Juan 11:1–46, Bahagi 1
Muling Binuhay ni Jesus si Lazaro
Hiniling nina Maria at Marta kay Jesus na puntahan at tulungan ang kanilang may sakit na kapatid na si Lazaro. Ipinagpaliban ni Jesus ang Kanyang paglalakbay at dumating apat na araw matapos pumanaw si Lazaro. Ipinakita ni Jesus ang Kanyang pagkahabag at nanangis kasama ng magkapatid. Pagkatapos ay muling binuhay ni Jesus si Lazaro. Ang lesson na ito ay makatutulong sa iyo na matukoy ang mga katotohanan tungkol kay Jesucristo at ang mga alituntunin na maaaring gumabay sa iyo sa mga hamon ng buhay.
Mag-isip ng isang tao sa pamilya mo. Kunwari ay nagkasakit siya nang malubha at nanganib ang kanyang buhay.
-
Ano kaya ang mararamdaman mo?
-
Ano ang maaari mong gawin?
-
Anong mga tanong ang maaaring pumasok sa iyong isipan?
Sa Juan 11, naranasan nina Maria, Marta, at Lazaro ang ganitong sitwasyon. Bagama’t ang kanilang naranasan ay may kaugnayan sa karamdaman at kamatayan, maipamumuhay natin ang mga alituntuning matututuhan natin mula sa kanilang karanasan sa anumang hamon na maaari nating kaharapin.
1. Gawin sa iyong study journal ang sumusunod:
Malapit sa itaas ng iyong papel, isulat ang “Ang kailangan mong malaman kapag nahaharap sa mga hamon ng buhay.” Sa buong lesson, isipin ang mga hamong kinakaharap mo o maaaring kaharapin mo. Hangaring makatukoy ng mga katotohanan tungkol kay Jesucristo at sa Kanyang ebanghelyo na sa palagay mo ay gagabay sa iyo at magbibigay sa iyo ng pag-asa sa panahong nahaharap ka sa mga hamong iyon. Isulat sa papel ang iyong mga ideya. Pag-isipang mabuti kung paano makatutulong sa iyo ang bawat isa sa mga katotohanang natukoy mo upang makadama ka ng pagmamahal sa Tagapagligtas at madama mo ang Kanyang pagmamahal.
Paghahanap ng mga katotohanan
Ang isang kasanayan sa pag-aaral ng banal na kasulatan na makatutulong sa pagtukoy ng mga alituntunin ay ang paghinto sandali kapag nakapansin ka ng mahahalagang detalye na magagawan ng mga simpleng tanong, tulad nito:
-
Ano kaya ang gusto ng Ama sa Langit na matutuhan ko mula sa mga talatang ito?
-
Ano ang itinuturo sa akin ng salaysay na ito tungkol kay Jesucristo?
Basahin ang Juan 11:1–7, at itanong sa iyong sarili ang mga nabanggit na tanong.
May iba’t ibang alituntunin na maaari mong matukoy mula sa mga talatang ito. Narito ang ilang halimbawa. Para sa bawat halimbawang alituntunin, maaari mong markahan ang mga parirala o detalye mula sa mga talatang nabasa mo na sumusuporta sa alituntunin.
Bagama’t mahal tayo ni Jesucristo, makararanas tayo ng mga pagsubok.
Kahit na tapat tayong sumusunod kay Jesucristo, makararanas pa rin tayo ng mga pagsubok.
Kapag nahaharap tayo sa mga hamon ng buhay, maaari nating hingin ang tulong ng Panginoon, at tutugon Siya sa Kanyang sariling panahon at sa Kanyang sariling paraan.
Maaari mong isulat sa iyong papel ang mga alituntuning ito.
-
Paano nakatutulong sa iyo na alam mo ang mga katotohanang ito?
Dalawang araw matapos mabalitaan ng Tagapagligtas ang tungkol sa karamdaman ni Lazaro, naglakbay ang Tagapagligtas patungo sa tahanan ni Lazaro. Nang dumating Siya ay naratnan Niya na apat na araw nang nakalibing si Lazaro (tingnan sa Juan 11:17).
Ipinaliwanag ni Elder Bruce R. McConkie (1915–85) ng Korum ng Labindalawang Apostol ang kaluhugan ng apat na araw.
“Nagsimula na ang pagka-agnas; natiyak na nang walang alinlangan ang kamatayan. … Para sa mga Judio, may espesyal na kahulugan ang apat na araw; naniniwala sila na sa ika-apat na araw, tuluyan nang nilisan ng espiritu ang katawan nito.
(Bruce R. McConkie, Doctrinal New Testament Commentary, 3 vols. [1965–73], 1:533)
Patuloy na magsanay sa pagtukoy ng mga alituntunin habang binabasa mo ang Juan 11:18–46. Tumigil sandali paminsan-minsan, at tanungin ang iyong sarili kapag nakakita ka ng mahahalagang detalye, tulad ng ginawa nina Maria at Marta upang ipakita ang kanilang pananampalataya kay Jesucristo o kung paano tumugon ang Tagapagligtas sa bawat sitwasyon. Idagdag sa iyong papel ang mga alituntuning makikita mo, at maaari mong markahan ang mahahalagang detalye at maaari ka ring gumawa ng iba pang tala sa iyong mga banal na kasulatan.
-
Ano kaya ang nais ng Ama sa Langit na matutuhan mo mula sa kuwentong ito?
Ano ang itinuturo sa iyo ng salaysay na ito tungkol kay Jesucristo?
Itanong sa iyong sarili ang ilan o ang lahat ng sumusunod na tanong at tingnan kung makatutulong ang mga ito sa iyo na matukoy ang mga karagdagang alituntunin na maidaragdag mo sa iyong listahan.
-
Ano ang ginawa nina Maria at Marta upang maipakita ang kanilang pananampalataya kay Jesucristo sa panahon ng kanilang pagsubok?
-
Ano ang itinuturo sa iyo ng itinugon sa kanila ng Tagapagligtas tungkol sa Kanya?
-
Anong mga bahagi sa salaysay na ito ang nagtuturo sa iyo na mas magtiwala pa sa Tagapagligtas?
-
Paano nakatulong sa pag-aaral mo ang paghinto sandali kapag nakakakita ka ng mahahalagang detalye at ang pagtatanong?
2. Gawin sa iyong study journal ang sumusunod:
Kunwari ay nagkaroon ka ng pagkakataong kausapin ang isang taong dumaranas ng mahirap na pagsubok. Pumili ng isa sa mga alituntuning natukoy mo mula sa Juan 11:1–46, at ibahagi kung paano makatutulong sa kanya ang alituntuning iyon. Isama ang iyong mga ideya tungkol sa kung ano ang maitutulong ng alituntuning ito upang maunawaan ng taong ito ang tungkol sa Ama sa Langit at kay Jesucristo at sa Kanilang mga ninanais para sa atin.
3. Gawin sa iyong study journal ang sumusunod.
Basahin ang mga alituntuning isinulat mo sa iyong papel na “Ang kailangan mong malaman kapag nahaharap sa mga hamon ng buhay.” Sa ilalim ng papel, idagdag ang iyong mga sagot sa mga sumusunod na tanong.
-
Aling alituntunin ang pinakakailangan mong pagtuunan ngayon sa sarili mong buhay? Bakit?
-
Ano ang natutuhan mo tungkol sa Ama sa Langit at sa Tagapagligtas na tumutulong sa iyo na makadama ng pagmamahal para sa Kanila at mula sa Kanila?
-
Ano ang nahihikayat kang gawin batay sa natutuhan at nadama mo ngayon? Paano mo ito gagawin?
Opsiyonal: Gusto Mo Bang May Matutuhan Pa?
Bakit ako nagdurusa kapag sinisikap kong maging mabuti?
Itinuro ni Elder Matthew S. Holland ng Pitumpu:
Ngunit dapat ninyong malaman ito: may Isang [Nilalang na] lubos na nakauunawa sa inyong pinagdaraanan, na “higit na makapangyarihan kaysa lahat ng sangkatauhan,” [1 Nephi 4:1], at “makagagawa ng higit na sagana kaysa lahat ng [inyong] hinihingi o iniisip.” [Mga Taga Efeso 3:20]. Ang proseso ay mangyayari ayon sa Kanyang paraan at sa Kanyang panahon, gayunman laging nakahanda si Cristo na pagalingin ang bawat kaliit-liitan at aspeto ng inyong pagdurusa.
Kapag tinulutan ninyong gawin Niya ito, malalaman ninyo na ang inyong pagdurusa ay may kabuluhan. … Alam ninyo, ang tunay na katangian ng Diyos at layunin ng buhay natin sa mundo ay kaligayahan, ngunit hindi tayo magiging mga perpektong nilalang na dakila ang kagalakan nang walang mga karanasang susubok sa atin, kung minsan sa buong pagkatao natin. Sinabi ni Pablo na maging ang mismong Tagapagligtas ay ginawang “sakdal [o ganap],” magpakailanman, “sa pamamagitan ng mga pagdurusa.” [Mga Hebreo 2:10]. Kaya maging maingat laban sa ibinubulong ni satanas na kung ikaw ay mas mabuting tao, makaiiwas ka sa mga gayong pagsubok.
Kailangan din ninyong paglabanan ang kaugnay nitong kasinungalingan na ang mga pagdurusa ninyo ay nagpapahiwatig na hindi kayo kabilang sa mga pinili ng Diyos, na mga taong tila nakakaranas lamang ng mga pagpapala. …
Mga kapatid, ang pagdurusa sa pagkamatwid ay nakatutulong sa inyo na maging karapat-dapat, sa halip na gawin kayong naiiba, sa mga hinirang ng Diyos.
(Matthew S. Holland, “Ang Walang Katulad na Kaloob ng Anak,” Ensign o Liahona, Nob. 2020, 46–47)