Mateo 26:36–46; Lucas 22:39–46, Bahagi 2
Paano Maiimpluwensyahan ng Pagdurusa ng Tagapagligtas sa Getsemani ang Aking Buhay?
Ito ang ikalawa sa lesson na may dalawang bahagi tungkol sa pagdurusa ng Tagapagligtas sa Getsemani at sa kahalagahan ng doktrina nito. Bilang bahagi ng Kanyang Pagbabayad-sala, inako ni Jesucristo ang ating mga kasalanan, pasakit, karamdaman, at kahinaan. Dahil sa Kanyang nagbabayad-salang sakripisyo, natutulungan Niya tayo sa mga hamong kinakaharap natin sa mortalidad. Layunin ng lesson na ito na tulungan kang madama na higit na kinakailangan mo ang lakas at tulong na maibibigay sa iyo ni Jesucristo sa pamamagitan ng Kanyang Pagbabayad-sala.
Bakit kailangang magdusa nang labis si Jesuscristo?
Isipin ang sumusunod na sitwasyon.
Ang kaibigan mong si Chandler ay interesadong matuto pa tungkol sa Simbahan sa nakalipas na ilang buwan. Naglaan siya ng maraming oras sa tahanan ninyo upang mas mapag-aralan pa ang tungkol sa ebanghelyo at ilang beses pa siyang nakibahagi sa pag-aaral ng banal na kasulatan kasama ang iyong pamilya. Isang gabi, matapos pag-aralan ang mga pangyayaring nauugnay sa pagdurusa ng Tagapagligtas sa Getsemani, itinanong ni Chandler, “Bakit kailangang magdusa nang labis si Jesus?”
-
Paano mo sasagutin ang tanong ni Chandler?
Isipin ang iyong mga nadarama tungkol kay Jesucristo at sa Kanyang Pagbabayad-sala. Kapag iniisip mo ang Kanyang nagbabayad-salang sakripisyo, ano ang mga tanong mo? Paano nakakaapekto sa nadarama mo tungkol sa Kanya ang kaalamang nagdusa Siya para sa iyo? Binigyang-diin sa nakaraang lesson (“Mateo 26:36–46; Lucas 22:39–46, Bahagi 1”) ang marami sa mga detalye ng pagdurusa ng Tagapagligtas sa Getsemani. Maglaan ng ilang sandali upang muling pag-aralan ang Mateo 26:36–39 at Lucas 22:41–44. Maghanap ng mga partikular na salita o parirala, kabilang na ang mga maaaring nasalungguhitan mo, na makabuluhan sa iyo tungkol sa Tagapagligtas at naglalarawan sa naranasan Niya sa Getsemani.
Paggamit ng makabagong paghahayag upang mas maunawaan ang pagdurusa ng Tagapagligtas
Kung wala ang pagpapala ng makabagong paghahayag na natanggap ni Propetang Joseph Smith tungkol sa Tagapagligtas at sa Kanyang Pagbabayad-sala, marami tayong hindi mauunawaan tungkol sa pinagdusahan ni Jesucristo, sa Getsemani at sa krus, bilang bahagi ng Kanyang Pagbabayad-sala at kung bakit Niya pinagdusahan ang mga bagay na ito.
Basahin ang Doktrina at mga Tipan 19:16–19, at alamin ang itinuro ni Jesucristo tungkol sa Kanyang pagdurusa.
-
Ano ang ipinaunawa sa iyo ng mga talatang ito tungkol sa dahilan kung bakit labis na nagdusa si Jesucristo?
-
Ano ang ipinaunawa ng mga talatang ito tungkol sa pagmamahal ng Tagapagligtas sa iyo?
Basahin ang Alma 7:11–13, at kumpletuhin ang sumusunod na talahanayan sa iyong study journal. Maaaring makatulong na malaman na ang ibig sabihin ng salitang tutulungan sa talata 12 ay “paginhawahin o saklolohan” (Dallin H. Oaks, “Pinalakas ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo,” Liahona, Nob. 2015, 61).
Ano ang pinagdusahan o inako ng Tagapagligtas? |
Ano ang nagagawa ni Jesucristo para sa atin dahil sa Kanyang Pagbabayad-sala? |
---|---|
Ano ang pinagdusahan o inako ng Tagapagligtas? | Ano ang nagagawa ni Jesucristo para sa atin dahil sa Kanyang Pagbabayad-sala? |
Ano ang pinagdusahan o inako ng Tagapagligtas? | Ano ang nagagawa ni Jesucristo para sa atin dahil sa Kanyang Pagbabayad-sala? |
Ano ang pinagdusahan o inako ng Tagapagligtas? | Ano ang nagagawa ni Jesucristo para sa atin dahil sa Kanyang Pagbabayad-sala? |
-
Ano ang natutuhan mo mula sa mga talatang ito tungkol sa pinagdusahan ni Jesucristo at kung bakit Niya pinagdusahan ang mga ito?
-
Paano pinagpapala ng mga pagdurusa ng Panginoon sa Getsemani ang bawat isa sa atin?
Ang isang katotohanang matututuhan natin mula sa Alma 7:11–13 ay nagdusa si Jesucristo upang iligtas tayo mula sa kasalanan at kamatayan at tulungan tayo sa mga hamon ng mortalidad. Maaari mong isulat ang katotohanang ito sa iyong mga banal na kasulatan. Maaari mo ring isulat ang katotohanang ito at ang iyong mga sagot sa mga sumusunod na tanong sa iyong study journal.
-
Alin sa mga pagpapalang nakalista sa pangalawang column ng iyong talahanayan ang pinakamakabuluhan para sa iyo na maranasan ngayon? Bakit?
-
Kailan mo naranasan ang pag-asa, kapayapaan, kapanatagan, o lakas na maaaring dumating sa iyo sa pamamagitan ng nagbabayad-salang pagdurusa ni Jesucristo?
ChurchofjesusChrist.org
Upang matutuhan pa ang tungkol sa kung paano mapagpapala ng Tagapagligtas ang ating buhay dahil sa Kanyang Pagbabayad-sala, pag-aralan ang ilan sa mga turo ng ating mga lider ng Simbahan sa bahaging “Opsiyonal: Gusto Mo Bang May Matutuhan Pa?” na matatagpuan sa katapusan ng lesson na ito.
Opsiyonal: Gusto Mo Bang May Matutuhan Pa?
Sa paanong mga paraan makakaapekto ang Pagbabayad-sala ng Tagapagligtas sa ating buhay?
Pangulong Dallin H. Oaks ng Unang Panguluhan:
Ang pagkakataong mapatawad sa ating mga kasalanan ang pangunahing kahulugan ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo. …
Tiniis ng ating Tagapagligtas at Manunubos ang hindi maunawaang pagdurusa upang maging sakripisyo para sa mga kasalanan ng lahat ng mortal na magsisisi. Inialay ng nagbabayad-salang sakripisyong ito ang sukdulang kabutihan, ang dalisay na korderong walang bahid-dungis para sa sukdulang kasamaan, ang mga kasalanan ng buong sanlibutan. Binuksan nito ang pintuan para malinis ang bawat isa sa atin sa ating personal na mga kasalanan upang muli tayong tanggapin sa kinaroroonan ng ating Diyos Amang Walang Hanggan. Ang bukas na pintuang ito ay para sa lahat ng anak ng Diyos.
(Dallin H. Oaks, “Ano ang Nagawa ng Ating Tagapagligtas para sa Atin?,” Liahona, Mayo 2021, 76)
Elder Dale G. Renlund ng Korum ng Labindalawang Apostol:
Sa mga di-makatarungang sitwasyon, ang isa sa ating mga gagawin ay magtiwala na “lahat ng di-makatarungan sa buhay ay naiwawasto sa pamamagitan ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo” [Mangaral ng Aking Ebanghelyo: Gabay sa Paglilingkod ng Misyonero (2004), 57]. Dinaig ni Jesucristo ang sanlibutan at “tinanggap” ang lahat ng kawalang-katarungan. Dahil sa Kanya, maaari tayong magkaroon ng kapayapaan sa mundong ito at magalak. Kung hahayaan natin Siya, ilalaan ni Jesucristo ang kawalang-katarungan para sa ating kapakinabangan. Hindi lamang Niya tayo aaluin at ibabalik ang nawala; gagamitin Niya ang kawalang-katarungan para sa ating kapakinabangan.
(Dale G. Renlund, “Nakagagalit na Kawalang-Katarungan,” Liahona, Mayo 2021, 43)
Elder Ulisses Soares ng Korum ng Labindalawang Apostol:
Pinatototohanan ko na kapag tunay nating pinagsisisihan ang ating mga kasalanan, pinahihintulutan natin ang nagbabayad-salang sakripisyo ni Cristo na maging ganap na mabisa sa buhay natin. Magiging malaya tayo mula sa pagkaalipin ng kasalanan, makahahanap ng kagalakan sa ating paglalakbay sa mundo, at magiging karapat-dapat na tumanggap ng walang-hanggang kaligtasan, na inihanda mula pa sa pagkakatatag ng daigdig para sa lahat ng naniniwala kay Jesucristo at lumalapit sa Kanya.
(Ulisses Soares, “Jesucristo: Ang Tagapag-alaga ng Ating Kaluluwa,” Liahona, Mayo 2021, 83)
Elder Michael John U. Teh ng Pitumpu:
Isang nag-iibayong pag-unawa na ang Pagbabayad-sala ni Jesucristo ay personal na angkop sa atin at tutulungan ang bawat isa sa atin na makilala Siya. Kadalasa’y mas madali para sa atin ang isipin at banggitin ang Pagbabayad-sala ni Cristo sa karaniwang mga kataga kaysa kilalanin ang personal na kabuluhan nito sa ating buhay. Ang Pagbabayad-sala ni Jesucristo ay walang katapusan at walang hanggan at sumasakop-sa-lahat ang lawak at lalim ngunit lubos na personal at pang-indibiduwal sa mga epekto nito. Dahil sa Kanyang nagbabayad-salang sakripisyo, may kapangyarihan ang Tagapagligtas na isa-isa tayong linisin, pagalingin, at palakasin.
(Michael John U. Teh, “Ang Ating Personal na Tagapagligtas,” Liahona, Mayo 2021, 99)
Sister Reyna I. Aburto, pangalawang tagapayo sa Relief Society General Presidency:
Sa pamamagitan ng nakapagtutubos na Pagbabayad-sala at ng maluwalhating Pagkabuhay na Mag-uli ni Jesucristo, ang mga nasaktang puso ay mapaghihilom, ang hinagpis ay mapapalitan ng kapayapaan, at ang kabiguan ay mapapalitan ng pag-asa. Mayayakap Niya tayo sa Kanyang bisig ng awa, pinapanatag, pinalalakas, at pinagagaling ang bawat isa sa atin.
(Reyna I. Aburto, “Hindi Nagtagumpay ang Libingan,” Liahona, Mayo 2021, 86)