Juan 8
Dinala kay Cristo ang Babaeng Nahuli sa Pangangalunya
Habang nagtuturo si Jesus sa templo, dinala sa Kanya ng ilang eskriba at Fariseo ang isang babaeng nangalunya. Tinanong nila Siya kung dapat batuhin ang babae ayon sa batas ni Moises (tingnan sa Levitico 20:10). Ang tugon ni Jesus sa kanila at sa babae ay makapagbibigay sa iyo ng magagandang kaalaman tungkol sa Kanyang katangian at makatutulong sa iyong madama ang kapangyarihan ng Kanyang awa.
Mga Katangian ni Jesucristo
-
Kailan may isang taong naging mabait sa iyo kahit sa pakiramdam mo ay hindi ka karapat-dapat dito?
-
Ano ang naging epekto nito sa iyo?
Nagpakita si Jesus ng lubos na kabaitan sa babaeng nahuling nangalunya, na nagkaroon naman ng malalim na epekto rito.Basahin ang Juan 8:1–5 at alamin kung bakit mahirap kung tutuusin na tugunan ang ganitong sitwasyon.
Nang dalhin ng mga eskriba at Fariseo ang babae kay Jesus at itinanong kung dapat itong batuhin hanggang sa mamatay, sinadya nilang ilagay si Jesus sa isang mahirap na sitwasyon (tingnan sa Juan 8:6). Kung sinabi ni Jesus na huwag batuhin ang babae, pararatangan Siya ng pagbabalewala sa batas ni Moises (tingnan sa Exodo 20:14). Kung sinabi Niyang oo, sasalungat Siya sa karaniwang pananaw ng mga tao pati na rin sa batas ng mga Romano. Hindi rin Siya makapagpapakita ng awa sa babae kung sakali, na paulit-ulit na ginagawa ni Jesus sa Kanyang ministeryo (tingnan sa New Testament Student Manual [2018], ChurchofJesusChrist.org).
Habang pinag-aaralan mo ang tugon ng Tagapagligtas sa mahirap na sitwasyong ito, matutukoy mo ang ilang katangian na makatutulong sa iyo na mas maunawaan ang katangian ng Tagapagligtas. Ang paghahanap ng mga katangian ng Tagapagligtas ay isang kasanayan na magagamit mo sa iyong pag-aaral ng Bagong Tipan. Ang pag-unawa sa mga katangiang ito ay makadaragdag sa hangarin mong mas mapalapit kay Cristo.
Basahin ang Juan 8:6–11 at alamin ang mga katangian ni Jesucristo na makikita natin sa Kanyang pakikipag-usap sa mga nagpaparatang at sa babae.
-
Anong mga katangian ang ipinakita ng Tagapagligtas sa Kanyang pakikipag-usap sa mga lalaking nagparatang sa babae?
-
Anong mga katangian ang ipinakita ng Tagapagligtas sa paraan ng pakikitungo Niya sa babae?
-
Anong mga parirala sa mga banal na kasulatan ang naglalarawan sa mga katangiang ito?
Maaari mong markahan ang mga parirala sa Juan 8:6–11 na nagpapakita ng mga katangiang ito ni Jesus. Pansinin na hindi ipinagkaloob ng Tagapagligtas sa babaeng ito ang kapatawaran sa kanyang mga kasalanan noong sandaling iyon, ngunit sa halip ay hinikayat siyang “humayo ka na at mula ngayo’y huwag ka nang magkasala” (Juan 8:11).
-
Alin sa mga katangiang ito ang gusto mong mas pagbutihin pa? Bakit?
-
Paano ka magpapatulong sa Tagapagligtas para mas mapagbuti o mapalakas mo pa ang katangiang ito sa iyong buhay?
Ang awa ng Tagapagligtas ang naghihikayat sa ating magbago
Isa sa mga banal na katangian ni Jesucristo ang pagiging maawain Niya. “Ang awa ay ang mahabaging pagtrato sa isang tao nang higit pa sa nararapat” (Mga Paksa ng Ebanghelyo, “Awa,” topics.ChurchofJesusChrist.org).
Ibinigay ni Elder Dale G. Renlund ng Korum ng Labindalawang Apostol ang mga sumusunod na kaalaman tungkol sa mahabaging awa ng Tagapagligtas at ang epekto nito sa babae:
Walang alinlangang hindi kinunsinti ni Jesus ang pangangalunya. Ngunit hindi rin Niya [kinundena] ang babae. Hinikayat Niya itong magbagumbuhay. Nahikayat itong magbago dahil sa Kanyang habag at awa. Ang Joseph Smith Translation ng Biblia ay nagpapatunay na naging disipulo ito: “At niluwalhati ng babae ang Diyos mula nang oras na iyon, at naniwala sa kanyang pangalan” [Joseph Smith Translation, John 8:11 (sa John 8:11, footnote c)].
(Dale G. Renlund, “Ang Ating Mabuting Pastol,” Ensign o Liahona, Mayo 2017, 30)
-
Ano ang naging epekto sa babae ng awa ng Tagapagligtas?
-
Sa iyong palagay, bakit nagkaroon ng ganoong uri ng epekto ang Kanyang awa?
-
Paano nakaaapekto sa nadarama mo tungkol sa Ama sa Langit at kay Jesucristo ang nalaman mo na Sila ay maawain?
Bagama’t hindi kinukunsinti ng Tagapagligtas ang kasalanan, Siya ay mapagpatawad. Nais Niyang mahikayat kang magsisi at patuloy na magsikap na maging mas mabuti.
1. Hingin ang patnubay ng Ama sa Langit sa pamamagitan ng Espiritu habang sinasagutan mo ang mga sumusunod na tanong. Isulat sa iyong study journal ang mga sagot mo:
-
Ano ang natutuhan mo tungkol sa Tagapagligtas ngayon na humihikayat sa iyo na magsisi at patuloy na magsikap na maging katulad Niya?
-
Ano sa palagay mo ang nais ng Tagapagligtas na gawin o baguhin mo sa iyong buhay habang nagsusumikap kang maging higit na katulad Niya?
Opsiyonal: Gusto Mo Bang May Matutuhan Pa?
Paano tayo napagpapala ng awa ng Tagapagligtas?
Tungkol sa pagnanais ng Tagapagligtas na patuloy tayong magsikap na magbago kapag nagkakamali tayo, itinuro ni Elder Lynn G. Robbins ng Pitumpu:
Kahit nagpapasalamat tayo sa mga ikalawang pagkakataon kasunod ng mga pagkakamali, o kabiguang makaunawa, namamangha tayong lahat sa biyaya ng Tagapagligtas na nagbibigay sa atin ng ikalawang pagkakataong madaig ang kasalanan, o mga kabiguan sa ating mga pasiya.
Wala nang higit na panig sa atin kaysa sa Tagapagligtas. … Para maging katulad Niya, kailangan ng napakaraming ikalawang pagkakataon sa ating araw-araw na mga pakikibaka sa likas na tao, tulad ng pagpigil sa mga pagnanasa, pagkatutong magtiyaga at magpatawad, pagdaig sa katamaran, pag-iwas na magkaroon ng mga pagkukulang, at marami pang iba. …
Walang hanggan ang pasasalamat ko sa mapagmahal na kabaitan, tiyaga, at mahabang pagtitiis ng mga Magulang sa Langit at ng Tagapagligtas, na nagbibigay sa atin ng napakaraming ikalawang pagkakataon sa ating paglalakbay pabalik sa Kanilang piling.
(Lynn G. Robbins, “Hanggang sa Makapitongpung Pito,” Ensign o Liahona, Mayo 2018, 22–23)
Paano ako magiging mas maawain tulad ng Tagapagligtas?
Itinuro ni Pangulong Dieter F. Uchtdorf ng Unang Panguluhan:
Sa mundong puno ng mga pagpaparatang at kasungitan, madaling humanap ng dahilan para kasuklaman at hindi igalang ang isa’t isa. Ngunit bago natin ito gawin, alalahanin natin ang mga salita ng isang Nilalang na ating Panginoon at huwaran: “Ang walang kasalanan sa inyo, ay siyang unang bumato sa kanya” [Juan 8:7].
Mga kapatid, ibaba natin ang ating mga bato.
Maging mabait tayo.
Magpatawad tayo.
Mahinahon nating kausapin ang isa’t isa.
Hayaang mapuno ng pag-ibig ng Diyos ang ating puso.
“Magsigawa tayo ng mabuti sa lahat” [Mga Taga Galacia 6:10].
(Dieter F. Uchtdorf, “Ang Mahabagin ay Kahahabagan,” Ensign o Liahona, Mayo 2012, 76)
Itinuro ni Elder Dale G. Renlund ng Korum ng Labindalawang Apostol:
Upang maging katulad ni Cristo, ang isang tao ay dapat umibig sa kaawaan. Ang mga taong umiibig sa kaawaan ay hindi mapanghusga; sila ay nagpapakita ng pagkahabag sa kapwa, lalo na sa mga taong kapus-palad; sila ay mapagmahal, mabait, at marangal. Pinakikitunguhan ng mga indibiduwal na ito ang lahat nang may pag-ibig at pag-unawa, anuman ang mga katangian nila tulad ng lahi, kasarian, relihiyon, oryentasyong seksuwal, estado sa lipunan, at mga pagkakaiba sa lipi, angkan, o nasyonalidad. Ang mga ito ay napangingibabawan ng pag-ibig na tulad ng kay Cristo.
(Dale G. Renlund, “Gumawa nang may Katarungan, Umibig sa Kaawaan, at Lumakad na may Kapakumbabaan na Kasama ng Diyos,” Ensign o Liahona, Nob. 2020, 111)
Paano nagpakita ng awa ang Tagapagligtas nang hindi kinukunsinti ang maling pag-uugali?
Itinuro ni Pangulong Dallin H. Oaks ng Unang Panguluhan:
Malinaw na hindi binigyang-katwiran ng Panginoon ang kasalanan ng babae. Sinabi lamang Niya rito na hindi Niya ito kinukundena—ibig sabihin, hindi Siya magbibigay ng huling paghatol sa kanya sa sandaling iyon. … Ang babaeng nahuling nangangalunya ay binigyan ng panahong magsisi, panahong naipagkait sana ng mga taong gusto siyang batuhin.
(Dallin H. Oaks, “‘Judge Not’ and Judging,” Ensign, Ago. 1999, 8)