Juan 7
Gawin ang Kalooban ng Diyos upang Makilala ang Kanyang Turo
Sa panahon ng Pista ng mga Tabernakulo sa Jerusalem, ipinaliwanag ni Jesus kung paano malalaman ng sinuman para sa kanilang sarili na ang doktrinang itinuro Niya ay mula sa Ama sa Langit. Ang lesson na ito ay tutulong sa iyo na matuklasan kung ano ang gagawin mo upang malaman ang katotohanan ng mga turo ng Ama sa Langit at ni Jesucristo.
Iba’t ibang paniniwala tungkol kay Jesucristo
-
Ano ang ilang paniniwala ng mga tao tungkol sa kung sino si Jesucristo?
-
Bakit mahalagang malaman mo ang katotohanan tungkol kay Jesucristo anuman ang isipin ng iba?
Pag-isipan sandali kung ano ang nakaimpluwensya sa iyong mga paniniwala tungkol kay Jesucristo. Alamin kung anong mga materyal o sources ang madalas mong gamitin para maghanap ng katotohanan, at pagnilayan kung paano naiimpluwensyahan ng mga ito ang iyong mga paniniwala. Habang nag-aaral ka ngayon, alamin kung ano ang maaari mong gawin upang malaman ang katotohanan tungkol kay Jesucristo at sa Kanyang mga turo.
Dahil maraming gustong pumatay kay Jesus sa Jerusalem, pumunta Siya sa Pista ng mga Tabernakulo nang palihim (tingnan sa Juan 7:1, 10). Habang hinahanap ng mga Judio si Jesus, at sa buong pista, ibinahagi ng mga tao sa isa’t isa ang kanilang magkakaibang opinyon tungkol sa kung sino si Jesus.
Upang malaman kung ano ang sinabi ng mga tao tungkol kay Jesus, pumili ng dalawa o tatlo sa mga sumusunod na reperensya, at sagutin ang mga sumusunod na tanong.
Ano ang iba’t ibang ideya ng mga tao tungkol sa kung sino si Jesus? | |
Bakit naniniwala ang ilang tao kay Jesus? | |
Bakit pinag-uusapan ng mga tao ang pinagmulan ni Jesus? | |
Ano ang napansin kay Jesus ng mga kawal na inutusang dumakip sa Kanya? | |
Paano inilarawan ng mga Fariseo ang sinumang naniniwala kay Jesus? |
-
Anong mga dahilan ang ibinigay ng mga tao kung bakit sila naniniwala o hindi naniniwala kay Jesucristo?
-
Ano ang ilang opinyon ng mga tao tungkol kay Jesucristo at sa Kanyang mga turo ngayon?
-
Paano natin malalaman ang katotohanan tungkol kay Jesucristo at sa mga itinuturo Niya?
Pag-alam sa katotohanan tungkol kay Jesucristo at sa Kanyang mga turo
Sa Pista ng mga Tabernakulo, nagpunta si Jesus sa templo upang magturo. Ipinaliwanag Niya sa mga tao roon na ang doktrinang itinuro Niya at Siya mismo ay mula sa Ama sa Langit (tingnan sa Juan 7:14, 16–18, 28–29)
Basahin ang Juan 7:17, at alamin ang sinabi ni Jesus na magagawa ng mga tao upang malaman na totoo ang itinuro ni Jesus at isinugo Siya ng Ama sa Langit.
Ang isang alituntunin na matututuhan natin mula sa talatang ito ay kung gagawin natin ang kalooban ng Ama sa Langit, malalaman natin na totoo ang Kanyang turo.
Ibig sabihin ng paggawa ng kalooban ng Ama sa Langit ay mamumuhay tayo ayon sa nais Niya. Palaging ipinamumuhay at itinuturo ng Tagapagligtas na si Jesucristo ang kalooban ng Ama sa Langit.
-
Anong mga halimbawa ang maibabahagi mo tungkol sa pagsunod ni Jesus sa kalooban ng Ama?
-
Ano ang maaaring maging mahirap tungkol sa pagpapamuhay ng isang alituntunin na hindi pa natin alam na totoo?
Ibinigay ni Pangulong Bonnie L. Oscarson, dating Young Women General President, ang sumusunod na payo tungkol sa pag-alam sa katotohanan:
Kung minsan ay kabaligtaran ang ginagawa natin. Halimbawa, maaaring ganito ang pamamaraan natin: Handa akong sundin ang batas ng ikapu, pero kailangan ko munang malaman kung ito ay totoo. Siguro ipinagdarasal pa natin na magkaroon ng patotoo tungkol sa batas ng ikapu at umaasa na ibibigay sa atin ng Panginoon ang patotoong iyan bago pa man natin sulatan ang tithing slip. Hindi sa ganyang paraan mangyayari iyan. Inaasahan ng Panginoon na mananalig tayo. Dapat ay patuloy tayong magbayad ng buo at tapat na ikapu para magkaroon tayo ng patotoo sa ikapu. Angkop din ito sa lahat ng alituntunin ng ebanghelyo ito man ay batas ng kalinisang-puri, alituntunin ng disenteng pananamit, Word of Wisdom, o batas ng ayuno.
(Bonnie L. Oscarson, “Magbalik-loob Kayo,” Ensign o Liahona, Nob. 2013, 77)
-
Sa iyong palagay, bakit nais ni Jesucristo na malaman natin na nagmumula sa Ama sa Langit ang Kanyang turo at totoo ito?
-
Paano rin makatutulong sa atin ang kaalamang totoo ang turo ni Jesucristo para makilala natin Siya?
Pumili ng isa sa mga turo ng Panginoon na nais mong mapalakas pa ang iyong patotoo tungkol dito. Para sa ilang ideya tungkol sa Kanyang mga turo, maaari kang maghanap ng mga mensahe para sa mga kabataan sa huling pangkalahatang kumperensya. Maaari ka ring maghanap ng mga ideya sa buklet na Para sa Lakas ng mga Kabataan (2011) o sa magasin na Para sa Lakas ng mga Kabataan. Anyayahan ang Espiritu na tulungan kang pumili ng isa sa mga turo ng Panginoon na pagtutuunan mo na lubos na magpapala sa iyo sa panahong ito ng iyong buhay.
1. Gawin sa iyong study journal ang sumusunod na aktibidad:
Isulat ang turong pinili mo sa itaas ng isang blangkong pahina sa iyong study journal o sa isang blangkong papel. Ngayon, mag-isip ng simpleng larawan o bagay na maidodrowing mo upang kumatawan sa turong ito, at idrowing ito sa gitna ng iyong papel.
Halimbawa, maaaring pinili mong palakasin ang iyong patotoo sa Aklat ni Mormon bilang salita ng Diyos. Maaari kang magdrowing ng simpleng larawan ng Aklat ni Mormon.
Upang matulungan ka na makaisip ng mga kinakailangang gawin upang magkaroon ng patotoo tungkol sa turong pinili mo, mag-isip ng iba’t ibang gawain na maaaring nais ng Ama sa Langit na gawin mo na may kaugnayan sa turo. Magsulat ng kahit tatlong gawain sa paligid ng larawang idinrowing mo.
Isipin kung paano maaaring makaimpluwensya sa iyong ugnayan sa Ama sa Langit at kay Jesucristo ang pagkakaroon ng mas malakas na patotoo sa turong ito.
2. Sa espasyo sa ibaba ng iyong drowing, sagutin ang mga sumusunod na tanong:
-
Anong mga balakid ang maaaring makahadlang sa iyo sa pagpapamuhay ng turong ito? Paano mo madadaig ang mga balakid na ito?
-
Ano ang mahalagang maunawaan tungkol sa panahon at pagsisikap na maaaring kailanganin upang malaman na mula sa Diyos ang turong ito?
Maaari mong ibahagi ang iyong mga plano sa isang kapamilya na makatutulong sa iyo na maipamuhay ang turo at malaman na nagmula ito sa Diyos.
Opsiyonal: Gusto Mo Bang May Matutuhan Pa?
Juan 7:2. Ano ang Pista ng mga Tabernakulo?
Ang Pista ng mga Tabernakulo (tinatawag ding Pista ng mga Kubol o Kubo) ay nagsisimula at nagtatapos sa araw ng Sabbath, kaya walong araw ang pagdiriwang nito. Bahagi ng pagdiriwang na ito ang pagtatayo ng mga pansamantalang kubo na gawa sa mga sanga ng puno. Nananatili ang mga tao sa mga kubo na ito sa panahon ng pista upang ipaalala sa kanila na pinagpala ng Diyos ang Kanyang mga tao sa loob ng 40 taon habang naninirahan sila sa ilang ng Sinai.
Juan 7:17. Ano ang kahalagahan ng paghahanap ng katotohanan sa pamamagitan ng pagsunod?
Sinabi ng Tagapagligtas sa Kanyang mga disipulo na malalaman ng mga taong patuloy na sumusunod sa Kanyang mga turo ang katotohanan at ang katotohanang ito ang magpapalaya sa kanila (tingnan sa Juan 8:31–32).Ipinaliwanag ni Pangulong Dieter F. Uchtdorf ng Korum ng Labindalawang Apostol kung bakit nanaisin nating magsikap na magkaroon ng personal na patotoo sa katotohanan.
Maaaring sabihin ng ilan na napakahirap sundin ang mga hakbang o hindi ito sulit na pagsikapan. Ngunit sinasabi ko na ang personal na patotoong ito sa ebanghelyo at sa Simbahan ang pinakamahalagang bagay na maaari ninyong matamo sa buhay na ito. Hindi lamang ito magpapala at gagabay sa inyo sa buhay na ito, kundi may tuwirang epekto rin ito sa inyong buhay sa buong kawalang-hanggan.
(Dieter F. Uchtdorf, “Pagtanggap ng Patotoo sa Liwanag at Katotohanan,” Ensign o Liahona, Nob. 2014, 22)
Juan 7:39. Bakit sinabi ni Juan na “[hindi pa ipinagkakaloob ang Espiritu Santo]”?
Ang tinukoy lamang ni Juan “na wala ay ang kaloob na Espiritu Santo, dahil gumagana ang kapangyarihan ng Espiritu Santo sa mga ministeryo nina Juan Bautista at Jesus; dahil kung hindi, walang makatatanggap ng patotoo tungkol sa mga katotohanang itinuro ng kalalakihang ito [Mateo 16:16–17; tingnan din sa 1 Corinto 12:3]” (Gabay sa mga Banal na Kasulatan, “Espiritu Santo”).