Seminary
Lucas 15


Lucas 15

Mga Talinghaga tungkol sa Nawawala

A father hugging his prodigal son. altered version

Nang malapit nang matapos ang mortal na ministeryo ng Tagapagligtas, nagbulung-bulungan ang mga Fariseo at eskriba tungkol sa pakikisalamuha ni Jesus sa mga maniningil ng buwis at makasalanan. Bilang tugon sa kanilang mga pagbubulung-bulong, itinuro ni Jesus ang mga talinghaga tungkol sa nawalang tupa, nawalang pilak, at alibughang anak. Ang lesson na ito ay makatutulong sa iyo na makilala at madama kung gaano ka kamahal at pinahahalagahan ng Ama sa Langit at ni Jesucristo at ang lahat ng iba pang tao.

Ano ang kahalagahan nito?

Sa scale na 1 hanggang 10, kung saan ang 1 ay mababa at ang 10 ay mataas, gaano mo gugustuhin ang mga sumusunod?

  • Ang iyong paboritong panghimagas

  • Ang paborito mong panghimagas kung nahulog ito sa sahig

  • Ang paborito mong panghimagas kung may tumapak dito

  • Isang ₱1000

  • Isang ₱1000 kung nahulog ito sa sahig

  • Isang ₱1000 kung may tumapak dito

Maglaan ng ilang sandali na pagnilayan kung paano maiuugnay ang aktibidad na ito sa kahalagahan ng mga indibiduwal.

  • Paano maikukumpara ang analohiyang ito sa kung gaano natin katumpak na tinitingnan ang sarili nating kahalagahan?

  • Bakit kung minsan ay natutukso tayong isipin o tratuhin ang ating sarili at ang iba na parang tayo o sila ay walang gaanong kahalagahan?

Isipin kung paano mo tinatrato ang mga taong maaaring nangangailangang magsisi at magpakabuti, kasama ang iyong sarili. Habang pinag-aaralan mo ang lesson na ito, alamin ang mga katotohanan tungkol sa nadarama at pagtrato ng Panginoon sa mga taong kailangang magsisi.

Sa Lucas 15, nagturo si Jesus ng tatlong talinghaga. Basahin ang Lucas 15:1–2, at alamin ang sitwasyong humantong sa pagtuturo ng Tagapagligtas ng mga talinghagang ito. Tandaan na ang mga maniningil ng buwis ay mga Judio na nangongolekta ng mga buwis para sa mga Romano at samakatuwid ay karaniwang kinapopootan ng iba pang Judio.

  • Ano ang itinuturo sa iyo ng mga talatang ito tungkol sa Tagapagligtas? Sa paanong mga paraan tayo nagiging katulad kung minsan ng mga Fariseo?

Tumugon si Jesucristo sa mga pagbubulung-bulong ng mga Fariseo at eskriba sa pamamagitan ng pagtuturo ng tungkol sa nawalang tupa, nawalang pilak, at alibughang anak.

Ang nawalang tupa at ang nawalang pilak

Shepherd carrying the lost lamb. Outtakes include the shepherd holding the sheep, walking with the lamb returning to the other shepherd, as well as some shots with the filming crew.
Woman looking for her lost coin.

Basahin o rebyuhin ang talinghaga tungkol sa nawalang tupa (Lucas 15:4–7) o ang talinghaga tungkol sa nawalang pilak (Lucas 15:8–10), at maghanap ng mga salita o parirala na nagsasaad kung paano pinahahalagahan ng may-ari ang nawala sa bawat kuwento.

  • Anong mga salita o parirala ang nagsasaad ng pagpapahalaga ng may-ari sa nawala?

  • Sa paanong mga paraan maaaring kumatawan sa mga indibiduwal ang tupa o ang pilak sa mga talinghagang ito?

  • Ayon sa mga talatang ito, ano ang nadama ng mga taong tumutulong sa paghahanap ng mga taong espirituwal na nawawala kapag nagsisisi ang isang makasalanan? Ano ang nadarama ng Ama sa Langit at ni Jesucristo?

  • Anong mga aral ang natutuhan mo tungkol sa Tagapagligtas mula sa mga talinghagang ito?

Ang alibughang anak

Ang ikatlong talinghaga sa Lucas 15 ay karaniwang kilala bilang talinghaga tungkol sa alibughang anak (ang ibig sabihin ng salitang alibugha ay maaksaya, pabigla-bigla, o maluho). Gayunpaman, ikinukuwento sa talinghagang ito ang tungkol sa dalawang anak, na parehong nangangailangan ng tulong mula sa kanilang ama. Habang nag-aaral ka, maghanap ng mga katotohanan na naghahayag ng nadarama at pakikitungo ng Ama sa Langit sa lahat ng Kanyang mga anak na espirituwal na nawala dahil sa anumang kadahilanan.

Basahin ang Lucas 15:11–32, at ipagpalagay na kinakatawan ng ama sa salaysay na ito ang Ama sa Langit. Maaari mong markahan ang mga salita o parirala na naghahayag ng nadarama Niya sa Kanyang mga anak.

5:34

The Prodigal Son

Jesus tells the parable of the prodigal son. Luke 15:11–32

Alalahanin kung paano binatikos ng mga Fariseo ang Tagapagligtas dahil sa pagtanggap sa mga makasalanan at pagkain na kasama sila.

  • Ano sa palagay mo ang inaasahan ng Tagapagligtas na matututuhan ng mga Fariseo mula sa talinghagang ito?

  • Sa iyong palagay, anong bahagi ng talinghagang ito ang pinakamahalagang maunawaan at matandaan mo? Bakit?

Ang isang katotohanan na matututuhan natin mula sa talinghagang ito ay pinahahalagahan at minamahal ng Ama sa Langit ang lahat ng Kanyang anak at malugod Siyang naghihintay para sa lahat ng lalapit sa Kanya.

  • Paano maiaangkop ang mga talinghaga sa Lucas 15 sa mga taong espirituwal na nawala dahil sa kasalanan pati na rin sa mga taong maaaring nadarama na sila ay naiiba, hindi pinahahalagahan, o hindi nakikita?

Writing on a piece of paper with a pen or pencil. 1. Gawin ang sumusunod na aktibidad, at sagutin sa iyong study journal ang tanong sa ibaba.

Pagkilala sa kahalagahan ng aking sarili

Sa isang pahina sa iyong study journal, maaari kang gumawa ng simpleng drowing ng isang pastol na may hawak na tupa o isang ama na niyayakap ang kanyang anak. Gamitin ang espasyo sa paligid ng drowing na ito upang itala ang mga sumusunod:

  • Ang mga salita o parirala (kabilang ang mula sa Lucas 15) na nagpapaalala sa iyo kung gaano ka kamahal ng Ama sa Langit at ang lahat ng iba pang tao, kahit na kinakailangan mo at ng ibang tao na magsisi.

  • Mga paraan kung paano mo maaaring tratuhin nang may pagkahabag ang mga taong kailangang magsisi, kabilang na ang iyong sarili.

  • Habang iniisip mo kung paano mo tatratuhin ang iyong sarili at ang mga nakapaligid sa iyo, paano mo nanaising ipamuhay ang natutuhan mo ngayon?

Opsiyonal: Gusto Mo Bang May Matutuhan Pa?

Lucas 15:7. Ano ang ibig sabihin ng Panginoon sa “siyamnapu’t siyam na taong matutuwid, na hindi nangangailangan ng pagsisisi”?

Itinuro ni Joseph Smith na ang isang paraan upang maipaliwanag ang talinghaga tungkol sa nawalang tupa ay ihambing ang siyamnapu’t siyam na tupa sa mga Fariseo at Saduceo na nag-aakalang hindi nila kailangang lumapit kay Jesucristo at magsisi (tingnan sa History, 1838–1856 [Manuscript History of the Church], volume D-1, 1459, josephsmithpapers.org).

Bakit napakahalagang hanapin, makita, at pangalagaan ang mga nawawala?

Itinuro ni Pangulong M. Russell Ballard, gumaganap na Pangulo ng Korum ng Labindalawang Apostol:

Official portrait of President M. Russell Ballard of the Quorum of the Twelve Apostles, 2004.

Napakahalaga ng lahat ng tao sa ating Ama sa Langit. Hindi natin dapat kalimutan na sa pamamagitan ng Pagbabayad-sala, ang Panginoong Jesucristo ay nagbayad nang napakalaki para tubusin ang bawat isa sa atin. Ang pagdurusa Niya ay hindi dapat mawalan ng kabuluhan dahil hindi natin napangalagaan at naturuan ang mga nagsisikap na maging aktibo sa Simbahan.

(M. Russell Ballard, “Are We Keeping Pace?Ensign, Nob. 1998, 8)

Lucas 15:12–13. Ano ang ibig sabihin ng anak nang sabihin niyang, “Ibigay mo sa akin ang bahagi ng kayamanang nauukol sa akin”?

Ayon sa tradisyon sa panahon ng Tagapagligtas, matatanggap lamang ng isang anak ang kanyang mana kapag pumanaw na ang kanyang ama. Ang hingin ng isang anak sa kanyang ama ang kanyang mana bago ang pagpanaw ng kanyang ama (tingnan sa Lucas 15:12–13) ay isang napakalaking kasalanan. Ang kahilingan ng anak ay maaaring ituring na pagtalikod sa kanyang ama, sa kanyang tahanan, sa itinuro sa kanya, at maging sa kanyang buong komunidad.

(New Testament Student Manual [2018], ChurchofJesusChrist.org)

Anong pang resources ang makatutulong sa akin na maunawaan at maipamuhay ang talinghaga tungkol sa alibughang anak?

3:48

Unto All the World: The Prodigal Son Returning

Elder Dallin H. Oaks of the Quorum of the Twelve Apostles affirms his testimony of Heavenly Father's plan, as Paul Mandler shares his Prodigal son story of losing, then regaining his faith and testimony in the gospel of Jesus Christ.

6:8

The Other Prodigal Son

Elder Jeffrey R. Holland shares the story of the older brother of the prodigal son and reminds us that "no one of us is less treasured or cherished of God than another. He loves each of us—insecurities, anxieties, self-image, and all."