ating Personal na Tagapagligtas,” Liahona, Mayo 2021, 99)
-
Sa iyong palagay, bakit ang makilala ang Tagapagligtas ang pinakamahalagang hangarin sa ating buhay?
-
Ano ang maaaring dahilan kaya nahihirapan na unahin muna ang makilala ang Tagapagligtas kaysa sa iba pang hangarin sa iyong buhay?
Pagnilayan sandali kung paano ka naging malapit sa isang kapamilya o kaibigan. Ano ang ginawa mo upang mas makilala siya? Mayroon bang mahahalagang karanasan na nakatulong sa iyo na lubusan siyang makilala? Gaano katagal nabuo ang pagiging malapit ninyo sa isa’t isa?
Makilala ang Tagapagligtas sa pamamagitan ng Kanyang panalangin
Ang isang paraan upang makilala ang Tagapagligtas ay sa pamamagitan ng Kanyang mga panalangin. Mag-ukol ng ilang minuto para mas malaman kung sino ang Tagapagligtas sa pamamagitan ng pag-aaral ng mga ipinagdasal Niya sa Juan 17. Ang ilan sa mga talatang maaari mong piliing pagtuunan ay ang Juan 17:4–11, 20–26.
Isipin kung ano kaya ang pakiramdam ng maging napakalapit sa Ama sa Langit at sa Tagapagligtas na ang iyong ugnayan sa Kanila ay mailalarawan na isa ka sa Kanila. Ano ang madarama mo dahil doon? Paano mas mapapabuti ang iyong buhay? Mahal na mahal ka ng Ama sa Langit at ni Jesucristo at nais Nilang maging isa ka sa Kanila. Nanalangin si Jesucristo sa Ama sa Langit upang tulungan kang maging malapit sa Kanila. Isaisip na ang gayong malapit na ugnayan ay mangangailangan ng panahon at pagsisikap upang mabuo, sa buong buhay na ito at sa kabilang-buhay.
Isulat sa iyong study journal kung ano ang handa mong gawin upang mas makilala ang Ama sa Langit at si Jesucristo. Isulat din kung paano mo malalaman na ang iyong ugnayan sa Kanila ay mas tumitibay at kung paano pagpapalain ng ugnayang iyon ang iyong buhay.
Opsiyonal: Gusto Mo Bang May Matutuhan Pa?
Ano ang magagawa natin upang mas makilala ang Ama sa Langit at si Jesucristo?
Itinuro ni Pangulong Henry B. Eyring ng Unang Panguluhan:
Kung gusto ninyong manatiling malapit sa isang tao na mahalaga sa inyo, ngunit napahiwalay kayo sa kanya, alam na ninyo ang gagawin. Hahanap kayo ng paraan para makausap siya, makikinig kayo sa kanya, at malalaman ang mga paraan na gagawin para sa isa’t isa. Kapag mas madalas na mangyari iyan, mas magtatagal, mas titibay at lalalim ang pagmamahalan. Kung lumipas ang maraming panahon nang walang pag-uusap, pakikinig, at paggawa, hihina ang pagmamahalan.
Ang Diyos ay perpekto at makapangyarihan, at kayo at ako ay mortal. Ngunit siya ang ating Ama, mahal niya tayo, at binibigyan niya tayo ng gayon ding pagkakataon na mas mapalapit sa kanya tulad ng gagawin ng isang mapagmahal na kaibigan. At gagawin ninyo ito sa gayon ding paraan: pagsasalita, pakikinig, at paggawa.
(Henry B. Eyring, “To Draw Closer to God,” Ensign, Mayo 1991, 66)
Ipinaliwanag ni Elder C. Scott Grow ng Pitumpu:
Mga batang kaibigan, masisimulan nating makilala ang Diyos sa pamamagitan ng panalangin. …
… Sa pag-aaral ninyo ng mga banal na kasulatan araw-araw, nang nag-iisa at kasama ang inyong pamilya, matututuhan ninyong makilala ang tinig ng Espiritu at makikilala ninyo ang Diyos. …
Sa hangarin nating gawin ang kalooban ng Diyos sa pamamagitan ng matapat na paglilingkod sa Kanya at sa ating kapwa-tao, nadarama natin ang Kanyang pagsang-ayon at tunay na nakikilala natin Siya.
Sinasabi sa atin ng Tagapagligtas na ang pinakamainam na paraan para makilala ang Diyos ay sa pagiging tulad Niya. Itinuro niya: “Kung gayon, maging anong uri ng mga tao ba nararapat kayo? Katotohanang sinasabi ko sa inyo, maging katulad ko” [3 Nephi 27:27].
Ang pagiging marapat ay kailangan sa pagiging katulad Niya. …
Kilala kayo ng Diyos at inaanyayahan Niya kayong kilalanin Siya. Manalangin sa Ama, pag-aralan ang mga banal na kasulatan, hangaring gawin ang kalooban ng Diyos, sikaping maging katulad ng Tagapagligtas, at sundin ang mga matuwid na guro. Sa paggawa nito, makikilala ninyo ang Diyos at si Jesucristo, at magmamana kayo ng buhay na walang hanggan.
(C. Scott Grow, “At Ito ang Buhay na Walang Hanggan,” Liahona, Mayo 2017, 121–24)