Mateo 8:23–27; Marcos 4:35–41
Pinatigil ni Jesus ang Unos
“Guro, hindi ka ba nababahala na mapapahamak tayo?” pagsusumamo ng mga disipulo sa Tagapagligtas habang sumasalpok ang mga alon at hangin sa kanilang maliit na bangka (tingnan sa Marcos 4:37–38). Kapag pinanghihinaan tayo ng loob, maaaring kailangang-kailangan natin ng tulong at nagdududa tayo sa pagkalinga sa atin ng Tagapagligtas. Gaano man kahirap ang ating sitwasyon, si Jesucristo ay may kakayahan at kapangyarihang pagaanin ang ating mga pasanin, pawiin ang ating mga problema, at sabihin sa atin, “Pumayapa ka. Tumahimik ka.” (Marcos 4:39). Layunin ng lesson na ito na tulungan kang matanggap ang kapayapaan at kapanatagan ng Panginoon sa mga paghihirap na nararanasan mo.
Ano ang mga ikinatatakot mo?
May mga pagkakataon sa ating buhay na maaaring madama natin na tayo ay nasa gitna ng nagngangalit na unos. Kung minsan, ang mga unos na ito ng buhay ay maaaring maging dahilan upang matakot tayo.
Nagbahagi si Elder Ronald A. Rasband ng Korum ng Labindalawang Apostol ng mga halimbawa ng takot na nararamdaman natin kung minsan. Isipin ang mga takot na katulad ng maaaring nararamdaman mo.
Ang mga single adult ay natatakot gumawa ng malaking mga pangako tulad ng pagpapakasal. Ang mga bata pang mag-asawa … ay maaaring mangamba sa pagkakaroon ng anak sa patuloy na sumasamang mundo. Ang mga missionary ay natatakot sa maraming bagay, lalo na sa paglapit sa mga taong hindi nila kakilala. Natatakot ang mga balo na magpatuloy nang mag-isa. Ang mga tinedyer ay natatakot na hindi mapabilang; ang mga nasa elementarya ay natatakot sa unang araw ng pasukan; ang mga nasa kolehiyo ay nangangamba na makuha ang resulta ng kanilang mga pagsusulit. Natatakot tayo na pumalya, matanggihan, mabigo, at sa mga hindi natin alam. Natatakot tayo sa mga bagyo, lindol, at sunog na sumisira sa ating mga lupain at mga buhay. Natatakot tayong hindi mapili, at sa kabilang banda, natatakot tayong mapili. Natatakot tayo na hindi tayo sapat; natatakot tayo na walang biyaya ang Panginoon para sa atin. Natatakot tayo sa pagbabago, at ang mga takot natin ay maaaring maging malaki.
(Ronald A. Rasband, “Huwag Kayong Mabagabag,” Ensign o Liahona, Nob. 2018, 18)
Sagutin ang mga sumusunod na tanong sa iyong study journal.
-
Anong mga takot ang nararamdaman mo na katulad ng mga binanggit ni Elder Rasband?
-
Paano maaaring makaapekto ang mga takot na ito sa iyong pananampalataya? Bakit?
-
Ano ang magagawa mo para matanggap ang tulong ng Tagapagligtas upang madaig ang mga takot na ito?
Habang nag-aaral ka ngayon, hanapin ang mga katotohanan na makatutulong sa iyo na matanggap ang kapayapaan ng Panginoon na makatutulong upang mapawi ang iyong mga takot.
Isang nakatatakot na karanasan
Ang paglalarawan sa isipan ng mga pangyayari sa mga banal na kasulatan ay isang kasanayan sa pag-aaral na makapagpapaibayo sa bisa at pagkaepektibo ng iyong pag-aaral. Pag-aralan ang Marcos 4:35–38, at subukang ilarawan sa isipan ang karanasan ng mga disipulo na nakatala sa mga talatang ito.
1. Idrowing ang sumusunod sa iyong study journal. Magdagdag sa iyong larawan kapag itinagubilin sa lesson o hinikayat ng Espiritu Santo.
Magdrowing ng isang simpleng larawan ng tagpo mula sa Marcos 4:35–38 sa iyong study journal. Isama ang anumang detalye na sa palagay mo ay makatutulong. Gagamitin mo ang larawang ito sa lesson upang maiugnay ang kuwentong ito sa sarili mong buhay. Maaari mong itanong sa iyong sarili ang mga sumusunod habang nagdodrowing ka:
-
Ano ang naiisip mong hitsura ng bangka?
-
Ano kaya ang ginawa ng mga disipulo habang sumasalpok ang mga alon sa bangka?
-
Sa palagay mo, ano ang hitsura ng unos at ano ang pakiramdam habang nananalasa ito?
Isipin kung paano maaaring maging simbolo ang mga pangyayaring inilarawan sa salaysay na ito ng mga pangyayaring naganap, nagaganap, o maaaring maganap sa iyong buhay.Sa tabi ng iba’t ibang bahagi ng drowing na ginawa mo, isulat ang mga aspekto ng iyong buhay na maaaring kinakatawan ng mga elemento sa salaysay na ito sa banal na kasulatan. Halimbawa, ang bangka ay maaaring kumatawan sa mga bagay na naglalapit sa iyo sa Tagapagligtas. Ang mga alon o ang unos ay maaaring kumatawan sa mga tukso o pagsubok na nararanasan mo na nagbabantang gapiin ka.
-
Ano ang mga damdaming maaaring nadama ng mga disipulo na maiuugnay mo sa iyong sarili?
-
Kailan maaaring madama ng isang tao na hindi nakatuon ang Tagapagligtas sa mga unos ng kanilang buhay? Bakit?
Basahing muli ang Marcos 4:38, at tukuyin ang itinanong ng mga disipulo.
-
Anong mga katotohanan tungkol sa Tagapagligtas ang maaaring nalimutan nila noong nagkaroon ng malakas na unos?
Pag-aralan ang Marcos 4:39–41, at alamin ang natutuhan mo tungkol sa katangian ni Jesucristo.
-
Ano ang natutuhan mo tungkol sa katangian ni Jesucristo?
-
Anong mga katotohanan ang matututuhan natin mula sa salaysay na ito tungkol sa kakayahan ng Tagapagligtas na payapain ang mga unos ng ating sariling buhay?
Opsiyonal: Gusto Mo Bang May Matutuhan Pa?
Paano nangyari ang ganoong kalakas na unos sa ganoong kaliit na anyong tubig?
Ang Dagat ng Galilea … ay matatagpuan sa Lambak ng Jordan Rift sa halos 213 metro mula sa kapatagan ng dagat at napaliligiran ng matataas na bundok sa kanluran, hilaga, at silangan. Maaaring pabugsong bumababa ang hangin mula sa mga dalisdis ng bundok at kaagad lumilikha ng malalakas na unos na may kasamang malalaking alon sa maliit na dagat na ito.
(New Testament Student Manual[2018], 108)
Bakit binigyan ni Jesus ang mga disipulo ng magiliw na pangaral sa kawalan nila ng pananampalataya?
Ibinahagi ni Pangulong Howard W. Hunter (1907–95):
Lahat tayo ay dumanas na ng biglaang mga unos sa ating buhay. Ang ilan sa mga ito, bagama’t panandalian lamang tulad ng sa Dagat ng Galilea, ay maaaring maging marahas at nakakatakot at maaaring makapinsala. Bilang mga indibiduwal, bilang mga pamilya, bilang mga komunidad, bilang mga bansa, kahit bilang isang simbahan, nagkaroon na tayo ng mga biglang pag-ihip ng malalakas na hangin kaya kahit paano ay naitatanong natin, “Guro, hindi ka ba nababahala na mapapahamak tayo?” At palagi naman nating naririnig sa gitna ng katahimikan pagkaraan ng unos, “Bakit kayo natakot? Wala ba kayong pananampalataya?”
Walang sinuman sa atin na gustong isipin na wala tayong pananampalataya, ngunit sa palagay ko ang magiliw na pangaral ng Panginoon dito ay nararapat lang sa atin. At ang dakilang Jehova na ito, na sinasabi nating pinagtitiwalaan natin at ang pangalan ay taglay natin, ang siyang nagsabing, “Magkaroon ng isang kalawakan sa gitna ng tubig at paghiwalayin nito ang tubig.” (Gen. 1:6.) At siya rin ang nagsabing, “Magtipon ang tubig na nasa silong ng langit sa isang dako at hayaang lumitaw ang lupa.” (Gen. 1:9.) Bukod pa rito, siya rin ang humati sa Dagat na Pula, kaya’t nakadaan ang mga Israelita sa tuyong lupa. (Tingnan sa Exo. 14:21–22.) Kaya nga, hindi dapat ikagulat na kaya niyang utusan ang ilang elementong kumikilos sa Dagat ng Galilea. At dapat ipaalala sa atin ng ating pananampalataya na kaya niyang payapain ang malalaking alon sa ating buhay.
(Howard W. Hunter, “Master, the Tempest Is Raging,” Ensign, Nob. 1984, 33)
Paano maiuugnay sa akin ang kuwentong ito?
Ibinahagi ni Sister Lisa L. Harkness, dating Unang Tagapayo sa General Primary Presidency:
Bilang mortal, tayo ay may isang pag-uugali, isang tukso pa nga, kapag nasa gitna tayo ng mga pagsubok, problema, o pagdurusa, na humiyaw ng, “Guro, hindi ka ba nababahala na mapapahamak ako? Iligtas mo ako.” …
Naiisip ko na ang mga disipulo ni Jesus na nasa bangkang binabagyo, dahil kailangan, ay abalang binabantayan ang mga alon na humahampas sa gilid ng kanilang bangka at nililimas ang tubig na pumapasok dito. Naiisip ko na inaayos nila ang mga layag at sinisikap na kontrolin nang kaunti ang kanilang maliit na bangka. Ang tuon nila ay nasa pananatiling ligtas sa sandaling iyon, at ang paghingi nila ng agarang tulong ay taos-puso.
Marami sa atin ang hindi naiiba sa kanila sa ating panahon. … Sa mga panahon ng matinding kalituhan, maaaring masubukan nang husto ang ating tibay at pang-unawa. Maaari tayong gambalain ng mga alon ng takot, na magiging dahilan upang malimutan natin ang kabutihan ng Diyos, sa gayo’y lalabo ang ating paningin. Subalit sa mahihirap na bahaging ito ng ating paglalakbay hindi lamang masusubukan ang ating pananampalataya kundi mapapatibay rin.
(Lisa L. Harkness, “Pumayapa Ka, Tumahimik Ka,” Ensign o Liahona, Nob. 2020, 81)