Lucas 22:47–71; Juan 18:1–27
“Hindi Ko ba Iinuman ang Kopang Ibinigay sa Akin ng Ama?”
Si Jesucristo ay lubos na tapat sa paggawa ng kalooban ng Ama sa Langit. Makikita ito lalo na sa Kanyang pagdurusa sa Halamanan ng Getsemani, na sinundan ng pagdakip sa Kanya, at sa mga pangyayaring humantong sa Pagpapako sa Kanya sa Krus. Ang lesson na ito ay makatutulong sa iyo na matularan ang halimbawa ni Jesucristo sa pamamagitan ng pagpili sa kalooban ng Ama sa Langit sa iyong buhay.
Unahin ang kalooban ng Ama sa Langit at hindi ang ating sariling kagustuhan
Ipagpalagay na nakatayo ka sa harapan ng dalawang pinto. Kapag pinili mong pumasok sa unang pinto, susundin mo ang kalooban ng Ama sa Langit, ngunit may kakaharapin kang mahirap na pagsubok. Kapag pinili mong pumasok sa pangalawang pinto, matatakasan mo ang pagsubok, ngunit hindi mo magagawa ang nais ng Ama sa Langit para sa iyo.
-
Bakit maaaring piliin ng isang tao ang unang pinto? ang pangalawang pinto?
-
Ano ang alam mo tungkol sa Ama sa Langit na makatutulong sa iyo na piliing pumasok sa unang pinto?
Maglaan ng ilang sandali upang pagnilayan ang buhay ni Jesucristo at kung paano natutulad ang pagpili sa unang pinto sa kung paano Niya piniling mamuhay. Sa lesson ngayon, magkakaroon ka ng pagkakataong basahin ang tungkol sa mga piniling gawin ng Tagapagligtas sa nalalapit na pagtatapos ng Kanyang buhay sa lupa. Habang nag-aaral ka, alamin kung ano ang nagbibigay-inspirasyon sa iyo tungkol sa mga ginawa ni Jesucristo.
Si Jesucristo ay ipinagkanulo at dinakip sa Getsemani
Sa Halamanan ng Getsemani, hiniling ni Jesucristo sa Kanyang Ama na “ilayo mo sa akin ang kopang ito,” ngunit nilinaw Niya na tapat Siya sa paggawa ng kalooban ng Ama nang sabihin Niyang, “Gayunma’y huwag ang kalooban ko ang mangyari kundi ang sa iyo” (Lucas 22:42). Ang kopang sinabi ni Jesus ay tumutukoy sa Kanyang pagdurusa at kamatayan.
Basahin ang Juan 18:1–4, at alamin kung paano patuloy na ipinakita ng Tagapagligtas ang Kanyang pagiging tapat sa paggawa ng kalooban ng Ama sa Langit.
Gumawa ng listahan ng ilan sa mahihirap na bagay na alam ni Jesus na “mangyayari sa Kanya” sa mga darating na oras ngunit tinanggap Niya (talata 4).
Basahin ang Juan 18:5–11, at alamin kung paano tumugon ang Tagapagligtas sa mga armadong mandurumog na dumating upang dakpin Siya.
Para sa mga karagdagang detalye na hindi itinala ni Juan na nagpapakita ng kamangha-manghang pagmamahal at determinasyon ni Jesucristo, basahin ang Mateo 26:52–54 at Lucas 22:50–51.
-
Ano ang hinangaan mo sa pagharap ni Jesus sa mga armadong mandurumog?
-
Ano ang ipinauunawa sa iyo ng halimbawa ni Jesucristo tungkol sa pagharap sa oposisyon?
-
Sa iyong palagay, bakit nagawa ng Tagapagligtas na harapin ang mga sitwasyong ito sa paraang ginawa Niya? Ano ang itinuturo nito sa iyo tungkol sa Kanya?
Si Jesucristo ay nilitis
Matapos dakpin si Jesus, iniharap Siya sa mataas na saserdote, kay Caifas, at sa iba pang pinunong Judio. Basahin ang Lucas 22:63–65 upang malaman ang tungkol sa ilan sa di-makatarungang pagtrato na natanggap ni Jesus mula sa kanila.
-
Sa iyong palagay, bakit handang tiisin ng Tagapagligtas ang gayong malupit at di-makatarungang pagtrato?
Sa Aklat ni Mormon, itinuro nina Nephi at Abinadi kung bakit kusang-loob na hinayaan ng Tagapagligtas ang gayong pagtrato sa Kanya. Basahin ang 1 Nephi 19:8–9 at Mosias 15:5–7 para malaman kung anong mga dahilan ang isinulat nila.
Sa iyong study journal, isulat kung anong mga aral ang matututuhan mo tungkol kay Jesucristo o mula kay Jesucristo sa mga talatang ito.
Maaari kang magsulat ng ilang dahilan kung bakit mahalaga o personal na makabuluhan sa iyo na maunawaan ang mga lesson na ito.
Ang isang aral na mahalagang maunawaan mula sa mga talatang ito ay sinunod ni Jesucristo ang kalooban ng Kanyang Ama sa lahat ng bagay.
-
Sa iyong palagay, ano ang naunawaan ni Jesus tungkol sa Ama sa Langit kaya lubos Niyang sinusunod ang kalooban ng Ama sa Langit?
Mag-isip ng isang pagkakataon kung saan pinili mong sundin ang nais ng Ama sa Langit sa halip na ang sarili mong kagustuhan.
-
Ano ang mahirap sa pagpili ng mga ninanais ng Diyos sa halip na ang gusto mo?
-
Anong mga pagpapala ang natanggap mo sa pagpiling sundin ang kalooban ng Ama sa Langit kahit mahirap ito?
Magkakasunod na tanong ang itinanong ni Pangulong Russell M. Nelson tungkol sa kahandaan nating sumunod sa kalooban ng Diyos. Maglaan ng oras upang pagnilayan kung paano mo matapat na masasagot ang mga tanong na ito. Isipin kung ano ang maaari mong gawin upang makapagsabi ka ng oo sa bawat tanong.
Handa ka bang hayaang manaig ang Diyos sa iyong buhay? Handa ka bang maging pinakamahalagang impluwensya sa buhay mo ang Diyos? Hahayaan mo ba ang Kanyang mga salita, Kanyang mga utos, at Kanyang mga tipan na impluwensyahan ang ginagawa mo sa bawat araw? Mas uunahin mo ba ang Kanyang tinig kaysa sa iba? Handa ka bang unahin ang kailangan Niyang ipagawa sa iyo kaysa sa lahat ng iba pang mga ambisyon mo? Handa ka bang ipasakop ang iyong kalooban sa Kanyang kalooban?
(Russell M. Nelson, “Hayaang Manaig ang Diyos,” Liahona, Nob. 2020, 94)
Opsiyonal: Gusto Mo Bang May Matutuhan Pa?
Ano ang matututuhan natin tungkol sa Tagapagligtas mula sa Kanyang kahandaang sumunod sa Ama sa Langit?
Itinuro ni Elder David A. Bednar ng Korum ng Labindalawang Apostol na ang pagiging maamo ng Tagapagligtas ang pangunahing katangian na nagtulot sa Kanya na ipasakop ang Kanyang kalooban sa kalooban ng Ama sa Langit.
Ang patuloy na kahandaang magpasakop at malakas na pagpipigil sa sarili ng Panginoon ay kahanga-hanga at nagtuturo sa ating lahat. Nang dumating ang isang hukbo ng mga kawal sa templo at mga sundalong Romano sa Getsemani para hulihin at dakpin si Jesus, binunot ni Pedro ang kanyang tabak at tinagpas ang kanang tainga ng alipin ng mataas na saserdote [tingnan sa Juan 18:10]. Pagkatapos ay hinipo ng Tagapagligtas ang tainga ng alipin at pinagaling siya [tingnan sa Lucas 22:51]. Pansinin na tinulungan at pinagaling Niya ang taong nagtangkang dumakip sa Kanya gamit ang kapangyarihan mula sa langit na maaari Niyang gamitin para hindi Siya madakip at maipako sa krus.
… Ang pagiging maamo ng Tagapagligtas ay makikita sa Kanyang pagtugon nang may disiplina, malakas na pagpipigil, at kawalan ng hangaring gamitin ang Kanyang walang hanggang kapangyarihan para sa sariling kapakinabangan.
(David A. Bednar, “Maamo at Mapagpakumbabang Puso,” Liahona, Mayo 2018, 33)
Bakit ko gugustuhing ipasakop ang aking kalooban sa Diyos?
Itinuro ni Elder Neal A. Maxwell (1926–2004) ng Korum ng Labindalawang Apostol:
Napakarami sa atin ang … nagkakamali sa pag-aakala na, kahit paano, sa pagpapasakop ng ating kalooban sa kalooban ng Diyos, nawawala ang ating sariling pagkatao (tingnan sa Mosias 15:7). Ang totoong inaalala natin, mangyari pa, ay hindi ang pagkawala ng ating pagkatao, kundi mga makasariling hangarin—tulad ng ating mga katungkulan, ating oras, ating katanyagan, at ating mga pag-aari. Hindi nakapagtataka na iniutos sa atin ng Tagapagligtas na kalimutan ang ating sarili (tingnan sa Lucas 9:24). Iniuutos lamang Niya sa atin na kalimutan ang ating lumang sarili upang mahanap ang bagong sarili. Hindi ito nangangahulugan ng pagkawala ng pagkatao kundi ang mahanap ang tunay niyang pagkatao! …
… Ang pagpapasakop ng kalooban ng isang tao ang talagang nag-iisang personal na bagay na maihahandog natin sa altar ng Diyos. Ang maraming iba pang bagay na ating “ibinibigay,” mga kapatid, ay ang mga bagay na ibinigay o ipinahiram Niya sa atin. Gayunman, kapag sa wakas ay ipinasakop ko at ninyo ang sariling kagustuhan natin sa kalooban ng Diyos, talagang may naibibigay tayo sa Kanya! Ito lamang ang tanging pag-aari natin na talagang maibibigay natin!
(Neil A. Maxwell, “Swallowed Up in the Will of the Father,” Ensign, Nob. 1995, 23, 24)