Apocalipsis 21–22
“Ang Magtagumpay ay Magmamana ng mga Bagay na Ito”
Mailalarawan mo ba sa iyong isipan kung ano ang pakiramdam ng mamuhay na kapiling ang Diyos sa kahariang selestiyal? Sa mga huling tagpo ng kanyang dakilang paghahayag, nakita ni Juan “ang isang bagong langit at ang isang bagong lupa” at ang isang banal na lunsod na bumababa mula sa langit (tingnan sa Apocalipsis 21:1–2). Nagpatotoo siya na ang Diyos ay “maninirahang kasama nila, at sila’y magiging bayan niya” (Apocalipsis 21:3). Layunin ng lesson na ito na tulungan kang maunawaan na mahalagang pagsikapan ang pagkakataong makapiling ang Ama sa Langit at si Jesucristo sa kahariang selestiyal.
Ang huling resulta
Ipagpalagay na miyembro ka ng sports team at alam mo bago pa man na magiging kampeon ang team mo sa katapusan ng season ng paglalaro. Gayunpaman, hindi mo alam kung gaano katagal ang season ng paglalaro, at inaasahan ng coach na ibibigay ng lahat ng manlalaro ang lahat ng kanilang makakaya upang manatili sa team.
-
Paano maaaring makaimpluwensya ang kaalamang ito sa paghahanda at paglalaro mo sa bawat laro? Bakit?
-
Ano ang magiging reaksyon mo kung sunud-sunod na natalo sa ilang laro ang iyong team? Paano mo mahihikayat ang iyong mga teammate pagkatapos ng mga pagkatalong ito?
Ngayon, maglaan ng oras upang pag-isipan ang tungkol sa mga huling araw at ang Ikalawang Pagparito.
-
Gaano kalaki ang kumpiyansa mo na magtatagumpay sa huli ang kabutihan laban sa kasamaan? Ano ang makatutulong sa iyo para madagdagan ang iyong kumpiyansa?
-
Sa iyong palagay, mahalaga bang patuloy mong pagsikapang sundin ang Tagapagligtas? Bakit oo o bakit hindi?
Ang huling resulta ng digmaan ng mabuti at ng masama ay inihayag ng Diyos sa pamamagitan ng Kanyang mga propeta: ang panig ng Panginoon ang magtatagumpay. Sa panahon ng Milenyo, igagapos si Satanas at si Jesucristo ay mamumuno sa mundo nang may kapayapaan sa loob ng isang libong taon (tingnan sa Apocalipsis 20:1–4). Pagkaraan ng isang libong taong ito, si Satanas ay “inihagis sa lawa ng apoy at asupre” magpakailanman, at ang Huling Paghuhukom ay magaganap (tingnan sa Apocalipsis 20:7–15). Pagkatapos ng Huling Paghuhukom, ang mabubuti at tapat ay magmamana ng buhay na walang hanggan sa kahariang selestiyal.
Habang pinag-aaralan mo ang Apocalipsis 21–22, hingin ang tulong ng Ama sa Langit upang maragdagan ang iyong hangaring ibigay ang lahat ng iyong makakaya sa pagsisikap para sa buhay na walang hanggan at selestiyal na kaluwalhatian.
Ang simula at ang wakas
Isa sa mahahalagang pangyayaring nakita ni Juan sa kanyang pangitain ay ang tagumpay ni Jesucristo laban kay Satanas sa katapusan ng mundo. Sa Apocalipsis 21–22, inilarawan ni Juan ang tadhana ng mga taong nakipaglaban kasama ng Tagapagligtas upang daigin ang kasamaan.
Basahin ang Apocalipsis 21:1–7 , at alamin ang mga pagpapalang ibibigay ng Diyos sa matatapat. Maaari mong markahan ang mga pagpapalang makabuluhan sa iyo.
Kung gusto mong malaman pa ang tungkol sa Bagong Jerusalem na binanggit sa talata 2 , maaari mo itong hanapin sa Gabay sa mga Banal na Kasulatan .
Tandaan na sa talata 2 , ang lalaking asawa ay simbolo ng Tagapagligtas, at ang babaeng asawa ay simbolo ng Simbahan, o ng mga taong tapat na sumusunod sa Kanya.
Sa talata 7 , ang isang anak na lalaki o anak na babae ni Cristo ay ang isang taong tumutupad ng kanyang mga tipan sa Kanya.
1. Sagutin ang mga sumusunod na tanong sa iyong study journal:
-
Anong mga pagpapala na ibibigay ng Diyos sa matatapat ang pinakamakabuluhan sa iyo? Bakit?
-
Ano ang natutuhan mo tungkol sa Ama sa Langit at kay Jesucristo mula sa mga talatang ito? Bakit mahalaga para sa iyo na maunawaan ang mga bagay na ito tungkol sa Kanila?
Pagmana ng kahariang selestiyal
Kabilang sa ilan sa maraming katotohanang itinuro sa mga talatang ito ang sumusunod: Sa kahariang selestiyal, mananahan ang Diyos kasama ang Kanyang mga tao at papanatagin Niya sila, at hindi na sila daranas ng kamatayan, kalungkutan, o pasakit; at yaong mga tapat na nagtagumpay sa mga pagsubok sa buhay sa lupa ay magmamana ng mga walang hanggang pagpapala sa kahariang selestiyal.
Ipagpalagay na iniisip ng isa sa mga kaibigan mo na hindi mahalaga ang kinakailangang pagsisikap para sa kahariang selestiyal.
Maghanda ng maikling sagot na maibabahagi mo sa iyong kaibigan na makatutulong sa kanya na maunawaan na ang mahalaga ang anumang pagsisikap na ipamuhay ang ebanghelyo para sa kahariang selestiyal. Maaari mong gamitin ang ilan sa sumusunod na resources at sagutin ang mga sumusunod na tanong upang matulungan kang maihanda ang iyong sagot:
Itinuro ni Elder L. Tom Perry (1922–2015) ng Korum ng Labindalawang Apostol:
Naniniwala ako na kung makalilikha tayo sa ating isipan ng isang malinaw at tunay na larawan ng buhay na walang hanggan, sisimulan nating baguhin ang ating ugali. Hindi na kailangang hikayatin pa tayo na gawin ang maraming bagay na may kinalaman sa pagtitiis hanggang wakas, tulad ng [pagmiministering], pagdalo sa ating mga miting, pagpunta sa templo, mabuting pamumuhay, pananalangin, o pagbabasa ng mga banal na kasulatan. Nanaisin nating gawin ang lahat ng bagay na ito at ang higit pa dahil natatanto natin na ihahanda tayo ng mga ito na makapunta sa isang lugar na nais nating mapuntahan.
(L. Tom Perry, “Ang Ebanghelyo ni Jesucristo,” Liahona, Mayo 2008, 44)
Doktrina at mga Tipan 76:51–52, 59–60, 69–70
Ang ilan sa mga sumusunod na tanong ay maaaring makatulong para magabayan ka habang pinag-iisipan mo ang iyong sagot:
-
Ano ang nagpapasaya sa iyo kapag pinag-iisipan mo ang pamumuhay sa kahariang selestiyal?
-
Ano ang natutuhan mo tungkol sa Tagapagligtas na naghihikayat sa iyong sumunod sa Kanya at magsikap na matamo ang kahariang selestiyal?
-
Ano ang mga naranasan mo sa paggabay sa iyo ng Ama sa Langit at ni Jesucristo na nagpatindi sa hangarin mo na Sila ay makapiling muli?
-
Paano nakatulong sa iyo ang Kanilang pagmamahal para madama mo na matatamo ang kahariang selestiyal?
Sa apat hanggang limang pangungusap, isulat ang sasabihin mo sa iyong kaibigan.
2. Sa apat hanggang limang pangungusap, isulat sa iyong study journal ang sasabihin mo sa iyong kaibigan.
Pagnilayan sa loob ng ilang minuto ang pagmamahal ng Ama sa Langit at ni Jesucristo at ang hangarin Nilang matanggap mo ang buhay na walang hanggan. Isipin kung paano mo maipapakita ang iyong pasasalamat sa Kanilang awa at biyaya.
Opsiyonal: Gusto Mo Bang May Matutuhan Pa?
Talaga bang ginawang posible ng Ama sa Langit na makarating ako sa kahariang selestiyal?
Ang maikli at totoong sagot ay oo! Ngunit kung gusto mong matuto pa, maaari mong basahin ang “Magagawa Ninyo Ito!” ni Eric B. Murdock sa Hulyo 2021 na isyu ng magasin na Para sa Lakas ng mga Kabataan (mga pahina 24–26).
Paano ko malalaman pa ang tungkol sa kung ano ang kalagayan sa kahariang selestiyal?
Maaari mong hanapin sa Mga Paksa ng Ebanghelyo ang artikulo na “Kahariang Selestiyal” (https://www.churchofjesuschrist.org/study/manual/gospel-topics/celestial-kingdom?lang=tgl). Maaari mo ring basahin ang “Ano ang Kalagayan sa Kahariang Selestiyal” sa Hulyo 2021 na isyu ng magasin na Para sa Lakas ng mga Kabataan (pahina 31).
Apocalipsis 21:6 . Ano ang ibig sabihin kapag tinawag ni Jesus ang Kanyang sarili na “ang Alpha at ang Omega”?
Ang Alpha ang unang titik sa alpabetong Griyego. Ang ibig sabihin ng Alpha ay “ang una” o “ang simula.” Ang ibig sabihin ng Omega ay “ang panghuli sa anumang serye,” o “ang katapusan.” Kapag pinagsama mo ang dalawang salita, Alpha at Omega, ang ibig sabihin nito ay “mula sa simula hanggang sa wakas,” o “mula sa una hanggang sa huli.” Nang tukuyin si Jesus bilang Alpha at Omega, ang ibig sabihin nito ay siya ay mula pa sa simula at magiging sa katapusan sa lahat ng bagay; siya ay walang hanggan.
(Dorothy Leon, “By These Names,” Liahona, Abr. 1996)
Isa sa mga paraan na makikita natin si Jesucristo bilang Alpha at Omega ay isa Siyang miyembro ng Panguluhang Diyos at nilikha Niya ang daigdig (tingnan sa Mosias 3:8 ; Moises 1:33 ; 2:1). Pumayag din Siya na maging Tagapagligtas natin sa premortal na daigdig (tingnan sa Moises 4:2). Sa pamamagitan ni Jesucristo, tayo ay mabubuhay na mag-uli (tingnan sa 1 Corinto 15:20–22 ; Alma 11:42–44), at Siya ang ating magiging Hukom at ating Tagapamagitan sa harapan ng Ama (tingnan sa Roma 14:10–12 ; Alma 33:22 ; 3 Nephi 27:14–16 ; Doktrina at mga Tipan 45:3–5).
Ang ibig bang sabihin ng Apocalipsis 22:18–19 ay hindi na magkakaroon pa ng anumang karagdagang banal na kasulatan maliban sa Biblia?
Tinukoy ng ilang tao ang Apocalipsis 22:18–19 bilang dahilan para tanggihan ang Aklat ni Mormon at iba pang mga banal na kasulatan sa mga huling araw. Ipinaliwanag ni Elder Jeffrey R. Holland ng Korum ng Labindalawang Apostol kung bakit mali ang pangangatwirang ito sa kanyang mensaheng “Ang Aking mga Salita … ay Hindi kailanman Magwawakas” (Liahona, Mayo 2008, 91–94).