Juan 10
“Ang Mabuting Pastol”
Itinuro ni Jesus na Siya ang Mabuting Pastol. Ginamit Niya ang metaporang ito upang matulungan ang mga nakikinig sa Kanya na mas maunawaan ang tungkol sa Kanya at ang kaugnayan nila sa Kanya. Ang layunin ng lesson na ito ay tulungan kang magkaroon ng mas malaking tiwala kay Jesucristo bilang iyong Pastol, at madagdagan ang iyong hangaring pakinggan ang Kanyang tinig at sumunod sa Kanya.
Si Jesucristo ang Mabuting Pastol
Tingnan nang mabuti ang larawan na nakadispley sa simula ng lesson na ito, at pag-isipan kung ano ang posibleng itinuturo nito. Makatutulong ang mga sumusunod na tanong: Bakit kaya dala-dala ng Pastol ang tupa? Ano ang napansin mo sa posisyon ng Pastol kumpara sa ibang mga tupa?
Pag-aaralan mo ngayon ang talinghaga tungkol sa mabuting pastol. Sa talinghagang ito, inihambing ni Jesucristo ang Kanyang sarili sa isang pastol na namumuno at nagpoprotekta sa kanyang kawan ng mga tupa. Sa iyong pag-aaral, pagtuunan ng pansin ang natututuhan mo tungkol sa Tagapagligtas.
Sa Juan 10 , itinuro ni Jesus na Siya ang Mabuting Pastol (tingnan sa mga talata 11, 14).
Sa itaas ng isang pahina sa iyong study journal, isulat ang titulong “Mabuting Pastol.” Maaari mong ilista rito ang natutuhan o nadama mo tungkol kay Jesucristo, ang Mabuting Pastol, at sa ginagawa Niya para sa Kanyang mga tupa. Kung gusto mo, maaari kang magdrowing ng isang simpleng tupa sa iyong papel tulad sa ipinakita sa ibaba at isulat sa loob ng drowing ang natutuhan o nadama mo.
Basahin ang Juan 10:1–5 , at alamin ang talinghaga na itinuro ni Jesus tungkol sa Kanyang gawain bilang Mabuting Pastol.
Idagdag sa iyong listahan ang anumang kaalamang nakuha mo tungkol sa Mabuting Pastol.
-
Ano ang nakaantig sa iyo tungkol sa ugnayan ng mga pastol at tupa gaya ng inilarawan dito?
Hindi naunawaan ng ilan sa mga nakikinig ang talinghagang itinuro ni Jesus (tingnan sa Juan 10:6). Ipinaliwanag ni Jesus kung paano nagtuturo ang talinghaga ng tungkol sa Kanya. Basahin ang Juan 10:7–18, 27–28 , at maghanap ng mga karagdagang kaalaman tungkol kay Jesus bilang Mabuting Pastol. Idagdag ang mga nahanap mo sa iyong listahan. (Paalala: Ang isang upahang tao ay isang taong ang pangunahing motibo sa pagtatrabaho ay mabayaran.)
-
Habang tinitingnan mo ang iyong listahan, ano ang ipinauunawa sa iyo ng talinghaga ng Mabuting Pastol tungkol kay Jesucristo?
-
Ano ang natutuhan mo sa mga talatang ito tungkol sa kung bakit nanaisin mong sumunod sa Kanya?
1. Kumpletuhin ang sumusunod na pangungusap at sagutin sa iyong study journal ang tanong sa ibaba.
Kung susundin ko ang Mabuting Pastol, makatatanggap ako ng …
-
Anong mga karanasan ang naiisip mo kung saan nadama mong pinangangalagaan ka ng Tagapagligtas bilang isang pastol?
Paano mo maririnig ang tinig ng Mabuting Pastol?
Isipin ang mga sumusunod na tanong:
-
Saan mo kailangan ang tulong o patnubay ng Tagapagligtas?
-
Alin sa mga pagpapalang ibinibigay ng Tagapagligtas sa Kanyang mga tupa ang ninanais mo?
-
Bakit mo gustong madagdagan ang kakayahan mong marinig ang tinig ng Mabuting Pastol?
Sa talinghagang ito, ang mga tupa ng Mabuting Pastol ay ang mga taong nakikinig sa Kanyang tinig at sumusunod sa Kanya (tingnan sa Juan 10:3–5, 27).
Ibinigay ni Pangulong Russell M. Nelson ang mga sumusunod na kaalaman tungkol sa pakikinig sa tinig ni Jesucristo:
Alam ng ating Ama na kapag napalilibutan tayo ng kawalang-katiyakan at takot, ang lubos na makatutulong sa atin ay pakinggan ang Kanyang Anak.
Sapagka’t kapag hinangad nating pakinggan—tunay na pakinggan—ang Kanyang Anak, gagabayan tayong malaman ang gagawin sa anumang kalagayan.
… Sa dalawang salitang [ito]—“Pakinggan Siya”—binibigyan tayo ng Diyos ng huwaran para sa tagumpay, kaligayahan, at kagalakan sa buhay na ito. Dapat nating pakinggan ang mga salita ng Panginoon, makinig sa mga ito, at bigyang-pansin ang sinabi Niya sa atin!
Bilang mga disipulo ni Jesucristo, ang mga pagsisikap nating pakinggan Siya ay kailangang gawin nang mas may hangarin. Kailangan ng kusa at tuluy-tuloy na pagsisikap na punuin ang bawat araw ng ating buhay ng Kanyang mga salita, Kanyang mga turo, Kanyang mga katotohanan.
(Russell M. Nelson, “Pakinggan Siya,” Ensign o Liahona, Mayo 2020, 89)
-
Sa paanong mga paraan maririnig ang tinig ng Mabuting Pastol?
Kung maaari, panoorin ang mga video na pinamagatang “Paano Ko Ginagawa na #Pakinggan Siya: Elder David A. Bednar” (1:15) at “Paano Ko Ginagawa na #Pakinggan Siya: Sister Joy D. Jones” (2:45) upang makarinig ng mga halimbawa kung paano naririnig ng mga lider ng Simbahan ang tinig ng Tagapagligtas. Mapapanood ang mga video na ito, kasama ang mga karagdagang halimbawa, sa ChurchofJesusChrist.org.
2. Sagutin sa iyong study journal ang mga sumusunod na tanong:
-
Sa iyong palagay, paano makatutulong sa iyong mga pangangailangan ang pakikinig sa tinig ni Jesucristo?
-
Ano ang natutuhan o nadama mo tungkol kay Jesucristo sa pag-aaral mo ng tungkol sa Kanyang gawain bilang Mabuting Pastol?
Opsiyonal: Gusto Mo Bang May Matutuhan Pa?
Juan 10:7 . Bakit sinabi ni Jesus na, “Ako ang pintuan ng mga tupa”?
Ang mga pastol sa Israel ay tumatayo sa pasukan ng kulungan ng mga tupa at sinusuri ang bawat tupa habang pumapasok ang mga ito, at ginagamot ang mga sugat kung kinakailangan. Pagkatapos matipon ang mga tupa sa kulungan sa gabi, hihiga sa pasukan ang pastol upang matulog, nang nakaharang sa daan upang hindi masaktan ng mababangis na hayop o magnanakaw ang mga tupa. Malinaw sa pahayag ng Tagapagligtas na, “Ako ang pintuan,” na handa Niyang “[ibigay] ang [Kanyang] buhay para sa mga tupa” ( Juan 10:7, 15), at na Siya ang magpapasiya kung sino ang papasok sa kaharian ng langit. Gamit ang paglalarawang katulad sa isang pinto, ipinahayag ng propetang si Jacob ng Aklat ni Mormon na “ang Banal ng Israel ang tanod ng pasukan” at “wala siyang inuupahang tagapaglingkod doon” ( 2 Nephi 9:41).
Ano ang pagkakaiba ng Mabuting Pastol at ng isang upahang tao?
Itinuro ni Pangulong Ezra Taft Benson (1899–1994):
Gayunman, kung minsan ay may mabangis na hayop na dahil sa gutom ay lumulundag sa mga pader papunta sa mga tupa, na sumisindak at tumatakot sa mga ito. Sa gayong sitwasyon nakikilala ang kaibhan ng tunay na pastol—isang taong nagmamahal sa kanyang mga tupa—sa upahang tao na nagtatrabaho lamang para sa suweldo at dahil trabaho niya ito.
Ang tunay na pastol ay handang ibigay ang kanyang buhay para sa mga tupa. Paroroon siya sa mga tupa at makikipaglaban para sa kanilang kapakanan. Ang upahang tao, sa kabilang dako, ay pinahahalagahan ang sarili niyang kaligtasan kaysa kaligtasan ng mga tupa at karaniwang tumatakas kapag may panganib.
Ginamit ni Jesus ang karaniwang paglalarawang ito sa Kanyang panahon upang ipahayag na Siya ang Mabuting Pastol, ang Tunay na Pastol. Dahil sa pagmamahal Niya sa Kanyang mga kapatid, Siya ay nakahanda at kusang ibibigay ang Kanyang buhay para sa kanila. (Tingnan sa Juan 10:17–18 .)
(Ezra Taft Benson, “A Call to the Priesthood: ‘Feed My Sheep,’” Ensign, Mayo 1983, 43)
Juan 10:30 . Ano ang ibig sabihin ni Jesus nang sabihin Niyang, “Ako at ang Ama ay iisa”?
Itinuro ni Elder Jeffrey R. Holland ng Korum ng Labindalawang Apostol:
Ang una at pinakamahalagang saligan ng ating pananampalataya sa Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw ay “Naniniwala kami sa Diyos, ang Amang Walang Hanggan, at sa Kanyang Anak, na si Jesucristo, at sa Espiritu Santo” [ Saligan ng Pananampalataya 1:1 ]. Naniniwala tayo na ang tatlong banal na personang ito na bumubuo sa isang Panguluhang Diyos ay nagkakaisa sa layunin, sa pag-uugali, sa patotoo, sa misyon. Naniniwala tayo na Sila ay kapwa puspos ng makadiyos na habag at pagmamahal, katarungan at awa, pagtitiyaga, pagpapatawad, at pagtubos. Sa palagay ko tumpak na sabihing naniniwala tayo na Sila ay iisa sa bawat mahalaga at walang hanggang aspekto ngunit hindi tayo naniniwala na Sila ay tatlong [persona] sa iisang katawan, na ideya ng mga Trinitarian na hindi kailanman itinuro sa mga banal na kasulatan dahil hindi ito totoo.
(Jeffrey R. Holland, “Ang Iisang Dios na Tunay, at Siyang Kanyang Sinugo, Sa Makatuwid Baga’y si Jesucristo,” Ensign o Liahona, Nob. 2007, 40)