Lucas 17:11–19
“Pinagaling Ka ng Iyong Pananampalataya”
Habang naglalakbay mula Galilea patungong Jerusalem, pinagaling ni Jesus ang sampung ketongin. Isa lang sa mga napagaling ang bumalik upang magpasalamat kay Jesus. Ang lesson na ito ay makatutulong sa iyo na makadama at makapagpahayag ng pasasalamat at pagtanaw ng utang na loob sa Ama sa Langit, kay Jesucristo, at sa iba.
Ang iyong nadarama sa kasalukuyan tungkol sa pasasalamat at pagtanaw ng utang na loob
Gamit ang mga salitang “palagi,” “kung minsan,” o “hindi kailanman,” suriin ang iyong sarili sa mga sumusunod na pahayag:
-
Tumatanaw ako ng utang na loob at nagpapasalamat sa Ama sa Langit, kay Jesucristo, at sa iba.
-
Tumatanaw ako ng utang na loob.
-
Ang pagpapasalamat ay may magandang epekto sa buhay ko.
Habang nagpapatuloy ka sa iyong pag-aaral, hingin ang patnubay ng Espiritu Santo upang matulungan kang malaman kung paano mapagpapala ng pagtanaw ng utang na loob ang iyong buhay.
Ketong
-
Ano ang nalalaman mo tungkol sa sakit na ketong?
Ang ketong, na mas karaniwan noong araw kaysa ngayon, ay isang sakit sa balat na maaaring humantong sa pagkasira ng katawan at pagkamatay. Noong panahon ng Biblia, ang mga taong may ketong ay itinataboy sa lipunan at kailangan nilang sumigaw ng “Marumi!” upang mabalaan ang sinumang papalapit sa kanila (tingnan sa Bible Dictionary, “Leper,” “Leprosy”).
-
Ano kaya ang nadarama at karanasan sa araw-araw ng isang ketongin noong panahon ng Biblia?
-
Ano ang ilang dahilan kung bakit gayon din ang maaaring madama ng mga kabataan sa ating panahon?
Basahin ang Lucas 17:11–14, at maingat na ilarawan sa isipan ang binabasa mo. Ang pagbabasa nang mabuti, pagbibigay-pansin sa mga detalye, at pagsasalarawan ng nababasa mo sa iyong isipan ay maaaring humantong sa mga mas makabuluhang karanasan sa pag-aaral ng mga banal na kasulatan.Pagkatapos mabasa ang mga talatang ito, subukang sagutin ang susunod na limang tanong tungkol sa mga detalye sa Lucas 17:11–14 sa abot ng iyong makakaya nang hindi sumasangguni sa mga banal na kasulatan.
Basahin nang mabuti, at bigyang-pansin ang detalye
-
Gaano kalapit ang mga ketongin sa Tagapagligtas?
-
Ano ang hiniling ng mga ketongin sa Tagapagligtas?
-
Ano ang sinabi sa kanila ng Tagapagligtas?
-
Ilan sa mga ketongin ang may pananampalatayang gawin ang iniutos ng Tagapagligtas?
-
Ano ang ginagawa ng mga ketongin nang sila ay gumaling?
Ilarawan sa isipan ang nabasa mo
Kunwari ay isa ka sa mga ketongin na nalinis.
-
Ano kaya ang pakiramdam na gumaling sa ketong? Ano kaya ang naramdaman mo?
-
Sa iyong palagay, bakit nangyari ang paggaling sa salaysay na ito “habang sila’y umaalis”? (talata 14).
-
Ano sa palagay mo ang gagawin mo kapag napagtanto mo na pinagaling ka ng Tagapagligtas?
Basahin nang mabuti ang Lucas 17:15–19, at patuloy na ilarawan ang nabasa mo sa iyong isipan at maghanap ng mahahalagang detalye.
-
Anong mga detalye mula sa mga talatang ito ang tila pinakamahalaga sa iyo?
-
Ano ang natutuhan mo tungkol sa pasasalamat at sa mga pagpapalang maidudulot nito?
-
Ano ang matututuhan natin tungkol kay Jesucristo mula sa Kanyang tugon sa isang taong bumalik?
Nais ng Ama sa Langit na pagpalain tayo at ginagawa Niya ito sa maraming paraan. Isinugo rin Niya ang Tagapagligtas na si Jesucristo at pinagpapala ang Kanyang mga anak sa pamamagitan ng Tagapagligtas. Ang isang katotohanan na matututuhan natin mula sa salaysay na ito ay kapag nagpapasalamat tayo para sa mga pagpapalang natatanggap natin mula sa Ama sa Langit at kay Jesucristo, tayo ay mapagagaling.
Maaaring makatulong na malaman na kapag gumaling sa ketong ang mga ketongin, sa ilalim ng batas ni Moises, kailangan nilang magpakita sa saserdote nang sa gayon ay maipahayag na silang malinis at makabalik na sa kanilang tahanan at sa lipunan (tingnan sa Levitico 14). Hindi natin alam ang mga dahilan kung bakit hindi na bumalik ang bawat isa sa siyam na lalaki upang magpasalamat. Sila ay nagpakita ng pananampalataya sa Tagapagligtas, naging masunurin, at napagaling, ngunit sinabi ng Tagapagligtas sa taong bumalik at nagpasalamat, na isang Samaritano, na “pinagaling” siya ng kanyang pananampalataya (Lucas 17:19).
-
Ano kaya ang pagkakaiba ng mapagaling sa ketong at pinagaling?
-
Ano ang natutuhan mo mula sa salaysay na ito na maaaring makaapekto sa iyong ugnayan sa Tagapagligtas?
-
Paano nakaapekto sa iyong pag-aaral ang pagbabasa nang mabuti, pagpansin sa mga detalye, at paglalarawan ng mga talatang ito sa iyong isipan?
Basahin ang mga sumusunod na pahayag ng propeta, at pag-isipan kung paano naaangkop sa isang ketongin na iyon at sa sarili mong buhay ang mga turong ito tungkol sa pagpapasalamat.Itinuro ni Pangulong Thomas S. Monson:
Ang taos-pusong pasasalamat ay hindi lamang nakakatulong para makilala natin ang ating mga pagpapala, kundi nagbubukas din ng pintuan ng langit at nagpapadama sa atin ng pag-ibig ng Diyos.
(Thomas S. Monson, “Ang Banal na Kaloob na Pasasalamat,” Ensign o Liahona, Nob. 2010, 87)
Binigyang-diin ni Pangulong Russell M. Nelson ang kahalagahan ng pasasalamat sa Panginoon. Panoorin ang video ni Pangulong Russell M. Nelson tungkol sa “Ang Nagpapagaling na Kapangyarihan ng Pasasalamat” mula sa time code na 3:42 hanggang 4:28 o basahin ang teksto sa ibaba.
Opsiyonal: Gusto Mo Bang May Matutuhan Pa?
Lucas 17:14. Mahalaga ba na isang Samaritano ang bumalik na ketongin?
Ang mga Samaritano ay ang mga nakatira sa Samaria na “ang relihiyon ay pinaghalong mga paniniwala at kaugalian ng Judio at pagano” (tingnan sa Gabay sa mga Banal na Kasulatan, “Samaritano, Mga”). Madalas silang hamakin ng karamihan sa mga Judio. Isipin kung bakit binanggit ni Lucas na isang Samaritano ang mapagpasalamat na ketongin. Ano ang naidagdag ng detalyeng ito sa pagkaunawa mo sa salaysay na ito? Ano ang itinuturo nito sa iyo tungkol sa Tagapagligtas?
Paano naiiba ang pagtanaw ng utang na loob sa pasasalamat?
Si Pangulong David O. McKay ay nagturo ng tungkol sa pagtanaw ng utang na loob at pasasalamat:
Ang pagtanaw ng utang na loob ay mas malalim kaysa sa pasasalamat. Ang pasasalamat ang simula ng pagtanaw ng utang na loob. Ang pagtanaw ng utang na loob ang kaganapan ng pasasalamat. Ang pasasalamat ay maaaring binubuo lamang ng mga salita. Ang pagtanaw ng utang na loob ay ipinapakita sa mga gawa.
(David O. McKay, “The Meaning of Thanksgiving,” Improvement Era, Nob. 1964, 914)
Paano makaaapekto ang pagtanaw ng utang na loob sa buhay ko?
Inilalarawan sa mga sumusunod na video ang epekto ng pagtanaw ng utang na loob.