Juan 14:15–31; 15:10–14
“Kung Ako’y Inyong Minamahal ay Tutuparin Ninyo ang Aking mga Utos”
Habang ipinagdiriwang ng Tagapagligtas at ng Kanyang mga Apostol ang Paskuwa sa silid sa itaas, nagturo ang Tagapagligtas sa Kanyang mga Apostol ng mahahalagang katotohanan. Sa Kanyang nalalapit na pagdurusa sa Getsemani at Kalbaryo, tinagubilinan ni Jesus ang mga kalalakihang ito na minamahal Niya, “Kung ako’y inyong minamahal ay tutuparin ninyo ang aking mga utos” (Juan 14:15). Ang lesson na ito ay makatutulong sa iyo na maipakita ang iyong pagmamahal sa Ama sa Langit at kay Jesucristo sa pamamagitan ng pagsunod sa Kanilang mga kautusan.
Paano ka nagpapakita ng pagmamahal?
-
Paano mo masasabi kung mahal ka ng isang tao? Anong mga salita, kilos, o pag-uugali ang nagpapahiwatig ng kanilang pagmamahal?
-
Paano mo ipinapakita ang iyong pagmamahal sa iba?
-
Paano kung mahal mo ang isang tao, ngunit hindi palaging naipapakita ng iyong pag-uugali o mga kilos ang pagmamahal na iyon? Ano ang maaari mong gawin?
Sa patuloy na pagtuturo ng Tagapagligtas sa Kanyang mga Apostol sa Huling Hapunan, itinuro Niya ang Kanyang pagmamahal sa atin at kung paano natin maipapakita ang ating pagmamahal sa Kanya.
Pag-aralan ang Juan 14:15, 21, 23–24 at Juan 15:10–14, at alamin ang sinabi ng Tagapagligtas na magagawa natin upang ipakita ang ating pagmamahal sa Kanya at sa Ama sa Langit.
-
Ano ang binigyang-diin ng Tagapagligtas sa mga talatang ito tungkol sa kung paano tayo makapagpapakita ng pagmamahal sa Kanya?
-
Ano ang itinuturo ng mga talatang ito tungkol sa pagmamahal ng Tagapagligtas sa iyo?
-
Ano ang ilang sitwasyon kung saan makatutulong ang mga katotohanang itinuro ng Tagapagligtas sa mga talatang ito?
Itinuro ni Sister Carole M. Stephens, na noon ay kabilang sa Relief Society General Presidency, ang tungkol sa dahilan ng Diyos sa pagbibigay sa atin ng mga kautusan at ang dahilan natin sa pagsunod sa mga ito.
ChurchofJesusChrist.org
Maaaring isipin natin kung minsan na ang mga batas ng Diyos ay pagbabawal sa gusto nating gawin, inaalisan tayo ng kalayaan, at nililimitahan ang ating pag-unlad. Ngunit kapag hinangad nating mas makaunawa, kapag tinulutan natin na turuan tayo ng ating Ama, mauunawaan natin na ang Kanyang batas ay pagpapakita ng pagmamahal Niya sa atin at ang pagsunod sa Kanyang mga batas ay pagpapakita ng pagmamahal natin sa Kanya.
(Carole M. Stephens, “Kung Ako’y Inyong Iniibig, ay Tutuparin Ninyo ang Aking mga Utos,” Liahona, Nob. 2015, 119)
Maglista ng ilang batas at kautusan na sa palagay mo ay nagpapakita ng pagmamahal ng Ama sa Langit sa iyo. Para matulungan kang mag-isip ng ilang kautusan, maaari mong rebyuhin ang Sampung Utos (tingnan sa Exodo 20:3–17) o ang Para sa Lakas ng mga Kabataan [buklet, 2011].
-
Paano naging “pagpapakita ng pagmamahal [ng Diyos] sa atin” ang mga kautusan na inilista mo?
-
Paano nagiging “pagpapakita ng pagmamahal [mo] sa Kanya” ang pagsunod mo sa mga kautusang ito?
Pumili ng isa sa mga kautusan sa listahan mo. Maaaring isa ito sa mga pinagsisikapan mong sundin, o isa ito sa mga natukso kang suwayin ngunit pinili mong sundin.
Ang mga sumusunod na tanong ay makatutulong sa iyong suriin ang iyong mga dahilan sa pagsunod sa mga kautusan ng Diyos. Habang pinag-iisipan mo ang iyong mga sagot, mahalagang malaman na may iba’t ibang dahilan ka sa pagsunod sa mga kautusan. Anuman ang mga kasalukuyan mong dahilan, patuloy na maging masunurin, at sa paglipas ng panahon, madaragdagan ang hangarin mong sumunod dahil sa pagmamahal.
Ang halimbawa ng pagmamahal ng ating Tagapagligtas
Binigyan tayo ni Jesucristo ng perpektong halimbawa kung paano susundin ang mga batas at kautusan ng Diyos dahil sa dalisay na pag-ibig. Pagkatapos ng Huling Hapunan, sinabi Niya, “Subalit ginagawa ko ang ayon sa iniutos sa akin ng Ama, upang malaman ng sanlibutan na minamahal ko ang Ama” (Juan 14:31). Pagkatapos ay nagdusa si Jesus para sa ating mga kasalanan at sa ating “mga pasakit at hirap at lahat ng uri ng tukso” (Alma 7:11) sa Halamanan ng Getsemani, at muli sa krus.
-
Bakit handang sundin ng Tagapagligtas ang Ama sa Langit? (Tingnan sa Juan 15:13; Mga Hebreo 12:2.)
Inanyayahan tayo ni Elder D. Todd Christofferson ng Korum ng Labindalawang Apostol na pag-isipan nang mabuti kung ano ang magagawa natin dahil sa pagmamahal ni Jesucristo. Maaari mong panoorin ang video na “Magsipanahan sa Aking Pag-ibig,” matatagpuan sa ChurchofJesusChrist.org, mula sa time code na 14:27 hanggang 14:50, o basahin ang sumusunod na pahayag:
Hindi ba ninyo Siya iibigin na unang umibig sa inyo? [tingnan sa 1 Juan 4:19]. Kung gayon sundin ang Kanyang mga utos [tingnan sa Juan 14:15]. Kakaibiganin ba ninyo Siya na nagbuwis ng Kanyang buhay para sa Kanyang mga kaibigan? [tingnan sa Juan 15:13]. Kung gayon sundin ang Kanyang mga utos [tingnan sa Juan 15:14]. Mananahan ba kayo sa Kanyang pag-ibig at tatanggapin ang lahat ng ibinibigay Niya sa inyo? Kung gayon sundin ang Kanyang mga utos [tingnan sa Juan 15:10].
(D. Todd Christofferson, “Magsipanahan sa Aking Pag-ibig,” Liahona, Nob. 2016, 51)
Habang nagsisikap kang sundin ang mga kautusan dahil mahal mo ang Ama sa Langit at si Jesucristo, mas madarama mo ang pagmamahal Nila sa iyong buhay (tingnan sa Juan 14:21). Kung nahihirapan kang maging masunurin, o magkaroon ng hangaring maging masunurin, matutulungan ka ng Ama sa Langit kung mapagpakumbaba kang hihiling sa Kanya ng pagbabago ng puso. Tandaan din na ang isa sa mga kautusan ay magsisi, at masusunod natin ang kautusang ito habang nagsisikap tayong madaig ang ating mga kahinaan.
Opsiyonal: Gusto Mo Bang May Matutuhan Pa?
Bakit iniuutos ng Diyos na sundin natin ang Kanyang mga kautusan?
Itinuro ni Pangulong Dallin H. Oaks ng Unang Panguluhan:
Iniuutos ng Diyos na sundin natin ang Kanyang mga utos dahil tanging sa pamamagitan ng pagsunod na iyon, pati sa pagsisisi, tayo makababalik upang mamuhay sa Kanyang piling at maging ganap na katulad Niya.
(Dallin H. Oaks, “Dalawang Dakilang Utos,” Liahona, Nob. 2019, 74)
Mahalaga ba ang mga dahilan sa pagsunod ko sa mga kautusan?
Dapat tanungin ng bawat isa sa atin ang ating sarili kung bakit natin sinusunod ang mga utos ng Diyos. Dahil ba natatakot tayong maparusahan? Dahil ba nais natin ang mga gantimpala ng mabuting pamumuhay? Dahil ba mahal natin ang Diyos at si Jesucristo at nais nating paglingkuran Sila?
Mas makabubuting sundin ang mga utos dahil natatakot tayong maparusahan kaysa hindi sundin ang mga iyon. Ngunit mas magiging maligaya tayo kung susundin natin ang Diyos dahil mahal natin Siya at gusto natin Siyang sundin. Kapag sinusunod natin Siya nang maluwag sa ating kalooban, maluwag sa loob Niya tayong babasbasan. Sabi Niya, “Ako, ang Panginoon, … [ay] nagagalak na parangalan yaong mga naglilingkod sa akin sa kabutihan at sa katotohanan hanggang sa katapusan” [Doktrina at mga Tipan 76:5]. Ang pagsunod ay tumutulong din sa atin upang umunlad at maging higit na katulad ng ating Ama sa Langit. Ngunit ang mga walang ginagawa hangga’t hindi sila inuutusan at pagkatapos ay mabigat sa kalooban ang pagsunod sa mga kautusan ay nawawalan ng kanilang gantimpala [tingnan sa Doktrina at mga Tipan 58:26–29].
(Mga Alituntunin ng Ebanghelyo [2009], 239)