Juan 9
Pinagaling ni Jesus ang Isang Lalaking Bulag
Pinagaling ni Jesus ang isang lalaking ipinanganak na bulag. Tinanong ng mga Fariseo ang lalaking ito at pinalayas siya mula sa sinagoga dahil tumanggi siyang tawaging makasalanan si Jesus dahil sa pagpapagaling sa araw ng Sabbath. Hinanap ng Tagapagligtas ang lalaki, at sinamba ng lalaki si Jesus bilang Anak ng Diyos. Ang lesson na ito ay makatutulong sa iyo na maunawaan kung paano mapapalakas ang iyong patotoo sa pamamagitan ng pananatiling tapat sa nalalaman mo tungkol sa Tagapagligtas, maging sa paghihirap.
Pananatiling tapat kay Jesucristo
Kunwari ay binigyan ka ng isang kahon na naglalaman ng dilaw na rosas.
-
Paano ka tutugon kung sasabihin sa iyo na kulay rosas ito ng ibang tao na hindi nakakita sa rosas na nasa kahon?
Kung minsan ay maaaring may makaharap tayong mga indibiduwal o ideya na salungat sa ating kaalaman at mga patotoo tungkol kay Jesucristo. Bagama’t napatotohanan na sa atin ng Espiritu ang mga katotohanan tungkol kay Jesucristo, maaaring subukan ng iba na pabulaanan ang mga katotohanang iyon.
-
Nahaharap ka ba sa anumang pagsalungat sa iyong mga pagsisikap na manatiling tapat sa nalalaman mo tungkol kay Jesucristo?
-
Kung gayon, ano ang naging epekto nito sa buhay mo?
Sa Juan 9, matututuhan mo ang tungkol sa isang lalaking bulag na pinagaling ng Panginoon. Ang isa sa mga alituntunin na matututuhan natin mula sa halimbawa ng lalaking ito ay kapag nanatili tayong tapat sa nalalaman natin tungkol kay Jesucristo kahit na nahaharap tayo sa pagsalungat, lalakas ang ating mga patotoo tungkol sa Kanya. Maghanap ng katibayan ng alituntuning ito habang pinag-aaralan mo ang salaysay sa Juan 9.
Basahin ang Juan 9:1–12, at alamin ang natutuhan ng lalaking bulag tungkol kay Jesus.
-
Sa bahaging ito, ano ang nalalaman ng lalaking ito tungkol kay Jesus?
Matapos gumaling ang lalaking bulag, nagtalo ang ilang tao kung siya ba talaga ang lalaking ipinanganak na bulag, habang iniisip naman ng iba kung paano siya napagaling. Dinala siya sa mga Fariseo, na nagalit dahil isinagawa ang himala sa araw ng Sabbath. Sinimulan nilang tanungin ang lalaki. Tinanong din ng mga Fariseo ang kanyang mga magulang, ngunit tumanggi ang kanyang mga magulang na sagutin ang mga Fariseo, dahil natakot silang mapalayas sa sinagoga kung susuporta sila kay Jesus. Muling tinanong ng mga Fariseo ang lalaki tungkol sa kanyang paggaling. (Tingnan sa Juan 9:13–34.)
Basahin ang mga talata 11, 17, 25, at 30–33, at isulat ang sinabi ng lalaki tungkol kay Jesus.
1. Sagutin sa iyong study journal ang dalawa sa mga sumusunod na tanong:
-
Sa kuwento ng lalaking bulag, anong katibayan ang nakita mo para sa alituntunin na kapag nanatili tayong tapat sa nalalaman natin tungkol kay Jesucristo kahit na nahaharap tayo sa pagsalungat, lalakas ang ating mga patotoo tungkol sa Kanya?
-
Sa iyong palagay, paano mas naunawaan ng lalaking ito kung sino si Jesus?
-
Ano ang itinuturo sa iyo ng mga pahayag ng lalaking ito tungkol kay Jesucristo?
Dahil patuloy na sinabi ng lalaki na si Jesus ay mula sa Diyos, pinalayas siya ng mga Fariseo sa sinagoga (tingnan sa Juan 9:34).
Basahin ang Juan 9:35–38, at alamin kung paano nagministeryo ang Tagapagligtas sa lalaki.
2. Sagutin sa iyong study journal ang tatlo sa mga sumusunod na tanong:
-
Paano napalakas ang patotoo ng lalaking ipinanganak na bulag nang manatili siyang tapat sa nalalaman niya tungkol sa Tagapagligtas?
-
Paano mapalalakas ang ating mga patotoo kay Jesucristo kapag matatag tayong naninindigan sa mga pagsalungat o sa mga pagsubok sa pananampalataya?
-
Ano ang matututuhan natin tungkol sa mga katangian ni Jesucristo mula sa pakikipag-ugnayan Niya sa lalaking ipinanganak na bulag?
-
Paano tinulungan ng Tagapagligtas ang lalaking bulag para mapalakas ang patotoo nito? Paano Niya tayo tinutulungan na palakasin ang ating mga patotoo?
-
Paano makatutulong sa iyo ang natutuhan mo tungkol sa Tagapagligtas sa salaysay na ito sa pagharap sa pagsalungat ngayon o sa hinaharap?
Opsiyonal: Gusto Mo Bang May Matutuhan Pa?
Juan 9:1–3. Bakit naniniwala ang mga disipulo ni Jesus na ang pagkabulag ng lalaki ay bunga ng kasalanan?
Itinuro ni Pangulong Boyd K. Packer (1924–2015) ng Korum ng Labindalawang Apostol:
Karaniwan na sa mga magulang ng mga batang [may kapansanan] na itanong sa kanilang sarili, “Ano ang nagawa naming pagkakamali?” Ang ideya na ang lahat ng pagdurusa ay tuwirang bunga kahit paano ng kasalanan ay itinuro na noon pa mang sinaunang panahon. Maling doktrina ito. Ang palagay na iyan ay tanggap din ng ilan sa mga naunang disipulo hanggang sa iwinasto sila ng Panginoon.
“Sa kanyang paglalakad, nakita niya ang isang lalaking bulag mula pa sa kanyang pagkapanganak.
“Tinanong siya ng kanyang mga alagad, Rabi, sino ang nagkasala, ang taong ito, o ang kanyang mga magulang, kaya siya’y ipinanganak na bulag?
“Sumagot si Jesus, Hindi dahil sa ang taong ito’y nagkasala, o ang kanyang mga magulang man: kundi upang mahayag sa kanya ang mga gawa ng Diyos.” (Juan 9:1–3.)
Hindi dapat makonsiyensya tungkol sa [mga kapansanan]. Ang ilang [kapansanan] ay maaaring bunga ng kawalang-ingat o pang-aabuso, at ang ilan ay bunga ng adiksiyon ng mga magulang. Ngunit karamihan sa mga ito ay hindi bunga ng mga ito. Ang mga pasakit ay dumarating sa mga walang-muwang.
(Boyd K. Packer, “The Moving of the Water,” Ensign, Mayo 1991, 7–8)
Ano ang naranasan ng lalaking bulag matapos manampalataya sa Tagapagligtas?
Itinuro ni Pangulong Howard W. Hunter (1907–95):
Ngayon, naibigay na ang paningin nang dalawang beses—ang una ay upang mapagaling ang pagkabulag mula pagkapanganak at ang pangalawa ay upang makita ang Hari ng mga Hari bago Siya umakyat sa Kanyang trono sa kawalang-hanggan. Pinagaling ni Jesus ang pisikal na paningin at ang espirituwal na paningin. Nagbigay Siya ng liwanag sa isang madilim na lugar, at tinanggap ng lalaking ito ang liwanag at nakakita tulad ng marami pang iba sa panahon niya at sa panahon natin ngayon.
(Howard W. Hunter, “The God That Doest Wonders,” Ensign, Mayo 1989, 16–17)
Ano ang pakiramdam ng makatanggap ng espirituwal na paningin sa ating buhay?
Itinuro ni Pangulong Thomas S. Monson (1927–2018):
Yaong mga nakadama ng dantay ng kamay ng Guro ay hindi maipaliwanag ang pagbabagong dumating sa kanilang buhay. May hangaring mamuhay nang mas mainam, maglingkod nang mas tapat, lumakad nang mapakumbaba, at maging higit na katulad ng Tagapagligtas. Nang mamulat ang kanilang mga matang espirituwal at masulyapan ang mga pangako ng walang hanggan, inuulit nila ang mga salita ng bulag na lalaking binigyan ng paningin ng Panginoon: “Isang bagay ang nalalaman ko, na, bagaman ako’y naging bulag, ngayo’y nakakakita ako.” [Juan 9:25].
(Thomas S. Monson, “Sabik sa Paggawa,” Ensign o Liahona, Nob. 2004, 58)
Juan 9:22, 34–35. Ano ang kahulugan ng mapalayas mula sa sinagoga?
“Ang mga sinagoga ay nagsilbing sentro ng relihiyon at pagtitipon ng maraming komunidad ng mga Judio. Sa mga sinagoga natatamo ang espirituwal na pag-aaral at pagsamba, gayon din ang mga oportunidad na pang-edukasyon at panlipunan. Dahil mahalaga ang sinagoga sa lipunan ng mga Judio, ang mapalayas mula sa sinagoga … ay hindi lamang nangangahulugang ikaw ay natiwalag at hindi na kasama sa mga gawaing panrelihiyon ng komunidad. Nangangahulugan din ito na hindi ka na kasali sa mga gawaing pangkultura at panlipunan. Ang kaparusahang ito ay tila matindi kaya ayaw masangkot ng mga magulang ng lalaking ipinanganak na bulag sa pagsisiyasat tungkol sa himalang ito” (New Testament Student Manual [2014], 230).