Mateo 26:36–46; Lucas 22:39–46, Bahagi 1
Nagdusa si Jesucristo sa Halamanan ng Getsemani
Sa Halamanan ng Getsemani, naranasan ni Jesucristo ang hindi malirip na pagdurusa bilang bahagi ng Kanyang Pagbabayad-sala. Ito ang una sa lesson na may dalawang bahagi tungkol sa pagdurusa ng Tagapagligtas sa Getsemani at sa kahalagahan ng doktrina nito. Ang layunin ng lesson na ito ay tulungan kang mas maunawaan ang nangyari sa Halamanan ng Getsemani at kung paano ito naging pagpapakita ng pagmamahal sa iyo. Sa susunod na lesson, pag-aaralan mo ang doktrina ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo at matututuhan mo kung paano ka makatatanggap ng lakas at tulong mula sa Tagapagligtas.
Ano ang nagawa ni Jesucristo para sa atin?
Ibinahagi ni Pangulong Dallin H. Oaks ang isang bahagi ng pakikipag-usap niya sa isang miyembro ng Simbahan. Panoorin ang video na “Ano ang Nagawa ng Ating Tagapagligtas para sa Atin?” mula sa time code na 0:00 hanggang 0:34. Ang video na ito ay matatagpuan sa ChurchofJesusChrist.org.
Maraming taon na ang nakararaan, nakilala ko ang isang babaeng nagsabi na pinababalik siya ng kanyang mga kaibigan sa simbahan pagkaraan ng maraming taon ng hindi pagiging aktibo, ngunit wala siyang maisip na dahilan para gawin iyon. Para mahimok siya, sinabi ko, “Kapag pinag-isipan mo ang lahat ng nagawa ng Tagapagligtas para sa iyo, marami kang dahilan para bumalik upang sumamba at maglingkod sa Kanya.” Nagulat ako nang sumagot siya ng, “Ano ang nagawa Niya para sa akin?”
(Dallin H. Oaks, “Ano ang Nagawa ng Ating Tagapagligtas para sa Atin?,” Liahona, Mayo 2021, 75)
-
Paano mo sasagutin ang tanong ng babaeng ito?
Nagdusa si Jesucristo sa Halamanan ng Getsemani
Pagkatapos kumain ng Tagapagligtas sa hapunan ng Paskua, pasimulan ang sakramento, at magtungo sa Bundok ng mga Olibo upang ibahagi ang Kanyang mga huling turo sa Kanyang mga Apostol, umalis Siya kasama sina Pedro, Santiago, at Juan patungo sa Halamanan ng Getsemani. Ang ibig sabihin ng Getsemani ay “pigaan ng langis.” Ang ilan sa pinakamahahalagang elemento ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo ay naganap sa Getsemani. Habang pinag-aaralan mo ang mga pangyayaring ito, isipin kung paano makatutulong sa iyo ang pag-unawa sa Pagbabayad-sala ni Jesucristo para malaman at madama mo ang pagmamahal ng Diyos para sa iyo.
Inilalarawan sa mga sumusunod na scripture passage ang ilan sa mahahalagang pangyayari na naganap bilang bahagi ng pagdurusa ng Tagapagligtas sa Halamanan ng Getsemani. Maaari mong kopyahin ang sumusunod na talahanayan sa iyong study journal at kumpletuhin ito habang pinag-aaralan mo ang mga talata ng mga banal na kasulatan. Maaari mo ring salungguhitan ang mahahalagang salita at parirala mula sa mga talatang ito sa iyong mga banal na kasulatan.
Basahin ang mga sumusunod na scripture passage. |
Ano ang natutuhan o nadama mo tungkol kay Jesucristo mula sa mga talatang ito? |
---|---|
Basahin ang mga sumusunod na scripture passage. | Ano ang natutuhan o nadama mo tungkol kay Jesucristo mula sa mga talatang ito? |
Basahin ang mga sumusunod na scripture passage. | Ano ang natutuhan o nadama mo tungkol kay Jesucristo mula sa mga talatang ito? |
Basahin ang mga sumusunod na scripture passage. | Ano ang natutuhan o nadama mo tungkol kay Jesucristo mula sa mga talatang ito? |
Basahin ang mga sumusunod na scripture passage. | Ano ang natutuhan o nadama mo tungkol kay Jesucristo mula sa mga talatang ito? |
Basahin ang mga sumusunod na scripture passage. | Ano ang natutuhan o nadama mo tungkol kay Jesucristo mula sa mga talatang ito? |
Ang kapalit ng pag-ibig ng Diyos
Ibinahagi ni Elder D. Todd Christofferson ng Korum ng Labindalawang Apostol kung paano ipinakita ng pagdurusa ng Tagapagligtas sa Getsemani ang Kanyang walang-hanggang pagmamahal sa atin. Panoorin ang video na “Magsipanahan sa Aking Pag-ibig” mula sa time code na 11:33 hanggang 14:02. Ang video na ito ay matatagpuan sa ChurchofJesusChrist.org.
Isipin natin ang dinanas ng Diyos dahil sa pag-ibig Niya sa atin. Inihayag ni Jesus na para mabayaran ang ating mga kasalanan at matubos tayo mula sa kamatayan, kapwa sa pisikal at sa espirituwal, ang Kanyang pagdurusa ay naging dahilan upang ang Kanyang sarili, “maging ang Diyos, ang pinakamakapangyarihan sa lahat, na manginig dahil sa sakit, at labasan ng dugo sa bawat pinakamaliit na butas ng balat, at magdusa kapwa sa katawan at sa espiritu—nagnais na kung maaari ay hindi [Niya] lagukin ang mapait na saro at manliit” [Doktrina at mga Tipan 19:18]. Ang Kanyang pagdurusa sa Getsemani at sa krus ay mas matindi kaysa makakaya ng sinumang mortal. Gayunpaman, dahil sa pag-ibig Niya sa Kanyang Ama at sa atin, nagtiis Siya, at dahil dito, mabibigyan Niya tayo kapwa ng imortalidad at ng buhay na walang hanggan.
Lubhang makahulugan na ang “dugo [ay lumabas] sa bawat pinakamaliit na butas ng balat” [Mosias 3:7] nang magdusa ang Tagapagligtas sa Getsemani, ang lugar ng pisaan ng mga olibo. Para magkaroon ng langis ng olibo sa panahon ng Tagapagligtas, pinagugulungan muna ng malaking bato ang mga olibo para mapisa. Ang “napisang” olibo ay inilalagay sa malalambot na hinabing basket, na pinagpatung-patong. Ang bigat nito ang nagpipiga ng unang katas ng pinakapurong langis. Pagkatapos ay dinadaganan pa ng malaking kahoy o troso ang patung-patong na basket para magpiga ng mas maraming langis. Sa huli, para mapiga ang pinakahuling katas, pinapatungan ng mga bato ang isang dulo ng kahoy para lalo pa itong makapagpiga. At tama, kasing-pula ng dugo ang unang langis na napiga.
Naiisip ko ang salaysay ni Mateo tungkol sa pagpasok ng Tagapagligtas sa Getsemani noong mahalagang gabing iyon—na Siya ay “nagsimulang [m]amanglaw at [m]anglumong totoo. …
“At lumakad siya sa dako pa roon, at siya’y nagpatirapa, at nanalangin, na nagsasabi, Ama ko, kung baga maaari, ay lumampas sa akin ang sarong ito: gayon ma’y huwag ang ayon sa ibig ko, kundi ang ayon sa ibig mo” [Mateo 26:37, 39].
Pagkatapos, naisip ko na nang tumindi pa ang pagdurusa, nagsumamo Siya sa ikalawang pagkakataon na lumampas ito at, sa huli, marahil ay sa pinakasukdulan ng Kanyang pagdurusa, sa ikatlong pagkakataon. Tiniis Niya ang pagdurusa hanggang sa lubos na matugunan ang hinihingi ng katarungan. Ginawa Niya ito upang matubos tayo.
Katangi-tanging kaloob ang banal na pag-ibig!
(D. Todd Christofferson, “Magsipanahan sa Aking Pag-ibig,” Liahona, Nob. 2016, 51)
-
Anong mga salita o parirala mula sa pahayag na ito ang pinakanamukod-tangi sa iyo?
-
Paano naipapakita ng pagdurusa ng Tagapagligtas sa Getsemani ang Kanyang dakilang pagmamahal sa iyo nang personal?
Nagpatotoo si Pangulong Ezra Taft Benson (1899–1994) na ang pagdurusa ng Tagapagligtas sa Halamanan ng Getsemani, at kalaunan sa Kalbaryo, “ang pinakadakilang pagpapakita ng pagmamahal sa nakatalang kasaysayan” (Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: Ezra Taft Benson [2014], 109).
Opsiyonal: Gusto Mo Bang May Matutuhan Pa?
Ano ang kahalagahan ng Getsemani?
Itinuro ni Pangulong Russell M. Nelson:
Ang salitang Getsemani ay galing sa dalawang salitang-ugat na Hebreo: gath na nangangahulugang “pigain,” at shemen na nangangahulugang “langis,” lalo na ng langis ng olibo.
Doon, ang mga olibo ay piniga sa ilalim ng mabibigat na gulong na bato upang palabasin ang mamahaling langis mula sa mga olibo. Kaya’t ang Cristo sa Halamanan ng Getsemani ay literal na piniga sa ilalim ng bigat ng mga kasalanan ng mundo. Tumulo mula sa Kanya ang malalaking patak ng dugo—ang “langis” ng Kanyang buhay—na lumabas sa bawat butas ng Kanyang balat. …
… Tandaan, tulad ng laman ng olibo, na pinipiga para sa langis na nagbigay ng liwanag, gayon din ang Tagapagligtas ay piniga. Mula sa bawat butas ng Kanyang balat ay lumabas ang dugong nagbibigay-buhay ng ating Manunubos. Sa buong masasayang araw ng inyong misyon, kapag umaapaw ang inyong saro ng kagalakan, alalahanin ang Kanyang mapait na saro na naging dahilan upang maging posible ito. At kapag may pagsubok, alalahanin ang Getsemani.
(Russell M. Nelson, “Why This Holy Land?,” Ensign, Dis. 1989, 17–18)
Ano ang nagawa ng ating Tagapagligtas para sa atin?
Sinabi ni Pangulong Dallin H. Oaks ng Unang Panguluhan:
Sa ilalim ng plano ng ating Ama sa Langit, “nilikha [ni Jesucristo] ang mga kalangitan at [ang] lupa” (Doktrina at mga Tipan 14:9) upang bawat isa sa atin ay magkaroon ng mortal na karanasang kailangan upang makamtan ang ating banal na tadhana. Bilang bahagi ng plano ng Ama, nadaig ng Pagkabuhay na Mag-uli ni Jesucristo ang kamatayan para tiyakin ang kawalang-kamatayan ng bawat isa sa atin. Ang nagbabayad-salang sakripisyo ni Jesucristo ay nagbibigay sa bawat isa sa atin ng pagkakataong pagsisihan ang ating mga kasalanan at makabalik nang malinis sa ating tahanan sa langit. Ipinapakita sa atin ng Kanyang mga kautusan at tipan ang daan, at ibinibigay ng Kanyang priesthood ang awtoridad na isagawa ang mga ordenansang mahalaga para marating ang tadhanang iyon. At kusang-loob na dinanas ng ating Tagapagligtas ang lahat ng mortal na pasakit at kahinaan upang malaman Niya kung paano tayo palalakasin sa ating mga paghihirap.
Ginawa ni Jesucristo ang lahat ng ito dahil mahal Niya ang lahat ng anak ng Diyos. Pagmamahal ang dahilan ng lahat ng ito, at gayon na ito noong una pa man.
(Dallin H. Oaks, “Ano ang Nagawa ng Ating Tagapagligtas para sa Atin?,” Liahona, Mayo 2021, 77)